19 March 2016

HINDI LINGGO NG PALASPAS

Linggo ng Palaspas ng Pagpapakasakit ng Panginoon
Lk 22:14-23:56 (Is 504-7 / Slm 22 / Fil 2:6-11)

Ang maraming tao, tawag sa araw na ito ay “Linggo ng Palasapas” o “Palm Sunday”.  Lahat po ng mga debotong Katoliko ay may iba’t ibang uri, desensyo, at laki ng palaspas ngayong araw na ito.  Lahat din po sila, siempre, gustong mabasbasan ng pari ang kani-kanilang palaspas.  Paniniwala pa po ng marami, dapat tamaan ng wisik ng agua bendita ang dala-dala nilang palapas kundi pakiramdam nila ay parang hindi naman ito nabasbasan.  Kuntodo wagayway, kahit sino ang tamaan.  Kuntodo singit, kahit sino pa ang maipit.  Basta dapat mabasbasan ang palaspas.  Ang iba pa po, nagpapabasbas nga pero hindi naman nagsisimba.  At meron pa pong baliktad, sa halip na sa simula ng Banal na Misa magpabendisyon ng palaspas, pagkatapos na kasi laging late dumating.  Para sa marami, ngayon nga po ay Linggo ng Palaspas.
            Kaya lang po, sa sobrang pagkakatuon natin sa palaspas, baka napabayaan na natin ang nahampas.  Baka po tutok na tutok tayo sa palaspas pero hindi natin pinapansin ang hinampas.  Eh hindi po ba ang mga palaspas noong Linggong iyon, pagsapit ng Biyernes, ay naging mga panghampas.  Kaya nga po ang tamang pangalan ng Linggong ito ay hindi “Linggo ng Palaspas” kundi “Linggo ng Palaspas ng Pagpapakasakit ng Panginoon” o “Palm Sunday of the Lord’s Passion”.  Sana po huwag tayong mapako sa palaspas lang dahil kalahati lang iyon.  Ituloy po natin sa “Pagpapakasakit ng Panginoon.”  Mula palaspas patungo sa Hinampas.
            Sa unang pagbasa po ngayong Linggong ito, ipinipinta ni Propeta Isaias ang larawan ng Hinampas na ito.  Siya po ang Suffering Servant of God: ang Nagdurusang Lingkod ng Diyos.  Sa paglalarawan ng Propeta, itong Nagdurusang Lingkod ng Diyos ay hindi lamang hinampas; bagkus, itinuring Siyang hampas-lupa.  Sabi pa nga po sa Slm 22:6, sa pagdurusa ng Lingkod na ito, mistula na Siyang uod at hindi na tao.  Anong pait at hapdi ng sinapit Niya sapagkat nagdusa Siya bagamat walang-sala.  Siya ay Lingkod ng Diyos at, paglalarawan pa ni Propeta Isaias, araw-araw daw po, sa paggising sa Kanya ng Diyos, ang Lingkod na ito, tulad ng isang alagad, ay nakikinig sa Maykapal.  Sa kabila ng Kanyang pagkamapagtalima sa Diyos, nagdusa Siya.  O nagdusa Siya dahil sa Kanyang pagkamapagtalima sa Diyos.  At sa gitna ng Kanyang pagdurusa, ang Lingkod na ito ay hindi po gumanti ni umimik.  Binata Niya ang lahat sa katahimikan at kapakumbabaan.  Ito po ang sekreto Niya: “I have not despaired, for the Lord Yahweh comes to my help.  So, like a flint I set my face, knowing that I will not be disgraced.”  Matindi ang paghihirap Niya pero mas matindi po ang pagtitiwala Niya sa Diyos.  Malalakas ang hampas sa Kanya pero mas malakas po ang pag-asa Niya sa Panginoon.
