21 December 2009

ANG PINAGPALA

Ika-anim na Araw ng Misa de Gallo
Lk 1:46-56

Ipakakanulo ko po ang sarili ko: isinilang ako noong taong 1967. Puwede na po ninyong kuwentahin ngayon ang edad ko. Pero para hindi na po kayo mahirapan, sasabihin ko na lang: 42 taong gulang na po ako.


Ang una kong pinangarap ay ang maging astronaut. Ang tayog talaga ng pangarap ko! Hindi ko alam na lampas pa pala sa kalawakan ang magiging biyehe ko at hindi ko lang dadalhin sa langit ang maraming tao kundi papapasukin ko rin pala sila roon.


Hindi po kataka-takang pinangarap kong maging astronaut habang nagkaka-isip pa lang ako. Dalawang taon lamang po kasi ako nang nagawa ng tao ang pinakamalaking lundag o ang tinatawag na “the giant leap”. Taong 1969 nang masakop ng tao pati ang buwan. Si Neil Armstrong ang unang taong nakatapak sa ibabaw ng buwan. Sa pagbakat ng kanyang yapak sa buwan, manghang-mangha ang buong mundo. Iyon ang naging hudyat ng higit pang mga pagtuklas at tagumpay ng sankatauhan sa larangan ng agham pangkalawakan.


Pero, dumating ang panahong ang moonwalk ni Armstrong ay nalaos ng moonwalk ni Jackson. Ngunit ngayon, pati si Jackson – wala na rin. Sadyang panandalian lamang ang tagumpay ng tao, gaano man ito kadakila.


Ngunit may isang hakbang na minsang ginawa ng isang tao at magpahanggang ngayon ay yaon ang dahilan ng lahat sa buhay natin: ang hakbang na ginawa ni Maria. Nang sabihin ni Maria sa anghel, “Narito ang lingkod ng Panginoon. Maganap nawa sa akin ayon sa iyong salita,” nabago ang lahat. Nang sandaling yaon, ang walang-hanggang Salita ay nagkatawang-tao at ang Diyos at tao ay waring napag-isang dibdib sa iisang katauhan ni Jesukristo. Ang napakahabang panahon ng paghihintay ay natapos. Ang katubusan ay naririto na.


Ngayon, bagamat ang ebanghelyo natin ay tungkol sa pagbisita ni Maria kay Elizabeth, tunghayan muna natin ang pagbisita ng anghel ng Panginoon kay Maria. Pansumandaling kalimutan po muna natin ang magagandang guhit at pinta sa larawan ng pagbisitang ito ng anghel kay Maria. At kung tatanggalin natin ang mga burloloy, ito ang makikita natin: napakapayak, napakasimple lang ng tagpo. Tanging isang tahanan lamang sa Nazareth ang saksi sa lahat ng pangyayari ng sandaling iyon. Maaaring malinis nga at maayos ang tahanang iyon pero malayo sa pagiging palasyo na nararapat sa mga unang sandali ng buhay ng Hari ng mga hari. Maging si Nathaniel – na sa kalaunan ay naging isa sa mga alagad ni Jesus – ay patuyang sinabi tungkol sa bayan ng bahay na iyon: “May mabuti bang nagmumula sa Nazareth?” Sa katunayan, ang lalawigan ng Galilea na kinabilangan ng Nazareth ay binabale-wala ng mga Judyo at minamaliit ng mga taga-Jerusalem. At higit sa lahat, sino nga ba itong si Maria? Sa mata ng kanyang mga kapanahunan, si Maria ay walang-sinabi kung paanong wala ring binatbat ang lugar na kanyang pinagmulan.


Pero gayon nga ang simula ng lahat.


Ginugol ni Jesus ang buong panahon ng Kanyang hayagang pagmiministeryo sa pagbuwag sa ating mga haka-haka tungkol sa kung ano talaga ang mahalaga at ano ang hindi mahalaga talaga. Sadyang binaliktad Niya ang mga pagpapahalaga natin: ang nauuna ay mahuhuli, ang magligtas ng sarili ay mawawalan nito ngunit ang mag-alay ng sarili ang siyang magkakamit nito, ang mga inanyayahan ay hindi dumating sa kasalang-piging samantalang ang mga nagkalat lang sa lansangan ang nakasalo sa masaganang handaan, ang dalawang kusing ng babaeng-balo ang pinakamalaking handog pero ang naglalakihang abuloy sa templo ay walang-halaga, ang magnanakaw na nagsisi ang kasama Niyang pumasok sa paraiso subalit ang mga taong-templo noon ang tunay na taong-labas sa kaharian ng Diyos.


