26 April 2014

LAHAT NG TOMAS WELCOME SA IGLESIYANG MAAWAIN

Ikalawang Linggo ng Pasko ng Magmuling-Pagkabuhay ng Panginoon
Jn 20:19-31 (Gawa 2:42-47 / Slm 117 / 1 Ped 1:3-9)



Ayon sa salaysay ni San Marko at ni San Juan, si Maria Magdalena po ang unang pinagpakitaan ni Jesus na magmuling-nabuhay.  Ayon naman po kay San Lukas, ang dalawang alagad na naglalakbay patungong Emmaus.  Kay San Mateo po naman, shortcut:  pagkatapos ng resurrection, ascension agad!  Iba-iba po sila ng bersyon, pero nagkakaisa naman po sila sa kanilang pinatototohanan: si Jesus ay tunay na magmuling-nabuhay.  At, ayon din po sa kanilang apat, merong mga saksi sa pangyayaring iyon.  May mga naniwala, may mga hindi naniwala, may mga ayaw maniwala, may mga hindi makapaniwala, at meron din naman pong hindi naniwala agad.

Si Tomas ay halimbawa po ng hindi naniwala agad.  At very demanding pa siya!  “Hindi ako maniniwala,” sinabi niya sa kanyang mga kasamang alagad, “hangga’t di ko nakikita ang butas ng mga pako sa Kanyang mga kamay, at naisuuot dito ang aking daliri, at hangga’t hindi ko naipapasok ang aking kamay sa Kanyang tagiliran.”

Gayunpaman, biyaya pa rin po ang pagdududa ni Tomas.  Kung hindi po nagduda si Tomas, baka mas lalong sabihin ng mga ayaw manampalataya kay Jesus na hindi naman talaga Siya nabuhay nang magmuli kundi sadyang nag-imbento lang ng kuwento ang mga apostol.  Meron pa nga pong nagsasabing baka biktima lang ang mga apostol ng tinatawag na “mass hallucination”.  Sa tindi ng naghalu-halong emosyon, baka raw po sabay-sabay lang silang nag-ilusyon.  Pero, paano po si Tomas?  Hindi siya naniwala agad.  Ayaw niyang maniwala agad.  Hindi siya makapaniwala agad.  At isa po siya sa mga apostol.

Sa katotohanan, napakalaking biyaya po talaga na si Tomas ay hindi naniwala agad.  Kung tutuusin, dapat pa nga nating ipagpasalamat ang pagdududa niya.  Sabi ni Papa Gregorio Magno, ang pananampalataya daw po natin ay utang-na-loob natin sa pagdududa ni Tomas kaysa sa pinagsamang katapatan ng lahat ng iba pang mga apostol.  Kung hindi raw po nagduda si Tomas, wala ang pansiyam sa mga Beatitudo.  Karaniwang alam ng karamihan po sa atin walo lang ang Beatitudo; subalit siyam pala!  Ang ikasiyam ay nasa ikadalawampung kabanata ni San Juan na siyang pinaghanguan ng Ebangelyo natin ngayon: “Mapalad ang mga naniniwala kahit hindi nila Ako nakita.”

Napakalinaw po sa karanasan ni Tomas na ang pananampalataya ay hindi bunga ng karaniwang lohika o ng pagsisikap ng taong umunawa.  Sa halip, ang pananampalataya ay grasya ng Diyos na malaya at masagana Niyang ipinagkakaloob sa mga tutoong bukas sa Kanyang mga paraan.  Talaga po bang bukas tayo sa mga paraan ng Diyos?  Bukas na bukas?  O, basta tungkol sa Diyos, lagi na lang nating ipinagpapabukas-bukas?

Ngunit bakit nga po kaya wala si Tomas nang unang magpakita si Jesus sa Kanyang mga alagad matapos Siyang magmuling-nabuhay?  Wala pong nasusulat, kaya marami tayong puwedeng maisip na dahilan.  Tatlo po sana ang nais kong imungkahi.

