08 September 2012

PANAHONG MESIYANIKO

Ikadalawampu’t Tatlong Linggo sa Karaniwang Panahon
Mk 7:31-37 (Is 35:4-7a / Slm 145 / Snt 2:1-5)

Parang isang obra maestra, ipininta ni Propeta Isaias sa unang pagbasa ang tinaguriang “Panahong Mesiyaniko” o The Messianic Age.  Parang tagpo sa isang napakagandang panaginip: “Ang mga bulag ay makakikita, at makaririnig ang mga bingi; katulad ng usa, ang pilay ay lulundag, aawit sa galak ang mga pipi.  Mula sa gubat ay bubukal ang tubig at ang mga batis ay dadaloy sa ilang; ang umuusok na buhanginan ay magiging isang lawa, sa tigang na lupa ay babalong ang tubig.”

Ngunit, nagkakamali tayo kung inaakala nating nasa isip tayo ng Propeta nang ito ay ipahayag niya.  Hindi po tayo ang nasa isip ni Propeta Isaias nang ipinta niya ang napakagandang pangitaing ito tungkol sa Panahong Mesiyaniko.  Ang kausap ng Propeta ay ang kanyang sariling bayang Israel.  Inutusan ng Panginoong Diyos si Propeta Isaias na ipahayag sa Israel – ang Kanyang Bayang Hinirang – ang mensahe ng pag-asa sa gitna ng kanilang pagdurusa sa Babilonya.

Kadalasan po, naaalala lang natin ang pagiging alipin ng mga Israelita sa Ehipto at kung paano sila pinalaya ng Diyos sa pamamagitan ni Moises at ng mga kababalaghan.  Ngunit hindi lamang miminsang naging aliping bihag ang mga Israelita.  Sa katunayan, ang kanilang kasaysayan ay batbat ng malulungkot na kabanata ng pagiging alipin at tinapong bihag, kung paaano rin namang punung-puno ito ng mga kuwento ng paglayang disin sana’y hindi nila nakamit kundi sila pinanigan ng Diyos at tinulungan sa pamamagitan ng mga himala.

Sa ating unang pagbasa ngayong Linggong ito, sa pamamagitan ni Propeta Isaias, pinalalakas ng Panginoong Diyos ang nangalulupaypay nang kalooban ng mga Israelita.  Pinatatatag niya ang kanilang mga pusong takot at sugatan dala ng kanilang pagkakatapong bihag sa Babilonya.  Di miminsan, tinanong ng mga Israelita ang Panginoong Diyos hindi lamang kung sila nga ba’y nalimutan na Niya kundi kung sila’y kinalimutan na Niya talaga.  Dahil sa walang kasimpait para sa kanila ang matagal nilang pagkakatapong-bihag sa Babilonya, halos mawalan na sila ng pag-asa.

Subalit hindi pala sila nakalimutan o kinalimutan ng Panginoong Diyos.  Sa halip, ipinasabi sa kanila ng Panginoong Diyos sa pamamagitan ni Propeta Isaias na Siya mismo ay darating at magliligtas sa kanila sa kanilang mga kaaway.  At ang pagbukas muli ng mga mata ng mga bulag upang makakita, ng mga tainga ng mga bingi upang makarinig, at ng mga lalamunan ng mga pipi upang makaawit sa galak ay mga tanda ng pagdating na ito ng Panginoong Diyos.  Ang paglundag ng dating pilay ay sagisag ng bagong kasiglahan; ang pagbukal ng tubig at batis mula sa gubat patungong ilang ay pahiwatig ng pagbibigay-buhay sa mga nauuhaw; ang pagiging lawa ng dating umuusok na buhanginan ay tanda ng pananariwa; at ang pagbalong ng tubig sa tigang na lupa ay hudyat ng pananaig ng buhay laban sa kamatayan – ang lahat ng ito sa Panahong Mesiyaniko.

Sa gitna ng kanilang kadustahan, natuto ang mga Israelita na kumapit sa Panginoong Diyos lamang.  Ngunit hindi naging madali ang lahat.  Dahil sa kanilang paulit-ulit na kataksilan sa Panginoong Diyos, naging mahirap, masakit, at matagal ang leksyong ito para sa kanila.  Subalit, matiyaga ang Panginoong Diyos sa Kanyang pagmamahal sa Israel: patuloy Siyang nagpapadala ng mga propeta – katulad ni Isaias – upang panatilihing buhay ang pag-asa ng Kanyang Bayan na may wakas din ang lahat ng kanilang paghihirap at hindi lamang manunumbalik ang dati nilang dangal kundi maitatatag ang higit pang mainam na kaharian.

Nagsimulang umiral ang kahariang ito hindi lamang sa pagdating ni Jesus kundi sa mismong katauhan Niya.  Si Jesus ang ipinangakong Mesiyas.  Ang nakaugnay sa Kanya ay masasabing namumuhay na sa Panahong Mesiyaniko sapagkat kay Jesus mismo at kay Jesus lamang mararanasan ang katuparan ng pangitain ni Propeta Isaias.  At hindi lamang ito mabuting balita kundi napakabuting balita – wala nang bubuti pa – dahil pinalawak ni Jesus ang pagiging kabilang sa Bayang Hinirang ng Diyos.  Dahil kay Jesukristo, tayo rin na hindi mga Judyo, ay napabilang na rin sa Bayan ng Diyos.  Tayo ang bagong Israel.  Tayo ang Bayang Hinirang ng Diyos sa Bagong Tipan.  Malinaw po ito sa Ebanghelyo ngayong Linggong ito.

