LAHAT NG TOMAS WELCOME SA IGLESIYANG MAAWAIN
Ikalawang Linggo ng Pasko ng
Magmuling-Pagkabuhay ng Panginoon
Jn 20:19-31 (Gawa
2:42-47 / Slm 117 / 1 Ped 1:3-9)
Ayon sa salaysay ni San
Marko at ni San Juan, si Maria Magdalena po ang unang pinagpakitaan ni Jesus na
magmuling-nabuhay. Ayon naman po kay San
Lukas, ang dalawang alagad na naglalakbay patungong Emmaus. Kay San Mateo po naman, shortcut: pagkatapos ng resurrection, ascension agad! Iba-iba po
sila ng bersyon, pero nagkakaisa naman po sila sa kanilang pinatototohanan: si
Jesus ay tunay na magmuling-nabuhay. At,
ayon din po sa kanilang apat, merong mga saksi sa pangyayaring iyon. May mga naniwala, may mga hindi naniwala, may
mga ayaw maniwala, may mga hindi makapaniwala, at meron din naman pong hindi
naniwala agad.
Si Tomas ay halimbawa po
ng hindi naniwala agad. At very demanding pa siya! “Hindi ako maniniwala,” sinabi niya sa
kanyang mga kasamang alagad, “hangga’t di ko nakikita ang butas ng mga pako sa
Kanyang mga kamay, at naisuuot dito ang aking daliri, at hangga’t hindi ko
naipapasok ang aking kamay sa Kanyang tagiliran.”
Gayunpaman, biyaya pa rin
po ang pagdududa ni Tomas. Kung hindi po
nagduda si Tomas, baka mas lalong sabihin ng mga ayaw manampalataya kay Jesus
na hindi naman talaga Siya nabuhay nang magmuli kundi sadyang nag-imbento lang
ng kuwento ang mga apostol. Meron pa nga
pong nagsasabing baka biktima lang ang mga apostol ng tinatawag na “mass
hallucination”. Sa tindi ng
naghalu-halong emosyon, baka raw po sabay-sabay lang silang nag-ilusyon. Pero, paano po si Tomas? Hindi siya naniwala agad. Ayaw niyang maniwala agad. Hindi siya makapaniwala agad. At isa po siya sa mga apostol.
Sa katotohanan, napakalaking
biyaya po talaga na si Tomas ay hindi naniwala agad. Kung tutuusin, dapat pa nga nating ipagpasalamat
ang pagdududa niya. Sabi ni Papa
Gregorio Magno, ang pananampalataya daw po natin ay utang-na-loob natin sa
pagdududa ni Tomas kaysa sa pinagsamang katapatan ng lahat ng iba pang mga
apostol. Kung hindi raw po nagduda si
Tomas, wala ang pansiyam sa mga Beatitudo.
Karaniwang alam ng karamihan po sa atin walo lang ang Beatitudo; subalit
siyam pala! Ang ikasiyam ay nasa ikadalawampung
kabanata ni San Juan na siyang pinaghanguan ng Ebangelyo natin ngayon: “Mapalad
ang mga naniniwala kahit hindi nila Ako nakita.”
Napakalinaw po sa
karanasan ni Tomas na ang pananampalataya ay hindi bunga ng karaniwang lohika o
ng pagsisikap ng taong umunawa. Sa
halip, ang pananampalataya ay grasya ng Diyos na malaya at masagana Niyang ipinagkakaloob
sa mga tutoong bukas sa Kanyang mga paraan.
Talaga po bang bukas tayo sa mga paraan ng Diyos? Bukas na bukas? O, basta tungkol sa Diyos, lagi na lang nating
ipinagpapabukas-bukas?
Ngunit bakit nga po kaya
wala si Tomas nang unang magpakita si Jesus sa Kanyang mga alagad matapos
Siyang magmuling-nabuhay? Wala pong
nasusulat, kaya marami tayong puwedeng maisip na dahilan. Tatlo po sana ang nais kong imungkahi.
Una, baka po
nahihiya. Palibhasa sa Jn 11:16, hinimok
pa ni Tomas ang mga kapwa alagad niya na sumama kay Jesus sa Jerusalem at,
bahala na, alalaumbaga, patay kung patay.
