22 September 2012

SAPAT NANG KADAKILAAN


Ikadalawampu’t Limang Linggo sa Karaniwang Panahon
Mk 9:30-37 (Kar 2:12, 17-20 / Slm 53 / Snt 3: 16-4:3)

Huwag po tayong magkamali, huwag malito.  Sa Mt 18:3 nasusulat, “At winika Niya, ‘Tunay Kong sinasabi sa inyo na maliban kung kayo ay magbalik-loob at maging tulad ng maliliit na bata hinding hindi kayo makapapasok sa kaharian ng langit.”  Ngunit ang ating ebanghelyo ngayong araw na ito ay mula kay San Marko at hindi kay San Mateo.  Parang pareho ang inilalahad ng dalawang ebanghelistang ito, lalo na’t pareho nilang sinasabi na bago nangusap si Jesus nang ganito ay kinuha Niya ang isang maliit na bata at pinatayo sa harapan ng mga alagad, pero magkaiba po ang diwa ng pahayag.  Ang sabi sa ebanghelyo natin ngayong araw na ito na mula sa Mk 9:30-37 ay ito: “Ang sinumang tumanggap sa isang maliit na batang tulad nito alang-alang sa Akin ay tumatanggap sa Akin; at ang sinumang tumanggap sa Akin – hindi Ako ang kanyang tinatanggap kundi ang nagsugo sa Akin.”  Magkaibang-magkaiba po, hindi ba?  Kay San Mateo, dapat daw tayong magbalik-loob at tumulad sa maliliit na bata, samantalang kay San Marko, ang pagtanggap daw natin sa isang tulad ng maliit na bata ay pagtanggap natin kay Jesus.  Sa una ay pagtulad sa bata; pagtanggap sa bata naman ang ikalawa.  Ang ating ebanghelyo ngayong Linggong ito ay tungkol po sa ikalawa.

Basta bata maliit.  Basta bata mahina.

Kapag inisip natin ang batang-paslit, ang nakikita po ba natin sa ating isipan ay isang higante?  May musmos bang six-footer?  May matandang mukhang bata at may mga isip-batang matanda, pero wala pong batang sinlaki na agad ng magulang niya o sintalas ng isip ng kanyang guro.  Kaya nga bata kasi maliit.  Kaya maliit kasi bata.

Napansin ko kay Pipo (ang aking “Santino”: adopted son) na habang lumalaki siya ay nagiging kaabalahan niya ang kanyang taas.  Kinukumpara niya ang sarili niya sa mga kaklase niya: “Abba, out of 42 students, pang-six ako sa pinakamaliit.  Paano po ba tatangkad?”  Tapos, susukatin niya ang taas niya kung hanggang saan na sa taas ko.  At manghang-mangha ako dahil mula sa napakaliit at 1.8 kilos lamang na timbang  nang siya ay dumating sa akin, ngayon ay abot-tainga ko na siya.  Sa palagay ko, ang kaabalahan ni Pipo sa kanyang taas ay kaabalahan ng lahat ng nagbibinata at ang kamanghaan ko sa paglaki niya ay kaligayahan ng lahat ng magulang.

Ang pagiging maliit ay kaabahan.  Ang kaliitan ay kababaan ng estado sa buhay.  Sa estadong ito nabibilang hindi lamang ang mga batang paslit kundi ang lahat ng mga napapabilang sa mga hindi dinarakila ng mundo.  Wala silang maipagyayabang sa isang mundong punung-puno ng kayabangan.  Wala silang maipagmamalaki kaya maliit sila.  Wala silang maibubuga sa isang mundong punung-puno ng samu’t saring diga at palakasan ng pagbuga.

Tinatanggap ba natin sila?  Sila ang mga walang pinag-aralan, walang magandang pangalan, walang pinanghahawakang seguridad, walang impluwensya sa lipunan, walang magagarang ari-arian, walang masyadong kaibigan, walang kagandahan, walang kayamanan, walang galing, walang kinang.  Sila ang mga walang-wala at maaari ring mga nagwawala.  Tinatanggap ba natin sila?  Kabilang ba sila sa ating mga kaabalahan?  Ano ang turing natin sa kanila?  Naririnig ba natin ang pagsusumamo ni Jesus sa kanilang katahimikan?  Nakikita ba natin ang pagluha ni Jesus sa kanilang kawalan?  Ano ang ating tugon?  Ano ang ating kilos?

