MULA SA BUKOD NA PINAGPALANG SINAPUPUNAN: BAGONG TAON O BAGONG TAO?
Lk 2:16-21
Sa kuwento ng ating kaligtasan, na mababasa natin sa Banal na Bibliya, napakaraming mga sinapupunang dapat sana ay may laman ngunit wala at mga dapat sana ay wala ngunit may laman – ang lahat sa pamamagitan ng Diyos, ang lahat para sa ating katubusan. Ang kuwento ng pananamapalataya sa iisang Diyos, na ipinahiwatig sa buong-buong pagtalima ni Abraham sa Kanyang kalooban, ay nagsisimula na sa isang sinapupunang walang laman. Sa kanilang katandaan ng kanyang asawang si Sarah, hindi na kataka-taka ang sinapupunang walang laman. Pero hindi talaga katandaan ang problema nila Abraham at Sarah kundi ang kabaugan ni misis. Heto ang kagulat-gulat pa: sa kabila ng lahat, umaasa pa ang mag-asa na magkakaroon sila ng sarili nilang anak. Pinaniwala sila ng pangako ng Diyos na posible iyon. Umasa sila kahit wala nang kapag-a-pag-asa, at marahil ang pag-asa pa nga nilang iyon ang nagpapahaba sa kanilang buhay.
Isang araw, may dumating na tatlong bisita. Mga tagapaghatid sila ng napakahalagang balitang tumutupad ang Diyos sa Kanyang panagko: magbubuntis na si Sarah – sa kabila ng kanyang katandaan at kabaugan – sapagkat dadalwin siya ng Diyos sa isang natatanging paraan. Bagamat ang kausap ng mga mahiwagang panauhin ay si Abraham, nakikinig pala si Sarah sa likod ng pinto. At natawa siya. Ang tugon sa balitang napakatagal hinintay ay halakhak.
Halakhak nga ang magandang tugon sa katuparan ng pangako ng Diyos: ang mag-asawa ay magkakaroon ng anak hindi dahil dapat magka-anak o sa pamamagitan ng malikhaing medesina, kundi dahil sa kakayahan ng Diyos na gawing posible ang imposible para sa tao. Hindi ba pagbibiro iyon ng langit? At nasakyan ni Sarah ang biro: nagdalantao nga siya at isinilang ang pangako ng Diyos. Hindi nakapagtatakang “Isaac” ang ipinangalan sa sanggol; ang ibig sabihin kasi ng “Isaac” sa Hebreo ay “halakhak”. Nagkalaman ang pangako, nakita sa anyo ng isang sanggol, at humalakhak sila sa malaking kagalakan.
Tunay ngang malaking kagalakan na dinalawa ng Diyos ang Kanyang bayan – na kung wala Siya, ang mga mahalagang pamilya ni Abraham, Isaac, at Jacob ay hindi sana napasimulan. Ang Diyos ang nagpasimula sa kanila sa kabila ng tila katapusan na ng kanilang lahi. Walang imposible sa Diyos.
Sa simula rin ng Bagong Tipan ay ang kuwento ng isang sinapupunang walang laman. Sa bungad ng mga ebanghelyo ni San Mateo at San Lukas, ipinagdiriwang ang pagdalaw ng Diyos sa Kanyang bayan sa pamamagitan ng kapanganakan ni Jesus. Isang dalagitang Judyo, ang ngalan ay Maria, ang hinirang na maging ina ng Anak ng Diyos. Tahimik ang mga ebanghelyo kung si Maria, gaya ni Sarah, ay nangangarap at nagdarasal ding magkaroon ng sariling anak. Wala ring sinasabing si Maria, katulad ni Sarah, ay matanda na at baog. Sa halip ang pahiwatig ng mga ebanghelyo ay isang dalagitang birhen is Maria. Subalit kung paanong ang katandaan at kabaugan ay hindi hadlang para matupad ang plano ng Diyos, mas lalo naman ang kabataan at pagkabirhen. Wala ngang imposible sa Diyos, di ba?
Ngunit napakahalaga ng pagiging birhen ni Maria dahil itinutuon nito ang ating pansin sa katotohanan tungkol sa kanyang sanggol. Hindi ideya ni Maria ang magbuntis; ideya iyon ng Diyos. Hindi niya kagagawan ang pagkakaroon ng anak; kagagawan iyon ng Diyos. Napakamakatang ipinahahayag ito ni San Juan sa kanyang ebanghelyo: si Jesus ay isinilang “hindi sa pamamagitan ng makataong angkan o pita ng laman o kagagawan ng taong sinuman kundi ng Diyos mismo (1:13). Ang pagiging ina ni Jesus ay hindi isang bagay na iniayos ni Maria para sa kanyang sarili; ang Diyos ang nag-ayos niyon. Ang Niño Jesus ay dumating hindi bilang tugon sa pagnanais o panalangin ni Maria para sa sarili niya, kundi bilang simula ng pinagpanibagong paglilikha ng Diyos. Maaaring sumang-ayon o hindi si Maria sa paghirang ng Diyos sa kanya. At puwedeng-puwede nga siyang humindi. Pero umoo siya, kaya ngayong unang araw ng bagong taon, ipinagdiriwang natin ang pagsang-ayong iyon ni Maria na maging ina ni Jesus. Yayamang sa iisang persona ni Jesus ay nagtatalaban ang kalikasan ng tunay na pagka-Diyos at kalikasan ng tunay na pagkato, si Mariang nagluwal kay Jesus sa mundo ay tumpak lamang kilalaning “Ina ng Diyos”. Gayunpaman, malinaw na hindi nagmula kay Maria ang pagka-Diyos ni Jesus, subalit hindi maaaring hatiin ang persona ni Jesus, kaya’t ang isinilang ni Maria ay ang Diyos mismo.
