NASA BANGKA ANG DIYOS
Ikalabindalawang Linggo sa Karaniwang
Panahon
Mk 4:35-41 (Jb
38:1,8-11 / Slm 106 / 2 Cor 5:14-17)
“Sino itong maging ang hangin at
dagat ay sumusunod sa Kanya?” – ito po ang tanong na iniwan sa atin ng
Ebanghelyo ngayong Linggong ito. Ito po
ang tanong ng mga alagad matapos nilang masaksihan ang pagpapatahimik at
pagpapahupa ni Jesus sa unos na sumindak sa kanilang lahat sa gitna ng
dagat. Sino po ba ang may kapangyarihan
sa ibabaw ng tubig?
Ang tubig ay nagpapaalala po sa mga
Hebreo ng maraming bagay, maraming karanasan, at maraming katuruan. Sa Gen 1:2, nasusulat po na sa simula, nang
lalangin ng Maykapal ang langit at lupa, ang Espiritu ng Diyos ay aali-aligid
sa ibabaw ng tubig. Kung paanong ang
tubig ay walang sariling angking anyo – iniaanyo nito ang hubog ng kilalalagyan
– wala pa rin po namang kaayusan ang sanlibutan sa simula ng kuwento ng
paglilikha. Sa Griyego, ang tawag po sa
“kawalang-kaayusan” ay kaos. Sa paglikha ng Poong Maykapal, ang kaos ay naging kosmos na siya namang “kaayusan” sa wikang Griyego. Sa simula pa lang ng Mga Banal na Kasulatan,
ipinahahayag na po ang pananampalatayang Judeo-Kristiyano na tanging ang Diyos
ang nakapagdadala ng kaayusan sa kawalang-kaayusan. Sa Gen 6:9-9:17 naman, nababasa po natin ang
kuwento ni Noah at ang malaking baha.
Nilinis ng Maykapal ang Kanyang nilikha, at tubig po ang ginamit Niya para
lipulin ang lahat ng kasamaan at masasama sa sandaigdigan. Dahil sa kanyang katapatan sa Diyos at
pamumuhay nang matuwid, tanging si Noah at ang kanyang mag-anak ang naligtas sa
delubyo. Muli po, pinatutunayan na ang
tubig ay nasa ilalim ng kapangyarihan ng Diyos: kung paanong nabibigyan Niya ng
kaayusan ang kawalang-kaayusan ng tubig, maaari rin Niyang gamitin ito upang
wasakin ang anuman o kitlin ang buhay ninuman.
At sa Ex 14 isinasalaysay naman po ang kagila-gilalas na pagtawid ng mga
Israelita sa Dagat ng Mga Tambo. Sa
pamamagitan ni Moises, mistulang hinawi ng Diyos ang dagat at maluwalhating
nakatawid ang mga Hebreo mula sa kaalipinan kamay ng mga Ehipsyo patungong
kalayaan sa Lupang Pangako, samantalang ang mga kawal ng Pharaoh ay nalunod
lahat.
Kawalang-kaayusan at kaayusan,
kamatayan at kaligtasan, kaalipinan at kalayaan – sa makukulay,
kamangha-mangha, at mahihimalang paraan, ito po ang ilan sa mga isinasagisag ng
tubig para sa mga Judyo. At ang mga
alagad – pati na rin si Jesus – ay mga Judyo.
Sino po, para sa kanila, ang may kapangyarihan sa tubig? Para sa mga Judyo, kanino pong utos ang
walang-pasubaling sinusunod ng kalikasan?
Ang Diyos, sa Diyos, at tanging ang Diyos lamang po.
Inutusan ni Jesus na manahimik ang
malakas na hangin at malalaking alon na sumasalpok sa bangkang kinalulunanan
Niya at ng mga alagad. Inutusan Niyang
humupa ang bagyo. At sinunod nila Siya. Napakalalim po ng sinasabi sa atin ng
Ebanghelyo ngayong Linggong ito: Si Jesus ay Diyos na tutoo. Hindi lang po Siya ay Diyos; si Jesus ang
Diyos mismo.
Subalit, kapuna-puna po na sa
Ebanghelyong ito, ang Diyos, bagamat kasama ng mga alagad, ay hindi pinangunahan
ang bagyong sumindak sa mga alagad. Sa
una pa nga’y tulog na tulog Siya sa gitna ng lahat ng ito! Maaari naman po sanang pinagbawalan na Niya
ang malakas na hangin at malalaking alon bago Siya natulog, hindi ba? “O, hangin at alon, matutulog ako ha. Huwag kayong magulo,” puwedeng-puwede sana
Niyang sinabi. Ngunit hindi po Niya
pinangunahan ang sitwasyon gaano man po ito kasindak-sindak. Hindi po Niya sila iniligtas sa karanasan ng
pagkabahala, pagkatakot, at pagmamakaawa na karaniwang dinaranas ng sinumang
nakaharap sa matinding kagipitan.
Subalit gaano man kasindak-sindak ang sasapitin ng Kanyang mga alagad, hindi
Niya sila iniwan: naroroon Siya – ang Emmanuel, ang Diyos na sumasaatin. Kasa-kasama ng Kanyang mga alagad, ang
dadanasin nila ay dadanasin din Niya.
