16 January 2011

WALANG LOKOHAN!

Kapistahan ng Senor Sto. Nino

Mt 18:1-5, 10


Bakit po kaya kapag sinabing pista ng Senor Sto. Nino sa Maynila, dalawang lugar sa Maynila ang agad na pumasapok sa isip ng marami: ang Sto. Nino sa Pandacan at ang Sto. Nino sa Tondo. Pandacan – dahil po kaya sa salitang “pandak”? Ang mga nino ay maliliit na tao. Tondo – dahil po kaya sa kapuna-punang napakaraming mga bata sa Tondo? (Hindi pa po binibilang d’yan ang mga isip-bata na marami rin dito sa Tondo.) Bakit po kaya Pandacan at Tondo ang dalawang lugar na iniuugnay sa Senor Sto. Nino?


Siyempre, naririyan po ang pinaka-original sa kanilang lahat: ang Sto. Nino de Cebu. Ito ang imahe ng Nino Jesus na iniregalo ni Ferdinand Magellan kay Queen Juana na asawa ni King Humabon noong ang mag-asawang ito ay bininyagang Kristiyano. Nakaligtas sa disin sana’y tiyak na pagkawasak na sanhi ng Digmaang Pandaigdigan, ang imaheng ito mismo ay kasalukuyang nakalagak sa Basilika Minor ng Senor Sto. Nino sa Cebu at dinarayo ng hindi mabilang na mga deboto.


Naalala ko po na noong nag-aaral pa sa seminaryo, binigyan kami ng group assignment. Na-assign sa grupo namin ang pag-iimbestiga sa sinasabing mga sinasapian. Noong mga panahong iyon, may nababalitaang sinasapian daw ng Sto. Nino. Pinuntahan namin ang bahay ng naturang sinasapian daw ng Sto. Nino. Tinanggap naman po kami at nagpaunlak ng panayam ang sinasapian. Kahit noong panayam namin siya, boses bata pa rin siyang magsalita. Sabi po niya, siya raw ang Sto. Nino. Ayos naman po ang panayam, hanggang isa sa mga kagrupo kong may kapilyuhan ang nagtanong sa sinasapian ng ganito: “A, mawalang-galang po, maitanong ko lang po, kaano-ano naman ninyo yung Sto. Nino sa Pandacan at Tondo?” Boses bata, sumagot ang sinasapian, “Mga pinsan ko ‘yun!” Medyo natawa ang iba sa amin at nagtanong ulit ang pilyo kong kaklase, “E ‘yun pong sa Cebu?” “A, iyon ba?” sagot ng sinasapian. “Iyon ang kuya naming tatlo.” “Tol,” bulong ko po sa mga kasama ko, “uwi na tayo, lokohan na ‘to”.


Ito nga po marahil ang problema sa disin sana’y magandang debosyon sa Senor Sto. Nino: lokohan. Maraming panloloko at mga luko-luko. Maraming nanloloko at may mga nagpapaloko naman. Ang pagiging nino ni Jesus ay hindi panloloko, pero, parang niloko na rin ng marami ang misteryong ito ng Kanyang pagkatao. Binihisan o hinuhubaran ang imahe ni Jesus na bata at Sto. Nino de ganun, Sto. Nino de ganyan na raw po iyon. Halos lahat na po yata ng sektor sa lipunan ay may Sto Nino na kabaro nila (complete with props), hindi ba? Sto. Ninong Lagalag, Hubo, Busog, Natutulog, Sto. Ninong Pulis, Bumbero, Magsasaka, Mangangalalkal ng Basura, Doktor, Nars, at marami pang iba. Bakit po kayang Sto. Ninong Pari? At dahil nga po bata, kapansin-pansin na tila inuuto-uto pa ng ilang mga deboto (raw) ang Senor Sto. Nino: hinahainan ng pagkain at kendi, binibigyan ng mga barya, nilalagyan ng mga lobo at mga laruan. Meron pang mga sumasayaw na imahe at mga imaheng nagpapawis daw.


Ito po marahil ang ugat ng problema sa maraming deboto ng Sto. Nino: hindi na nila pinalaki si Jesus! Pinanatili na lang nilang bata. Mas madali po kasing pakitunguhan ang bata. Bigyan lang ng kendi, ayos na. Pangakuan ng pasyal, puwede na. Regaluhan ng laruan, okay na. Kaya po siguro, ganito rin ituring ng ilang mga deboto ang Sto. Nino. Parang sinusuhulan ang Nino Jesus. Parang inuuto. Nakikipaglaro raw sa kanila ang Sto. Nino. Nakikipaglaro nga ba o nilalaro nila?


Ang tunay na debosyon sa Sto. Nino ay hinaharap ang hamon ng paglago at pagiging ganap na tao. Ito ang mensahe ng napakagandang debosyong ito. Sinasabi ng debosyong ito na minsan si Jesus ay naging musmos din. Minsan. Hindi Siya nanatiling musmos magpakailanman. Si Jesus ay lumago, lumaki, at naging ganap na tao sa pagtupad sa kalooban ng Diyos Ama. At dahil ang debosyon ay pagtulad sa pinagdedebosyonan, ang tunay na deboto kay Senor Sto. Nino ay hindi nananatiling bata, hindi nagbabalik-bata, at hindi nag-iisip-bata. Sa halip, ang tunay na deboto kay Senor Sto. Nino ay laging pusong-bata.


