ANG KUWENTO NG ATING HAPUNAN
Misang Takipsilim ng Hapunan ng Panginoon
Jn 13:1-15 (Ex
12:1-8, 11-14 / Slm 116 / 1 Cor 11:23-26)
Sa
tahanang aking kinalakhan, ang lahat po ng pagkain ay banal. Grasya ng Diyos ang turing sa bawat
pagkain. Ang bawat butil ng kaning
nahuhulog sa lapag mula sa hapag ay dapat puluting isa-isa – hindi iwinawalis –
sapagkat grasya raw po ito ng Diyos. Ang
bawat pagkain sa aming hapag, sabi ulit po ng tatay ko, ang puhunan ay pawis at
dugo. Pawis at dugo na pinagpala ng
Diyos para makapaghatid ng pagkain sa aming hapag.
Dahil
ang turing sa pagkain ay banal, sa pamilyang kinalakhan ko, ang hapag po ay
sagrado. Dahil ang pagkain ay grasya ng
Diyos, bawal mangalumbaba sa hapag; sa halip dapat ipagpasalamat at pagyamanin
ito. At hindi raw po pinaghihintay ang
grasya ng Diyos; kaya isang tawag lang dapat dumulog ka na.
Sa
sagradong hapag, walang awayan, walang sumbatan, walang sigawan, walang ungkatan
ng sama-ng-loob. Sa sagradong hapag,
kapag kumakain daw po, sabi ng tatay ko, parang nagdarasal. At
nagdarasal nang sama-sama, hindi una-una, hindi kanya-kanya.
Higit
pang pinababanal ang hapag ng pagdadamayan at pagmamalasakitan ng isa’t
isa. Hindi lang po sarili ang
pinakakain; tinitiyak na nakakakain ang lahat.
At sakaling, may hindi pa makadulog sa hapag, ipagtatabi po siya upang
pag-uwi niya ay makakain at mabusog din siya.
Sabi ng nanay ko, kapag sabay-sabay daw pong kumakain, kahit kakaunti
ang pagkain, nagkakasya. Tama po, hindi
ba? Kaya naman, para sa aming
magkakapatid, ang una pong paaralan ng pagmamalasakitan ay ang hapag namin sa
bahay. Sa sabay-sabay naming pagkain una
naming natutunang asikasuhin, alalahanin, at arugain ang isa’t isa.
Sa
hapag ng aming tahanan nasusulat ang pinagtagpi-tagping kuwento ng aming
kani-kaniyang buhay. Pinagtagpi-tagpi
upang maging iisang kuwento ng aming pamilya.
Iisang kuwentong pinabanal at kinonsgrada ng grasya ng Diyos – ang pagkaing
araw-araw ay pinagkakaabalahan ng Diyos na ipagkaloob sa amin.
Ngayong
gabing ito, dala-dala ang ating kani-kaniyang kuwento ng buhay, dumudulog po
tayong muli sa hapag ng Panginoon. Ito
ang pinakasagradong hapag. Ito ang
pinakabanal na pagkain. Ito ang
salu-salo ng mga pinagtagpi-tapi nating buhay na tinatahi ng buhay ni
Jesus. Bitbit n’yo po ba ang kuwento
ninyo? Kasama n’yo po ba ang pamilya
ninyo?
Sa
ating unang pagbasa narinig po natin ang kuwento ng mga Judyo. Nagsama-sama sila, pami-pamilya, upang
pagsaluhan ang Hapunan ng Paskwa. Ang
pinagtagpi-tagping kuwento ng kanilang kaalipinan sa Ehipto ay naging
kasaysayan ng paglaya sa pamamagitan ng mahabaging Diyos. Mula sa pagiging kani-kaniyang pamilya, binuo
at hinubog po Niya sila upang maging Kanyang Bayan – pinili, pinalaya, at
pinagpala. Ang kabayaran ng kanilang
paglaya: isang kordero na ang dugo nito’y ipinahid sa hamba.
Nang
tipunin ni Jesus ang Kanyang mga alagad noong unang Huwebes Santo, ang hapunang
ito ng Paskwa ang kanilang ginugunita.
Ngunit pinagpanibago ito ni Jesus at mula noo’y nabago ang ating
buhay. Ang sakripisyo ng Lumang Tipan ay
sakripisyong halili. Ang korderong
kinatay upang ang dugo nito ay ipahid sa hamba ng mga tahanan ng Judyo ay
mistulang substitute o kahalili ng
mga anak na panganay na lalaki – tao at hayop – sa sambahayan ng Israel. Sa halip na anak nila ang bawian ng buhay,
ang korderong laan ang isinakripisyong kapalit.
Sa Bagong Tipan, tinapos ni Jesus ang ganitong uri ng sakripisyo. “Ako na,” ika ni Jesus, “ito ang Aking
Katawan.” “Ako na,” sabi ni Jesus, “ito
ang Aking Dugo.” Tama na ang
pagsasakripisyo ng iba. Sa halip, ang
sarili ang isakripisyo para sa iba.
Tayo
po kaya, kelan natin babaguhin ang pagsasakripisyo natin sa ating kapwa? Kelan titigilang gamitin ang mga maralita
para makaupo sa puwesto ang nagsasabing gusto raw maglingkod sa bayan? Kelan tatapusin ang pagtututuro sa iba kapag
mahirap na ang hinihingi ng sitwasyon at sa halip ay iboluntaryo ang
sarili? Kelan wawakasan ang
pagsasakripisyo sa kapwa alang-alang sa pansariling ganansya? Nabubuhay po tayo sa panahon ng Bagong Tipan,
pero baka ang sakripisyo po natin ay pan-Lumang Tipan pa.
