27 March 2016

NAGSIPAGTAKBUHAN SILA!

Linggo ng Pasko ng Magmuling-Pagkabuhay ng Panginoon
Jn 20:1-9 (Gwa 10:34, 37-43 / Slm 118 / Col 3:1-4)

Maligayang Pasko po ng Magmuling-Pagkabuhay sa inyong lahat!  Happy Easter!

Nito pong nagdaang tatlong araw – Huwebes Santo hanggang Sabado de Gloria – ang sarap magmaneho sa ating mga lansangan.  Wala pong katrapik-trapik.  Hindi tulad kapag pangkaraniwang araw, kulang ang siyam-siyam para makarating ka sa iyong paroroonan.  Kung kelan ka pa nagmamadali, tsaka pa trapik.  Pero nito nga pong nagdaang tatlong araw, hindi mo kailangang magmadali dahil madali kang lang makararating sa pupuntahan mo, kasi nga walang trapik.

Sa araw-araw na ginawa ng Diyos, kundi man po buong maghapon, may mga sandaling nagmamadali tayo.  Nagmamadali po tayo sa ating morning routine kasi baka mahuli tayo sa opisina o paaralan.  Nagmamadali tayong makarating sa sa estasyon LRT o MRT dahil, tiyak po, mahaba na naman ang pila.  At pagkatapos ng isang araw, nagmamadali naman po tayong makauwi kasi marami pa tayong gagawin sa bahay pero kailangan nating makapagpahinga ng maaga dahil magmamadali na naman tayong pumasok bukas.  Yung iba po, nagmamadali kasi hinahabol ang paborito nilang teleserye.  May mga taong nagmamadaling kumain, maligo, makasakay ng dyip, makapagtrabaho, makapag-aral, makauwi, at makatulog.  At meron din pong mga nagmamadaling magsimba.  Pero meron din naman pong mga paring minamadali ang pagmimisa.  Kayo po ba, nagmamadali po ba kayo ngayong matapos na ang Banal na Misang ito at nang masabi n’yong, “Hay, salamat, tapos na ang obligasyon ko!”  Iyon nga po ang problema kapag ang tingin natin sa pagsisimba o pagmi-Misa – at alinmang para sa Diyos – ay isang obligasyon.  Sapat na po para sa marami ang magawa at matapos ang kanilang obligasyon.  At kung puwedeng madaliin, bakit nga naman po hindi?

Pero may mabuti rin naman pong pagmamadali.  Minsan kailang mo po talagang magmadali.  Basta lagi ka pa ring mag-iingat kahit nagmamadali ka, at ang pagmamadali mo ay para sa tama’t mabuting dahilan.

Taun-taon, parehas po ang Ebanghelyong binabasa natin tuwing Linggo ng Magmuling-Pagkabuhay ng Panginoon: ang kuwento ni Maria Magdalena, Simon Pedro, at Juan noong umaga nang si Jesus ay magmuling-nabuhay.  Marami na po tayong binigkas at narinig na mga pagninilay tungkol sa kanilang kuwento.  Marami na rin pong mga detalye ng kuwento nila ang ating binigyang-pansin at kinapulutan ng aral.  Ngunit may isang bagay po na bibihirang pinapansin: LAHAT PO SILA TUMAKBO!  LAHAT PO SILA NAGMAMADALI!  Tumakbo raw po si Maria Magdalena para magsumbong kay Simon Pedro at sa alagad na minamahal ni Jesus: “Kinuha nila ang Panginoon sa libingan at hindi namin alam kung saan nila Siya inilagay.”  At agad-agad din naman daw pong tumakbo sila Simon Pedro at Juan papuntang libingan ni Jesus.  Mas mabilis pa nga raw pong tumakbo si Juan kaysa kay Pedro, ulat ng Ebanghelyo, kaya nauna siya sa libingan ngunit hindi pumasok.  Pero si Pedro, walang hinto sa pagtakbo, tuluy-tuloy raw po itong tumakbo papasok sa libingan.  Sa katunayan, bago pa po nangyari ang mga takbuhang ito, nagmamadali na si Maria Magdalena.  Pagkatapos na pagkatapos daw po ng Sabbath, samantalang madilim pa, nagtungo na siya sa libingan ni Jesus.  Lahat po sila nagmamadali.  Lahat po sila tumatakbo.  Nagmamadali sila para sa Panginoon.  Tumatakbo sila papunta kay Jesus.

Ganyan po kasi talaga kapag para sa minamahal, hindi ba?  Hindi ka makapaghintay.  Ayaw mong pinaghihintay.  Agad-agad kapag loved.  Sabi nga po ng isang sikat na kanta ngayon: “I’m only one call away.  I’ll be there to save the day.  Superman got nothing on me.  I’m only one call away.”  Sa tutoo lang po, kung mahal mo talaga, hindi ka na one call away kasi lagi kang nasa tabi n’ya.

Tayo po, para kanino po ba tayo nagkakandarapa sa pagmamadali?  Kanino po tayo mabilis pa sa alas-cuatro?  Sino po ba ang ating “one call away”?  Sino ang ating “no need to call anymore” kasi hindi tayo umaalis sa tabi n’ya?  Baka naman po kung sinu-sino yan, maliban kay Jesus.

