21 December 2009

BON APPETITE!

Ikapitong Araw ng Misa de Gallo
Lk 1:46-56

Kumain na ba kayo? Ang mga kumain bago nagpunta sa simbahan ngayong madaling-araw, ngumiti sa katabi. Ayan, kitang-kita ang tinga! Ang hindi pa kumakain, itaas ang kamay. Tabihan ninyo ang mga iyan; kakain iyan pagkatapos ng Misa. Palibre kayo.

May mga sabi-sabi sila tungkol sa pagkain. Ang sabi ng iba, masarap daw kumain kapag libre. Siyempre naman, hindi ba? Sana makakain ako ng masarap na pizza mamaya. May manlibre sana. Ang sabi pa ng iba, lagi raw mas masarap kumain sa kapit-bahay. Sayang, ang kapit-bahay ko po sa kanan ay Lapu-Lapu Elementary School at sa kaliwa naman ay bahay ni Sisa. Pero ang sabi ng marami, talagang mas masarap kumain kapag may jamming. Nakakagana raw kumain kapag may kumakanta. Halimbawa, habang kumakain ka, pakanta ka kay Barry (ang isa sa mga maintenance staff natin). Kilala ba ninyo si Barry Valenciano na kung minsan ang alyas ay Barry Manilow? Sa bawat subo mo, siya namang indayog ng boses ni Barry: “Kung dangan ay wala kaming kapangyarihan na ang paglisan mo aming mahadlangan….”

Ngayong umagang ito, pakakanin ko po kayo sa saliw ng awit ni Maria: ang Magnificat. May tatlong putahe po ako para sa inyo. Siguradong mabubusog kayo. Magugustuhan ninyo. Masarap na, masustansya pa! Ang pangalan ng tatlong putaheng ito ay nagsisimula sa letter “R”. Hulaan po ninyo kung anu-ano ito. Hindi po ito relyeno talong, relyenong sili, at relyenong bangus. Hindi rin po ravioli, risotto, at ratatouille. At mas lalo rin po namang hindi ito riringka, rugaw, at “Rucky Me”. Bago lumamig ang putahe ko para sa inyo, siguro simulan na natin. Kain po kayo habang mainit pa!

Ang unang putahe ay “REJOICE”. Sinabi ni Maria, “Ang puso ko’y nagpupuri sa Panginoon at nagagalak ang aking kaluluwa sa Diyos na aking Tagapagligtas, sapagkat nilingap Niya ang Kanyang abang lingkod. Tatawagin akong mapalad ng lahat ng salinlahi, sapagkat gumawa ng mga dakilang bagay para sa akin ang Makapangyarihan. Banal ang Kanyang pangalan.” Rejoice po ang unang putahe natin ngayon.

Pangalan din po pala ng shampoo ang “Rejoice”. Tingnan ang buhok ng katabi. Una sa lahat, may buhok pa ba sya? Kung meron pa, ano sa palagay mo ang shampoo niya: Rejoice o gugo?

Iba talaga kapag naka-rejoice ka parati: marami kang friends. Sino ba naman kasi sa atin ang gustong kasama parati ay malungkot, mareklamo, at mapamintas? Wala. Kaya, mag-REJOICE na kayo, CLEAR?

Teka po, kumakain pala tayo. Balik tayo sa tatlong putahe natin.

Ang pangalawang putahe po ay “REMEMBER”. Nakaalala si Maria at sinabi, “ang Kanyang awa para sa mga may takot sa Kanya ay sa sali’t saling lahi. Ipinamalas Niya ang kapangyarihan ng Kanyang bisig, ibinulid Niya ang mga palalo ang puso. Ibinababa Niya ang mga makapangyarihan mula sa kanilang mga luklukan at itinampok ang mga mabababang-loob. Binusog Niya ng mabubuting bagay ang mga nagugutom, samantalang pinangalat Niya ang mga mayaman nang walang dala-dala. Tinulungan Niya ang Israel na Kanyang lingkod, alang-alang sa Kanyang awa – ayon sa pangakong binitiwan Niya sa ating mga magulang – ang Kanyang awa kay Abraham at sa kanyang lahi magpakailanman.” Iyan po ang ikalawang putahe: Remember.

Ang taong madaling makalimot ay madali ring magkamali. Ang taong hindi marunong makaalala ay hindi marunong tumanaw ng utang-na-loob. Hindi ba ang pasasalamat ika ay alaala ng puso? Ipinakikita ng ating ugaling mapagpasalamat ang tunay na kalagayan ng ating puso. At ang pusong hindi lumilimot ang siyang pusong tunay na mapagmahal. (“Hindi kita malimot, hinahanap kita. Hindi kita malimot, manalig ka, Sinta….” O sige na nga: “I remember so well the day that you came into my life, you asked for my name, you had the most beautiful smile. My life started to change, I’d wake up each day feeling all right. With you just by my side makes me feel things will work out just fine.”). Sana habang nadadagdagan ang ating edad, nadadagdagan din ang kakayahan nating hindi makalimot.

