20 June 2015

NASA BANGKA ANG DIYOS

Ikalabindalawang Linggo sa Karaniwang Panahon
Mk 4:35-41 (Jb 38:1,8-11 / Slm 106 / 2 Cor 5:14-17)


“Sino itong maging ang hangin at dagat ay sumusunod sa Kanya?” – ito po ang tanong na iniwan sa atin ng Ebanghelyo ngayong Linggong ito.  Ito po ang tanong ng mga alagad matapos nilang masaksihan ang pagpapatahimik at pagpapahupa ni Jesus sa unos na sumindak sa kanilang lahat sa gitna ng dagat.  Sino po ba ang may kapangyarihan sa ibabaw ng tubig?

Ang tubig ay nagpapaalala po sa mga Hebreo ng maraming bagay, maraming karanasan, at maraming katuruan.  Sa Gen 1:2, nasusulat po na sa simula, nang lalangin ng Maykapal ang langit at lupa, ang Espiritu ng Diyos ay aali-aligid sa ibabaw ng tubig.  Kung paanong ang tubig ay walang sariling angking anyo – iniaanyo nito ang hubog ng kilalalagyan – wala pa rin po namang kaayusan ang sanlibutan sa simula ng kuwento ng paglilikha.  Sa Griyego, ang tawag po sa “kawalang-kaayusan” ay kaos.  Sa paglikha ng Poong Maykapal, ang kaos ay naging kosmos na siya namang “kaayusan” sa wikang Griyego.  Sa simula pa lang ng Mga Banal na Kasulatan, ipinahahayag na po ang pananampalatayang Judeo-Kristiyano na tanging ang Diyos ang nakapagdadala ng kaayusan sa kawalang-kaayusan.  Sa Gen 6:9-9:17 naman, nababasa po natin ang kuwento ni Noah at ang malaking baha.  Nilinis ng Maykapal ang Kanyang nilikha, at tubig po ang ginamit Niya para lipulin ang lahat ng kasamaan at masasama sa sandaigdigan.  Dahil sa kanyang katapatan sa Diyos at pamumuhay nang matuwid, tanging si Noah at ang kanyang mag-anak ang naligtas sa delubyo.  Muli po, pinatutunayan na ang tubig ay nasa ilalim ng kapangyarihan ng Diyos: kung paanong nabibigyan Niya ng kaayusan ang kawalang-kaayusan ng tubig, maaari rin Niyang gamitin ito upang wasakin ang anuman o kitlin ang buhay ninuman.  At sa Ex 14 isinasalaysay naman po ang kagila-gilalas na pagtawid ng mga Israelita sa Dagat ng Mga Tambo.  Sa pamamagitan ni Moises, mistulang hinawi ng Diyos ang dagat at maluwalhating nakatawid ang mga Hebreo mula sa kaalipinan kamay ng mga Ehipsyo patungong kalayaan sa Lupang Pangako, samantalang ang mga kawal ng Pharaoh ay nalunod lahat.

Kawalang-kaayusan at kaayusan, kamatayan at kaligtasan, kaalipinan at kalayaan – sa makukulay, kamangha-mangha, at mahihimalang paraan, ito po ang ilan sa mga isinasagisag ng tubig para sa mga Judyo.  At ang mga alagad – pati na rin si Jesus – ay mga Judyo.  Sino po, para sa kanila, ang may kapangyarihan sa tubig?  Para sa mga Judyo, kanino pong utos ang walang-pasubaling sinusunod ng kalikasan?  Ang Diyos, sa Diyos, at tanging ang Diyos lamang po.

Inutusan ni Jesus na manahimik ang malakas na hangin at malalaking alon na sumasalpok sa bangkang kinalulunanan Niya at ng mga alagad.  Inutusan Niyang humupa ang bagyo.  At sinunod nila Siya.  Napakalalim po ng sinasabi sa atin ng Ebanghelyo ngayong Linggong ito: Si Jesus ay Diyos na tutoo.  Hindi lang po Siya ay Diyos; si Jesus ang Diyos mismo.

Subalit, kapuna-puna po na sa Ebanghelyong ito, ang Diyos, bagamat kasama ng mga alagad, ay hindi pinangunahan ang bagyong sumindak sa mga alagad.  Sa una pa nga’y tulog na tulog Siya sa gitna ng lahat ng ito!  Maaari naman po sanang pinagbawalan na Niya ang malakas na hangin at malalaking alon bago Siya natulog, hindi ba?  “O, hangin at alon, matutulog ako ha.  Huwag kayong magulo,” puwedeng-puwede sana Niyang sinabi.  Ngunit hindi po Niya pinangunahan ang sitwasyon gaano man po ito kasindak-sindak.  Hindi po Niya sila iniligtas sa karanasan ng pagkabahala, pagkatakot, at pagmamakaawa na karaniwang dinaranas ng sinumang nakaharap sa matinding kagipitan.  Subalit gaano man kasindak-sindak ang sasapitin ng Kanyang mga alagad, hindi Niya sila iniwan: naroroon Siya – ang Emmanuel, ang Diyos na sumasaatin.  Kasa-kasama ng Kanyang mga alagad, ang dadanasin nila ay dadanasin din Niya.

