GISING NA!
Ikatlong Araw ng Misa de Gallo
Mt 1:18-24
Sa Bibliya, may dalawang Jose na madali nating maalala dahil sa kanilang mga panaginip. Bukod sa parehong Jacob ang pangalan ng kanilang mga ama, pareho ring mga panaginip ang ginamit ng Diyos para ipabatid sa kanila ang Kanyang kalooban.
Mt 1:18-24
Sa Bibliya, may dalawang Jose na madali nating maalala dahil sa kanilang mga panaginip. Bukod sa parehong Jacob ang pangalan ng kanilang mga ama, pareho ring mga panaginip ang ginamit ng Diyos para ipabatid sa kanila ang Kanyang kalooban.
Ang unang Jose ay mula sa Lumang Tipan. Isa sa mga panaginip ng Joseng ito sa Lumang Tipan ay ang pag-akyat niya sa kadakilaan. Napanaginipan niyang luluhod sa kanya ang mga tala, ang buwan, at maging ang araw. Dadakilain siya hindi lang ng kanyang sambahayan kundi ng buong sambayanan ng Israel. Natupad ang kanyang panaginip sapagkat sa kabila ng malagim na ginawa sa kanya mga kapatid na naiinggit sa kanya, bumulusok pa rin siya sa kapangyarihan sa Ehipto. Si Jose, na pinagbili ng kanyang mga kuya sa mga mangangalakal ng mga alipin, ay naging napakapangyarihan sa Ehipto, pangalawa lamang sa faraon mismo. Ang kanyang puhunan: ang kanyang kakayahang magpaliwanag ng mga panaginip. Ang mapait niyang sinapit sa kamay ng kanyang sariling mga kapatid ang naging daan sa matamis na pagkakaligtas ng kanyang mga kababayang Judyo mula sa pagkagutom. At naluklok man siya sa tugatog ng kapangyarihan, hindi siya bumababa sa nibel ng kanyang mga kuya; hindi niya sila pinaghigantihan.
Ang ikalawang Jose naman ay mula sa Bagong Tipan. Ang kanyang panaginip ay hindi tungkol sa sarili niyang kadakilaan kundi sa kadakilaan ng Sanggol sa sinapupunan ng kanyang katipan. Hindi mula sa kanya ang Sanggol na ipinagbubuntis ni Maria pero ang Sanggol na yaon ay inari niyang kanya. Sa pamamagitan ng isang panaginip, tiniyak sa kanya ng Diyos na hindi siya pinagtaksilan ng kanyang katipan; bagkus, ang Sanggol sa sinapupunan ni Maria ay lalang ng Espiritu Santo, Anak ng Diyos, at Manunubos ng sanlibutan. Madali para sa ating paniwalaang naniwala si Jose sa mga nalaman niya sa pamamagitan ng isang panaginip lang. Pero, sa palagay ko, hindi ganoon kadali iyon para kay Jose. Kung hindi niya tunay na minamahal si Maria, kung hindi siya taong matuwid, at, higit sa lahat, kung hindi siya malapit at masunurin sa Diyos, palagay ko wala tayong Pasko ngayon.
Kayo ba, madalas ba kayong managinip? Ang madalas managinip, palaging tulog! Naniniwala ba kayo sa inyong mga napapanaginipan? Sabi ng mga dalubhasa, ang ating mga panaginip daw ay pagpapahiwatig ng ating kubling-malay. Sa ating pagtulog, malayang nakapagpapahayag ang ating kubling-malay ng kanyang mga nilalaman. Ang panaginip ay maaaring kabaliktaran ng tunay na mga nangyayari sa buhay natin kapag tayo ay gising. Maaari ring salamin ito ng mga aktuwal na pangyayari sa buhay natin, at, dahil tulog tayo, wala tayong kontrol sa daloy ng ating pinananaginipan kung kaya’t makikita raw sa ating panaginip ang katotohanang maaari nating itago o itanggi kapag tayo ay gising. Sabi pa ng ilan, ang panaginip daw ay pahayag ng ating inaasahan, minimithi, inaasam-asam. Pinapangarap. Kapag ang panaginip ay isang pangarap, maaari tayong managinip nang gising.
Sa palagay ko, lahat tayo ay may pangarap. Libre ang mangarap, kaya kahit ano puwede nating pangarapin. At dahil hindi nga kinakailangang tulog para mangarap, marami pa sa atin ang nangangarap nang gising.
Tanungin ang katabi, ano ang pangarap mo? Bagay ba sa kanya ang pangarap niya? Ang pangarap ba niya ay panaginip lang o pangarap talaga?
