BANAL NA ISANTATLO: IISA, HINDI NAG-IISA, PARA SA IBA
Dakilang Kapistahan ng Banal
na Isantatlo
Mt 28:16-20 (Dt 4:32-34, 39-40 / Slm 32 / Rom
8:14-17)
Ipinagdiriwang po
natin ngayong araw na ito ang pinakamalalim at pinakadakilang hiwaga ng ating
pananampalatayang Kristiyano: ang misteryo ng Santissima Trinidad o Banal na
Isantatlo. Ito po ang misteryo ng Diyos
mismo. Ito ang kung ano at sino Siya. Ipinagdiriwang po natin ang misteryo ng
Diyos. Ngayon po ay pista ng Diyos
mismo. At sinasabi natin sa Kanya,
“Maraming salamat po sapagkat Ikaw ay Ikaw, O Diyos!”
Unang-una po sa
lahat, ito ang sinasabi ng misteryong ito: Iisa lang ang Diyos. Hindi po Siya dalawa, tatlo, o isang
libo. Iisa lang ang Diyos. Ang Diyos ng Lumang Tipan ay Siya rin pong
Diyos ng Bagong Tipan. Siya po ang Diyos
noong wala pa ang lahat, Siya po ang Diyos ngayon, at Siya pa rin po ang Diyos magpasawalang-hanggan.
Siya ang Diyos na walang simula at
walang wakas. Hindi Siya kumukupas,
hindi nadadagdan, at hindi rin po nababawasan. Noon, ngayon, at magpakailanman, Siya po ay
Siya: Diyos na iisa, walang katulad at walang-kapantay.
Ikalawa, iisa nga
ang Diyos, pero hindi po Siya nag-iisa.
Sa iisang Diyos ay may Tatlong Persona: ang Ama, ang Anak, at ang
Espiritu Santo. Gayunpaman, ang iisang
pagka-Diyos ay hindi po pinaghahatian ng Tatlong Personang ito. Sa halip, ang Ama, ang Anak, at ang Espiritu
Santo, ay Diyos sa Kani-kaniyang sarili.
May sariling pag-iral, kaya nga po “persona” ang bawat-isa.
May kani-kaniya
rin po Silang gawain. Gayon man, sa mapanlikhang
gawain ng Ama, naroroon ang Anak bilang Salitang makapangyarihan at ang
Espiritu bilang Hiningang nagbibigay-buhay. Sa mapantubos na gawain naman ng Anak,
naroroon din ang Amang nagsugo at magmuling-bumuhay sa Kanya at ang Espiritu
Santo na kaloob ng Anak sa atin mula sa Ama.
At sa mapagbigay-buhay na gawain ng Espiritu Santo, pinababanal tayo ng
Ama sa pamamagitan ng Anak.
Sa madaling
sabi, sa Kanyang sarili, ang Diyos ay isang pamayanang pinaghaharian ng
pagmamahalan, paggagalan, at pagtutulungan. Sa kabila ng Kanilang pagkakaiba-iba sa
pag-iral, katuturan, at gampanin, hindi po pinag-aawayan ng Tatlong Persona ang
pagka-iisang Diyos. Wala po Silang
inggitan, siraan, laglagan, at paligsahan.
Lagi silang nagkakaisa; hindi po Nila pinagkakaisahan ang Sinuman sa
Kanila. Sa Kanilang pagkakaiba, naroroon
ang pagkakaisa.
Sampu ang buong
sanilikha, tayo po ang nakikinabang sa kahiwagaang ito ng Banal na
Isantatlo. Sa mahiwagang pag-iral ng
bawat Persona at sa Kanilang ugnayan na walang kasintulad sa kabutihan at
kagandahan, tinatanggap po natin ang abut-abot na biyaya at pakikibahagi sa
buhay ng Diyos na ganap at walang-hanggan. Kitang-kita po natin na ang Diyos, bagamat Siya
ay mistulang pamayanan sa Kanyang Sarili, ay hindi isang pamayanan para sa
Kanyang Sarili. Ang Diyos ay pamayanan
para sa iba. Siya po ay pamayanan para
sa atin. Hindi Siya nakakulong sa
Kanyang sarili. Hindi po Siya
nagsasarili. Hindi Siya makasarili.
Ikatlo,
iniaatas po sa atin ng misteryo ng Diyos na tularan natin Siya sa Kanyang ang pagiging.
Kung paanong magkakaiba ang Tatlong
Persona sa Iisang Diyos, gayundin naman po tayo. Magkakaiba man tayo sa anyo, talino,
kakayahan, pag-iral, mga gawain at marami pang iba, iisa po tayong katawan at
si Jesus ang ating Ulo. Bilang Iglesya, lagi
pong hamon sa atin ang isalamin at bigyang-liwanag ang misteryo ng Diyos sa mundo.
Ika nga ng bantog na teologong si P. Bruno
Forte, “The Church is the icon of the Trinity.”
Ipagdiwang po ang
ating mga pagkakaiba-iba. Sa halip na
maging sanhi ng malalalim na hidwaan, hindi pagkakasundo, at
pagkakawatak-watak, ang ating mga pagkakaiba-iba ay gawin po nating daan tungo sa
higit nating pagkakaisa. Paano po? Magmalasakitan tayo. Magbigayan tayo. Magmahalan tayo. Huwag po nating pagtulungan ang sinuman; sa halip,
magtulungan po tayo. At bantayan po natin
lagi ang ating sinasabing pagkakaisa na hindi mauwi sa tayo-tayo lang. Kung paanong ang pagiging pamayanan ng Diyos ay
hindi para sa Kanyang Sarili, gayundin sana tayo bilang parokya o Bayan ng Diyos.
Mabuhay tayo hindi para sa ating sarili.
Mamuhay po para sa iba. At ang “iba” ay hindi lamang ang ibang mga kapanalig
natin o ang ibang mga kaibigan natin. Ang
tinutukoy na “iba” ay yaon mga hindi po natin kapanalig at maging ang mga umuusig
sa atin.
Ang araw na ito
ay Dakilang Kapistahan ng Diyos mismo. Ang
kapistahang ito ay dakilang hamon sa ating lahat. Ang misteryo ng Diyos ay hindi natin malulutas,
ngunit ang pagtulad po natin sa Kanya ang lulutas sa marami nating hidwaan. Pagsikapan po sana nating higit na matulad sa ating
ipinagdiriwang ngayon.