Natupad sa isang bingi at utal ang pangitain ni Isaias.  Pinagaling ni Jesus ang lalaking bingi at utal na ipinamanhik sa Kanya.  Walang pangalan nag lalaking ito pero, batay sa konteksto ng kuwento, malamang isa siyang hentil.  Nang pagalingin Niya ang lalaking ito, si Jesus ay nasa distrito ng Decapolis – teritoryo ito ng mga pagano.  Sa popularidad ng mapaghimalang manggagamot at mangangaral mula sa Nazareth, hindi imposibleng narinig na ng mga taga-roon ang pangalan ni Jesus.  Maaaring subok lang nang lumapit sila kay Jesus para pagalingin ang lalaking utal at bingi.  Posible rin ngang sinusubukan lamang nila si Jesus at hindi naman tunay na nananalig sa Kanya.  Mga hentil sila.  Subalit hindi sila binigo ni Jesus.  Bagamat hindi sila mga Judyo, hindi mga kapanalig ni kalahi, pinagaling pa rin ni Jesus ang ipinamanhik nilang lalaking utal at bingi.  Ng mga sandali rin iyon, kongretong naranasan ng lalaking yaon ang tinatawag na Panahong Mesiyaniko at saksi ang lahat anupa’t nanggilalas nilang nasabi, “Anong buti ng lahat ng kanyang ginawa!  Nakaririnig na ang bingi, at nakapagsasalita ang pipi!”  Sigurado ako, hindi naiwasang maalala ng labindalawang apostol ang mga pahayag ni Propetea Isaias na narinig natin kanina sa unang pagbasa.  At maging ang mga apostol, tiyak ko, nagulat na pati pala mga hindi Judyo, pati pala mga hentil, ay maaaring makaranas ng Panahong Mesiyaniko.  Kung inakala nilang para lang sa Israel ang kaligtasan, puwes, nagkakamali sila.  Si Jesus ang Mesiyas, at ang lahat ng lumapit kay Jesus ay makararanas ng Panahong Mesiyaniko – Judyo o hentil man.

Effata,” wika ni Jesus nang pagalingin Niya ang lalaking bingi at utal.  Nakatutuwang makita, hindi ba, na hindi lang ang mga tainga ng lalaking pinagaling ni Jesus ang nabuksan?  Nabuksan din ang mga mata, isipan, at puso ng mga alagad!  Ang Mesiyas ay para sa lahat.  Subalit, nabuksan man ang paningin, pag-unawa, at pagmamahal ng mga alagad nang masaksihan nila ang pagpapagaling ni Jesus sa lalaking iyon, hindi agad bagkus ay unti-unti nilang natutunan na hindi pala sapat na minsanan silang maging bukas.  Minsang nabuksan, dapat pala nilang pagsikapang manatiling bukas hindi lamang sa mga kauri nila kundi sa lahat ng kanilang kapwa-tao.

Si Santiago Apostol ay isa sa mga alagad na natutunan ang aral na ito.  Kaya naman, ipinapasa niya sa atin, sa pamamagitan ng ikalawang pagbasa ngayon, ang kanyang nabatid: “Mga kapatid,” wika niya, “bilang sumasampalataya sa ating Panginoong Jesukristo, ang dakilang Panginoon, huwag kayong magtatangi ng tao.”  Pasiya raw ng Diyos mismo na silang salat sa maraming bagay maliban sa pananampalataya ay mapabilang din sa kahariang ipinangako Niya.

Mabigat ang hamon sa atin ng Salita ng Diyos.  Matapos Nitong palakasin ang ating mga nangalulupaypay na kalooban, pananagutan din nating alalayan ang sinumang pinanghihinaan ng loob.  Hindi rin lang pala tayo tagapanood sa pagbubukas ni Jesus sa mga taingang nakasara at mga lalamunang nakapinid; bagkus, sa ating pagiging saksi nito, dapat mabuksan din ang anumang saradong aspeto sa buhay natin.  Bahagi rin ng pakikibaka natin ang pagsisikap na manatiling bukas sa lahat ng tao, kauri man o hindi.

Bagamat tunay ngang hindi tayo ang Mesiyas, ang Panahong Mesiyaniko, na nagsimula na nga sa pagkakatawang-tao ni Jesus, ay hindi ganap na darating nang wala tayong gagawin.  Tularan natin si Jesus.  Maging mga “Jesus” pa tayo sa isa’t isa at sa lahat ng mga nakasasalamuha natin sa buhay na ito.  Tulungan natin si Jesus sa masalimuot ngunit mabiyayang pagbubukas.

0 Comments:

Post a Comment

Subscribe to Post Comments [Atom]

<< Home