AGRESIBO KA BA?
Ikatlong Linggo ng Kuwaresma
Jn 2:13-25 (Ex
20:1-3, 7-8, 12-17 / Slm 18 / 1 Cor 1:22-25)
Mga kapatid, agresibo po ba kayo?
Sa ano at kanino kayo agresibo?
May kilala po ba kayong
napaka-agresibo? Sa ano at kanino ba
siya o sila napaka-agresibo?
Marami po sa
atin ayaw sa taong agresibo. Makulit po kasi ang taong agresibo, hindi
ba? Mapilit. Minsan pa nga, marahas din. Gagawin ang lahat makamit lang ang nais o
mangyari lang ang gusto. Kapag ang isang
tao ay talagang agresibo, walang makapipigil sa kanya.
Gayunpaman,
naniniwala po ang marami sa atin na dapat may pagka-agresibo tayo, sapagkat
kung papatay-patay ka, kung lampa ka, kung babagal-bagal ka, kung passive ka, lagi kang talo sa buhay na
ito. At walang taong gustong laging
talunan, hindi ba? Kailangang panindigan
kung ano talaga ang gusto mong makamit o mangyari, kung hindi aapakan ka lang,
pagsasamantalahan, dadayain. Subalit
bantulot pa rin po tayong gamitin ang salitang “agresibo” para ilarawan
lalong-lalo na ang sarili nating pag-uugali. Pilit po nating itinatago ang ating
pagka-agresibo sa likod ng malumanay na pagsasalita at magalang na
pagkilos.
Marahil ang isa
pong dahilan kung bakit ayaw nating masabing napaka-agresibo natin ay ang halos
ekslusibong pag-uugnay sa konsepto ng pagiging agresibo sa katangiang mapanira
o mapanwasak. Halos sabay po kasing
pumapasok sa ating isipan ang larawan ng pananakit sa kapwa o panlalamang sa
iba. Pero ano nga po ba talaga ang ibig
sabihin ng katagang “agresibo”?
Ang salitang
“agresibo” ay nagmula po sa wikang Latin: aggredi. Ang tahasang kahulugan ng aggredi ay “sumulong, lumapit, kumilos
palaban gaya ng pakikibaka”. Kaya nga
po, sa orihinal na kahulugan at paggamit sa salita, ang “agresibo” ay isang
mapambuo at hindi mapanirang katangian. Kung paanong may destructive
aggression, meron din naman pong constructive aggression. At ang constructive
aggression ay mas nauna pa pong pakahulugan sa aggredi kaysa sa destructive
aggression.
Ano po ba ang constructive aggression? Ang constructive
aggression po ay ang masidhing pagtataguyod sa kung ano ang tunay na
mahalaga. Ang constructive
aggression ay pakikibaka laban sa kapangyarihang bumabale-wala sa ating mga
pagpapahalaga sa buhay.
O, agresibo na
po ba kayo? Ayos na po sa inyong masabihang napaka-agresibo ninyo? Gusto n’yo na po ba ng mga kaibigang
agresibo? Pero saan nga at kanino
agresibo?
Agresibo si
Jesus. Hindi po Siya papatay-patay sa pakikibaka laban sa mga
lumalapastangan sa Diyos. Hindi po Siya bantulot magsalita laban sa
paggamit sa Diyos para sa makasariling layunin, kahit sinuman ang tamaan ng
Kanyang maaanghang na salita, kahit pa ang mga pari sa Templo o ang mga
matatanda ng bayan o ang iginagalang na mga Pariseo at eskriba. Mariin at
panay ang pagtuligsa ni Jesus sa pang-aapi ng kapwa sa kapwa. Hindi po Siya
nag-atubiling punahin ang mga taong mapagmatuwid ng sarili samantalang
minamaliit ang iba. Agresibo po si Jesus sa pagsusulong ng mga pagpapahalaga
ng kaharian ng Diyos. At agresibo si Jesus hindi lamang sa Kanyang
pagkamaka-Diyos, agresibo rin po Siya sa pagiging kaibigan ng mga makasalanan,
pagkamakamahirap, at pagiging kapanig ng mga minamaliit sa lipunan.
Agresibo si
Jesus. Napakasidhi po ng Kanyang pagtutol sa labis na rituwalismo ng
relihiyon gayong salat na salat naman sa bundhing panlipunan. Kaya nga po
ang nakikita nating Jesus sa Ebanghelyo ngayong ikatlong Linggo ng Kuwaresma ay
ibang-iba sa nakikita nating Jesus sa ating mga estampita. Kung tutuusin, may pagkamarahas pa nga!
