21 March 2015

KUMAPIT KAY JESUS AT BUMITIW SA SARILI

Ikalimang Linggo ng Kuwaresma
Jn 12:20-33 (Jer 31:31-34 / Slm 50 / Heb 5:7-9)


Ang una po nating ginawa ay kumapit.  Mga punla pa lang po tayo, naghanap na tayo ng makakapitan sa sinapupunan ng ating kani-kaniyang ina.  Kaya nga po tayo nabuo at nagka-anyong tao ay sapagkat nakakapit tayo.  At napakahigpit ng kapit natin kaya naman po naisilang tayo nang malusog.

Pero may mga nagdadalantao pong kailangan pang uminom nang kung anu-anong pampakapit.  Hindi po sila ang kumakapit.  Sila po ang kinakapitan.  Ang mga punlang nagtagpo at nagbuklod ay kailangang kumapit nang hustong buwan sa sinapupunan para mabuhay at maisilang.

Nakakalungkot po na naimbento pa ang iba’t ibang uring panghadlangan sa pagkapit ng punla sa sinapupunan ng kanyang ina.  At meron pa nga pong mga kontraseptibong abortifacient ang epekto: pinaluluwag nila ang kapit ng punla sa sinapupunan kaya nalalaglag at namamatay.

Agad po tayong kumapit.  Ang iba naman, tinulungang makakapit.  At meron din pong tinatanggal sa pagkakakapit.

Bagamat pagkapit nga po ang una nating pakay, hindi naman po tayo maisisilang kung walang pagbitiw.  Ang kapanganakan natin ay pagbitiw natin sa una nating kinapitan.  At madalas ayaw nating bumitiw o kaya’y nakabitiw nga tayo pero hindi naman po natin malaman agad kung ano ang dapat nating gawin.  Kaya naman po, maliban na lang kung caesarean, kailangang umire si ina para itulak tayo palabas ng kanyang sinapupunan patungo sa mundong natututunan din naman nating kapitan.

Nang tayo ay isilang, maging si nanay po ay bumitiw din.  At hindi po iyon ang huling pagbitiw niya sa atin.  Kung gusto talaga ni nanay na mabuhay tayo nang tama, kailangan din niya po tayong bitiwan para matuto tayong dumapa, gumapang, umupo, tumayo, maglakad, tumakbo, makapag-aral, makatugon sa ating bokasyon, at makapagpalaya rin ng ibang pinakapit din natin sa atin upang bumitiw din pagsapit ng takdang panahon nang makapamuhay bilang ganap na tao.

Ang buhay ay pagkapit at pagbitiw.

Kung ang pagkapit ang una nating ginawa, pagbitiw naman po ang una nating leksyon.  Sa ating utay na utay na pagpapakatao, walang-patid po ang pagtugon natin sa hamong bumitiw sapagkat sa pamamagitan lamang ng mga karanasan ng pagbitiw tayo natututo, lumalago, nagbabago, nakapagmamahal, nakapag-aalay, nabubuhay at nakapagbibigay-buhay.  At may kirot ang bawat pagbitiw.

Sa ating pagtanda, kailangan po nating bumitiw sa ating kabataan, sa ating mabuting kalusugan, sa ating malinaw na paningin, sa tamang sukat ng baywang, sa mapusok na pakikibaka para sa mga adhikain natin, sa mga inaasahang hindi naman talaga maibibigay ng iba, sa walang-kamuwangang na pagtanggap na lang nang basta-basta sa mga bagay-bagay sa mundo.  Ang mga pagbitiw na ito ay parang mga mumunting “kamatayan”.  Kung binata ka na, patay ang iyong kamusmusan.  Kung may-asawa ka na, kalimutan mo na ang pagiging single; patay na ‘yun.  Kung pari ka na, hindi ka na binata; kaya huwag kang umasta na parang available ka pa.  Kapag ale ka na pero kung magsalita ka ay neneng pa, aba, abnormal ka!  Kung sesenta años ka na pero kung gumayak ka ay parang dieciocho ka pa, hindi ka na cute: nakakasuka ka na!  Sa bawat yugto po ng ating buhay ay kailangan nating “mamatay”, ika nga, upang maisilang tayo sa kasunod at bagong kabanata nito.  Kung hindi, hindi po tayo makapamumuhay nang masaya.  Isa sa mga malaking kabalintunaan ng buhay ay ito: Dapat kang mamatay para ka mabuhay.  At ang lihim naman po ng tunay na kaligayahan ay ito: Huwag ka lang mabuhay; magbigay-buhay ka!