Sinasabing ang isang tagpo ay komedya dahil may hindi pagkakatugma-tugma sa mga pangyayari o mga tauhan o iba pang mga bagay-bagay ng kuwento. Natatawa tayo kasi alam nating may hindi tugma, may mali, may hindi bagay. Sa pagpili ng Diyos kay Maria at sa Nazareth, pinagtugma ng Diyos ang mga higanteng hindi pagkakatugma: tao at Diyos, lupa at langit. Sa isang katawa-tawang sandali, binutas ng Diyos ang bula ng mga pagkukunwari ng tao at ipinamalas ang Kanyang kakayahang magpatawa. Sinumang nagninilay sa hiwagang bumabalot sa kuwento ni Maria at ni Jesus nang may pananampalataya ay hindi maaaring hindi mabago ang pagtingin sa mundo at magulantang sa pagkadiskubreng ang mga pamamaraan ng Diyos ay ibang-iba talaga sa ating mga pamamaraan.


Tama po si Maria nang sabihin niya sa kanyang Magnificat na pinangalat ng Diyos ang mga palalo ang puso, ang mga mayabang, ang mga arogante, ang mga labis mapagpahalaga sa sarili, at iniangat ang may mabababang kalooban. Hindi po ba, ito rin ang isa sa mga pangunahing leksyon sa mabuting balita ni Jesus? Ang malaking bahagi ng sankatauhan ay binubuo ng mga walang-sinasabi sa buhay na mula sa mga walang-sinasabing lugar. Subalit para sa Kristiyano, ang mga walang-sinasabing ito ang ginagamit ng Diyos para may sabihin sa atin. Ang mga walang-halaga sa mundo, para sa Kristiyano, ang tunay na mahalaga. Sila ang tunay na mga pinagpala. At si Maria ang bukod na pinagpala sa kanilang lahat.


At dahil diyan, may nag-text. Ang sabi: “Tingnan ang katabi. Mukha ba siyang pinagpala?” May nag-text ulit. Ang sabi: “Ngayon, tingnan mo naman ang sarili mo. Pinagpala ka ba?”


Anog nga ba talaga ang pinagpala? Kung si Maria ang bukod na pinagpala, siya ang dapat nating tingnan para malaman at maunawaan kung ano ang tunay na taong pinagpala.


Una, ang taong pinagpala ay ang taong masunurin sa Diyos. Katulad ni Maria, ang taong pinagpala ay lagi at agad nagsisikap tumugon sa kalooban ng Diyos. At ang tugon niya ay laging “oo”. At ang “oo” niya ay buo, mapagkumbaba, at hindi pabago-bago.


Ikalawa, ang taong pinagpala ay ang taong marunong dumamay sa kapwa niya. Gaya ni Mariang nagmamadali pang pinuntahan ang pinsan niyang nagdadalantao sa kanyang katandaan at kabaugan, ang taong pinagpala ay naghahatid ng pagpapala sa buhay ng iba sa pamamagitan ng pakikiisa sa kanlang kalagayan at pagtulong sa kanilang mga pangangailangan. At dahil dito, siya na mismo ang nagiging pagpapala sa kanyang kapwa.


Ikatlo, ang taong pinagpala ay ang taong ang ibinibida ay si Jesus at hindi ang sarili. Katulad ni Maria, ang dala-dala ng taong pinagpala ay si Jesus, tanging si Jesus, at laging si Jesus. Nakilala ng sanggol sa sinapupunan ni Elizabeth na si Jesus nga ang dala ni Maria sa buhay nilang mag-ina kung kaya’t sa tiyan pa lamang ng kanyang ina ay napalundag na ito sa galak. Kapag sarili natin ang ibinibida natin, hindi iyon pagpapala; pagyayabang iyon.


Ganito si Maria – masunuring anak ng Diyos, madamaying kapwa-tao, at tagapaghatid kay Kristo sa iba. Ganito rin ba tayo? Kung ganito tayo, tunay ngang pinagpala tayo.


Minsan nakatanggap ako ng coffee table book ng EDSA Shrine mula kay Archbishop Soc Villegas. Sinulatan niya ito ng ganito: “You are grace.” Napangiti ako nang mabasa ko ito, at sumagi sa aking isip na baka hindi naman talaga para sa akin ang coffee table book na iyon, baka kay Grace, nagkamali lang at sa akin naibigay. Hindi ko na naibinalik ang coffe table book. Pero pagsapit ng Pasko, pinadalhan ako ni Fr. Soc ng aguinaldo na nakaipit sa isang Christmas card. At muli, nakasulat sa Christmas card ang ganito: “You are grace.” “A,” sabi ko po sa sarili ko, “ako talaga si grace.” Ang ibig sabihin siguro ni Fr. Soc ay biyaya nga ako at dapat nga akong maging biyaya sa aking kapwa. Kay Maria, ganap na ganap ito, kaya nga siya napupuno ng grasya.


Sa huling pagkakataon, bago tayo sikatan ng araw, tingin sa katabi. Mukha ba siyang grasya, grasa, o disgrasyada? E. ikaw, mukha ka bang ano?


May humabol pa: may nag-text. Ang sabi: "Gising na! Tapos na ang sermon ni Father. Gising na, at ka pa madisgraya.

0 Comments:

Post a Comment

Subscribe to Post Comments [Atom]

<< Home