Baka po kapag si Jesus na, pinagpapabukas-bukas na lang natin.  Baka po kapag para kay Jesus, “pinupuwede-puwede na yan “ na lang natin.  Nitong nagdaang Semana Santa, nagmamadali tayong pumunta ng simbahan, ayaw nating male-late sa mga pagdiriwang, nag-aalala pang baka maubusan ng upuan, pero ngayong hindi na Kuwaresma baka naman po tamad na tamad na tayong magsimba at ayos lang kahit ma-late – “hindi pa naman Gospel”.  Noong Kuwaresma mabilis tayong maglimos; baka naman po ngayon, mabilis na tayong magtago sa nanlilimos.  Baka po matulin tayong tumakbo patungo kay Jesus pero usad-pagong naman tayo patungo sa kapwang nangangailangan ng ating tulong.

Umagang-umaga pa lang ng Pasko ng Magmuling-Pagkabuhay, tumatakbo na si Maria Magdalena, Simon Pedro, at Juan patungo kay Jesus.  Ipinakikita po nito kung gaano nila kamahal si Jesus.  Mahal na mahal.  Nagmamadali sila para kay Jesus; hindi minamadali si Jesus.

Tayo po kaya, nagmamadali rin ba tayo para kay Jesus o minamadali natin Siya?  Sa maraming pagkakataon, sinusukat ang pag-ibig natin kay Jesus.  Sana po, pagkalooban din tayo ng magmuling-pagkabuhay ng sigla para kay Jesus.  Sana po, itulak tayo ng magmuling-pagkabuhay para nagmamadali rin nating hanapin si Jesus, ngunit hindi sa libingan kundi sa tahanan ng mga dukha.  Sana po, patakbuhin din tayo ng magmuling-pagkabuhay ni Kristo hindi para sa anumang puwesto kundi para maglingkod nang walang hinihintay na kapalit.

Tapos na ang Semana Santa.  Matrapik na naman.  Magmamadali na naman ang marami sa atin, sa araw-araw na ginawa ng Diyos.  Makikipag-unahan na naman ang ilan sa atin para makarating sa kani-kanilang opisina o paaralan.  At, opo, maraming tumatakbo ngayon, hindi ba?  Tumatakbo ba sila para sa misyon o para sa ambisyon?

Sa pagsariwa po natin ngayon sa mga pangako natin sa Binyag, pagpanibaguhin natin ang ating pasiyang kay Jesus tayo!








26 March 2016

MAGANDANG BUHAY!

Bihilya ng Pasko ng Magmuling-Pagkabuhay ng Panginoon
Lk 24:1-12 (Gen 1:1-2:2 / Gen 22:1-18 / Ex 14:15-15:1 / Is 54:5-14 / Is 55:1-11 / Bar 3:9-15, 32-4:4 / Ezk 36:16-17, 18-28 / Rom 6:3-11)

Maligayang Pasko po ng Magmuling-Pagkabuhay ng Panginoon!  Happy Easter po sa inyong lahat!

Magandang gabi po.  Magandang buhay sa inyong lahat!

Ano nga po ba ang magandang buhay?

Ang magandang buhay ay hindi po ang buhay ng taong maganda.  Alam naman po natin, maraming may magandang mukha pero pangit naman ang ugali.  Ang magandang buhay ay hindi po marangyang pamumuhay.  Hindi po lahat ng mayaman ay maganda ang ikinabubuhay.  Ang magandang buhay ay hindi po buhay ng makapangyarihan o maimpluwensya o sikat.  Marami na pong sumikat dahil sa masamang ginawa.  Marami rin pong may impluwensya sa lipunan na ang bad influence naman.  At marami pa rin po namang makapangyarihan at nasa kapangyarihan na nakakasuka ang pagmumukha.

Ano nga po ba ang buhay na maganda?  Sino ang may magandang buhay?

Ang magandang buhay ay buhay na maka-Diyos, buhay na laan sa Diyos, buhay na katulad ng sa Diyos.  Ang buhay na maganda ay ang buhay ng Diyos.  Ganyan po ba ang buhay natin?  Ang mga bukambibig ay “good”, good din ba kayo?  Ang mahilig bumati ng “Magandang umaga.  Magandang tanghali.  Magandang gabi.  Magandang buhay”, maganda po ba kayo inside-out?  Ano po ba ang batayan natin ng kagandahan?  Saan natin hinuhugot ang “maganda” sa tuwing babati tayo ng “Magandang buhay” sa isa’t isa?  Meron po ba tayo ng tunay na gandang hinahangad natin sa iba?  Nasa atin po ba ang kagandahan ng Diyos?  Maka-Diyos po ba tayo?  Laan ba tayo sa Diyos?  Ang buhay po ba natin ay katulad ng buhay ng Diyos?  Buhay ba talaga ang Diyos sa atin?

Si Jesus – ang Bugtong na Anak ng Diyos – ang larawan ng Diyos sa atin.  Sa Col 1:15, wika ni Apostol San Pablo, si Jesus ang imahe ng disin sana’y nakakubling Diyos, Siya ang panganay ng sanilikha.  Tingnan po natin si Jesus: masdan natin ang Diyos.  Tularan po natin si Jesus: mamuhay tayong mga anak ng Diyos.