Sa pagiging ina ni Jesus, si Maria ay tulad din ng sinumang ina – inaruga ang dinadala sa kanyang sinapupunan hanggang sa ito ay kanyang mailuwal. Isang bagong tao ang nabubuo sa sinapupunan ng ina, subalit hindi maaaring itago ng ina ang anak na nasa kanyang katawan. Ang ibig sabihin ng pagiging ina ay hindi lamang pagkakaroon ng sanggol, kundi pagpapaubaya rin ng sanggol. Ang panganganak ay hindi pagkapit; ito ay pagbitiw upang ang bagong buhay ay magkaroon ng nararapat niyang lugar sa mundo. Ang pagsilang ay masakit na paghihiwalay.
At batid ng bawat ina na ang panganganak ay una pa lang sa maraming mga pagkakataong kakailanganin ng ina na pakawalan ang kanyang anak. Ang anak ay hindi pagmamay-ari ng kanyang ina. Laging dumarating ang sandali kung kailan hindi lamang dapat itaguyod ng ina ang pananatili ng anak, kundi pati na rin ang paglisan nito. Kailangang pagkatiwalaan ng ina ang kanyang anak na bumuo ng sarili nito buhay sa sarili nitong paraan.
Kailangan ding gawin iyon ni Maria – hindi lamang ang alagaan si Jesus sa Kanyang paglaki, kundi, sa kalaunan, pabayaan Siyang umalis at tahakin ang daan upang harapin ang Kanyang tadhana. Si Jesus ay anak ni Maria. Siya ay kanya, ngunit hindi niya Siya pagmamay-ari. Si Jesus ay para kay Maria, pero para rin Siya sa lahat. Kailangang gawin ni Maria ang una nang ginawa ng Ama – ipaubaya ang Kanyang pinakamamahal na bugtong na Anak. At gayon nga ang ginagawa ni Maria: hindi niya kinipkipkip si Jesus para sa sarili niya, bagkus ibinibigay niya Siya sa atin. Ngayon naman ay hinihingi ni Maria na gawin ang kanyang ginagawa: ibahagi si Jesus sa bawat-taong nakasasalamuha natin.
Ang simula ng bagong taon, para sa ating mga Katoliko, ay Dakilang Kapistahan ni Maria, ang Ina ng Diyos. At dahil diyan, may nagtext: “Pakibati ninyo ang nanay Kong si Maria. Sabihin ninyo sa kanya, ‘Congratulations!’ Palakpakan.” May nagtext ulit – si Bro. pa rin: “Ngayon naman, pakibati ninyo ang isa’t isa ng Maligayang Bagong Taon! Pagkatapos, tanungin ninyo ang inyong kani-kaniyang sarili, ‘Ano nga ba ang bago sa taong ito para sa inyo?’”
Oo nga po, ano nga ba ang bago, para sa atin, ngayong taong ito? Ang petsa lang ba? Kung petsa, e bukas luma na iyon. Ang ingay lang ba? Pero pagkatapos ng pag-iingay, tahimik na ulit ang lahat – marami pa sa lahat na iyon ang kulang-kulang na ang katawan dahil naputukan o inaasma dahil sa usok. Ano ang bago sa taong ito para sa iyo na puwede mong masabing bagung-bago talaga?
Ang puwede lang maging tutoong bagung-bago sa inyo at sa akin ay ang pagkakaroon ng bagong pagkatao. At si Maria ang halimbawang dapat nating higit na tularan simula sa araw na ito.
Una. Katulad ni Maria, kailangang laging nasa sa atin si Jesus. Sa lahat ng ating iisipin, sasabihin, at gagawin, lagi nawang naroroon si Jesus. Panatilihin nating buhay sa ating kamalayan na nasa sa atin si Jesus.
Ikalawa. Gaya ni Maria, kailangan din nating “pagyamanin ang lahat ng mga bagay-bagay at pagnilayan sila sa ating puso.” Hindi palaging nagsasalita si Maria. Hindi rin siya palaging abala at ni hindi naging aligaga. Sa halip, palagi siyang nagninilay upang marinig, makita, at makilatis ang kalooban ng Diyos. Ganito, halimbawa, ang ginawa ni Maria nang bisitahin sila ng mga pastol, nang sabihin sa kanya ng matandang Simeon ang tadhana nilang mag-ina, at nang hindi niya maunawaan ang isinagot sa kanya ng matagpuan ang anak na nagpaiwan sa Templo nang hindi nagpapaalam. Sinabi nga ni San Agustin, “Si Maria ay bukod na pinagpala dahil bago pa niya ipinaglihi ang Salita sa kanyang sinapupunan, ipinaglihi na muna niya Ito sa kanyang puso.”
Ikatlo. Katulad ni Maria, kailangang ibahagi natin si Jesus sa lahat. Si Jesus ay para sa atin ngunit hindi natin Siya pagmamay-ari. Hindi Siya dapat itinatago, ipinagkakait, sinasarili; bagkus, si Jesus ay inilalantad, ibinabahagi, ipinadarama.
Kapag ganito ang ating gagawin, talagang bagong-bagong hindi lamang ang taon kundi tayo mismo. Mula sa bukod na pinagpalang sinapupunan ng Mahal na Inang Maria isinisilang hindi ang bagong taon kundi ang bagong tao.
Maligayang bagong TAO kayo!