23 May 2015

HININGA NI KRISTO

Dakilang Kapistahan ng Pentekostes
Jn 20:19-23 (Gwa 2:1-11 / Slm 103 / 1 Cor 12:3-7, 12-12)



Hininga – talaga naman pong napakahalaga, hindi po ba?  Mula sa pagsilang hanggang pagpanaw, kailangan po nating huminga.  Kapag hindi huminga, patay. At, puwede po tayong hingahan ng ibang tao, pero hindi po puwedeng ibang tao ang huminga para sa atin.

Napakahalaga talaga ng paghinga, kaya po siguro tigdadalawang-baga ang ibinigay sa atin ng Diyos.  At ni hindi na po natin kailangang utusan pang huminga ang ating mga baga. Hindi rin po natin kailangang tandaan pang huminga. Basta humihinga na lang po tayo, hindi ba? Kahit nga po tulog tayo, humihinga pa rin tayo. 

Maraming uri ng paghinga.  May malalim, may mababaw.  May tama, may mali.  May mabilis na paghinga at meron din naman pong mabagal.  Meron pa pong hinahabol ang hininga at meron ding naghihingalo na.

Ang paghinga po natin ay nagpapahiwatig ng ating nararamdaman.  Kapag natatakot, hindi makahinga. Kapag nagmamadali, hinahabol ang hininga. Kapag nalulungkot o nanghihinayang, nagpabubuntong-hininga. Nagiging hikab naman ang paghinga kapag inaantok na po. Ibinubuga naman ng taong napaso ang kanyang hininga. Pasinghot ang paghinga ng taong umiiyak. At kapag masaya naman, ang paghinga ay lumalabas bilang sipol.

Kapag may sakit ka, sasabihan ka ng duktor: “Magpahinga ka.”  At gamit ang stethoscope, pinakikinggan po ng duktor ang iyong paghinga para tiyakin kung kailangan mo nga ng pahinga.  Ang “pahinga” ay pagtigil para makahinga naman ang pagod mong katawan. Tandaan, ang pahinga ay hindi po optional. Ang taong hindi nagpapahinga, madaling malalagutan ng hininga. Pero ang tao naman pong pahinga nang pahinga, baka tamad.

Sa Ebanghelyo po ngayong Dakilang Kapistahan ng Pentekostes, hiningahan ni Jesus ang Kanyang mga alagad.  Ayon po kay San Juan, noon kinagabihan din mismo ng araw na si Jesus ay magmuling-nabuhay, nagpakita Siya sa Kanyang mga alagad na, dahil sa takot sa mga Judyo, ay nagtatago sa Silid sa Itaas.  “Sumainyo ang kapayapaan!” bati ni Jesus sa kanila.  Pagkatapos ay ipinakita po Niya sa kanila ang Kanyang sagutang tagiliran at mga kamay.  Marahil natulala ang mga alagad, kaya’t inulit po ni Jesus ang pagbati, “Sumainyo ang kapayapaan!”  “Kung paanong sinugo Ako ng Ama," patuloy Niya, "gayon din naman, sinusugo Ko kayo.”  Pagkatapos nito, hiningahan daw Niya sila na ang wika, “Tanggapin ninyo ang Espiritu Santo.”

Hiningahan ni Jesus ang Kanyang mga alagad.  Ibinabalik po tayo ng imaheng ito sa mga unang pahina ng Banal na Bibliya. Sa Gen 2:7 nasusulat, “Nilalang ng Panginoong Diyos ang tao mula sa alabok ng lupa, at hiningahan Niya ang mga butas ng ilong nito ng hininga ng buhay; at ang tao ay naging kaluluwang may buhay.”  Nang si Jesus ay magmuling-nabuhay, hiningahan din po Niya ang Kanyang mga alagad. Mga bagong tao na sila! Bago na ang buhay nila! Sa magmuling-pagkabuhay ni Jesus, natupad ang dalangin ng ikasandaa’t tatlong Salmo: “Espiritu Mo’y suguin, Poon, tana’y ‘yong baguhin.”  At ang Espiritung ito ang Siya mismong Hininga ng Panginoong Jesukristong magmuling-nabuhay. Ang magmuling-pagkabuhay ni Jesus ay magmuling-paghinga ng Diyos sa mga pinagpanibagong tao kay Kristo.

Samakatuwid, ang hininga po ng mga alagad ni Jesus ay walang iba kundi ang hininga rin ni Jesus.  Ang bumubuhay – ang mismong buhay – sa mga tunay na alagad kay Kristo Jesus ay ang Espiritu Santo.  Kung hindi, hindi po iyan alagad ng Panginoon. Baka tagahanga lang, pero hindi alagad. Baka nagkukunwari lang na alagad, hindi wagas.

Bilang mga bagong nilikha, ang mga tunay na alagad ni Kristo Jesus ang bumubuo sa Kanyang katawang mistiko.  Si Jesus ang ulo at sila ang katawan, ika pa ni Apostol San Pablo.  Kaya nga’t paalala po sa atin ng Apostol sa ikalawang pagbasa ngayon: “Sapagkat si Kristo’y tulad ng isang katawan na may maraming bahagi; bagamat binubuo ng iba’t ibang bahagi, iisa pa ring katawan.  Tayong lahat, maging Judyo o Griyego, alipin man o malaya, ay bininyagan sa iisang Espiritu upang maging isang katawan.  Tayong lahat ay pinainom sa isang Espiritu.”

Kung gayon, ano po ba ang dapat nating gawin?  Sagot ni San Pablo: “Iba’t iba ang kaloob, ngunit iisa lamang ang Espiritung nagkakaloob ng mga ito.  Iba’t iba ang paraan ng paglilingkod, ngunit iisa lamang ang Panginoong pinaglilingkuran.  Iba’t iba ang mga gawain ngunit iisa lamang ang Diyos na sumasalahat ng taong gumagawa ng mga iyon.  Ang bawat-isa’y binigyan ng kaloob na naghahayag na sumasakanya ang Espiritu, para sa ikabubuti ng lahat.”  Kaya alamin, tanggapin, unawain, at linangin natin ang mga partikular na kaloob sa atin ng Espiritu Santo, at gamitin po natin ang mga iyon sa pagtupad sa misyong tinanggap natin mula sa Panginoon sa pamamagitan ng ating kani-kaniyang bokasyon sa buhay. At lagi po nating tatandaan na ang mga kaloob ng Espiritu Santo sa atin, ayon na rin kay San Pablo Apostol, ay “para sa ikabubuti ng lahat.”

Hindi po natin kailangang paalalahanan ang ating mga baga na huminga para tayo ay mabuhay: kusa silang humihinga hanggang sa, isang araw, tumigil na sila.  Pero lagi po nating kailangang paalalahanang hiningahan tayo ni Jesus ng sarili Niyang hininga at tinanggap natin ang Espiritu Santo.

Langhap po ba sa ating hininga ang Espiritu ni Kristo?

0 Comments:

Post a Comment

Subscribe to Post Comments [Atom]

<< Home