LINGGO NG PALASPAS NG PAGPAPAKASAKIT NG PANGINOON: LINGGO NG PAG-AALAGAD
Linggo ng Palaspas ng Pagpapakasakit ng
Panginoon
Mk 15:1-39 (Is
50:4-7 / Slm 21 / Fil 2:6-11)
Maraming tao ang tawag sa araw na
ito ay Linggo ng Palaspas. Kulang! Ang kumpletong pamagat ng
pagdiriwang po ngayong araw na ito ay “Linggo ng Palaspas ng Pagpapakasakit ng
Panginoon.” Sadya man o hindi, bakit po
kaya “palaspas” lang ang natatandaan ng karamihan sa atin samantalang parang hindi
masyadong napapansin ang “pagpapakasakit”?
Litaw na litaw po ang likas na pagtanggi ng tao sa pagpapakasakit, hindi
ba? Mas gusto ng karamihan ang palaspas.
Ang pagkaunawa pa nga po ng karamihan
ay sinasalubong natin si Jesus ngayong araw na ito. Ang pagwagayway daw po ng palaspas ay sagisag
ng salubong kay Jesus. Sa isang banda,
puwede na rin. Pero hindi po iyon ang pinakapuso
ng liturhiya ngayong Linggong ito. Wala
na po tayong sasalubungin: dumaan na po si Jesus! Hindi po kaya naiwan na tayo?
“Pag-aalagad” o discipleship – iyan po ang pinakapuso ng pagdiriwang ng Linggo ng
Palaspas ng Pagpapakasakit ng Panginoon.
Sa pagsisimula ng Mga Mahal na Araw, kinakamusta po ang ating pagiging
alagad ni Jesus at hinihimok tayong pagnilayan ang pagsunod natin sa Kanya. Tandaan: ang alagad ay tagasunod, hindi
tagasalubong!
Ang Kuwaresma ay paglalakbay kasama
ni Jesus. Sinundan po natin si Jesus
saan man Siya nagpunta sa mga Ebanghelyo sa loob ng banal na panahong ito. Sa bawat Linggo ng Kuwaresma, sumama po tayo
kay Jesus sa ilang, sa tuktok ng bundok, sa Templo, at maging sa mismong
kaibuturan ng ating pagkatao.
Noong Unang Linggo ng Kuwaresma, sumama
po tayo kay Jesus sa ilang. At nakita po
natin doon ang Kanyang katapatan sa Ama.
Kung paanong tapat kay Jesus ang Ama, gayon din nama’y tapat na tapat si
Jesus sa Kanya, maging sa harap ng matitinding pagsubok. Bago pa nagsimula si Jesus sa Kanyang
hayagang pagtupad sa Kanyang misyon, sinubok na Siya at napatunayang tapat na
tapat nga. Si Jesus ay mistulang
bahaghari – ang tandang iginuhit ng Diyos sa kalangitan, sa kuwento ni Noah at
ng delubyo, bilang tanda ng Kanyang katapatan sa Kanyang pangako. Sa pagsunod po natin kay Jesus sa ilang noong
Unang Linggo ng Kuwaresma, sinukat po ang ating pagtulad natin sa katapatan ng
ating Panginoon sa Diyos at Ama nating lahat.
Hanggang saan at hanggang kailan po ba tayo mananatiling kakampi ng
Diyos? Sino at ano nga po ba ang mga
karibal ng Diyos sa buhay natin?
Noon namang Ikalawang Linggo ng
Kuwaresma, sumama po tayo kay Jesus paakyat ng bundok. Sa tuktok ng bundok na
yaon nasaksihsn po natin ang Kanyang pagbabagong-anyo: lumitaw ang tunay Niyang kaluwalhatian
bilang Anak ng Diyos. At narinig pa po
natin ang tinig ng Ama na nagsabing, “Ito ang Aking Anak na pinakamamahal. Pakinggan Ninyo Siya.” Nakikinig po ba tayo talaga kay Jesus? Ang pakikinig ay pagsunod din, at ang
pagsunod ay hindi lamang umaanyaya sa ating sundan si Jesus kundi humahamon din
sa ating sundin Siya. Baka naman po
hanggang “sundan” lang tayo at kinalilimutan na natin ang “sundin”. Baka lang naman po.