Si Superman lamang ang alam kong batang-paslit pa lang ay malakas na.  Napapanood ko sa telebisyon noong bata pa ako na nakalampin pa lang si Superman ay nagbubuhat na siya ng piano…nang isang kamay lang ha!  Pero kathang-isip lang po si Superman.  Hindi man tayo si Superman, kayo at ako ay mga tutoong tao.  Hindi tayo nagsimulang malalakas agad.  Isinilang tayong hubo’t hubad – agad na tanda ng ating kahinaan.  Walang sanggol na tumatayo agad; gumagapang muna.  Walang musmos na tumakbo nang hindi muna naglalakad.  Kaya nga kailangang alagaang mabuti, bantayang maigi, at mahaling matindi kasi kapag bata mahina.

Pero maraming hindi na bata subalit mahina pa rin sila: mahina ang pag-iisip, mahina ang katawan, mahina ang kalusugan, mahina ang pagtalima, mahina ang pag-asa, mahina ang pagmamahal, mahina ang pananampalataya, mahina ang mata, mahina ang tainga, mahina ang boses, mahina ang paninindigan, mahina ang loob, mahina ang pasensiya, mahina ang tuhod, mahina ang mga bisig, mahina ang tibok ng puso, mahina ang pagkatao.  At, aminin man natin o hindi, meron ding mga taong napakahina sa atin – hindi natin mapagbigyan, hindi natin mapag-aksayahan ng panahon, hindi natin mapakinggan, hindi natin madamayan – samantalang merong mga taong sobrang lakas naman sa atin.

Nasaang panig tayo sa pakikibaka ng mahihina?  Kakampi ba nila tayo o kaaway?  Paano tayo makipag-kapwa sa mga taong mahina?  Dinadamayan ba natin sila o pinagsasamantalahan?  Ano ang tingin natin sa mga may kahinaan?  Tinitingnan pa nga ba natin sila o pikit-mata tayo sa kanilang karukhaan?  Kung tinitingnan nga natin sila, hanggang tingin lang ba tayo?  Tanggap ba natin ang kahinaan ng ating kapwa o tampulan natin ito ng tukso, panunuya, at paninira?

Sa ebanghelyo natin ngayong araw na ito, pinatayo pa ni Jesus ang isang maliit na bata sa harapan ng mga alagad, pero kung tutuusin ay hindi na Niya kailangan pang gawin iyon dahil Siya mismo – si Jesus mismo – ang larawan ng pagiging maliit at mahina.  Hinubad ni Jesus ang Kanyang pagka-Diyos.  Hindi lamang Siya naging aba; hinayaan Niyang abahin Siya ng Kanyang mga kaaway.  Nagmistulang napakahina ni Jesus.  Sa Kristong nakapako sa krus, masasabi nating ang Diyos natin ay mahina.  Tanggap ba natin ang ganitong larawan ng Diyos?  Kung hindi, paano natin Siya makikita, makikilala, matatanggap, mapaglilingkuran, at mamamahal sa mga taong maliliit at mahihina?

Ang larawang ito ng maliit at mahinang Kristo ang hindi matanggap ni Simon Pedro sa ebanghelyo noong nakaraang Linggo.  Ngayong Linggong ito, kitang-kita nating hindi lang pala si Simon Pedro kundi ang buong Labindalawa ang hindi makaunawa sa imaheng ito ni Kristo.  Anupa’t samantalang isinasalysay ni Jesus sa kanila ang malagim na paghihirap at kamatayang naghihintay sa Kanya sa Jerusalem, itong Labindalawa pala ay nagtatalo pa kung sino sa kanila ang pinakadakila.  Gayunpaman, kung talagang nais nilang magpatuloy sa pagsunod kay Jesus, kailangan nilang yakapin si Jesus sa Kanyang kaliitan at kahinaan kahit pa hindi nila ito maunawaan.  Pagsapit ng Huling Hapunan, ito pa rin ang leksyong ituturo sa kanila ni Jesus sa pamamagitan ng paghuhugas Niya sa kanilang mga paa at pagkakaloob Niya sa kanila ng Kanyang sariling Katawan at Dugo.

Magpahanggang ngayon ito pa rin ang aral sa atin samantalang hindi lamang tayo nagtatalu-talo, bagkus nagbabalyahan pa, nagsisipaan pa, nagkakalmutan pa, nagtatadyakan pa, nagsisiraan pa, at, gaya ng sinasabi ni Santiago Apostol sa ikalawang pagbasa, nagpapatayan pa para lang mapatunayan kung sino ang pinakamagaling sa atin, kung sino ang pinakamakapangyarihan sa atin, kung sino ang pinakasikat sa atin, kung sino ang pinakadakila sa atin.  Kailan kaya tayo maniniwalang wala sinuman sa atin ang pinakadakila dahil si Jesus ang tunay na pinakadakila sa ating lahat?  At ang tunay na pagsumikapang tumulad sa Kanya, para sa atin, ay sapat nang kadakilaan.

0 Comments:

Post a Comment

Subscribe to Post Comments [Atom]

<< Home