Ang ikatlong putahe natin ay “Reach Out”. Ganito nagtatapos ang Ebanghelyo ngayon: “Nanatili si Maria, kasama ni Elizabeth nang mga tatlong buwan at pagkatpos ay umuwi na.” Maigsi lang pero napakahalagang putahe ang Reach Out kasi nilalagum nito ang isa sa mga pangunahing dahilan kung bakit nagpunta si Maria kay Elizabeth: ang damayan siya, alalayan, at paglingkuran.
Rejoice, Remember, at Reach Out – ito po ang tatlong putahe para sa isang malusog na buhay. Kailangan natin sila para manatili tayong malusog at masaya.

Kailangan nating mag-rejoice, magalak, dahil mabait ang Diyos sa atin at sa mga mahal natin. Kahit na gaanong kahirap ng buhay, lagi pong may dahilan para tayo ay magpasalamat. Magaling po tayong mga Pinoy diyan; kahit nagre-rebolusyon na sa EDSA, pakanta-kanta at pasayaw-sayaw pa tayo.

Napaka-importante rin pong huwag tayong makakalimot. Ito ang mabisang gamot sa Alzheimer’s: alalahanin natin araw-araw ang kagandahang-loob ng Diyos sa atin. At lagi ngang kayganda ang kalooban ng Diyos sa atin. Magkaugnay na magkaugnay ang dalawang unang putahe – ang rejoice at remember -- dahil ang sekreto po ng kagalakan ay nasa kakayahan nating makaalala. Ang taong madaling makalimot, malungkot.

Pero ang kumukumpleto sa ating masarap at masustansyang hapag ay ang Reaching Out. Dapat damayan natin ang kapwa-tao natin. Sa katunayan, ito ang nagpapasarap sa dalawang naunang putahe. Kung ang gagawin lang natin ay ang magalak at ang hindi makalimot, pero ayaw nating damayan ating kapwa, ito ang kalalabasan natin: impatsyo!

Para sa isang malusog na buhay, kailangan nating kanin ang tatlong putaheng ito. Hindi lamang isa o dalawa sa kanila. Dapat tatlo: Rejoice, Remember, at Reach Out.

Ang Diyos ang unang nag-rejoice, naka-remember, at nag-reach out. Nagalak Siya kay Maria, ang aba Niyang lingkod. Naalala Niya ang pangakong binitiwan Niya kay Abraham at sa kanyang lahi. Dinamayan Niya tayo at naging tulad natin sa lahat ng bagay, maliban sa paggawa ng kasalanan. Kung kaya’t kapag nagagalak tayo, kapag nakaaalala tayo, at kapag dumadamay tayo, tinutularan natin ang Diyos at napatutunayang tayo nga ay mga anak Niya.

Yayamang ang Kapaskuhan ay espesyal na panahon ng di mapatid-patid na mga salu-salo, siguraduhin nating nakahain sa hapag natin ang tatlong putaheng ito. Tiyakin natin lagi na sa hapag ng buhay, laging nakahain ang kagalakan sa Diyos, pag-alala sa Kanyang kabutihan, at pagdamay sa kapwa. Ito ang ating putahe, hindi lamang kapag Pasko, kundi sa araw-araw na sabi nga natin sa ating awit, “sana’y maging Paskong lagi.” At yayamang ang Misa ay salu-salu rin, muli’t muli tayong dumudulog sa hapag ng Eukaristiya para maging matatag tayo sa harap ng kalungkutan, para manatiling sariwa sa ating alaala ang pag-ibig ng Diyos sa atin na ipinamalas Niya sa pamamagitan ni Jesus, at para sumalok tayo ng lakas na damayan ang ating kapwa.

O, sige po, kain na tayo! Ihahanda ko na ang lamesa.

At dahil diyan may nag-text (akala ninyo, nakalimutan ko na ha). Ang sabi: Bon appetite!

1 Comments:

At 4:51 AM , Anonymous gbmr said...

so busy with work that sometimes i overlook the many little blessings that i have. first christmas abroad ibang-iba talaga. thank you sa blog mo fr. bob, i'm reminded of what christmas is all about. take care, god bless....

 

Post a Comment

Subscribe to Post Comments [Atom]

<< Home