“Tandaan ninyo,” wika ni Jesus sa Ebanghelyo, “malibang mahulog sa lupa ang butil ng trigo at mamatay, mananatili itong nag-iisa.  Ngunit kung mamatay, ito’y mamumunga nang marami.”  Kapag sinasabi nating masaya na tayong mag-isa, mukhang may problema sa atin.  Hindi po likas sa tao ang mamuhay nang walang kaugnayan sa iba.  Maging ang Diyos, sa Gen 2:18, ay nagsabi, “Hindi mabuting mag-isa ang tao.”

Ang batas ng pakikipagkapwa ay laban po sa pagsasarili at pagkamakasarili samantalang panig naman sa pag-aalay ng sarili.  Ang tugatog po ng pakikipagtalastasan sa kapwa ay nasa anyo ng kamatayan para sa kapwa, isang kamatayang nagbibigay-buhay sa kapwa.  Ganito po ba tayo makipagkapwa-tao?  Ganito po ba tayo makipagtalastasan sa isa't isa?

Noong Huling Hapunan, kumuha si Jesus nang tinapay, nagpasalamat, pinaghati-hati, ibinigay sa Kanyang mga alagad, at sinabi, “Ito ang Aking Katawan na ihahandog para sa inyo.”  Kinuha rin Niya ang kalis na may alak, nagpasalamat muli, ibinigay sa Kanyang mga alagad, at sinabi, “Ito ang kalis ng Aking Dugo ng bago at walang-hanggang tipan, ang Aking Dugo na ibubuhos para sa inyo at para sa lahat sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan.”  Sa ginawa Niyang ito, ipinaliliwanag din ni Jesus na ang mangyayari sa Kanya kinabukasan sa kalbaryo ay hindi wakas ng Kanyang pakikipag-ugnayan sa Kanyang mga alagad, bagkus ay siya pang tugatog nito.  Ang pag-aalay Niya ng sariling buhay ang siyang bubuhay sa kanila.  At ibinilin Niya: “Gawin ninyo ito sa pag-alala ninyo sa Akin.”  Gayon din daw po ang dapat nating gawin: I-alay natin ang ating buhay para sa kapwa; magbigay-buhay tayo sa iba.

Tandaan: Ang sinabi po ni Jesus ay mamatay, hindi lamang mahulog sa lupa.  “…malibang mahulog sa lupa ang butil ng trigo at mamatay,” sabi Niya.  Mahulog at mamatay.  Nakakatakot na nga po ang mahulog, mamatay pa kaya.  Sukdulang pagbitiw po talaga.  Sa sariling kakayahan natin, hindi po natin ito magagawa.  Kaya nga po, bumitiw na tayo sa lahat, huwag lang kay Jesus, sapagkat ang maghulog sa lupa at mamatay sa sarili ay magagawa lamang natin sa halimbawa at grasya Niya.

Sa susunod na Linggo po ay Linggo na ng Palaspas ng Pagpapakasakit ng Panginoon.  Ang Linggo ng Palaspas ay Linggo po ng Pag-aalagad.  Hindi po natin sinasalubong si Jesus tuwing Linggo ng Palaspas.  Sinusundan natin Siya.  Hindi po ba gayun nga ang alagad: tagasunod?  Ang mga palaspas na dadalhin natin, iwawagayway, at pababasbasan ay pahiwatig ng ating kahandaang sumunod kay Jesus magpahanggang kamatayan.  Ang olibo ay sagisag ng mga martir.  Isipin po nating mabuti iyan bago tayo magwawawagayway ng palaspas sa Linggo.

Kakapit po ba tayo kay Jesus magpahanggang kalbaryo?  Sasama po ba tayo sa Kanya sa krus?  Tutulad po ba tayo sa Kanyang tapat na pag-ibig sa Ama at wagas na malasakit sa kapwa?  Nakalaan din po ba tayo para ang kapwa ay mabuhay?  Ang pagsasakripisyo po ba natin ay tunay na nakapagbibigay-buhay sa iba?  Tayo ba ay mga butil ng trigo na nahuhulog sa lupa at namamatay?

Kumapit kay Jesus.  Bumitiw sa sarili.








0 Comments:

Post a Comment

Subscribe to Post Comments [Atom]

<< Home