30 May 2015

BANAL NA ISANTATLO: IISA, HINDI NAG-IISA, PARA SA IBA

Dakilang Kapistahan ng Banal na Isantatlo
Mt 28:16-20 (Dt 4:32-34, 39-40 / Slm 32 / Rom 8:14-17)

Ipinagdiriwang po natin ngayong araw na ito ang pinakamalalim at pinakadakilang hiwaga ng ating pananampalatayang Kristiyano: ang misteryo ng Santissima Trinidad o Banal na Isantatlo.  Ito po ang misteryo ng Diyos mismo.  Ito ang kung ano at sino Siya.  Ipinagdiriwang po natin ang misteryo ng Diyos.  Ngayon po ay pista ng Diyos mismo.  At sinasabi natin sa Kanya, “Maraming salamat po sapagkat Ikaw ay Ikaw, O Diyos!”

Unang-una po sa lahat, ito ang sinasabi ng misteryong ito: Iisa lang ang Diyos.  Hindi po Siya dalawa, tatlo, o isang libo.  Iisa lang ang Diyos.  Ang Diyos ng Lumang Tipan ay Siya rin pong Diyos ng Bagong Tipan.  Siya po ang Diyos noong wala pa ang lahat, Siya po ang Diyos ngayon, at Siya pa rin po ang Diyos magpasawalang-hanggan.  Siya ang Diyos na walang simula at walang wakas.  Hindi Siya kumukupas, hindi nadadagdan, at hindi rin po nababawasan.  Noon, ngayon, at magpakailanman, Siya po ay Siya: Diyos na iisa, walang katulad at walang-kapantay.

Ikalawa, iisa nga ang Diyos, pero hindi po Siya nag-iisa.  Sa iisang Diyos ay may Tatlong Persona: ang Ama, ang Anak, at ang Espiritu Santo.  Gayunpaman, ang iisang pagka-Diyos ay hindi po pinaghahatian ng Tatlong Personang ito.  Sa halip, ang Ama, ang Anak, at ang Espiritu Santo, ay Diyos sa Kani-kaniyang sarili.  May sariling pag-iral, kaya nga po “persona” ang bawat-isa.

May kani-kaniya rin po Silang gawain.  Gayon man, sa mapanlikhang gawain ng Ama, naroroon ang Anak bilang Salitang makapangyarihan at ang Espiritu bilang Hiningang nagbibigay-buhay.  Sa mapantubos na gawain naman ng Anak, naroroon din ang Amang nagsugo at magmuling-bumuhay sa Kanya at ang Espiritu Santo na kaloob ng Anak sa atin mula sa Ama.  At sa mapagbigay-buhay na gawain ng Espiritu Santo, pinababanal tayo ng Ama sa pamamagitan ng Anak.

Sa madaling sabi, sa Kanyang sarili, ang Diyos ay isang pamayanang pinaghaharian ng pagmamahalan, paggagalan, at pagtutulungan.  Sa kabila ng Kanilang pagkakaiba-iba sa pag-iral, katuturan, at gampanin, hindi po pinag-aawayan ng Tatlong Persona ang pagka-iisang Diyos.  Wala po Silang inggitan, siraan, laglagan, at paligsahan.  Lagi silang nagkakaisa; hindi po Nila pinagkakaisahan ang Sinuman sa Kanila.  Sa Kanilang pagkakaiba, naroroon ang pagkakaisa.

Sampu ang buong sanilikha, tayo po ang nakikinabang sa kahiwagaang ito ng Banal na Isantatlo.  Sa mahiwagang pag-iral ng bawat Persona at sa Kanilang ugnayan na walang kasintulad sa kabutihan at kagandahan, tinatanggap po natin ang abut-abot na biyaya at pakikibahagi sa buhay ng Diyos na ganap at walang-hanggan.  Kitang-kita po natin na ang Diyos, bagamat Siya ay mistulang pamayanan sa Kanyang Sarili, ay hindi isang pamayanan para sa Kanyang Sarili.  Ang Diyos ay pamayanan para sa iba.  Siya po ay pamayanan para sa atin.  Hindi Siya nakakulong sa Kanyang sarili.  Hindi po Siya nagsasarili.  Hindi Siya makasarili.

Ikatlo, iniaatas po sa atin ng misteryo ng Diyos na tularan natin Siya sa Kanyang ang pagiging.  Kung paanong magkakaiba ang Tatlong Persona sa Iisang Diyos, gayundin naman po tayo.  Magkakaiba man tayo sa anyo, talino, kakayahan, pag-iral, mga gawain at marami pang iba, iisa po tayong katawan at si Jesus ang ating Ulo.  Bilang Iglesya, lagi pong hamon sa atin ang isalamin at bigyang-liwanag ang misteryo ng Diyos sa mundo.  Ika nga ng bantog na teologong si P. Bruno Forte, “The Church is the icon of the Trinity.”

Ipagdiwang po ang ating mga pagkakaiba-iba.  Sa halip na maging sanhi ng malalalim na hidwaan, hindi pagkakasundo, at pagkakawatak-watak, ang ating mga pagkakaiba-iba ay gawin po nating daan tungo sa higit nating pagkakaisa.  Paano po?  Magmalasakitan tayo.  Magbigayan tayo.  Magmahalan tayo.  Huwag po nating pagtulungan ang sinuman; sa halip, magtulungan po tayo.  At bantayan po natin lagi ang ating sinasabing pagkakaisa na hindi mauwi sa tayo-tayo lang.  Kung paanong ang pagiging pamayanan ng Diyos ay hindi para sa Kanyang Sarili, gayundin sana tayo bilang parokya o Bayan ng Diyos.  Mabuhay tayo hindi para sa ating sarili.  Mamuhay po para sa iba.  At ang “iba” ay hindi lamang ang ibang mga kapanalig natin o ang ibang mga kaibigan natin.  Ang tinutukoy na “iba” ay yaon mga hindi po natin kapanalig at maging ang mga umuusig sa atin.

Ang araw na ito ay Dakilang Kapistahan ng Diyos mismo.  Ang kapistahang ito ay dakilang hamon sa ating lahat.  Ang misteryo ng Diyos ay hindi natin malulutas, ngunit ang pagtulad po natin sa Kanya ang lulutas sa marami nating hidwaan.  Pagsikapan po sana nating higit na matulad sa ating ipinagdiriwang ngayon.


2 Comments:

At 2:46 AM , Anonymous tsy said...

ano po ang kahulugan ng pamayanan dito?
ang Tatlong Persona lang po ba ang nasa pamayanan na iyon?

 
At 2:26 PM , Blogger Fr. Bobby said...

ang unang nibel ng pamayanan ay ang Banal na Isantatlo. subalit kapasiyahan ng Tatlong Persona ngunit iisang Diyos na makabahagi tayo sa buhay-pamayanan nila. Kung kaya't nakakabilang na rin tayo sa pamayanang yaon, yayamang tayo ay katawang mistiko ni Kristo sa pamamagitan ng Binyag.

 

Post a Comment

Subscribe to Post Comments [Atom]

Links to this post:

Create a Link

<< Home