“Tara sa Jerusalem,” panghihikayat ni Tomas sa mga kapwa alagad, “at
mamatay tayong kasama Niya!” Parang ang
yabang-yabang po niya. Mamatay daw po
silang kasama ni Jesus? Pero nang dakpin
si Jesus ng mga kaaway Niya, wala na po tayong narinig pa mula kay Tomas. Isa rin po siya sa mga kumaripas na nang
takbo. Oo nga po, sinamahan nga nila si
Jesus patungong Jerusalem pero, maliban kay Juan, iniwan nila Siya nang
pa-Kalbaryo na Siya. At si Tomas ang isa
kundi man po pinakamalakas ang boses na nagsabing handa siyang mamatay kasama
ni Jesus. Kaya nga po, baka hiyang-hiya
siya ngayon. Wala po siyang mukhang
maiharap sa mga hinimok niyang sumama at mamatay kasama ni Jesus.
Hindi po ba ganyan din
tayo? Kung anu-anong sinasabi natin, ipinangangako
natin, tapos epic fail. Pahiyang-pahiya tayo, kaya nagtatago. At kapag wala nang mapagtaguan, natatakip na
lang po tayo ng mukha. Kaya wala po tayong
mukhang maiharap. May pagka-Tomas po
tayong lahat, hindi ba?
Ikalawa, baka po
nagtatampo. Hindi kay Jesus. Kay Simon Pedro. Palibhasa ito pong si Simon Pedro ang
kinikilala nilang pinuno. Para na rin po
siyang pastol. Makailang ulit pa nga
pong si Simon Pedro ang nagsilbing tagapagsalita ng mga alagad. Pero ano pong ginawa ni Pedro? Noong kailangang-kailangan siyang magsalita
para kay Jesus, nagsalita nga siya pero pagtatatwa naman kay Jesus ang namutawi
sa kanyang mga labi. Hindi lang po isang
beses kundi tatlong beses pa! At,
malamang lingid po ito sa kaalaman ng karamihan, sabi ni San Mateo at San
Marko, nagmura pa po si Pedro bago niya maka-ikatlong itatwa si Jesus. Kaya, baka po masama po ang loob ni Tomas sa
kay Simon Pedro, ang pinuno nila, dahil mataas ang inaasahan niya kay Pedro
ngunit binigo niya silang lahat. Baka po
ayaw niyang makita si Pedro.
Hindi po ba ganyan din
tayo? Kapag may tampo, nagmumukmok
tayo. Kapag mataas ang inaasahan sa
kapwa, lalo na sa lider, pero binigo tayo, sadya man o hindi, lumalayo
tayo. Kapag nakita natin ang kahinaan ng
itinalagang mamuno o magpastol sa atin, nasusuya tayo, nagtatampo, kung
anu-anong sinasabi na parang tayo ay walang-kapintasan. Yung iba pa nga po, hindi lang lumalayo, hindi
rin nila mapigilang manira. May Tomas po
sa bawat-isa sa atin; pero tandaan natin, sakaling nagtampo man si Tomas, hindi
niya siniraan si Pedro. Sakaling ayaw
n’ya ngang makita si Pedro, hindi naman niya ito binastos.
Ikatlo, baka po hindi
mapatawad ang sarili. May mga tao pong
sa tindi ng kasalanang nagawa, hindi nila mapata-patawad ang sarili nila. Minsan pa nga po pinatawad na pero
pinarurusahan pa nila ang sarili nila.
Malupit po sila sa sarili nila kaya hindi sila maka-move on move on. Delikado po
iyan: may mga nagpapakamatay dahil dyan.
Mabuti na lang hindi po tumulad si Tomas kay Judas. Puwede rin po nating sabihin ang ganito tungkol
kay Simon Pedro.