Una, baka po nahihiya.  Palibhasa sa Jn 11:16, hinimok pa ni Tomas ang mga kapwa alagad niya na sumama kay Jesus sa Jerusalem at, bahala na, alalaumbaga, patay kung patay.  “Tara sa Jerusalem,” panghihikayat ni Tomas sa mga kapwa alagad, “at mamatay tayong kasama Niya!”  Parang ang yabang-yabang po niya.  Mamatay daw po silang kasama ni Jesus?  Pero nang dakpin si Jesus ng mga kaaway Niya, wala na po tayong narinig pa mula kay Tomas.  Isa rin po siya sa mga kumaripas na nang takbo.  Oo nga po, sinamahan nga nila si Jesus patungong Jerusalem pero, maliban kay Juan, iniwan nila Siya nang pa-Kalbaryo na Siya.  At si Tomas ang isa kundi man po pinakamalakas ang boses na nagsabing handa siyang mamatay kasama ni Jesus.  Kaya nga po, baka hiyang-hiya siya ngayon.  Wala po siyang mukhang maiharap sa mga hinimok niyang sumama at mamatay kasama ni Jesus.

Hindi po ba ganyan din tayo?  Kung anu-anong sinasabi natin, ipinangangako natin, tapos epic fail.  Pahiyang-pahiya tayo, kaya nagtatago.  At kapag wala nang mapagtaguan, natatakip na lang po tayo ng mukha.  Kaya wala po tayong mukhang maiharap.  May pagka-Tomas po tayong lahat, hindi ba?

Ikalawa, baka po nagtatampo.  Hindi kay Jesus.  Kay Simon Pedro.  Palibhasa ito pong si Simon Pedro ang kinikilala nilang pinuno.  Para na rin po siyang pastol.  Makailang ulit pa nga pong si Simon Pedro ang nagsilbing tagapagsalita ng mga alagad.  Pero ano pong ginawa ni Pedro?  Noong kailangang-kailangan siyang magsalita para kay Jesus, nagsalita nga siya pero pagtatatwa naman kay Jesus ang namutawi sa kanyang mga labi.  Hindi lang po isang beses kundi tatlong beses pa!  At, malamang lingid po ito sa kaalaman ng karamihan, sabi ni San Mateo at San Marko, nagmura pa po si Pedro bago niya maka-ikatlong itatwa si Jesus.  Kaya, baka po masama po ang loob ni Tomas sa kay Simon Pedro, ang pinuno nila, dahil mataas ang inaasahan niya kay Pedro ngunit binigo niya silang lahat.  Baka po ayaw niyang makita si Pedro.

Hindi po ba ganyan din tayo?  Kapag may tampo, nagmumukmok tayo.  Kapag mataas ang inaasahan sa kapwa, lalo na sa lider, pero binigo tayo, sadya man o hindi, lumalayo tayo.  Kapag nakita natin ang kahinaan ng itinalagang mamuno o magpastol sa atin, nasusuya tayo, nagtatampo, kung anu-anong sinasabi na parang tayo ay walang-kapintasan.  Yung iba pa nga po, hindi lang lumalayo, hindi rin nila mapigilang manira.  May Tomas po sa bawat-isa sa atin; pero tandaan natin, sakaling nagtampo man si Tomas, hindi niya siniraan si Pedro.  Sakaling ayaw n’ya ngang makita si Pedro, hindi naman niya ito binastos.

Ikatlo, baka po hindi mapatawad ang sarili.  May mga tao pong sa tindi ng kasalanang nagawa, hindi nila mapata-patawad ang sarili nila.  Minsan pa nga po pinatawad na pero pinarurusahan pa nila ang sarili nila.  Malupit po sila sa sarili nila kaya hindi sila maka-move on move on.  Delikado po iyan: may mga nagpapakamatay dahil dyan.  Mabuti na lang hindi po tumulad si Tomas kay Judas.  Puwede rin po nating sabihin ang ganito tungkol kay Simon Pedro.

