13 June 2015

ANG KAHARIAN NG DIYOS

Ikalabing-isang Linggo sa Karaniwang Panahon
Mk 4:26-34 (Ez 17:22-24 / Slm 91 / 2 Cor 5:6-10)

Isang araw, isang binata ang nanaginip.  Nasa langit siya.  At nakita niya po na sa langit pala ay may mga tindahan.  Pumasok siya sa isa at binati po siya ng matamis na ngiti ng isang anghel.

“Ano pong tinda ninyo rito,” tanong ng binata sa anghel.

“Ah, marami!  Kung anu-ano,” sagot ng anghel.  “May hinahanap ka ba?”

Nagliwanag po ang mukha ng binata.  Tuwang-tuwa, sinimulan n’ya ang kanyang litany: “Pabili nga po ng kalayaan para sa aking inang bayan.  Pabili po ng titigil sa lahat ng mga digmaan.  Pabili na rin po ng kapayapaan para sa puso ng bawat-tao, katarungan para sa mga inaapi, pagkain para sa mga nagugutom, tahanan para sa mga walang masilungan, pagkakasundo para sa mga may alitan, pagmamalasakit sa mga balo at mga ulila, paggalang sa mga nakatatanda, pagkalinga sa mga bata…”

Ngunit bigla po siyang pinutol ng anghel: “Ah, excuse me,” sabi ng anghel, “Kuya, hindi kami nagtitinda rito ng mga bunga.  Mga binhi lang ang aming itinitinda.”

Ang kaloob po sa atin ng langit ay mga binhi.  Kung ano po ang mangyayari sa mga binhing tinanggap natin mula sa kagandahang-loob ng Diyos – mabubuhay ba ito o mamamatay, matutuyo ba ito o mamumunga nang masagana – ay depende sa kung anong gagawin natin sa kanila.

Ang ibinibigay po sa atin ng Diyos ay laging mabubuting binhi.  Walang anumang masama ang nagmumula sa Diyos.  Subalit hindi po ito nangangahulugang basta itanim na lang natin ang mabubuting binhing kaloob sa atin ng Diyos at, walang kahirap-hirap, basta na lang sila lalago at mamumunga.  Hindi po.  Kailangan nating ihanda ang pagtataniman sa kanila, bungkalin ang lupa at lagyan ng pataba, diligan sila araw-araw, alisan ng mga peste, at siguraduhing nasisilayan ng tamang sikat ng araw.

Gayunpaman, kahit gawin natin ang lahat ng mga dapat nating gawin, batid po natin, ang mabubuting binhing kaloob sa atin ng Diyos ay hindi pa rin mabubuhay, hindi pa rin uusbong, hindi pa rin lalago, at hindi pa rin mamumunga malibang ipahintulot ng Diyos.  Ang pag-usbong, paglago, at pamumunga nila ay nakasalalay pa rin sa kagandahang-loob ng Diyos.  Ika pa nga po natin, “Nasa Diyos ang awa, nasa tao ang gawa.”  Ang mga binhing itinatanim ay may siklong alinsunod sa sarili nilang kubling ritmo, at kung paano po ito nagaganap ay lingid sa manghahasik at tanging Diyos lamang ang saksi at may gawa.  Bagamat tila walang nangyayari, ang himala ng buhay, sa katahimikan ng grasya, ay nagaganap.  At hindi po maaaring madaliin ang pag-ani sapagkat hindi natin maaaring madaliin ang pagkilos ng grasya.

Gayon din po ang kaharian ng Diyos.  Pinagsisikapan po nating ito ay mag-ugat sa ating personal na buhay at sa lipunang ating kinagagalawan.  Nagtataya po tayo – at nagbubuwis pa ng buhay ang marami sa atin – para sa ikalalago ng kaharian ng Diyos sa piling natin.  Pinagsisikapan po nating gawin ang lahat ng abot ng ating makakaya para ito ay mamunga nang masagana at mabiyayaan ang lahat.  Pero kapag hindi po tayo kasiyahan ng awa ng Diyos, walang mangyayari.  Kung kasiyahan naman tayo ng awa ng Diyos, kahit pa sinliit ng butil ng mustasa ang ambag natin sa ikalalago at ikapamumunga ng kaharian ng Diyos, maaari po itong maging pinakamalaki sa lahat ng puno, pinakamayabong anupa’t mapamumugaran ng mga ibon ang mga sanga nito.

