KAPILING, KAPILA
Kapistahan ng Pagbibinyag sa Panginoong Jesukristo
Mt 3:13-17
Sa simula po ng ating pagninilay ngayong Kapistahan ng Pagbibinyag sa ating Panginoong Jesukristo, linawin po natin agad ang isang bagay na baka po hindi malinaw sa karamihan. Ang pagbibinyag na naganap sa ating Panginoong Jesukristo ay hindi po katulad ng binyag na ating tinanggap.
Ang pagbibinyag na naganap sa ating Panginoong Jesukristo ay binyag ng pagbabalik-loob o “Baptism of Repentance”. Sa pagpunta ng mga tao kay Juan Bautista upang magpabinyag ipinahahayag nila ang kanilang pagsisisi sa kanilang mga kasalanan at pagbabalik-loob sa Diyos. Tanda pa lamang po iyon ng disposisyon ng kanilang pusong humihingi ng tawad sa Diyos para sa kanilang mga kasalanan. Ang kapatawaran ay wala po sa paglublob nila sa tubig ng ilog Jordan kundi sa mismong pagsisisi at paghingi nila ng awa sa Diyos. Sa madaling-sabi, hindi po sakramento ang binyag ni Juan Bautista.
Ang binyag na tinanggap naman po natin ay isa sa pitong sakramento ng Santa Iglesiya. Bagamat ito po ay tanda rin, ito ay mabisang tanda (efficacious sign), na ang ibig sabihin po ay sa mismong paglublob sa tubig o pagbuhos ng tubig sa binibinyagan, samantalang binibigkas ang tamang formula, talaga namang nalilinis sa kasalanan – original and actual sins – ang binibinyagan. Sa pamamagitan din ng sakramento ng binyag na ating tinanggap, tayo ay nagiging mga anak ng Diyos, kasapi ng katawang mistiko ni Kristo, at tagapagmana ng langit. Hindi po iyan ang pagbibinyag na naganap sa Panginoong Jesukristo.
Subalit kung ang binyag ni Juan Bautista ay tanda ng pagsisisi sa mga kasalanan at pagbabalik-loob sa Diyos, bakit nagpabinyag si Jesus sa kanya gayong walang kasalanan si Jesus at kailanman ay hindi Niya kayang gumawa ng anumang kasalanan? Ito rin nga po ang tanong ni Juan kay Jesus. Ang sagot po ni Jesus, iyon daw po ang hinihingi ng nararapat. Ano nga po ba ang nararapat na tinukoy ni Jesus?
Si Jesus ay emmanuel na ang kahulugan ay “sumasaatin ang Diyos”. Siya ang pagsasapiling ng Diyos sa atin. Kaya nga po Siya nagkatawang-tao. Kaya may Pasko. At ang Kanyang pagkakatawang-tao ay buong-buo, hindi hilaw, tunay na tunay. Bagamat nanatiling ganap na Diyos, si Jesus ay naging tunay na tao. Hindi Siya parang artistang umarte lang sa isang magandang pelikula. Nakibahagi Siya talaga sa ating pagkatao, maliban sa paggawa ng kasalanan. Pinasok Niya ang lahat ng ating karanasan bilang tao. At bagamat hindi nga po Siya nagkasala, nakibahagi pa rin Siya sa epekto ng kasalanan sa atin – naranasan din nga Niya ang pait ng kamatayan. Ang nararapat na tinukoy ni Jesus kung gayon ay ang gawing ganap ang Kanyang pakikiisa sa atin na mga makasalanan bagamat wala Siyang personal na kasalanan. Kung kaya’t maging Siya ay nagpunta kay Juan, nakipila sa mga makasalanan, at nagpabinyag kasama ng karaniwang tao. Si Jesus ay hindi lamang natin nakapiling; nakipila rin Siya sa atin. Kapiling nga natin si Jesus dahil kasama natin Siya sa pila. At hindi Niya ito ikinahiya.
Kapiling at kapila. Katulad at kaisa. Ganito tayo tinubos ni Jesus. Kung ang ating pagkakasala ay maihahalintulad sa pagkahulog sa imburnal, iniligtas tayo ni Jesus hindi sa pamamagitan ng paghila Niya sa atin. Sa halip, tumalon Siya sa imburnal at wari baga'y pinasan Niya tayo para tayo ay makaahon sa ating kinasadlakan.
Lapat na lapat ang pakikipagkapwa-tao sa atin ni Jesus. Dikit na dikit. Wala Siyang hinayaang mamagitan, maging ang Kanyang pagka-Diyos, sa pakikisalo Niya sa ating pagkatao. Tanging ang paggawa nga lamang ng kasalanan ang hindi Siya makabahagi sapagkat kailanman hindi makagagawa ng kasalanan ang Diyos. At si Jesus nga ay Diyos na tutoo. Walang pagkukunwari, walang kaplastikan, walang pagbabalatkayo – napakalapit nga ni Jesus sa atin.
Ganito rin ba ang ating pakikipagkapwa-tao, unang-una, kay Jesus mismo, at ikalawa, sa lahat ng tao? Lapat na lapat ba, tutoong-tutoo ba, ang ating pakikitungo sa isa’t isa?