            Tayo, hindi po ba laging iniisip natin na tayo ay mga lingkod ng Diyos?  Hindi po ba bukambibig nating tayo ay servants ni Lord?  Nasaan po ang mga latay ng hampas sa atin?  Ano po ang ating mga pagdurusang sinapit?  Hindi po basta hampas.  Hindi po basta pagdurusa.  Bagkus, mga pagdurusa at mga hampas sanhi ng ating pagtalima sa Diyos.  Ang paglilingkod po ba natin sa Diyos at sa ating kapwa, sa ngalan ng Diyos, ay napakakomportable?  Ang pagsunod po ba natin sa mga yapak ni Jesus ay sobrang dali para sa atin dahil pinipili lang natin kung alin sa mga yapak Niya ang ating susundan?  Hinahamon po ba tayo ng Ebanghelyo at para rito ay nagtitiis ng pasakit?  “I rejoice in my afflictions for your sake,” ika ni Apostol San Pablo sa Col 1:24, “and in my body I complete what is lacking in the sufferings of Christ for the sake of His body, the Church.”  Masasabi rin po ba natin iyan tungkol sa ating sarili, nang walang-bahid ng anumang kasinungalingan at kayabangan?  Palaspas – meron tayo.  Eh peklat po kaya ng hampas sa atin dahil tutoong isinasabuhay natin ang Ebanghelyo – meron ba?
            Sa ikalawa pong pagbasa, ang Nagdurusang Lingkod ng Diyos na ipininta ni Propeta Isaias sa unang pagbasa, ay nagkamukha.  Si Jesukristo ang Nagdurusang Lingkod ng Diyos.  Siya ang hinampas at itinuring na hampas-lupa dahil sa Kanyang katapatan sa Ama.  Siya po ang nagmistulang uod at hindi na tao, bagamat Siya ang Bugtong na Anak ng Diyos.  Sinaid ni Jesus ang Kanyang sarili, naging alipin, nagpakababa sa ngalan ng pagtalima sa Ama magpahanggang kamatayan.
            Ang ating palaspas – hindi po ba di miminsang naging panghampas na rin natin iyan – sa kaaway, sa pasaway, sa kinaiingitan, sa kinaiinisan, sa kinayayamutan, sa pinagkakaisahan?  Pampugay ngayon bukas pambugaw sa itinuturing nating mga “langaw” sa pinangangalandakan nating pagkalinis-linis nating pamumuhay.  Sa halip na tanda ng ating pagtulad kay Jesus, nauuwi na lang bang palamuti sa bahay ang palaspas na iyan?
            Ngayon po ay Linggo ng Palaspas.  Mali.  Ngayon po ay Linggo ng Palaspas ng Pagpapakasakit ng Panginoon.  Huwag po nating alisin ang “Pagpapakasakit ng Panginoon”.  Pagkahaba-haba po ng Ebanghelyo ngayong araw na ito para matiyak na hindi natin makaligtaang hindi palaspas ang bida ngayon kundi ang Hinampas na si Kristo Jesus.  At ang tanging katuturan ng palaspas natin ay nasa kahandaan nating sundan – HINDI SALUBUNGIN! – si Jesus saan man at kailanman.  Opo, kahit pa magpahanggang kamatayan.
            Ngayon po ay Linggo ng Pag-aalagad o Sunday of Discipleship.  Ngayong araw na ito, hindi po pinasasalubong sa atin si Jesus.  Ngayong araw na ito, pinasusundan Siya sa atin.  Naparito ba kayo para sumalubong?  O naparito kayo para sumunod?  Babala: kapag nagpasiya kang sumunod kay Jesus, humanda ka sapagkat minsan dadalhin ka Niya sa mga ayaw mong puntahan.

            Ngayong araw pong ito, pagpanibaguhin natin ang ating pasyang hindi natin iiwan si Jesus kahit pa kamatayan ang kapalit.  At kung tutoong alagad Niya tayo, tutularan po natin Siya – ang Nagdurusang Lingkod ng Diyos.  Susundan natin Siya, hindi sasalubungin.







0 Comments:

Post a Comment

Subscribe to Post Comments [Atom]

<< Home