Ang mamuhay bilang mga anak ng Diyos ay ang magsikap na isabuhay ang buhay ni Kristo Jesus.  Opo, si Jesus ay buhay; ngunit hindi lamang Siya buhay.  Si Jesus mismo ang buhay.  At ang Kanyang magmuling-pagkabuhay ang siyang pinakasentro ng kasaysayan ng tao.  Wala pa pong pangyayari sa kasaysayan ng mundo ang sintindi ng magmuling-pagkabuhay ni Jesus.  Binago po nito hindi lamang ang maraming tao kundi ang buong sanilikha.  Siya pong magmuling-nabuhay ang naging buhay ng sanilikha.  Binago po nito ang buhay n’yo at buha ko.  Dahil sa magmuling-pagkabuhay ni Jesus, bagong tao na po tayo: ang luma, ika pa ni San Pablo Apostol, patay na.

Ang magmuling-pagkabuhay ni Jesus ay ikalawang genesis.  Ang Kanyang magmuling-pagkabuhay ay magmuling paglilikha.  Sa unang genesis, nilikha ng Maykapal ang tanan sa pamamagitan ng Kanyang makapangyarihang salita.  Sa ikalawang genesis naman po, magmuling Niyang nilikha ang sankatauhan pamamagitan din ng Kanyang Salitan ngunit ngayo’y nagkatawang-tao na – si Kristo Jesus.  Sa unang genesis, hiningahan ng Diyos ang tao at ito ay nabuhay.  Sa ikalawang genesis, kinagabihan nang Kanyang magmuling-pagkabuhay, nagpakita si Jesus sa natitipong mga alagad at hiningahan din Niya ang mga bagong nilikha.

Kaya nga po, kung nais nating malaman at maunawaan ang tunay na kahulugan ng ating buhay, ipako po natin ang ating paningin sa napako at magmuling-binuhay na Kristo.  Sa Kanya lantad na lantad po ang misteryo ng buhay ng tao.  At ang misteryong ito ng buhay ng tao ay dumidilim kapag hindi natatanglawan ng misteryo ng Diyos.  Kung nais po nating maliwanagan ukol sa misteryo ng ating buhay, kailangan nating magbabad sa liwanag ng misteryo ng Diyos.  Saan po ba tayo nagbababad?  Sa ano po ba nakabilad ang ating buhay?

Kapag naliliwanagan ng misteryo ng napako’t magmuling-binuhay na Kristo ang misteryo ng buhay ng tao, nakikita po natin ang napakalalim na katotohanang ito: ang Diyos ay para sa tao at ang tao ay para sa Diyos.  Tayo ay para sa Diyos at ang Diyos ay para sa atin.

Tayo po ay para sa Diyos.  Hindi tayo para sa mundo.  Nasa mundo nga tayo pero dapat po hindi tayo maka-mundo.  Hindi tayo para sa mundong ito.  Hindi tayo nilikha upang maging mga alipin ng mundong ito; nilikha po tayo ng Diyos upang maging mga katuwang Niya sa pag-aaruga at paglinang ng mundo.  At sa Diyos lang po natin matatagpuan at malalasap ang tunay na kaligayahan.  Ika nga po ni San Agustin, “Thou hast created us for Thy Self, O God, and our hearts are restless until they rest in Thee.”  Sa araw-araw kailangan po nating tanungin ang ating sarili at usisain ang uri ng ating pamumuhay kung sa Diyos pa tayo talaga.  Baka po kasi hindi na.

Ang mabuting balita po ay ito: Kahit hindi na tayo para sa Diyos, ang Diyos ay para sa atin pa rin.  Kakampi natin ang Diyos.  Maaaring disiplinahin Niya tayo, katulad ng isang mabuting magulang sa kanyang anak, ngunit hindi Niya po tayo sasaktan.  Ang pananakit ay hindi gawain ng Diyos at hindi gawi ng taong maka-Diyos.  Sa kabila ng marami nating atraso sa Kanya, ang ganti sa atin ng Diyos ay pag-ibig pa rin.  At pinakita sa atin ng Biyernes Santo na wala pong kahit na ano at kahit na sino ang makahahadlang sa Kanyang mahalin tayo, kahit pa may krus, for the cross is not the cause but the fruit of God’s love for us.  Walang makapipigil sa Kanyang ibigin tayo kahit pa libingan.  Sa kabila ng lahat, we are not only worth dying for; we are worth rising for.  Para sa atin ang Diyos.

Ngayon pong Pasko ng Magmuling-Pagkabuhay at sa pagsariwa nating muli sa mga pangako natin sa Binyag, pagpanibaguhin po natin ang ating pasiyang magsisikap nang wagas na mamuhay bilang mga anak ng Diyos.  Ang tanglaw ng Kandila ng Paskuwa ang paalala sa ating naririyan lagi si Jesus bilang ilaw sa ating paglalakbay at init sa tuwing nanlalamig na tayo sa pagsasabuhay ng ating pananampalataya.

Manatili po tayo sa liwanag ni Kristo.  Si Kristo mimso ang liwanag na ito.  Ika nga po sa Slm 36:9, “For with Thee is the fountain of life; in Thy light we see light.”  At sa Jn 8:12, sinabi ni Jesus, “I am the light of the world.  Whoever follows Me will have never walk in darkness, but will have the light of life.”  At sa kasunod na kabanata, Jn 9:1-12, pinatunayan Niya po ito nang bigyan Niya ng paningin ang isang lalaking isinilang na bulag.