Kitang-kita natin sa ginawa ni Jesus ang Kanyang kababaang-loob na sukdulan at dalisay. Litaw na litaw ang katangiang ito ni Jesus hindi lamang sa pakikipila Niya sa mga makasalanan kundi pati rin sa pagpaparaya Niya sa kalooban ng Diyos Ama. Ang kalooban ng Diyos Ama ang nararapat na tinukoy ni Jesus na dapat nilang tupdin ni Juan. At tinugon ng Diyos ang mapagparayang kababaang-loob ni Jesus: isang tinig mula sa langit ang nagsabi, “Ito ang aking Anak na pinakamamahal. Lubos Ko Siyang kinalulugdan.”
Ang kalooban po ba natin ay mababa at mapagparaya rin? Kung hindi, e tila mas mabuti pa sa atin ang mga kambing. Opo, ang mga kambing. Alam n’yo ba na ang kambing ay hindi lamang takot sa tubig? Hindi rin po sila marunong lumakad nang paatras. Kung kaya, kapag nagkasalubong ang dalawang kambing sa makipot na daan, wala ni isa sa kanila ang aatras, hindi dahil sa ayaw nilang umatras at magbigay-daan, kundi dahil hindi nga nila kayang umatras gustuhin man nila. Pero, maging mga kambing ay marunong magparaya: humihiga sila para makahakbang ang isa sa gitna ng katawan ng nakahiga. Sa gayong paraan nalulutas nila ang problema.
Meron po ba sa inyong unang hihiga para makaraan ang iba? Meron po ba ritong papayag na hakbangan ng iba? Kadalasan ang hinahakbangan natin ay ang mga patay bago ilibing, hindi ba? (At hindi na nga makapagrereklamo ang patay kahit ilan pa ang humakbang sa kanya.) Meron ba ritong magkukusang magparaya?
Bagamat ang pagbibinyag sa Panginoong Jesukristo ay hindi katulad ng binyag na ating tinanggap, hinahamon naman tayo nitong isabuhay ang mga pangako natin sa binyag. Ang nakakalungkot, alam ba natin ang mga pangako natin sa binyag? Kung alam po natin, nauunawaan ba natin talaga ang mga iyon? At kung nauunawaan nga po natin, isinasabuhay po ba natin nang lapat na lapat sa katotohanan at may mapagparayang kapakumbabaan tulad ni Jesus?
May tatlong paring nagbidahan. Pare-pareho ang naging problema nila: napakarami ng mga paniking namugad sa loob ng kanilang mga simbahan. Ang sabi ng isa, “Sa sobrang inis ko, bumili ako ng shotgun at pinagbabaril ko ang mga paniki sa simbahan ko. Namatay nga ang iba pero ang bilis pala nilang dumami, kaya, ayun, sankaterba na naman sila.” “Ako naman,” sabi ng ikalawa, “bumili ako ng maraming pesticides at ini-spray-an ko silang lahat. Nawala nang ilang buwan, pero nagsibalikan pa rin.” Ngingiti-ngiti ang ikatlong pari at sinabi, “Hay, naku, ang tatanga n'yo, Fathers. Wala kayong binatbat sa akin. Wala nang mga paniki sa simbahan ko.” “Talaga?” sabay na tanong ng dalawang pari na parang koro. “Anong ginawa mo?” Sumagot ang ikatlo, “Simple lang, pinagbibibinyagan ko sila. Ayun, magmula noon, hindi ko na sila ulit nakita sa loob ng simbahan.” Hindi po ba ganyan din ang marami sa ating mga Katoliko? Matapos mabinyagan, hindi na ulit nakita sa loob ng simbahan. Makikita mo na lang ulit ‘yan sa loob ng simbahan kapag nakahiga na sa loob ng kahon. Dati nga po KBL pa – kasal, binyag, at libing – ang tatlong beses na makikita mo ang maraming mga Katoliko sa loob ng simbahan. Pero ngayon po, pati nga kasal optional na. Paano tayo lalago sa pananampalatayang kinabinyagan sa atin? Paano tayo matututo kay Jesus para matulad sa Kanya? (Dito nga po sa ating parokya, pitumpung libong katao ang bilang natin, pero wala pa sa ikaapat na bahagi noon ang nagsisimba kahit man lamang sa araw ng Linggo. Hayan, tapos na ang Simbang Gabi, nagtago na ulit sila. Lalabas ulit sila -- kelan? Sa Ash Wednesday at sa Visita Iglesiya. Masakit mang tanggapin, karamihan sa atin na mga binyagan ay seasonal ang pagiging Katoliko.)
Tayo ay mga anak ng Diyos. Kaya nga po naging anak ng tao si Jesus para ang tao ay maging anak ng Diyos. Nakibahagi Siya sa ating pagkatao para nga po tayo ay makabahagi sa Kanyang pagka-Diyos. At gaya ng sinumang ama, kaligayahan ng Diyos na, tulad ng kay Jesus, tayo ay lagi Niyang kalugdan.
Kapiling natin si Jesus. Nakipila pa nga sa atin e!
1 Comments:
Tama po kayo Father.
Minsan sa haba ng pila, hindi S'ya makasingit sa puso natin.
Post a Comment
Subscribe to Post Comments [Atom]
<< Home