BANAL AT BAYANI, HINDI ZOMBIE
Bihilya ng Pasko ng Magmuling-Pagkabuhay ng
Panginoong Jesukristo
Mt 28:1-10 (Rom
6:3-11 / Sm 117)
Kung tayo po ay bumisita sa puntod ng
isang mahal na yumao at walang ka-anu-ano ay bigla itong bumangon sa hukay,
malamang kakaripas po tayo ng takbo sa takot.
Bagamat ayaw po nating mamatay ang mahal natin sa buhay, kapag patay na
ito, gusto pa po ba natin siyang bumangon sa libingan?
Si Jesus na mahal na mahal po natin ay
namatay at magmuling-nabuhay. Pero hindi
po tayo nagtatakbuhan ngayon para magtago.
Sinasalubong po nating Siya. Para
pa nga pong inaapura natin ang pagkabuhay Niyang magmuli. Anupa’t parating pa lang ang ikatlong araw ay
ipinagdiriwang na natin ang Kanyang magmuling-pagkabuhay. Nagbabantay po tayo sa Kanyang pagbangon sa
libingan. Nagbibihilya po tayo. Sinasalubong natin Siya.
Bakit po hindi tayo natatakot sa Jesus
na nabuhay na magmuli? Kasi alam po
nating hindi zombie si Jesus. Hindi po Siya patay na basta bumangon lang sa
hukay. Buhay po si Jesus; buhay na
buhay. At ang buhay ni Jesus ay hindi na
po tulad ng dati bago Siya namatay.
Maluwalhati at ganap ang buhay ni Jesus matapos Siyang namatay. Ayaw po natin sa zombie. Gusto po natin kay
Jesus.
Kung ayaw po natin sa zombie, huwag tayong mamumuhay na parang
zombie. Baka naman po kasi buhay pa tayo pero mukhang
patay na. Baka po humihinga pa tayo pero
wala nang kabuhay-buhay ang ating buhay.
Bakit po kaya? At mag-ingat po
tayo sa zombie virus: nakakahawa
‘yan!
Ang maganda po ay ito: hindi lamang si
Jesus ang nabuhay na magmuli. Pati rin
po tayo ay binuhay na magmuli ni Jesus.
Sa narinig po nating pagbasa mula sa sulat ni San Pablo sa mga
taga-Roma, sinabi ng Apostol na sa pamamagitan daw po ng binyag ay magmuli rin
tayong binuhay ng Ama kung paanong binuhay Niyang muli ang Kanyang Anak na si
Jesukristo. Sabi pa ng Apostol, ang
layunin daw po ng ginawang ito ng Diyos sa atin ay upang mabuhay tayo sa isang
bagong pamumuhay.
Magbago na po tayo. Isabuhay natin ang bagong pamumuhay na kaloob
sa atin ng Ama sa pamamagitan ng magmuling-pagkabuhay ni Jesukristo. Higit po nating isabuhay ang mga pangako
natin sa Binyag na siyang batayang-gabay natin sa pagsasabuhay ng bagong buhay
na handog sa atin ng Diyos: itakwil natin ang lahat ng masama; manamapalataya
tayo sa iisang Diyos na may Tatlong Persona at tupdin ang Kanyang kalooban sa
tuwina; at maging tapat po tayo at aktibong sangkap ng iisang Iglesiyang banal,
katolika, at apostolika. Kaya nga po
sasariwain natin mayamaya ang mga pangako natin sa Binyag. Baka po kasi nalilimutan na natin. Baka po kinalimutan na natin.
Hindi po kinalimutan ng Ama ang
Kanyang Anak na si Jesus. Binuhay Niyang
magmuli ang Anak Niyang masunurin. Hindi
po tayo kinalimutan ni Jesus. Kung
paanong namatay Siya para sa atin, para sa atin ay nabuhay Siyang magmuli. Aleluya!
Sana huwag na huwag din po nating kalilimutan ang Diyos. Tapat ang Diyos sa Kanyang pangako: itinaga
ng Diyos sa bato ang Kanyang pangako at nabiyak ang batong nagsasara hindi
lamang sa libingan ni Kristo kundi sa libingan ng bawat-isa sa atin. Sana huwag na huwag din po nating kalilimutan
ang mga pangako natin sa Diyos.
Subalit upang, kasama ni Kristo, tayo
ay mabuhay na magmuli, dapat munang mamatay din tayo. Wala pong nabubuhya nang magmuli nang hindi
muna namamatay. Palibhasa, paano nga po
bang mabubuhay na magmuli kung hindi naman namatay.
Sa ano po ba tayo kailangang
mamatay? Ano po ba sa buhay natin ang
dapat na nating ilibing? Puwede rin pong
sino sa buhay natin ang dapat nating ilibing?
Hangga’t hindi tayo namamatay, hindi tayo mabubuhay na magmuli. Hanggang walang paglilibing, wala rin pong
pagbangong magmuli. Kung dating tao pa
rin po tayo, hindi lang tayo luma, malamang patay pa rin po tayo kahit dapat
magmuli nang nabuhay. Mahirap po iyan:
mabaho, inuuod, naaagnas.