Huwag tayong mamuhay sa kadiliman.  Hindi po tayo bagay sa dilim.  Ang kadiliman ay para lang sa mga pangit.  Bakit gusto ng pangit sa dilim?  Kasi po sa dilim, walang maganda, walang pangit.  Sa dilim, pantay-pantay: ang lahat, maitim!  Ayaw ng pangit sa liwanag dahil mabubukong pangit pala siya.  Hindi po nagsisinungaling ang liwanag: sa ilalim ng liwanag ang asul ay asul, ang pula ay pula, ang berde ay berde, ang puti ay puti, ang itim ay itim, ang pangit ay pangit, at ang maganda ay maganda talaga.  Sadyang ganyan po ang liwanag: hindi nagsisinungaling.  Kaya nga po liwanag kasi maliwanag talaga.

Humarap po tayo sa liwanag.  Sa sandaling tumalikod tayo sa liwanag, ano po ang nililikha natin?  Anino.  Tapos matatakot tayo sa sarili nating anino.  Ang tanga tatakbo nang tatakbo palayo sa liwanag ngunit lagi pa rin pong nasa harap niya ang aninong gustong takasan.  Tanga po talaga.  Bakit?  Ang dali-dali naman po kasing solusyonan ng kanyang sitwasyon.  Paano po?  Humarap sa liwanag.  Kapag humarap po tayo sa liwanag, naglalaho ang anino.  Huwag po tayong tanga – pangit ang tanga.

Pinaganda na po tayo ng Magmuling-Pagkabuhay ni Kristo.  Huwag na tayong magpakapangit pa.  Huwag tatanga-tanga: humarap lagi sa Liwanag.  Si Jesus po ang natatanging Liwanag na ito.

Magandang gabi po sa inyong lahat!  Magandang Pasko ng Magmuling-Pagkabuhay!  Hindi lang po ito pagbati.  Hamon ito sa ating lahat: SA LIWANAG NG MAGMULING PAGKABUHAY NI KRISTO, PAGANDAHIN PO NATIN ANG BUHAY NG IBA.  Ano tayo, tayo lang po ang maganda?







25 March 2016

WOULD HE STILL COME?

Good Friday of the Lord’s Passion
Jn 18:1-19:42 (Is 52:13-53:12 / Ps 31 / Heb 4:14-16; 5:7-9)

When I took my oral comprehensive exams in Theology, His Eminence Luis Antonio Cardinal Tagle – who was then simply called “Fr. Chito”- was one of the panelists. He asked me, “If man did not sin, would Jesus come?  Would He become human if man did not sin?”  Without any thought, I answered, “Yes, had man not sinned, Jesus would still come.”  Then Fr. Chito followed up with “But why would Jesus come when man did not sin and therefore had no need of redemption?”  With much thought, I wrestled with my years of theological studies but produced no satisfactory answer.  I realized that it was the first time I gave such a consideration any thought at all.  If man did not sin, would Jesus come?

It is quite interesting – and certainly can be the focus of deep reflection – but few, if none at all, take note that Good Friday this year falls on March 25 which is the usual date when we also celebrate the Lord’s Incarnation in the womb of the Blessed Mother.  March 25 is the feast of the Lord’s Annunciation.  Because March 25 this year is Good Friday, the liturgical celebration of the Lord’s Annunciation is moved to the Monday after the Easter Octave – April 4 this year.  But while the actual commemoration of the Lord’s Annunciation is suspended until two weeks, commemorating the Lord’s passion and death on the day we normally celebrate His Incarnation moves us to consider the two mysteries of His life together.  Did Jesus become flesh to save us from sin so that if we had not sinned He would not have become human?  Was it sin that moved the Father to send us His only begotten Son?  Was Jesus born to die?

In the old catechism, the answer to the question “Why did Jesus become man” was “To save us from sin”.  And that “saving us from sin” meant dying on the cross.  Thus, again, the issue: But if we did not sin, would He become man?

Whoever says that Jesus became man to die for our sins – and therefore had we not sinned, Jesus would not have come – actually holds Jesus, and perhaps with not much thought at all, as an addendum in creation.  Such a claim is based on a God having two plans.  Plan A is God’s will for creation fulfilled perfectly to the dot.  Plan B is God’s will for creation derailed and even threatened to be totally ruined by sin but to no worry because He already thought of sending His Son to be our Savior.  But the problem with God having these two plans together is the fact that they mock the very identity of God.  God is perfect and therefore He never executes His will with a contingent plan.  He always has only one plan.  From time immemorial, Jesus’ incarnation has always been part of the Father’s plan for us – sin or no sin.

In Jn 3:16, we read, “For God so loved the world that He gave us His only Son, that whoever believes in Him may not perish but may have eternal life.”  The Gospel is clear that it was not sin that moved God to give us His Son but love.  Such is His love for us that not even sin can hinder Him from giving us everything that He has, including Jesus, His only begotten Son.

Search the Scriptures and see if there is anything written, saying that Jesus came to die.  Even during His passion, when tried by Pilate, Jesus did not say that He was born to die.  Rather in Jn 18:37, He declares that He was born to testify to the truth.  If testifying to the truth meant for Him death, so be it, for Jesus, but still it was not for death the He came to dwell among us.  Therefore, even if man did not sin, Jesus would still come.  But if there were no sin, then Jesus would have not been crucified.

Sin made it difficult for God to love us.  But still He loved us in our darkest.  Sin made suffering and death elements of God’s love for us.  But still He loved us to the very end.  Sin made a cross stand between God and us.  But still He loved us through.