Kung paanong hindi natin maaaring madaliin ang anihan, gayon din naman po, ang kaganapan ng kaharian ng Diyos ay sasapit lamang sa panahong itinakda ng Diyos.  Tandaan po natin, sa Diyos ang kahariang ito.  Hindi atin!

Noong ika-24 ng Marso, 1980, samantalang nasa bahagi ng Panalanging Eukaristiko ng Banal na Misa, sa kapilya ng  sa ospital na pinili niyang maging tahanan, isang sniper ang bumaril kay Oscar Romero, Obispo ng San Salvador, El Salvador.  Ang pagtataya po niya para sa kaharian ng Diyos sa piling ng kanyang kawan ay humantong sa pagbubuwis ng buhay dahil sa kanyang pakikibaka laban sa tiwali at mapanupil na pamahalaan ng kanyang bansa.  Kamakailan si Bishop Oscar Romero ay itinanghal na beato at martir ng Santa Iglesiya.  Isinulat po niya ang napakagandang tulang ito:

It helps now and then to step back and take a long view.
The Kingdom is not only beyond our efforts, it is beyond our vision.
We accomplish in our lifetime only a fraction
of the magnificent enterprise that is God's work.
Nothing we do is complete, which is another way of
saying that the kingdom always lies beyond us.
No statement says all that could be said.
No prayer fully expresses our faith.
No confession brings perfection, no pastoral visit brings wholeness.
No program accomplishes the Church's mission.
No set of goals and objectives include everything.

This is what we are about.
We plant the seeds that one day will grow.
We water the seeds already planted
knowing that they hold future promise.
We lay foundations that will need further development.
We provide yeast that produces effects far beyond our capabilities.

We cannot do everything,
and there is a sense of liberation in realizing this.
This enables us to do something, and to do it very well.
It may be incomplete, but it is a beginning,
a step along the way, an opportunity for the Lord's
grace to enter and do the rest.
We may never see the end results,
but that is the difference between the master builder and the worker.

We are workers, not master builders,
ministers, not messiahs.
We are prophets of a future not our own.

Ano po ba ang mga binhing ipinagkaloob sa bawat-isa sa atin ng Maykapal?  Ito po ang ating mga ambag sa ganap na ikatatatag at ikalalago ng kaharian ng Diyos sa ating piling.  Baka naman po binabalewala natin ang mga kaloob na ito.  O baka naman po minamaliit natin sila at agad sinasabing, “Eh, kay liit-liit lang naman nitong tinanggap ko.  Anong magagawa nito?  Halos walang halaga.  Mas mabuti pa yung iba.”  Naku, huwag po natin kalilimutan ang mga talinhaga sa Ebanghelyo ngayong araw na ito.  Baka ni hindi man lang natin itinatanim ang mga binhing kaloob sa atin ng Diyos o baka naman po ititanim nga natin pero pagkatapos ay pinabayaan na lang.  Puwede rin pong baka kung sino tayo kung umasta – nagmamagaling, nagyayabang, labi-labis ang pagbibigay-importansya sa sarili – sa maling pag-aakalang mapalalago at mapamumunga natin, sa pamamagitan lamang ng sariling galing at talino – ang mga binhing ipinagkatiwala sa atin ng Diyos.

Pagkatapos po nating gawin nang tapat at mahusay ang nararapat nating gawin, huwag tayong mawalan ng lakas-ng-loob sakaling hindi natin agad makita ang bunga ng ating pinagpaguran.  Manatili lang po tayo sa Panginoon at magtiwala sa Kanyang mahiwagang panukala.  Tandaan, hindi po tayo ang mesiyas.  Siya.  Mga lingkod at kamanggagawa Niya tayo.  Hindi po atin ang kaharian.  Kanya.  Tayo ay mga katiwala Niya.









0 Comments:

Post a Comment

Subscribe to Post Comments [Atom]

<< Home