“Gumawa Siya ng isang panghagupit na lubid,” ika sa Ebanghelyo, “at
ipinagtabuyang palabas ang mga mangangalakal, pati mga baka at tupa.
Isinabog Niya ang salapi ng mga namamalit at pinagtataob ang kanilang mga
hapag. Sinabi Niya sa mga nagbibili ng kalapati, ‘Alisin ninyo rito ang
mga iyan! Huwag ninyong gawing palengke ang bahay ng Aking Ama!’”
Oo nga
naman. Kayo po, gusto ba ninyong gawin naming palengke ang bahay
n’yo? Hindi po ba kayo magagalit kung
binababoy ang tahanan n’yo? Hindi po ba
kayo mayayamot kung binabalasubas na ang pagkatao n’yo, ang pamilya n’yo, ang
mga pagmamay-ari n’yo? Hindi n’yo po ba
ipagtatabuyan ang mga lumalapastangan sa inyo?
Kung agresibo
tayo para sa atin, agresibo rin po ba tayo para sa Diyos? Kapag nilalapastangan Siya, maninindigan rin
po ba tayo? Kapag winawasak ang Kanyang
nilikha, makikibaka rin po ba tayo para ipagtanggol ito? Kung bumagsak na ang Kanyang tahanan,
papayagan po ba natin iyon?
Ang unang
pagbasa po natin ngayong araw na ito ay ang Sampung Utos ng Diyos. Sa pagsunod sa Sampung Utos, agresibo rin po
ba tayo? Sabi po natin sa Salmong
Tugunan, nasa Panginoon ang mga salitang bumubuhay. Pero sa pagkikinig at pagsasabuhay sa salita
Niya, agresibo rin po ba tayo? Sa
ikalawang pagbasa naman po, ipinahahayag ni Apostol San Pablo na si Kristong
ipinako sa krus ang kanyang ipinangangaral.
At agresibung-agresibo po si San Pablo sa pangangaral na iyon. Tayo po, ano po ba ang agresibung-agresibo
tayong ipangaral? Ano rin naman po kaya
ang agresibung-agresibo tayong matutunan?
Sinusukat po ng
Kuwaresma ang ating pagiging agresibo para sa mga pagpapahalaga at mga
pinahahalagahan ng Diyos. Sa pamamagitan ng pananalangin,
pagsasakripisyo, at pagkakawang-gawa – sa madaling salita, mga paraang
tumutulong sa ating lampasan ang ating mga sarili – ang tawag ng Kuwaresma tungo
sa pagpapanibago ng sarili ay humahamon po sa ating hubugin ang sarili na
maging higit pang agresibo sa pagsasabuhay ng ating pananampalatayang
Kristiyano. Hahantong po ang banal na panahong
ito sa paggunita natin sa pasyon ni Jesus. Tandaan po natin: The
passion of Jesus is His passion for God. May ganito rin po bang passion ang
buhay natin?
“Disturb us, Oh
Lord,
when we are too
well please with ourselves;
when our dreams
have come true
because we have
dreamt too little;
when we have
arrived in safety
because we
sailed too close to the shore.
Disturb us, Oh
Lord,
when with the
abundance of things we possess
we have lost
our thirst for the Water of Life;
when having
fallen in love with time,
we cease to
dream of eternity;
and in our
efforts to build a new earth,
have allowed
our vision for the New Heaven to grow dim.
Stir us, Oh
Lord,
to dare more
boldly,
to venture on
wider seas,
where storms
shall show Thy mastery,
when losing
sight of land we shall find the stars.
In the name of
Jesus Christ,
who pushed back
the horizons of our hopes
and invited the
brave to follow Him.
Amen.”
- “Disturb Us, Oh,
Lord” ni Sir Francis Drake
2 Comments:
I really like the prayer you've shared by Sir Francis Drake, thank you Father. I sure will keep it, this prayer will remind me always to keep on ground.
When everything is going according to what you have dreamed or desired of, God will have a way to stabilize things.
I almost forgot, Happy Birthday Father. Live the life you should be, the life you have chosen, the life Jesus lived.. Be happy and healthy always and find a way to smile no matter what. Stay holy and strive to be more like Him..
This is what I'm saying to myself, life seems complicated but it's actually simple cause His with us always..
Post a Comment
Subscribe to Post Comments [Atom]
<< Home