In Jn 10:10, Jesus Himself answers our question.  In the context of His teaching about Him being the Good Shepherd, Jesus declares, “The thief comes only to steal and kill and destroy; I have come so that they (the sheep) may have life, and have it to the full.”  Jesus did not come to die; clearly, He Himself says, He came to give life.  Sin made that giving of life in its fullness tremendously and horrendously difficult for Jesus.  The payment for such an inestimable gift is life.  Jesus foots the bill.  He paid it with His own.

We have gathered together this afternoon to simply tell Jesus, “Thank you, Lord.  Thank you po.”  And we make no big promises to Him but plead with Him instead.  We know our selves better now than when we were younger and our minds are proud and our hearts lofty.  Like Simon Peter, not only abandoning the Lord but denying Him – not once but thrice – when the Lord needed him the most, all we can utter in sincerest humility, “Lord, Thou knowest everything.  Thou knowest that I love Thee.”  We pray:

I beg to fall in love with Thee, my Lord
With every breath of life I take
I beg to fall in love with Thee, my Lord
Its every beat, I to Thee forsake

For even if my thoughts fall short of knowing Thee
And even if my will runs terrified
Your passion thins the darkness of my soul
Sheds it light, breathes it life, stills the murmur of the night

For even if my heart falls short of loving Thee
And even if my spirit hides away
Thy love for me surpasses all my fear

All I do, all I am, all that I can ever be
I beg to fall in love with Thee, my Lord
With every breath of life I take
I beg to fall in love with Thee, my Lord
Its every beat, I to Thee forsake

Jesus is not an addendum, an after-thought, an alternative in God’s otherwise perfect plan.  No.  He is the very apex of creation.  From the very beginning the Father intended that His life would come to us through His very own Son.  Even without sin, Jesus would have come, for it was love not sin that gave us Jesus.  The cross is not the cause; instead, the cross is the fruit of God’s love, for even with our sins God loved us unto death.  It was to give us life and life in its fullness that Jesus came and became one like us, except sin.

Now it is our turn to strive to become more and more like Jesus.  Let us love even if crosses are thrown our way.  Let us love the sinner even as we hate sin.  Let us love not because of but inspite of.  Let our love for others not be the fruit of any benefit they give us but the cause of our self-giving to them – deserving or not.  Let our love be life-giving even unto death.  Let us live like Jesus.  Let us love like Him.

March 25 this year does not paint the usual image of the incarnate Jesus in the womb of the Virgin Mother but the site of the lifeless Jesus in the arms of the Blessed Mother.  And today – as always is – we stand by her side who teaches us best to love and live like Him.

O Jesus, living in Mary, come and live in me.  Amen.


24 March 2016

ANG KUWENTO NG ATING HAPUNAN

Misang Takipsilim ng Hapunan ng Panginoon
Jn 13:1-15 (Ex 12:1-8, 11-14 / Slm 116 / 1 Cor 11:23-26)

Sa tahanang aking kinalakhan, ang lahat po ng pagkain ay banal.  Grasya ng Diyos ang turing sa bawat pagkain.  Ang bawat butil ng kaning nahuhulog sa lapag mula sa hapag ay dapat puluting isa-isa – hindi iwinawalis – sapagkat grasya raw po ito ng Diyos.  Ang bawat pagkain sa aming hapag, sabi ulit po ng tatay ko, ang puhunan ay pawis at dugo.  Pawis at dugo na pinagpala ng Diyos para makapaghatid ng pagkain sa aming hapag.

Dahil ang turing sa pagkain ay banal, sa pamilyang kinalakhan ko, ang hapag po ay sagrado.  Dahil ang pagkain ay grasya ng Diyos, bawal mangalumbaba sa hapag; sa halip dapat ipagpasalamat at pagyamanin ito.  At hindi raw po pinaghihintay ang grasya ng Diyos; kaya isang tawag lang dapat dumulog ka na.

Sa sagradong hapag, walang awayan, walang sumbatan, walang sigawan, walang ungkatan ng sama-ng-loob.  Sa sagradong hapag, kapag kumakain daw po, sabi ng tatay ko, parang nagdarasal.  At  nagdarasal nang sama-sama, hindi una-una, hindi kanya-kanya.

Higit pang pinababanal ang hapag ng pagdadamayan at pagmamalasakitan ng isa’t isa.  Hindi lang po sarili ang pinakakain; tinitiyak na nakakakain ang lahat.  At sakaling, may hindi pa makadulog sa hapag, ipagtatabi po siya upang pag-uwi niya ay makakain at mabusog din siya.  Sabi ng nanay ko, kapag sabay-sabay daw pong kumakain, kahit kakaunti ang pagkain, nagkakasya.  Tama po, hindi ba?  Kaya naman, para sa aming magkakapatid, ang una pong paaralan ng pagmamalasakitan ay ang hapag namin sa bahay.  Sa sabay-sabay naming pagkain una naming natutunang asikasuhin, alalahanin, at arugain ang isa’t isa.

Sa hapag ng aming tahanan nasusulat ang pinagtagpi-tagping kuwento ng aming kani-kaniyang buhay.  Pinagtagpi-tagpi upang maging iisang kuwento ng aming pamilya.  Iisang kuwentong pinabanal at kinonsgrada ng grasya ng Diyos – ang pagkaing araw-araw ay pinagkakaabalahan ng Diyos na ipagkaloob sa amin.

