THIS WORLD IS NEVER MEANT FOR ONE AS BEAUTIFUL AS YOU
Ikaapat na Linggo sa Karaniwang Panahon
Mt 5:1-12
Kilala n’yo po ba si Vincent Van Gogh? Kilala po siya ng maraming tao, lalo na ng mga mahilig sa paintings. Si Vincent Van Gogh ay isang Dutch artist na isinilang noong taong 1853 subalit siya ay nagpatiwakal noong taong 1890 sa Auvers, Francia. Malungkot po ang kanyang talambuhay. Sa kabila ng kanyang galing sa pagpinta, iisa lamang sa kanyang mga itinuturing ngayong obra maestra ang nabili noong nabubuhay pa siya. Alam po ba ninyo kung ilan lahat ng kanyang naipinta? Sa loob daw po ng sampung taon, humigit-kumulang siyamnaraan lahat. Marahil sa tindi ng iba’t ibang kabiguang naranasan niya sa buhay, si Vincent Van Gogh ay nagkaproblema sa kanyang pag-iisip kung kaya’t siya ay natira sa pagamutan ng mga may gayong kondisyon sa Saint-Remy-de-Provence sa bansang Francia. Doon po sa asylum ng Saint-Remy-de-Provence naipinta nitong si Van Gogh ang isa sa kanyang mga tanyag na obra maestra na pinamagatang “The Starry Night”. Hindi po kataka-taka kung bakit ang ipinamagat ni Don McLean sa napakaganda niyang awiting ito ay “Vincent”:
Starry, starry night.
Paint your palette blue and grey,
Look out on a summer's day,
With eyes that know the darkness in my soul.
Shadows on the hills,
Sketch the trees and the daffodils,
Catch the breeze and the winter chills,
In colors on the snowy linen land.
Alam ninyo, kung hindi sana siya nagpatiwakal, kahanga-hanga ang buhay nitong si Vincent Van Gogh. Sa pagnanais niyang italaga ang sarili sa paglilingkod sa ibang tao, sinubukan pala nitong si Van Gogh na mag-aral para maging ministro ng kanilang simbahan. Bago pa nga raw po siya nag-aral ng teolohiya at nagsanay sa pangangaral ng ebanghelyo sa Brussels, Belgium, isa na raw siyang lay preacher. Subalit, sa laking kabiguan niya, hindi raw po siya inirekomenda sa pagkaministro. Gayunpaman, sa pagkadalisay ng kanyang pagnanais na makapaglingkod sa kapwa, humayo siyang mag-isa bilang misyonero sa isang maralitang pamayanan ng mga minero. Sabi niya, ang karanasan daw niyang iyon ay nagbigay sa kanya ng tinatawag niyang “free course in the university of despair”.
Mahirap din si Van Gogh ngunit tinalikuran daw niya ang anumang mayroon siya upang makisalo sa buhay ng mga higit pang dukha kaysa sa kanya. Pinagtawanan daw siya dahil sa literal niyang pagsasabuhay sa Ebanghelyo. Subalit noon lamang naranasan na niya ang sukdulang pagdaralita at pangmamaliit ng kapwa tsaka niya napagtanto ang kanyang bokasyon sa pagiging isang pintor. Noon daw niya ipinasyang gawing sariling misyon ang paghatid ng konsolasyon sa mga tao sa pamamagitan ng kanyang makululay at magagandang pinta. Sa isang liham sa kapatid niyang si Theo, isinulat ni Van Gogh: “Who am I in most people’s eys? A nonentity, somebody who has no position in society and never will have. Very well then, I should want my work to show what is in the heart of such a nobody. This is my ambition which, in spite of everything is founded less on anger than on love.”
Napakalungkot po talaga ng talambuhay nitong si Vincent Van Gogh. Kaya nga po sa tindi ng pinagdaanan niyang kalungkutan, hindi na niya nakayanan at binaril niya ang kanyang sarili. Nakapanghihinayang talaga kasi po noon lamang patay na siya tsaka pinahalagahan ng sankatauhan ang kanyang mga pinta. Sa kanyang mga pinta, kahit ang pinakamaruming sulok ng buhay ay may kulay ng liwanag. Hindi man lamang niya nalaman, sa panig na ito ng buhay, na nagtagumpay nga siya sa pangarap niyang to show what is in the heart of such a nobody. Hindi pala siya nobody dahil sa pamamagitan ng kanyang mga pinta, hanggang ngayon ay napaglilingkuran niya ang sankatauhan. Sa ating panahon, ang isang pinta lamang na Van Gogh ay nagkakahalaga na ng milyun-milyong dolyares.