Ngunit
ang gising sa Kanya ng mga alagad: “Guro, wala po ba Kayong pakialam? Mamamatay na tayo!” Talaga po bang wala pakialam si Jesus o
talagang salat pa sa pananampalataya sa Kanya ang mga alagad? Tanging Diyos lamang ang may kapangyarihan sa
tubig at lahat; ngunit naniniwala na po ba talaga ang mga alagad na si Jesus ang
Diyos? Mas malalim pa, nananalig po ba
silang may pakialam ang Diyos sa nangyayari sa kanila?
Ilang beses na rin po kaya nating
naitanong ito kay Jesus: “Panginoon, wala po ba Kayong pakialam sa nangyayari
sa akin? Balewala po ba sa Inyo,
Panginoon, ang pinagdaraanan ko? Wala na
po ba akong halaga para sa Inyo?
Mamamatay na ako sa hirap, ngunit wala pa rin Kayong kibo.”
Madalas, nahihirapan po tayong makitang
si Jesus ay kasa-kasama natin kahit sa madidilim at masasakit nating karanasan
sa buhay. Kapag tayo ay dumaraan sa
mahihigpit na pagsubok, ang tingin po natin ay napakalayo ng Panginoon at
parang pinababayaan na Niya tayo o kaya’y sinusubukan kung hanggang saan tayo
tatagal. Hindi po natin makita agad na
karamay natin ni Jesus sa ating paghihirap at, gaya ng sinasabi ng isang kanta,
iisa ang bakas ng mga paa sa buhanginan ngunit hindi atin ang mga bakas na yaon
kundi kay Jesus sapagkat, sa mga sandaling hindi na natin kayang magpatuloy,
karga-karga tayo Niya tayo sa Kanyang mga bisig.
Minsan
din naman po, nakikita nga natin ang Panginoon samantalang tayo ay hirap na
hirap na ngunit ang tingin natin ay natutulog lang Siya. Natataranta tayo, at sa ating pagkataranta
kung kani-kanino po tayo kumakapit at kung anu-ano ang ating
pinaniniwalaan. Kung natutulog man
Jesus, bakit po hindi natin Siya gisingin?
Ano po ang pumipigil sa atin?
Madalas, nag-aalinlangan po tayo hindi lamang sa Kanyang kapangyarihan
kundi magin sa malasakit sa atin ng Diyos.
Hindi miminsan, minamaliit natin ang ating sarili at at pinagdududahan
ang pagpapahalaga ng Diyos sa atin.
Ngunit, gaya nang minsang
nangyayari, paano kung si Jesus mismo ang bagyo sa buhay natin? Hindi lahat ng unos na dumarating sa buhay
natin ay nakasasama sa atin. May mga
bagyo ring sinasadya ng Diyos upang pitikin tayo, tapikin tayo, yugyugin tayo,
at, opo, maging sindakin tayo kung ito ang gigising sa ating pagkalimot sa
Kanya, sa kapwa, at sa sarili. Minsan
po, sadyang ginugulo ng Panginoon ang buhay natin upang, kasama Niya, ayusin
natin itong muli. Minsan kailangang may
wasakin ang Diyos sa buhay natin upang, sa pamamagitan Niya, mabuo ang dapat
naroroon. At minsan din po, tulad ng kay
Simon Pedro sa Mt 14:30, hinahayaan ni Jesus na lumubog tayo sa tubig at
magkakakawag hindi lamang upang matuto tayong lumangoy nang sarili sa dagat ng
buhay kundi, higit sa lahat, matuto tayong abutin ang kamay Niyang nakaunat
agad para tayo sagipin sa pagkalunod.
Minsan din po kasi, sa gitna ng
unos, tayo ang natutulog hindi si Jesus.
Himbing na himbing tayo sa isang sulok samantalang hirap na hirap na ang
iba. Ang masakit pa roon, iisang bangka
lang naman po ang ating kinalulunanan.
Kaya po, ang tingin tuloy nila, tinutulugan lang sila ng Diyos gayong
tayo pala! Kapag ganyan, sa halip na pahupain,
dapat pa nga pong palakasin ni Jesus ang bagyong bumabayo sa buhay natin hanggang
tayo ay magising, matauhan, at magmalasakit sa kapwa. Sa mga sandaling gayon, panalangin natin ang dasal
ni Sir Francis Drake:
Disturb us, Lord, when
We are too pleased with ourselves,
When our dreams have come true
Because we dreamed too little,
When we arrived safely
Because we sailed too close to the shore.
Disturb us, Lord, when
With the abundance of things we possess
We have lost our thirst
For the waters of life;
Having fallen in love with life,
We have ceased to dream of eternity
And in our efforts to build a new earth,
We have allowed our vision
Of the new Heaven to dim.
Disturb us, Lord, to dare more boldly,
To venture on wilder seas
Where storms will show Your mastery;
Where losing sight of land,
We shall find the stars.
We ask you to push back
The horizons of our hopes;
And to push back the future
In strength, courage, hope, and love.
This we ask in the name of our Captain,
Who is Jesus Christ.
Sa atin pong paglalayag sa buhay,
tiyakin lang po nating sa bangka ni Jesus tayo nakasakay. At huwag din po sana nating kalilimutan ang iba
pang mga nakasakay sa bangkang iyon. Anumang
uri ng unos ang dumating sa ating buhay, magdamayan po tayo at magmalasakitan. Gaano mang katindi ang bagyong bumabayo sa buhay
natin, manalig po tayo sa Panginoong Jesukristo. Nasa bangka ang Diyos, kasama at karamay natin.