Noong Ikatlong Linggo ng Kuwaresma, pumasok
po tayo ni Jesus sa Templo. Naku po,
laging gulat natin sa ating natunghayan!
Sa mismong tahanan ng Diyos, talamak ang katiwalian. Kaya naman po, parang umuusok sa galit si Jesus,
at nabulaga Niya hindi lamang ang mga nagnenegosyo sa Templo kundi pati na rin
tayong lahat na sumusunod sa Kanya.
Pinagtatataob Niya ang mga lamesa ng mga mamamalit ng salapi at
pinagtabuyan ang mga nagpaging-palengke sa bahay na Kanyang Ama. Kitang-kita po natin kung gaano passionate si Jesus pagdating sa
Ama. Kung tutuusin, hindi sa galit
nag-uumapoy si Jesus kundi sa pag-ibig Niya sa Ama. Sobrang alab ng apoy ng pag-ibig ni Jesus
hanggang lamunin na Siya nito mismo.
Sabi pa nga po natin noong Ikatlong Linggo ng Kuwaresma, “The passion of Jesus is His passion for
God!”
Sa pagsama natin kay Jesus sa Templo
at sa mga nasaksihan natin doon, dalawang tanong po ang humihingi sa atin ng
kasagutan. Una, ano po ba ang passion natin sa buhay? Sa Diyos, may passion din po ba tayo tulad ng passion
ni Jesus? Baka naman po kung kani-kanino
at kung para sa kung anu-ano tayo very
passionate, pero pagdating sa mga bagay ukol sa Diyos, sinlamig tayo
ng yelo. Ikalawa, yayamang sabi ni San
Pablo Apostol sa 1 Cor 6:19, tayo raw po mismo ang templo ng Espiritu Santo,
kumusta naman po kaya tayo bilang tahanan ng Diyos? Baka kailangan na po natin ng general cleaning!
Noong Ika-apat na Linggo ng
Kuwaresma, sa halip na sumunod ay lumapit naman po tayo kay Jesus. Sinagisag tayo ni Nicodemus na bumisita po kay
Jesus sa gitna ng kadiliman. Ayon sa
may-akda ng Ebanghelyo ni San Juan, gabi raw po noon nang bisitahin ni
Nicodemus si Jesus. Samantalang si Jesus
mismo ang Liwanag ng sanlibutan, nababalot naman po ng kadiliman si
Nicodemus. Napakaganda pong ipinta ang
tagpong ito at pamagatang “Nang Lumapit Ang Dilim Sa Liwanag”. Hinikayat po tayo ng Ika-apat na Linggo ng Kuwaresma na kilalanin ang mga “kadiliman” sa ating buhay at buong-tiwalang
humarap at lumapit kay Jesus na Siyang Liwanag ng sanlibutan. Anu-ano po ba ang mga anino at mga liwanag sa buhay natin? Bilang alagad ni Jesus,
namumuhay pa rin po ba tayo sa kadiliman ng kasalanan o talagang nagsisikap
tayong tahakin na ang landas ng kaliwanagan ng kabanalan? Ang bumabalot po ba sa ating isip, puso, at
buong pagkatao ay ang kadiliman ng kamunduhan o ang kaliwanagan ni Jesus? Sa tutoo lang, tayo po ba ay kampon ng
kadiliman o alagad ng Kaliwanagan?
Pagsapit ng bihilya ng Pasko ng Magmuling-Pagkabuhay, aawitin po natin sa
Exultet: “Si Jesukristo’y nabuhay! Siya’y ating Kaliwanagan!” Tutoo po ba talaga ito para sa atin?
Noon naman pong nakaraang Linggo,
ang Ikalima ng Kuwaresma, inakay tayo ni Jesus sa lupa at hinamong mamatay sa
ating sarili. Wika Niya, “Malibang
mahulog sa lupa ang butil ng trigo at mamatay, ito ay mananatiling
nag-iisa. Ngunit kung mamatay, ito ay
mamumunga nang masagana.” Kailangang-kailangan
pa po talaga tayong akayin ni Jesus sa ganang ito sapagkat ito ang isang bagay
na napakahirap para sa ating gawin: ang mahulog at mamatay sa
sarili. Madalas po, may pagkiling tayo
sa pag-aangat sa sarili; minsan pa nga aapakan pa ang kapwa, umangat lang sa
iba. Likas din po sa tao ang itaguyod
ang pansariling kapakanan; minsan kahit pa isakripisyo ang iba. Ngunit kung tutoong sinusundan natin si
Jesus, tutularan po natin Siya. Sa
Ikalawang Pagbasa po ngayong araw na ito, sinabi ni Apostol San Pablo, “Si
Kristo Jesus bagamat Siya’y Diyos ay hindi nagpilit na manatiling kapantay ng
Diyos, bagkus hinubad Niya ang lahat ng katangian ng pagka-Diyos,
nagkatawang-tao at namuhay na isang alipin.