Nagkakaisa ang mga pagbasa natin ngayong Linggong ito sa pagtukoy sa mga hindi pinahahalagahan ng mundo. Nangungusap si Propeta Zephaniah sa mga aba at mabababang-loob: ang Diyos ang kanilang tanggulan at moog. Binabalaan naman po ni San Pablo Apostol ang mga Kristiyano sa Corinto na huwag maging mayabang sa kanilang karunungan sapagkat ugali ng Diyos na piliin ang sa palagay ng mundo ay kahangalan upang hiyain ang marurunong, at ang mahihina sa turing ng sanlibutan upang hiyain ang malalakas. (Sabihin sa katabi: “Huwag kang mayabang ha!”) Wika pa ng Apostol, pinipili ng Diyos “ang mga itinuturing ng mundo na hamak, walang-halaga, at walang-kabuluhan upang pawalang-halaga ang itinuturing na dakila ng sanlibutan.” Sa Ebanghelyo naman po, ibinibigay ni San Mateo ang hiyas ng kanyang Ebanghelyo: ang Beatitudes. Itinatampok ng Beatitudes ang mga minamaliit ng mundo at ipinahahayag kung paanong sa pamamagitan ng kanilang pamumuhay ay binibigyang-liwanag nila ang katotohanan ng Ebanghelyo ni Kristo Jesus. Sila nga, ang mga walang-sinasabi sa lipunan, sa mata ng Diyos, ang tunay na mga pinagpala, bagamat, sa mata ng mundo, ay minamalas.
Malas ka ba? (Tingnan ulit ang katabi. Sa palagay mo, tinabihan ka ng malas ngayon? Hinahabol ka ba talaga ng malas?) Naniniwala po ba kayo sa malas? Tutoo ang malas. Nillilikha natin ang malas. Hindi ito ibinabato sa atin. Bunga ito ng mali nating pamumuhay. Kaya minamalas dahil masama ang pamumuhay o mali ang pamumuhay o may kulang sa pamumuhay. Ibinibigay sa atin ni Jesus ang Beatitudes para hindi tayo malasin. Gusto n’yo po bang malasin? Sige, magbingi-bingihan kayo sa sinasabi ni Kristo sa Ebanghelyo. Pero kung away n’yong malasin, isabuhay natin ito upang, sa mata man ng mundo ay hindi tayo suwerte, sa mata naman ng Diyos, kayo ang tunay na pinagpala.
Suwerte ka ba? Sa tingin mo, ang katabi mo, sinuswerte ba? (Sabihin sa katabi: “Suwerte mo, nakatabi mo ako!”) Huwag tayong umasa sa suwerte. Manalig tayo sa biyaya ng Diyos. Ang kapalaran nating lahat ay ang maging mga pinagpala ng Diyos. Basahin natin ang Beatitudes ni Jesus at suriin natin ang ating ugali at pamumuhay kung kasama tayo sa mga tunay na pinagpala.
Ang sariling buhay ni Jesus ang pinakamahusay na komentaryo tungkol sa Beatitudes. Tinalikuran Niya ang kapangyarihan at katanyagang inaalok ng mundo. Siya ay mababang-loob. Nahapis Siya sa mga nagbubulag-bulagan sa pagsapit ng Diyos sa buhay nila. Nagutom din Siya hindi lamang para sa pagkaing nakapapawi sa hapdi ng sikmura kundi, higit sa lahat, para pagkamatuwid na dapat laging gawin. Mahabagin Siya at mapagpatawad. Dalisay ang Kanyang puso at buong-buo ito sa pagsasakatuparan ng Kanyang misyon maging sa mga panahon ng takot, sakit, at kamatayan. Hindi lamang Niya pinangarap at ipinagdasal ang kapayapaan, kumilos Siya para sa ikapaghahari ng kapayapaan at pagkakasundo. Subalit ano ang isinukli sa Kanya ng mundo?
Now I understand what you tried to say to me,
How you suffered for your sanity,
How you tried to set them free.
They would not listen, they did not know how.
Perhaps they'll listen now.
Ngunit sadya pong hindi magagapi ng masama ang mabuti, ng kasalanan ang kabanalan, ng kamatayan ang buhay, ng kamanhidan ng tao ang kasidhian ng pag-ibig ng Diyos sa kanya. Akala ng mundo, naitumba na niya si Kristo, ngunit si Kristo pa nga ang nakatindig magpahanggang ngayon. Akala ng mundo, minalas si Jesus, pero si Jesus talaga ang pinagpala. Ibinangon ng Diyos Ama si Jesus mula sa kamatayan. At kasama noon, ibinangon din ng Diyos ang lahat ng mga pagpapahalaga ni Jesus na sinasalamin ng Beatitudes. Kasama ni Jesus, babangon at itatampok ang mga nagsisikap tumulad sa Kanyang pamumuhay sa paggabay ng Beatitudes. At kung tayo nga iyon, hindi lang tayo sinuswerte; mapalad na mapalad nga tayo.
Si Vincent Van Gogh, nagpakamatay, nag-suicide, dahil hindi niya nakayanan ang lungkot ng pagturing sa kanya ng mundo. Sayang.
And when no hope was left in sight
On that starry, starry night,
You took your life, as lovers often do.
But I could have told you, Vincent,
This world was never meant for one
Sasayangin ba natin ang pagkakatong maging mapalad? Hanggang suwerte-suwerte na lang ba tayo o sadya tayong malas?