Ngayong gabing ito, dala-dala ang ating kani-kaniyang kuwento ng buhay, dumudulog po tayong muli sa hapag ng Panginoon.  Ito ang pinakasagradong hapag.  Ito ang pinakabanal na pagkain.  Ito ang salu-salo ng mga pinagtagpi-tapi nating buhay na tinatahi ng buhay ni Jesus.  Bitbit n’yo po ba ang kuwento ninyo?  Kasama n’yo po ba ang pamilya ninyo?

Sa ating unang pagbasa narinig po natin ang kuwento ng mga Judyo.  Nagsama-sama sila, pami-pamilya, upang pagsaluhan ang Hapunan ng Paskwa.  Ang pinagtagpi-tagping kuwento ng kanilang kaalipinan sa Ehipto ay naging kasaysayan ng paglaya sa pamamagitan ng mahabaging Diyos.  Mula sa pagiging kani-kaniyang pamilya, binuo at hinubog po Niya sila upang maging Kanyang Bayan – pinili, pinalaya, at pinagpala.  Ang kabayaran ng kanilang paglaya: isang kordero na ang dugo nito’y ipinahid sa hamba.

Nang tipunin ni Jesus ang Kanyang mga alagad noong unang Huwebes Santo, ang hapunang ito ng Paskwa ang kanilang ginugunita.  Ngunit pinagpanibago ito ni Jesus at mula noo’y nabago ang ating buhay.  Ang sakripisyo ng Lumang Tipan ay sakripisyong halili.  Ang korderong kinatay upang ang dugo nito ay ipahid sa hamba ng mga tahanan ng Judyo ay mistulang substitute o kahalili ng mga anak na panganay na lalaki – tao at hayop – sa sambahayan ng Israel.  Sa halip na anak nila ang bawian ng buhay, ang korderong laan ang isinakripisyong kapalit.  Sa Bagong Tipan, tinapos ni Jesus ang ganitong uri ng sakripisyo.  “Ako na,” ika ni Jesus, “ito ang Aking Katawan.”  “Ako na,” sabi ni Jesus, “ito ang Aking Dugo.”  Tama na ang pagsasakripisyo ng iba.  Sa halip, ang sarili ang isakripisyo para sa iba.

Tayo po kaya, kelan natin babaguhin ang pagsasakripisyo natin sa ating kapwa?  Kelan titigilang gamitin ang mga maralita para makaupo sa puwesto ang nagsasabing gusto raw maglingkod sa bayan?  Kelan tatapusin ang pagtututuro sa iba kapag mahirap na ang hinihingi ng sitwasyon at sa halip ay iboluntaryo ang sarili?  Kelan wawakasan ang pagsasakripisyo sa kapwa alang-alang sa pansariling ganansya?  Nabubuhay po tayo sa panahon ng Bagong Tipan, pero baka ang sakripisyo po natin ay pan-Lumang Tipan pa.

Matapos ilatag ni Jesus ang sariling Katawan at Dugo sa hapag ng Bagong Tipan upang maging bagong sakripisyo, winika Niya, “Gawin ninyo ito sa pag-aalaala sa Akin.”  At muli itong ipinaalala sa atin ni Apostol San Pablo sa ikalawang pagbasa; napakadali po kasi natin itong malimutan.  Tila ang sakripisyo ni Jesus, para sa marami sa atin, ay sa loob lamang ng Banal na Misa.  Ang hamon po sa atin ng pananalig sa Banal na Eukaristiya ay ang kumapit kay Jesus at ipaubaya rin ang sariling buhay para sa iba.  Kung hindi po tayo binabago ng bawat Banal na Misang ating sinisimbahan at ng bawat Eukaristiyang ating tinatanggap sa Komunyon tungo sa pagiging katulad ni Kristo, may mali po.  Saan po kaya ang mali?  Ano po kaya ang mali?  Bakit hindi tayo nakakatulad ni Jesus?  Ang pag-alala kay Jesus ay hindi lamang po sa loob ng simbahan, bagkus sa lahat ng dako ng ating iba’t ibang kaabalahan.  Ang pagtulad sa sakripisyo ni Kristo ay hindi lamang po sa pagdiriwang ng Banal na Misa, kundi sa bawat pahina ng ating buhay.

Muli pong nangangaral sa atin ang ating Panginoon.  Nangangaral Siya nang hindi nakatayo o nakaupo.  Muli pong nangangaral sa atin si Jesus at nangangaral Siya ngayon nang nakaluhod.  Isang halimbawa kung paano natin maaaring gawin ang Kanyang sakripisyo: hinugasan Niya ang mga paa ng Kanyang mga alagad.  Nakaluhod ang Diyos sa harap ng tao.

Hindi po kataka-takang tumanggi si Simon Pedro.  Hindi po ba siya ang unang kumilala kung sino talaga si Jesus?  Sa Mt 16:16, winika niya kay Jesus, “Kayo po ang Kristo, ang Anak ng Diyos na buhay.”

Pero kataka-taka rin pong pati mga paa ni Judas ay hinugasan ni Jesus.  Kataka-taka dahil iba tayong magmahal.  Bakit natin huhugasan ang mga paa ng traydor sa atin?  Bakit tayo luluhod sa harap ng umahas sa atin?  Ibang-iba nga po si Jesus: mahal Niya si Judas kung paano Niya mahal si Pedro.  Ibang-iba si Jesus: ang pag-ibig Niya ay walang itinatangi.  At makabagbag-damdamin po nating sinasabing mga alagad tayo ni Jesus.