Ito ang ebanghelyo natin ngayon Kapistahan ng Senor Sto. Nino. Ang pinakadakila sa kaharian ng langit, ayon kay Jesus, ay yaong nagbago at tumulad sa mga bata. (Sabihin po ninyo sa katabi n’yo: “Magbago ka na. Tumulad ka sa mga bata.”)


Ang bata ay hindi mayabang. Ang batang mayabang ay hindi isinisilang, nililikha siya ng kanyang kapaligiran. (Madalas pa nga ang mga nakatatanda ang nagtuturo sa batang magyabang.) Hindi mayabang ang bata kasi wala siyang maipagyayabang. Batid niya mula sa sariling karanasan na ang lahat ng meron siya ay tinanggap niya. (Everything is grace.) Kailangan niyang umasa sa iba para siya makakain, makapag-aral, makabili ng mga kinakailangan niya, makapunta sa iba’t ibang lugar, para siya mabuhay. Sadyang mahina ang bata. Nagiging malakas lamang ang bata sa tulong ng kanyang mga magulang at kapwa. Kailangan niyang umasa, maniwala, at magtiwala. Ito rin ang katangiang kailangan ng nais mapabilang sa Kaharian ng Diyos. Ang sinumang nais mapabilang sa Kaharian ng Diyos ay dapat laging umaasa, naniniwala, at nagtitiwala sa Diyos gaya ng isang bata sa kanyang magulang. Sa langit, walang matanda, lahat ay bata dahil lahat ay anak. (In heaven, we are always young because we are all children of one Father.)


Habang tumanda tayo, lalong nagiging mahirap na hamon sa atin ang pagpapakumbaba. Minsan napakayabang natin: “Mataas ang pinag-aralan ko kaya huwag mo akong mautus-utusan; mayaman ako kaya dapat V.I.P. (very important person) ang trato sa akin; ako ang leader kaya ako ang dapat na masunod; matanda na ako kaya huwag mo akong tuturuan.” May mga pagkakataong masyado tayong bilib sa ating sarili. Pero meron bang meron tayo na hindi natin tinanggap, gayong ang lahat naman talaga ay biyaya? Walang puwedeng maging utang-na-loob sa atin ang Diyos, pero minsan may lumapit sa akin na ang sabi, “Alam mo, Father, may tamo ako sa ‘yo.” “Bakit naman po? Pasensya na po kayo. Ano po bang nagawa ko ng hindi ninyo nagustuhan?” tanong ko sa kanya. Ito po ang sagot n’ya: “Hindi mo nabanggit ang pangalan ko nang magpasalamat ka sa Misa kanina. Hindi po ba nasabi sa inyong major sponsor ako sa proyektong ito?” Hindi po ako nagalit sa taong iyon. Hindi rin naman po ako nasaktan. Sa tutoo lang, naawa pa ako sa kanya. Bakit po kaya may mga taong gustong-gustong ipagsigawan sa buong mundo ang pagkakawanggawa nila? Ang nakakalungkot po, kahit mga taong-simbahan ay gumagawa nito. Wala silang pinagkaiba sa mga pulitiko na ipinipinta ang mga pangalan sa bawat proyektong dapat lang ay ipatupad nila dahil pinasusuweldo natin sila para gawin iyon. Akala nila dakila na sila. Maling-mali sila.


Ipinakikita sa atin ng Sto. Nino na ang tunay na kadakilaan ay nasa kapakumbabaan. Nagpakababa si Jesus sa pakikibahagi Niya sa ating pagkatao para maiangat tayo sa makabahagi sa Kanyang pagka-Diyos. Hindi mayabang ang Diyos (kahit may maipagyayabang naman talaga Siya). Bawal sa langit ang mayabang. Walang batang mayabang. Ang langit ay para lamang sa mga may pusong tulad ng sa bata. Ang langit ay para lamang sa mga pusong-bata, hindi para sa mga isip-bata.


Kung nakikipaglaro ka sa Sto. Nino, malamang isip-bata ka. Pero kung lumalago ka tulad ng Nino Jesus, pusong-bata ka nga. Kabilang ka sa pinaghaharian ng Diyos.


At wala ‘yang lokohan.

1 Comments:

At 1:51 AM , Anonymous Anonymous said...

Hi Father Bobby. Naghahanap po ako ng article tungkol sa mga sinasapian ng Sto. Nino at isa po ito sa nakita ko.

Nakakalungkot na ginagamit pa ng iba ang Sto. Nino para makapanloko ng kapwa at may mga nagpapaloko naman sa mga nagpapanggap na ito.

Ang masaklap po, isa ang nanay ko sa mga naniniwala sa sinasapian diumano ng Sto. Nino. Madalas po kaming magtalo dahil dito. Ang grupo nila ay sa Antipolo at hindi lang daw Sto. Nino ang sumasapi doon kundi pati si Mama Mary at ang God the Father pa daw minsan.

Pasensiya na po at hindi ko lang mapigil na hindi magcomment kasi hindi ko na alam kung paano makukumbinsi ang nanay ko na hindi totoo yun. Parang way ko na din po ito para mailabas ko ang inis na nararamdaman ko.

 

Post a Comment

Subscribe to Post Comments [Atom]

<< Home