Alam na natin kung ano ang pagkakapareho ng panaginip at pangarap, pero ano nga ba ang kaibahan nila sa isa’t isa. Tingnan mo ang katabi mo ulit. Nangangarap ba siya o nananaginip? Paano malalaman?
Nanaginip ang katabi mo kung nakapikit ang mata at patuka-tuka, naghihilik (puwede ring humahagok), at tumutulo ang laway. Iyan, kapag ganyan, nananaginip ‘yan. Huwag istorbuhin. Titirikan mo na lang ng kandila at ipagdasal.
Pero kung gising at buhay na buhay ang katabi mo (kasi may gising na mukhang patay na e), maaliwalas ang mukha at may ngiti sa labi, larawan ng tunay na pag-asa, pananampalataya, at pag-ibig, hindi lang iyan nananginip. Nangangarap siya.
Talagang magkaugnay ang panaginip at pangarap: ang panaginip ay nagtatapos sa pagsisimula ng pangarap. Ang pangarap ang nagtutuloy ng panaginip sa katuparan nito sa tutuong buhay. Ang panaginip ay para sa tulog at ang pangarap ay para sa gising. Kailangan natin ang dalawa kung paanong kailangan nating matulog at magising.
Tingnan ang katabi, inaantok ba? Sabihan mo: “Uwi ka muna. Sa bahay ka matulog, mas masarap managinip nang nakahiga.”
Kung gising naman, sabihan mo: “Hoy, mangarap ka raw; hindi tumunganga.” Palibhasa hindi pagtutunganga ang pangangarap. Mali ang kaisipang ang taong gising kung mangarap ay nakatunganga lang. Kung talagang gising ang taong nangangarap, siya ay alerto, maliksi, at malinaw ang kanyang pag-iisip, pagpapasiya, pagsasalita, at pagkilos. Sa madaling-sabi, may direksyon ang buhay niya. At may direksyon ang buhay niya dahil ang pangarap niya ang nagbibigay-direksyon sa kanyang iniisip, sinasabi, at ginagawa.
Ganito rin para sa dalawang Jose sa Banal na Bibliya. Sa Lumang Tipan, gumigising si Jose sa tuwing matatapos ang kanyang panaginip, pinagninilayan niya iyon, inuunawa, at pinagsisikapang isakatuparan. Sa Bagong Tipan naman, si Joseng asawa ni Maria ay sa tatlong beses pananaginip kaya tatlong beses ding gumigising at bumabangon.
Pinagpapaliwanagan at inuutusan ng Panginoon sa pamamagitan ng anghel, masunuring tinutupad ni Jose ang kalooban ng Diyos at hindi lang ang sarili niyang pangarap. Ang pangarap niya ay iniaayon niya sa pangarap ng Diyos. At hindi iyon madali. Alam nating sa pagtupad natin sa kalooban ng Diyos, meron tayong mga pansariling pangarap na kailangan nating isakripisyo para sa iba, ipaubaya para sa Diyos, talikuran para sa ikabubuti ng lahat.
Okay lang managinip. Pero kahit na gaanong ka-okay managinip, kapag hindi tayo gumising ang maganda nating panaginip ay magiging bangungot. Kapag hindi na tayo gumising, papatayin tayo ng ating mga panaginip. Ang mga ayaw gumising, namamatay nang tulog. Dapat tayong gisingin ng ating mga panaginip. At kapag gumising tayo sa ating pananaginip, ang panaginip natin ay nagiging pangarap na maaari nating pagsikapang matupad. At ang pinakamahalaga, pinakamahusay, at pinakamabiyaya talaga ay kung pananatilihin nating nakaayon ang pangarap natin sa pangarap ng Diyos para sa atin.
Ang Pasko ay pangarap ng Diyos para sa atin: ninais Niyang makibahagi sa ating pagkatao para makabahagi tayo sa Kanyang pagka-Diyos. Minsang sumali ang Diyos sa pananaginip natin at ginising Niya tayo sa pamamagitan ng isang Pasko dahil may mga taong katulad ni Jose sa ebanghelyo ngayong araw na ito na gumising, bumangon, at iniayon ang kanyang sariling pangarap sa pangarap ng Diyos para sa ating lahat.
Gisingin ang mga nananaginip bago sila bangungutin. Tapikin ang tutunga-tunganga lang. Gumising, bumangon, at kumilos – tupdin natin ang pangarap ng Diyos.
0 Comments:
Post a Comment
Subscribe to Post Comments [Atom]
<< Home