Sa kanyang homiliya noong nakaraang Biyernes Santo sa liturhiyang pinamunuan ni Papa Francisco, sinabi ni Fr. Raniero Catalamessa, O.F.M., Cap., ang official preacher ng papal household, “If we have imitated Judas in his betrayal, some of us more and some less, let us not imitate him in his lack of confidence in forgiveness.”  Sa tutoo lang po, talaga namang nang-Judas na tayong lahat hindi lang sa isa’t isa kundi maging sa Panginoon; subalit, huwag na huwag po tayong mawawalan ng tiwala sa katotohanan ng kapatawaran.  Kahit ano pang kasalanan ang nagawa natin, kahit gaano kalaki, kahit gaano kalimit, at kahit kanino pa natin ito nagawa, maging sa Diyos, maari po tayong patawarin.  Magsisi tayong wagas, matuto sa ating pagkakamali, humingi ng tawad, at bumangong muli.  Ang lahat po ng tao ay nadarapa pero hindi lahat bumabangon.  Ang mga santo po ay silang mga nadapa ngunit bumangong muli.  At hindi po miminsan lamang ang pagbangong ito kundi paulit-ulit, sindalas nang pagkadapa, hanggang sa kahuli-hulihang hininga.  Manatili po sanang buhay ang Tomas sa kaibuturan natin nang bumangon din tayo at muling makapanalig.

Napakamakahulugan pong ngayon ay kapistahan din ng Banal na Awa.  Awa po kasi ng Panginoon ang pumapawi sa ating kahihiyan, humihilom sa ating pagtatampo, at nagbibigay-lakas sa ating humingi ng tawad at magpatawad.  At ngayon din po ang araw ng kanonisasyon nina Papa Juan XXIII at Papa Juan Pablo II – mga santong nagsikap na higit na palitawin ang isang Iglesiyang maawain.  Sapagkat ito nga po tayo dapat maging: a merciful Church.  Ang Panginoon natin ang Hari ng Awa, dapat lang po tayong maging maawaing Iglesiya.  Sa tulong ng mga panalangin, paggabay ng mga aral, at pagtanglaw ng mga halimbawa nila San Juan XXIII at San Juan Pablo II, huwag po sana tayong manghinawang magsikap na maging tunay na Iglesiyang nagbibigay-mukha sa mga wala nang mukhang maiharap dala ng kahihiyan, nagpapagaling sa mga sugat na nililikha ng kahinaan ng bawat kasapi niya, lalung-lalo na ng mga lider-relihiyoso natin, at nagkakaloob ng kapangyarihang patawarin ang sarili at ng kapwa.  We are an Easter People and that means we ought to be a merciful Church.

Pansin po ba ninyo na si Maria Magdalena lang ang pinagpakitaan ni Jesus nang solo matapos Siyang magmuling-nabuhay?  Maliban yaong kay Maria Magdalena, ang mga pagpapakita ng Panginoong magmuling-nabuhay ay lagi pong sa dalawa o higit pang katao.  Itinuturo po sa atin ng Panginoon kung saan Niya gustong hanapin natin Siya, kung saan Niya gustong makatagpo natin Siya: sa community.  Tingnan po ninyo si Tomas.  Bakit po kaya hindi na lang sa kanya nagpakitang muli ang Panginoon gayong siya lang naman itong nagdududa, hindi ba?  Bakit kaya hindi na lang sinolo ng Panginoon si Tomas, nag-one-on-one na lang sila?  Sa halip, sinadya ni Jesus na akayin si Tomas na muling makapanampalataya sa Kanya sa gitna ng community na kinabibilangan niya.  Gayun din po sa atin: si Jesus na magmuling-nabuhay ay makatatagpo natin sa community natin.  At sakaling hindi natin agad matagpuan sa community natin si Kristong magmuling-nabuhay, ang solusyon po, kailanman, ay hindi pagtatago o pag-aalsa-balutan para lumipat sa ibang community o pagsisiraan para lumabas na tayo ang bida at sila ay kontrabida.  Ang solusyon po, lagi, ay ang maging higit tayong maawain sa isa’t isa, sa salita at gawa, hanggang si Jesus ay lumitaw at maranasan din natin ang Kanyang magmuling-pagkabuhay.

We are an Easter People and that means we ought to be a merciful Church.  At sa merciful Church na ito, ang lahat po ng Tomas, welcome.


0 Comments:

Post a Comment

Subscribe to Post Comments [Atom]

Links to this post:

Create a Link

<< Home