Matapos
ilatag ni Jesus ang sariling Katawan at Dugo sa hapag ng Bagong Tipan upang maging
bagong sakripisyo, winika Niya, “Gawin ninyo ito sa pag-aalaala sa Akin.” At muli itong ipinaalala sa atin ni Apostol
San Pablo sa ikalawang pagbasa; napakadali po kasi natin itong malimutan. Tila ang sakripisyo ni Jesus, para sa marami
sa atin, ay sa loob lamang ng Banal na Misa.
Ang hamon po sa atin ng pananalig sa Banal na Eukaristiya ay ang kumapit
kay Jesus at ipaubaya rin ang sariling buhay para sa iba. Kung hindi po tayo binabago ng bawat Banal na
Misang ating sinisimbahan at ng bawat Eukaristiyang ating tinatanggap sa
Komunyon tungo sa pagiging katulad ni Kristo, may mali po. Saan po kaya ang mali? Ano po kaya ang mali? Bakit hindi tayo nakakatulad ni Jesus? Ang pag-alala kay Jesus ay hindi lamang po sa
loob ng simbahan, bagkus sa lahat ng dako ng ating iba’t ibang kaabalahan. Ang pagtulad sa sakripisyo ni Kristo ay hindi
lamang po sa pagdiriwang ng Banal na Misa, kundi sa bawat pahina ng ating
buhay.
Muli
pong nangangaral sa atin ang ating Panginoon.
Nangangaral Siya nang hindi nakatayo o nakaupo. Muli pong nangangaral sa atin si Jesus at
nangangaral Siya ngayon nang nakaluhod.
Isang halimbawa kung paano natin maaaring gawin ang Kanyang sakripisyo:
hinugasan Niya ang mga paa ng Kanyang mga alagad. Nakaluhod ang Diyos sa harap ng tao.
Hindi
po kataka-takang tumanggi si Simon Pedro.
Hindi po ba siya ang unang kumilala kung sino talaga si Jesus? Sa Mt 16:16, winika niya kay Jesus, “Kayo po
ang Kristo, ang Anak ng Diyos na buhay.”
Pero
kataka-taka rin pong pati mga paa ni Judas ay hinugasan ni Jesus. Kataka-taka dahil iba tayong magmahal. Bakit natin huhugasan ang mga paa ng traydor
sa atin? Bakit tayo luluhod sa harap ng
umahas sa atin? Ibang-iba nga po si
Jesus: mahal Niya si Judas kung paano Niya mahal si Pedro. Ibang-iba si Jesus: ang pag-ibig Niya ay
walang itinatangi. At
makabagbag-damdamin po nating sinasabing mga alagad tayo ni Jesus.
“The ultimate joy of any disciple is to
become like his master.” Ang tugatog
ng ating kaligayahan ay ang matulad kay Jesus.
Hanggang saan po tayo tutula sa Kanya?
Iyan po ang sukatan ng ating sinasabing, “Kristiyano ako. Kay Lord ako.” Iyan din nga po ang sukatan ng ating
kaligayahan. Sapagkat ang rurok nga po ng
kaligayahan ng sinumang alagad ay ang matulad sa kanyang panginoon.
Sa
Banal na Misang ito, dumating na po ang sandali para hubarin ng pari ang
kanyang marangyang damit pang-Misa.
Huhugasan na niya ang mga paa ng mga napiling kumatawan sa ating lahat. Sana hindi po ito mauwi sa dramatization kundi sa realization tungo sa ating transformation. Sa orihinal na Griyego, ang salitang
ginagamit nang sabihing “hinubad (ni Jesus) ang Kanyang panlabas na kasuotan”
ay tithesin. Ito po ang ugat ng salitang tithenai, sa wikang Griyego rin, na
tumutukoy sa pag-aalay ng buhay ng isang pastol para sa kanyang mga tupa. Tithesin:
Hinubad ang kasuotan. Tithenai: Inialay ang buhay para sa
kawan. Nang hubarin ni Jesus ang Kanyang
panlabas na kasuotan ipinahihiwatig Niya ang Kanyang pag-aalay ng buhay. Hindi po natin masyadong nabibigyang-pansin
ang paghuhubad ng pari ng kanyang damit pang-Misa tuwing Huwebes Santo kasi
lahat nakatingin sa mga paa ng huhugasan.
Akala po ng marami, kaya naghuhubad ng damit pang-Misa ang pari ay para
huwag itong marumihan o mabasa pag hinugasan na niya ang mga paa ng mga
hinirang. Kasama po sa paghuhugas ang
paghubad. Madalas nga po, may kailangan
tayong hubarin para tayo makaluhod at makapaghugas ng paa ng iba. Kailangan po nating hubarin ang ating
matatayog na sarili. Si Jesus po ang
unang gumawa noon.
Grasya
ang pagkain. Sagrado ang hapag. Pinagtagpi-tagping kuwentong bumubuo sa
iisang buhay na tinatahi ng pag-aalay ni Jesus ng sarili. Tapos na ang dating uri ng pagsasakripisyo;
isakripisyo ang sarili at huwag ang iba.
Tumulad kay Jesus: tithesin at
tithenai – hubarin ang sarili at ialay
ang buhay.
Ito
po ang ating pagkain. Ito po ang ating
hapag. Ito po ang ating pamilya. Ito po ang tahanang ating kinalakhan. Dito rin po natin palakihin ang ating mga
anak. Ganito po natin isabuhay ang ating
ipinagdiriwang. Ito ang kuwento ng ating
hapunan.
0 Comments:
Post a Comment
Subscribe to Post Comments [Atom]
<< Home