The ultimate joy of any disciple is to become like his master.”  Ang tugatog ng ating kaligayahan ay ang matulad kay Jesus.  Hanggang saan po tayo tutula sa Kanya?  Iyan po ang sukatan ng ating sinasabing, “Kristiyano ako.  Kay Lord ako.”  Iyan din nga po ang sukatan ng ating kaligayahan.  Sapagkat ang rurok nga po ng kaligayahan ng sinumang alagad ay ang matulad sa kanyang panginoon.

Sa Banal na Misang ito, dumating na po ang sandali para hubarin ng pari ang kanyang marangyang damit pang-Misa.  Huhugasan na niya ang mga paa ng mga napiling kumatawan sa ating lahat.  Sana hindi po ito mauwi sa dramatization kundi sa realization tungo sa ating transformation.  Sa orihinal na Griyego, ang salitang ginagamit nang sabihing “hinubad (ni Jesus) ang Kanyang panlabas na kasuotan” ay tithesin.  Ito po ang ugat ng salitang tithenai, sa wikang Griyego rin, na tumutukoy sa pag-aalay ng buhay ng isang pastol para sa kanyang mga tupa.  Tithesin: Hinubad ang kasuotan.  Tithenai: Inialay ang buhay para sa kawan.  Nang hubarin ni Jesus ang Kanyang panlabas na kasuotan ipinahihiwatig Niya ang Kanyang pag-aalay ng buhay.  Hindi po natin masyadong nabibigyang-pansin ang paghuhubad ng pari ng kanyang damit pang-Misa tuwing Huwebes Santo kasi lahat nakatingin sa mga paa ng huhugasan.  Akala po ng marami, kaya naghuhubad ng damit pang-Misa ang pari ay para huwag itong marumihan o mabasa pag hinugasan na niya ang mga paa ng mga hinirang.  Kasama po sa paghuhugas ang paghubad.  Madalas nga po, may kailangan tayong hubarin para tayo makaluhod at makapaghugas ng paa ng iba.  Kailangan po nating hubarin ang ating matatayog na sarili.  Si Jesus po ang unang gumawa noon.

Grasya ang pagkain.  Sagrado ang hapag.  Pinagtagpi-tagping kuwentong bumubuo sa iisang buhay na tinatahi ng pag-aalay ni Jesus ng sarili.  Tapos na ang dating uri ng pagsasakripisyo; isakripisyo ang sarili at huwag ang iba.  Tumulad kay Jesus: tithesin at tithenai – hubarin ang sarili at ialay ang buhay.

Ito po ang ating pagkain.  Ito po ang ating hapag.  Ito po ang ating pamilya.  Ito po ang tahanang ating kinalakhan.  Dito rin po natin palakihin ang ating mga anak.  Ganito po natin isabuhay ang ating ipinagdiriwang.  Ito ang kuwento ng ating hapunan.







19 March 2016

HINDI LINGGO NG PALASPAS

Linggo ng Palaspas ng Pagpapakasakit ng Panginoon
Lk 22:14-23:56 (Is 504-7 / Slm 22 / Fil 2:6-11)