Nang maging tao, Siya’y nagpakababa at naging masunurin hanggang
kamatayan, oo, hanggang kamatayan sa krus.”
Hango sa Fil 2:6-11, ito po ang awit ng kenosis (κένωσις) ni Kristo, ang
pagsasaid ni Jesus ng Kanyang sarili. At
sa pagiging dukha ng Panginoon, sino po ang sumagana? Hindi ba tayo? Minana natin ang langit. Sa kamatayan ni Jesus, sino po ang
nabuhay? Hindi ba tayo? Nakamit natin ang buhay na walang-hanggan. Ang sakripisyo ni Jesus ay sagad at
nakapagbibigay-buhay. Ganun din po ba
ang pagsasakripisyo natin – sagad at nakapagbibigay-buhay? O mapagkalkula po ba tayo, at maging sa
pagsasakripisyo ay makasarili pa rin?
Baka naman po inililista natin ang mga ibinibigay natin. Baka tayo rin po ang nakikinabang sa
pagsasakripisyo natin. Masahol pa, baka
mahilig po tayong mang-sakripisyo ng iba.
Baka lang po.
At
humantong na nga po tayo ngayong araw na ito sa Linggo ng Palaspas ng
Pagpapakasakit ng Panginoon. Alam na po
natin kung ano ang mangyayari kay Jesus sa Jerusalem. Masaya nga po Siyang sinalubong ng taumbayan,
nagwawawagayway pa ng mga palaspas, naglalalatag pa ng mga balabal sa Kanyang
daraanan, at nagsisihiyawan pa ng “Hosanna!
Mabuhay ang Anak ni David!”; ngunit, huwag po nating kalilimutan,
taumbayan din ang papatay sa Kanya. Ano,
gusto n’yo pa rin po bang sumalubong kay Jesus o sumunod sa Kanya?
Susunod
pa rin po ba tayo kay Jesus magpahanggang Kalbaryo? Sasama pa rin po ba tayo sa Kanya
magpahanggang kamatayan? Kung ang
pagsunod sa kalooban ng Diyos ay tadtad ng matitinding pagsubok mananatili pa
po ba tayong tapat sa Kanya tulad ng katapatan ni Jesus sa ilang? Kung sa pakikinig natin kay Jesus, gaya ng
ini-atas ng tinig ng Ama sa tuktok ng bundok, ay hindi kaaya-aya sa atin ang
mga katotohanang ating marinig, makikinig pa rin po ba tayo sa Kanya? Susundin pa rin po ba natin Siya? Kung ang kaalaban para sa Diyos, gaya ng
nakita natin kay Jesus sa loob ng Templo, ay mapanganib at humihingi sa atin ng
pagtataya ng sarili, makikibaka pa rin po ba tayo para sa Diyos? Labis-labis po ba ang pagkabahala natin sa
pagkasagrado ng Templo ngunit kayang-kaya naman nating bale-walain ang pagkasagrado ng
kapwa-tao na siyang buhay na tahanan ng Espiritu Santo? Sa pagtakbo po naman natin at pagtatago sa liwanag,
hanggang kailan, hanggang saan? Kung tunay
tayong tagasunod ni Jesus, sasama rin po ba tayo sa Kanyang mahulog sa lupa, at
tulad ng butil ng trigo, mamatay alang-alang sa ikabubuhay ng iba?
Mahirap
po, hindi ba? Seryosong bagay ang pagiging
Kristiyano. Seryosohin naman po natin talaga
ito.
Iisa
lang po ang ibig sabihin ng mga palaspas: ang kahandaang sundan at sundin si
Jesus magpahanggang kamatayan. Kung
hindi po iyan ang kahulugan ng palapas ninyo, naku, baka naligaw po kayo. Hindi iyan ang palaspas ng pagpapakasakit ng
Panginoong Jesukristo.