Sa kanyang homiliya noong
nakaraang Biyernes Santo sa liturhiyang pinamunuan ni Papa Francisco, sinabi ni
Fr. Raniero Catalamessa, O.F.M., Cap., ang official
preacher ng papal household, “If
we have imitated Judas in his betrayal, some of us more and some less, let us
not imitate him in his lack of confidence in forgiveness.” Sa tutoo lang po, talaga namang nang-Judas na
tayong lahat hindi lang sa isa’t isa kundi maging sa Panginoon; subalit, huwag na
huwag po tayong mawawalan ng tiwala sa katotohanan ng kapatawaran. Kahit ano pang kasalanan ang nagawa natin,
kahit gaano kalaki, kahit gaano kalimit, at kahit kanino pa natin ito nagawa,
maging sa Diyos, maari po tayong patawarin.
Magsisi tayong wagas, matuto sa ating pagkakamali, humingi ng tawad, at
bumangong muli. Ang lahat po ng tao ay
nadarapa pero hindi lahat bumabangon.
Ang mga santo po ay silang mga nadapa ngunit bumangong muli. At hindi po miminsan lamang ang pagbangong
ito kundi paulit-ulit, sindalas nang pagkadapa, hanggang sa kahuli-hulihang
hininga. Manatili po sanang buhay ang
Tomas sa kaibuturan natin nang bumangon din tayo at muling makapanalig.
Napakamakahulugan pong ngayon
ay kapistahan din ng Banal na Awa. Awa
po kasi ng Panginoon ang pumapawi sa ating kahihiyan, humihilom sa ating
pagtatampo, at nagbibigay-lakas sa ating humingi ng tawad at magpatawad. At ngayon din po ang araw ng kanonisasyon
nina Papa Juan XXIII at Papa Juan Pablo II – mga santong nagsikap na higit na
palitawin ang isang Iglesiyang maawain.
Sapagkat ito nga po tayo dapat maging: a merciful Church. Ang
Panginoon natin ang Hari ng Awa, dapat lang po tayong maging maawaing
Iglesiya. Sa tulong ng mga panalangin, paggabay
ng mga aral, at pagtanglaw ng mga halimbawa nila San Juan XXIII at San Juan
Pablo II, huwag po sana tayong manghinawang magsikap na maging tunay na Iglesiyang
nagbibigay-mukha sa mga wala nang mukhang maiharap dala ng kahihiyan, nagpapagaling
sa mga sugat na nililikha ng kahinaan ng bawat kasapi niya, lalung-lalo na ng
mga lider-relihiyoso natin, at nagkakaloob ng kapangyarihang patawarin ang sarili
at ng kapwa. We are an Easter People and that means we ought to be a merciful
Church.
Pansin po ba ninyo na si
Maria Magdalena lang ang pinagpakitaan ni Jesus nang solo matapos Siyang
magmuling-nabuhay? Maliban yaong kay
Maria Magdalena, ang mga pagpapakita ng Panginoong magmuling-nabuhay ay lagi pong
sa dalawa o higit pang katao. Itinuturo
po sa atin ng Panginoon kung saan Niya gustong hanapin natin Siya, kung saan Niya
gustong makatagpo natin Siya: sa community. Tingnan po ninyo si Tomas. Bakit po kaya hindi na lang sa kanya
nagpakitang muli ang Panginoon gayong siya lang naman itong nagdududa, hindi
ba? Bakit kaya hindi na lang sinolo ng
Panginoon si Tomas, nag-one-on-one na
lang sila? Sa halip, sinadya ni Jesus na
akayin si Tomas na muling makapanampalataya sa Kanya sa gitna ng community na kinabibilangan niya. Gayun din po sa atin: si Jesus na
magmuling-nabuhay ay makatatagpo natin sa community
natin. At sakaling hindi natin agad
matagpuan sa community natin si
Kristong magmuling-nabuhay, ang solusyon po, kailanman, ay hindi pagtatago o
pag-aalsa-balutan para lumipat sa ibang community
o pagsisiraan para lumabas na tayo ang bida at sila ay kontrabida. Ang solusyon po, lagi, ay ang maging higit
tayong maawain sa isa’t isa, sa salita at gawa, hanggang si Jesus ay lumitaw at
maranasan din natin ang Kanyang magmuling-pagkabuhay.
We are an Easter People and that means we ought to be a merciful Church. At sa merciful Church na ito, ang lahat po ng Tomas, welcome.