TINGNAN ANG PUSO, HINDI ANG MGA KAMAY
Miyerkules ng Ikalawang Linggo sa Karaniwang Panahon
Mk 3:1-6
Gusto mo bang malaman ang edad ng katabi mo? Tingnan mo ang mga kamay niya. Ikinikuwento ng mga kamay natin ang tunay na edad natin. At dahil hindi natin lagi maitatago ang mga kamay natin, isinisigaw nila sa lahat kung gaanong kabata pa o katanda na tayo.
Pero ang mga kamay ng lalaki sa sinagoga ngayong araw na ito ay tahimik tungkol sa kanyang edad. Hindi makapagkwento ang mga kamay ng lalaking ito tungkol sa kanyang tunay na edad. Maaaring simbata pa lamang siya nang diez y nueve años o maaari ring otchenta años na siya. Hindi normal ang kanyang mga kamay. Tuyot sila.
Samantalang itinatago ang tunay na edad ng lalaking tuyot ang mga kamay, hindi naman maikubli ang tunay na lagay ng puso ng mga Pariseong tumuligsa kay Jesus. Binabatikos nila si Jesus dahil pinagaling ni Jesus ang lalaking tuyot ang mga kamay sa araw ng Sabat. Dapat daw magpahinga si Jesus, huwag manggagamot. Sabat kasi. Araw ng Pamamahinga. Kung hindi siya gagamutin ni Jesus, makapagpahinga naman kaya si Jesus matapos tumambad sa Kanyang harapan ang isang taong nagdurusa? Ito talagang mga Pariseong kritiko ni Jesus, normal na normal ang kanilang mga kamay pero malubha na ang sakit ng mga puso. Hindi nga tuyot ang mga kamay nila, pero tuyung-tuyo ang kanilang mga puso. Masahol pa ang kanilang kalagayan sa nangangalingasaw na bangkay.
Ang ating Ebanghelyo sa araw na ito ay tugatog ng limang mga naunang tahasang tungalian sa pagitan ni Jesus at ng mga Pariseo. Sa Mk 2:7, inakusahan ng mga Pariseo si Jesus ng kalapastanganan sa Diyos dahil pinatawad ni Jesus ang kasalanan ng isang paralitiko. Sa Mk 2:16, binatikos ng mga Pariseo si Jesus dahil nakikisalamuha Siya sa mga maniningil ng buwis at mga kilalang makasalanan. Sa Mk 2:18, tinuligsa na naman ng mga Pariseo si Jesus kasi hinayaan Niya ang Kanyang mga alagad na umani ng trigo gayong araw ng Sabat. Ngayon naman, mainit uli ang kanilang mga mata kay Jesus dahil pinagaling Niya ang isang lalaking tuyot ang mga kamay sa araw ng Sabat.
Ano nga ba ang nagpapataas ng blood pressure ng mga Pariseo? Tahasang magkabaliktad kasi ang pananaw at ugali ni Jesus at ng mga Pariseo: tila baga napakamasunurin ng mga Pariseo sa Batas pero napakamanhid naman nila sa pangangailangan ng kanilang kapwa-tao, samantalang si Jesus naman ay napakainit ng pag-ibig sa kapwa habang tila binabale-wala Niya ang Batas. Subalit sa halip na mamatay sa stroke ang mga Pariseo, si Jesus ang pinapatay ng mga Pariseo sa krus. Gayunpaman, sa pamamagitan ng Kanyang mga latay, pinagaling Niya tayo, sa pamamagitan ng Kanyang kamatayan, ginamot ni Jesus ang puso – hindi lamang ang mga kamay – nating lahat. At sa Kanyang magmuling pagkabuhay, binuhay ni Jesus ang bawat pusong nasa labi ng imbing kamatayan.
Maaaring ikubli o kaya ay ibuko ng ating mga kamay ang ating tunay na edad. Subalit hindi maitatago ng ating mga puso ang katotohanan kung tayo ay buhay pa o patay na.
Buhay ka pa ba o patay na? Tingnan ang puso, hindi ang mga kamay.
0 Comments:
Post a Comment
Subscribe to Post Comments [Atom]
<< Home