Ang maraming tao, tawag sa araw na ito ay “Linggo ng Palasapas” o “Palm Sunday”.  Lahat po ng mga debotong Katoliko ay may iba’t ibang uri, desensyo, at laki ng palaspas ngayong araw na ito.  Lahat din po sila, siempre, gustong mabasbasan ng pari ang kani-kanilang palaspas.  Paniniwala pa po ng marami, dapat tamaan ng wisik ng agua bendita ang dala-dala nilang palapas kundi pakiramdam nila ay parang hindi naman ito nabasbasan.  Kuntodo wagayway, kahit sino ang tamaan.  Kuntodo singit, kahit sino pa ang maipit.  Basta dapat mabasbasan ang palaspas.  Ang iba pa po, nagpapabasbas nga pero hindi naman nagsisimba.  At meron pa pong baliktad, sa halip na sa simula ng Banal na Misa magpabendisyon ng palaspas, pagkatapos na kasi laging late dumating.  Para sa marami, ngayon nga po ay Linggo ng Palaspas.
            Kaya lang po, sa sobrang pagkakatuon natin sa palaspas, baka napabayaan na natin ang nahampas.  Baka po tutok na tutok tayo sa palaspas pero hindi natin pinapansin ang hinampas.  Eh hindi po ba ang mga palaspas noong Linggong iyon, pagsapit ng Biyernes, ay naging mga panghampas.  Kaya nga po ang tamang pangalan ng Linggong ito ay hindi “Linggo ng Palaspas” kundi “Linggo ng Palaspas ng Pagpapakasakit ng Panginoon” o “Palm Sunday of the Lord’s Passion”.  Sana po huwag tayong mapako sa palaspas lang dahil kalahati lang iyon.  Ituloy po natin sa “Pagpapakasakit ng Panginoon.”  Mula palaspas patungo sa Hinampas.
            Sa unang pagbasa po ngayong Linggong ito, ipinipinta ni Propeta Isaias ang larawan ng Hinampas na ito.  Siya po ang Suffering Servant of God: ang Nagdurusang Lingkod ng Diyos.  Sa paglalarawan ng Propeta, itong Nagdurusang Lingkod ng Diyos ay hindi lamang hinampas; bagkus, itinuring Siyang hampas-lupa.  Sabi pa nga po sa Slm 22:6, sa pagdurusa ng Lingkod na ito, mistula na Siyang uod at hindi na tao.  Anong pait at hapdi ng sinapit Niya sapagkat nagdusa Siya bagamat walang-sala.  Siya ay Lingkod ng Diyos at, paglalarawan pa ni Propeta Isaias, araw-araw daw po, sa paggising sa Kanya ng Diyos, ang Lingkod na ito, tulad ng isang alagad, ay nakikinig sa Maykapal.  Sa kabila ng Kanyang pagkamapagtalima sa Diyos, nagdusa Siya.  O nagdusa Siya dahil sa Kanyang pagkamapagtalima sa Diyos.  At sa gitna ng Kanyang pagdurusa, ang Lingkod na ito ay hindi po gumanti ni umimik.  Binata Niya ang lahat sa katahimikan at kapakumbabaan.  Ito po ang sekreto Niya: “I have not despaired, for the Lord Yahweh comes to my help.  So, like a flint I set my face, knowing that I will not be disgraced.”  Matindi ang paghihirap Niya pero mas matindi po ang pagtitiwala Niya sa Diyos.  Malalakas ang hampas sa Kanya pero mas malakas po ang pag-asa Niya sa Panginoon.
            Tayo, hindi po ba laging iniisip natin na tayo ay mga lingkod ng Diyos?  Hindi po ba bukambibig nating tayo ay servants ni Lord?  Nasaan po ang mga latay ng hampas sa atin?  Ano po ang ating mga pagdurusang sinapit?  Hindi po basta hampas.  Hindi po basta pagdurusa.  Bagkus, mga pagdurusa at mga hampas sanhi ng ating pagtalima sa Diyos.  Ang paglilingkod po ba natin sa Diyos at sa ating kapwa, sa ngalan ng Diyos, ay napakakomportable?  Ang pagsunod po ba natin sa mga yapak ni Jesus ay sobrang dali para sa atin dahil pinipili lang natin kung alin sa mga yapak Niya ang ating susundan?  Hinahamon po ba tayo ng Ebanghelyo at para rito ay nagtitiis ng pasakit?  “I rejoice in my afflictions for your sake,” ika ni Apostol San Pablo sa Col 1:24, “and in my body I complete what is lacking in the sufferings of Christ for the sake of His body, the Church.”  Masasabi rin po ba natin iyan tungkol sa ating sarili, nang walang-bahid ng anumang kasinungalingan at kayabangan?  Palaspas – meron tayo.  Eh peklat po kaya ng hampas sa atin dahil tutoong isinasabuhay natin ang Ebanghelyo – meron ba?
            Sa ikalawa pong pagbasa, ang Nagdurusang Lingkod ng Diyos na ipininta ni Propeta Isaias sa unang pagbasa, ay nagkamukha.  Si Jesukristo ang Nagdurusang Lingkod ng Diyos.  Siya ang hinampas at itinuring na hampas-lupa dahil sa Kanyang katapatan sa Ama.  Siya po ang nagmistulang uod at hindi na tao, bagamat Siya ang Bugtong na Anak ng Diyos.  Sinaid ni Jesus ang Kanyang sarili, naging alipin, nagpakababa sa ngalan ng pagtalima sa Ama magpahanggang kamatayan.
            Ang ating palaspas – hindi po ba di miminsang naging panghampas na rin natin iyan – sa kaaway, sa pasaway, sa kinaiingitan, sa kinaiinisan, sa kinayayamutan, sa pinagkakaisahan?  Pampugay ngayon bukas pambugaw sa itinuturing nating mga “langaw” sa pinangangalandakan nating pagkalinis-linis nating pamumuhay.  Sa halip na tanda ng ating pagtulad kay Jesus, nauuwi na lang bang palamuti sa bahay ang palaspas na iyan?
            Ngayon po ay Linggo ng Palaspas.  Mali.  Ngayon po ay Linggo ng Palaspas ng Pagpapakasakit ng Panginoon.  Huwag po nating alisin ang “Pagpapakasakit ng Panginoon”.  Pagkahaba-haba po ng Ebanghelyo ngayong araw na ito para matiyak na hindi natin makaligtaang hindi palaspas ang bida ngayon kundi ang Hinampas na si Kristo Jesus.  At ang tanging katuturan ng palaspas natin ay nasa kahandaan nating sundan – HINDI SALUBUNGIN! – si Jesus saan man at kailanman.  Opo, kahit pa magpahanggang kamatayan.
            Ngayon po ay Linggo ng Pag-aalagad o Sunday of Discipleship.  Ngayong araw na ito, hindi po pinasasalubong sa atin si Jesus.  Ngayong araw na ito, pinasusundan Siya sa atin.  Naparito ba kayo para sumalubong?  O naparito kayo para sumunod?  Babala: kapag nagpasiya kang sumunod kay Jesus, humanda ka sapagkat minsan dadalhin ka Niya sa mga ayaw mong puntahan.

            Ngayong araw pong ito, pagpanibaguhin natin ang ating pasyang hindi natin iiwan si Jesus kahit pa kamatayan ang kapalit.  At kung tutoong alagad Niya tayo, tutularan po natin Siya – ang Nagdurusang Lingkod ng Diyos.  Susundan natin Siya, hindi sasalubungin.