Ngunit may isa pa pong uri ng
kamtayang dapat nating pagdaanan upang makaisa tayo ni Jesus sa Kanyang
magmuling-pagkabuhay. Muli, wika po ni
Apostol San Pablo, “…kung nakaisa tayo ni Kristo sa isang kamatayang tulad ng
Kanyang kamatayan, tiyak na makakaisa Niya tayo sa isang magmuling-pagkabuhay
tulad ng Kanyang pagkabuhay.” Pagkabuhay
po ito ni Jesus ang nais nating mapasaatin din, kaya kailangan pong kamatayan
din Niya ang maging kamatayan natin. Ano
po ba ang kahulugan nito? Balikan na
lang po natin ang mga kaganapang humantong sa maligayang araw na ito. Bagamat tayo po ay masayang-masaya sa
pagkabuhay nang magmuli ni Jesus, panatilihin po nating buhay sa ating
kamalayan ang larawan ng Kristong nakapako sa krus. Ang kamatayan po ni Jesus ay kamatayang
nagbibigay-buhay sa iba. Hindi po nag-suicide si Jesus. Inialay po Niya ang Kanyang buhay para
mabuhay at lumaya tayo sa tanikala ng kasalanan at walang-hanggang
kamatayan. Sa madaling-sabi, ang ating
kamatayan, upang tayo ay makabahagi sa magmuling-pagkabuhay ni Jesus, ay dapat
na maging kamatayan para sa iba. Let us be men and women for others. Let us keep making our sacrifices
life-giving. Let us die so that others
may live. At sa taong ito na
itinakda para sa mga layko, ito nga po ang tawag hindi lamang sa mga layko
kundi maging sa mga pari: maging banal at bayani.
Tayo pong lahat – layko at pari – ay
maging banal at bayani. Ang kabanalan ay
hind lamang para sa mga pari. Maging
banal po kayo, mga kapatid naming layko, at pabanalin ninyo ang dako’t mga
kaabalahan ninyo sa mundo. Sa tapat at
mapagtayang pagsasabuhay ninyo ng inyong mga pangako sa Binyag, pabanalin po
ninyo ang mundo. Ang kabanalan ay ang
kaganapan ng pag-ibig. Mas mapagmahal
mas banal. Umibig kayo tulad ni
Jesus. Ang kabayanihan ay hindi lamang
para sa mga layko. Dapat kaming mga pari
ay bayani rin. Hindi po kami dapat na
maging bilanggo ng aming mga kumbento.
Hindi po dapat maging dahilan ang puti naming abito para hindi madumihan
ang aming mga kamay at paa. Ipagdasal po
ninyo kaming mga pari na sana ay maging mabubuting pastol kami ng kawan:
inaalay ang buhay para sa mga tupa.
Noon pong nakaraang Huwebes Santo, sa
Misa ng Krisma, sinabi ng ating mahal na arsobispo, ang Kanyang Kabunyian, Luis
Antonio G. Kardinal Tagle, na kailangan daw po nating balikan ang ating mga
Nazareth. Hindi raw po natin dapat
iniiwan ang ating Nazareth. Huwag daw po
nating kalilimutan na tulad ng Nazareth, walang-wala rin nama po talaga tayong
mabubuga, maipagmamayabang, maipagmamalaki.
Subalit doon po sa Nazareth ipinahayag ni Jesus na Siya ang katuparan ng
ipinangakong Mesiyas na binanggit ni Propeta Isaias. Huwag po tayong magyabang. Huwag pong lalaki ang ating ulo. Panatilihin po nating lapat na lapat sa lupa
ang ating mga paa bagamat nakatingin tayo sa langit na ating pangarap. Sapagkat sa gayong mga tao lamang nakagagalaw
nang malaya at nakagagawa nang mabisa ang Espiritu Santong ipinahid sa atin sa
binyag at sa aming mga pari sa aming ordinasyon.
Ngayon naman po’y narinig natin sa
Ebanghelyo ang isa pang bilin. Hindi po
mula sa isang kardinal kundi mula mismo sa Panginoong Jesus: “Huwag kayong
matakot! Humayo kayo at sabihin sa mga
kapatid Ko na pumunta sila sa Galilea at makikita nila Ako roon!” Bitbit sa ating mga puso ang ating
kani-kaniyang Nazareth, bisitahin po nating madalas ang ating kani-kaniyang
Galilea. Balikan po natin ang panahon,
lugar, pangyayari, at mga tao na nagpatunay sa ating buhay si Jesus. Ito po ang magsisilbing paulit-ulit na bukal ng
ating lakas at dahilan na mabuhay nang magmuli sa paulit-ulit din nating pagkamatay.
At akayin din po natin ang mga nawawalan
na ng pag-asa sa kani-kanilang Galilea para makatagpo si Kristong liwanag sa dilim,
kaluwalhatian sa kahihiyan, tagumpay sa kabiguan, kapatawaran sa pagkakasala, buhay
sa kamatayan.
Hindi po zombie si Jesus: tunay Siyang buhay. Aleluya! Baka naman po tayong mga naghihintay at sumasalubong
sa Kanya ang zombie. Naku po, ‘wag naman sana!
0 Comments:
Post a Comment
Subscribe to Post Comments [Atom]
<< Home