Ngunit ang gising sa Kanya ng mga alagad: “Guro, wala po ba Kayong pakialam?  Mamamatay na tayo!”  Talaga po bang wala pakialam si Jesus o talagang salat pa sa pananampalataya sa Kanya ang mga alagad?  Tanging Diyos lamang ang may kapangyarihan sa tubig at lahat; ngunit naniniwala na po ba talaga ang mga alagad na si Jesus ang Diyos?  Mas malalim pa, nananalig po ba silang may pakialam ang Diyos sa nangyayari sa kanila?

Ilang beses na rin po kaya nating naitanong ito kay Jesus: “Panginoon, wala po ba Kayong pakialam sa nangyayari sa akin?  Balewala po ba sa Inyo, Panginoon, ang pinagdaraanan ko?  Wala na po ba akong halaga para sa Inyo?  Mamamatay na ako sa hirap, ngunit wala pa rin Kayong kibo.”

Madalas, nahihirapan po tayong makitang si Jesus ay kasa-kasama natin kahit sa madidilim at masasakit nating karanasan sa buhay.  Kapag tayo ay dumaraan sa mahihigpit na pagsubok, ang tingin po natin ay napakalayo ng Panginoon at parang pinababayaan na Niya tayo o kaya’y sinusubukan kung hanggang saan tayo tatagal.  Hindi po natin makita agad na karamay natin ni Jesus sa ating paghihirap at, gaya ng sinasabi ng isang kanta, iisa ang bakas ng mga paa sa buhanginan ngunit hindi atin ang mga bakas na yaon kundi kay Jesus sapagkat, sa mga sandaling hindi na natin kayang magpatuloy, karga-karga tayo Niya tayo sa Kanyang mga bisig.

Minsan din naman po, nakikita nga natin ang Panginoon samantalang tayo ay hirap na hirap na ngunit ang tingin natin ay natutulog lang Siya.  Natataranta tayo, at sa ating pagkataranta kung kani-kanino po tayo kumakapit at kung anu-ano ang ating pinaniniwalaan.  Kung natutulog man Jesus, bakit po hindi natin Siya gisingin?  Ano po ang pumipigil sa atin?  Madalas, nag-aalinlangan po tayo hindi lamang sa Kanyang kapangyarihan kundi magin sa malasakit sa atin ng Diyos.  Hindi miminsan, minamaliit natin ang ating sarili at at pinagdududahan ang pagpapahalaga ng Diyos sa atin.

Ngunit, gaya nang minsang nangyayari, paano kung si Jesus mismo ang bagyo sa buhay natin?  Hindi lahat ng unos na dumarating sa buhay natin ay nakasasama sa atin.  May mga bagyo ring sinasadya ng Diyos upang pitikin tayo, tapikin tayo, yugyugin tayo, at, opo, maging sindakin tayo kung ito ang gigising sa ating pagkalimot sa Kanya, sa kapwa, at sa sarili.  Minsan po, sadyang ginugulo ng Panginoon ang buhay natin upang, kasama Niya, ayusin natin itong muli.  Minsan kailangang may wasakin ang Diyos sa buhay natin upang, sa pamamagitan Niya, mabuo ang dapat naroroon.  At minsan din po, tulad ng kay Simon Pedro sa Mt 14:30, hinahayaan ni Jesus na lumubog tayo sa tubig at magkakakawag hindi lamang upang matuto tayong lumangoy nang sarili sa dagat ng buhay kundi, higit sa lahat, matuto tayong abutin ang kamay Niyang nakaunat agad para tayo sagipin sa pagkalunod.

Minsan din po kasi, sa gitna ng unos, tayo ang natutulog hindi si Jesus.  Himbing na himbing tayo sa isang sulok samantalang hirap na hirap na ang iba.  Ang masakit pa roon, iisang bangka lang naman po ang ating kinalulunanan.  Kaya po, ang tingin tuloy nila, tinutulugan lang sila ng Diyos gayong tayo pala!  Kapag ganyan, sa halip na pahupain, dapat pa nga pong palakasin ni Jesus ang bagyong bumabayo sa buhay natin hanggang tayo ay magising, matauhan, at magmalasakit sa kapwa.  Sa mga sandaling gayon, panalangin natin ang dasal ni Sir Francis Drake:
Disturb us, Lord, when
We are too pleased with ourselves,
When our dreams have come true
Because we dreamed too little,
When we arrived safely
Because we sailed too close to the shore.

Disturb us, Lord, when
With the abundance of things we possess
We have lost our thirst
For the waters of life;
Having fallen in love with life,
We have ceased to dream of eternity
And in our efforts to build a new earth,
We have allowed our vision
Of the new Heaven to dim.

Disturb us, Lord, to dare more boldly,
To venture on wilder seas
Where storms will show Your mastery;
Where losing sight of land,
We shall find the stars.

We ask you to push back
The horizons of our hopes;
And to push back the future
In strength, courage, hope, and love.

This we ask in the name of our Captain,
Who is Jesus Christ.

Sa atin pong paglalayag sa buhay, tiyakin lang po nating sa bangka ni Jesus tayo nakasakay. At huwag din po sana nating kalilimutan ang iba pang mga nakasakay sa bangkang iyon. Anumang uri ng unos ang dumating sa ating buhay, magdamayan po tayo at magmalasakitan.  Gaano mang katindi ang bagyong bumabayo sa buhay natin, manalig po tayo sa Panginoong Jesukristo.  Nasa bangka ang Diyos, kasama at karamay natin.








0 Comments:

Post a Comment

Subscribe to Post Comments [Atom]

<< Home