PINILI NIYA TAYO PARA SA LIWANAG
Ikaapat na Linggo ng Kuwaresma
Jn 9:1-41 (1 Sam
16:1, 6-7, 10-13 / Slm 22 / Ef 5:8-14)
Noong unang panahon, may tatlo pong
magkakapatid. Ang isa sa kanila, lampa. Nagpaligsahan sila. Kay gagaling ng dalawang nakatatanda, pero
ang bunso, lampa. Hulaan po ninyo kung
sino sa kanilang tatlo ang nagwagi?
Siyempre yung lampa! Huh, bakit
po? Talagang ganyan po kapag fairytale. Sa fairytales,
possible ang lahat. Ang daigdig ng fairytales ay karaniwang kabaligtaran ng
daigdig ng tutoong buhay; kaya nga po, sa mga kuwentong fairytale, kahit lampa nananalo.
Sa fairytales,
paano nga po ba nagwawagi ang mistulang talunan na? May pumipili po kasi sa kanya sa kabila ng
lahat. May nakakikita po sa katangian niya
na hindi nakikita ng iba. Gaano man siya
kabait at kasikap, kailangan pa rin pong may pumili sa kanya para manalo siya.
Ngayon pong ikaapat na Linggo ng Kuwaresma, narinig natin
sa unang pagbasa ang kuwento ng pagpili at paghirang ng Diyos kay David. Isinugo ng Diyos si Propeta Samuel sa
Bethlehem. Sa sambahayan ni Jesse siya
pinapunta ng Panginoon upang langisan ang ulo ang magiging kahalili ni Haring
Saul. Nang iharap sa kanya si Eliab, ang
panganay ni Jesse, impressed agad si
Samuel! “Ito na siguro ang hinirang ng
Panginoon,” bulong ng propeta sa sarili.
Pero hindi po pala si Eliab ang type
ng Diyos, ni alinman sa mga kapatid nito, maliban sa bunsong si David. Kaya ipinasundo ni Samuel si David mula sa
pastulan at nilangisan niya ang ulo nito, tanda ng paghirang ng Diyos kay David
bilang Hari ng Israel. “At mula noon,”
pagwawakas ng unang pagbasa ngayon, “sumakanya ang Espiritu ng Panginoon.” Ang muntik nang makalimutang bunso ang siya
palang napupusuan ng Diyos.
Sa Diyos na rin po
nanggaling ang moral of the story ng
unang pagbasa natin. Sinabi ng Diyos kay
Propeta Samuel, “Ang batayan Ko ay hindi tulad ng batayan ng tao. Panlabas na anyo ang tinitingnan ng tao
ngunit puso ang tinitingnan Ko.”
Naku po, puso pala ang
tinitingnan ng Diyos sa atin! May makita
po kaya Siya? May puso po ba talaga
tayo? At kung meron nga, ano naman po
kayang klaseng puso meron tayo? Balewala
po pala sa Diyos ang mga burloloy at mga kolorete natin. Ang mahalaga po para sa Diyos ay ang puso
natin. Kumusta na po ba ang puso ninyo?
Alam n’yo bang nakakikita
rin ang puso natin? Sa nobelang “The
Little Prince” ni Antoine
de Saint-Exupéry, sinabi pa ng alamid sa munting prinsipe na “It is only with the
heart that one can see rightly; what is essential is invisible to the
eye.” Naku po, paano na kung bulag ang ating
puso? Nakakikita man po ang mga mata
natin, nangangapa pa rin tayo sa dilim.
Hindi po lahat ng bulag ay hindi makakita. Meron pong mga bulag na nakakikita pero hindi
nakauunawa at hindi marunong magpahalaga. Kung hindi lang makaunawa
at hindi lang marunong magpahalaga, puwede po sanang turuan at makakikita rin
iyan. Pero ibang usapan na kapag kaya
bulag ay dahil ayaw talagang umunawa at ayaw talagang magpahalaga.
Mabuti na lang po at sabi
ng Panginoon, “…puso ang tinitingnan ko.”
Mabuti na lang po at nakatingin ang Diyos sa puso natin. Alam Niya agad kung malinaw ang ating
paningin o kung malabo na. Alam na alam
din po Niya kung wagas ang ating kabulagan o sadyang nagbubulag-bulagan na lang
tayo.
Ang may-akda ng kasalanan
ay ang Prinsipe ng Kadiliman. Kung
kaya’t ang nananatili sa kasalanan ay namumuhay sa kadiliman. Ang nagbubulag-bulagan, sa kadiliman
namamahay. Ngunit ang isinilang na bulag
na ay walang kasalanan. Subalit sapagkat
pananaw ng mga Judyo na bulag ang isang tao dahil pinarurusahan siya, tinanong
tuloy ng mga alagad si Jesus sa Ebanghelyo ngayong araw na ito, “Guro, sino po
ba ang nagkasala, ang taong ito o ang kanyang mga magulang?” Malinaw po ang sagot ng Panginoon: “Isinilang
siyang bulag upang mahayag sa kanya ang mga gawa ng Diyos.” Hindi po gawa ng Diyos ang magparusa. Hindi po gawa ng Diyos ang mambulag. Ang gawa po ng Diyos ay magligtas. Ang gawa ng Diyos ay magbigay-paningin. Ang gawa ng Diyos ay magdala sa
kaliwanagan. Tayo po ang nagpaparusa sa
sarili natin. Tayo po ang bumubulag at
nagbubulag-bulagan. Tayo po ang balik
nang balik sa kadiliman.
Napapanahon po ngayong
Kuwaresma ang paalala ni San Pablo Apostol sa ating ikalawang pagbasa
ngayon. “Mga kapatid,” sulat niya sa mga
taga-Efeso, “dati’y nasa kadiliman kayo, ngunit ngayo’y nasa liwanag sapagkat
kayo’y sa Panginoon. Mamuhay kayo gaya
ng nararapat sa mga taong naliwanagan sapagkat ang ibinubunga ng pamumuhay sa
liwanag ay pawang mabuti, matuwid, at tutoo.”
Napakalinaw po, hindi kung anong mga ka-ek-ekan ang nagbubunga ng
kabutihan, pagkamatuwid, at pagiging tutoo ng isang tao kundi ang pamumuhay sa
liwanag. Tingnan po ninyo, ang taong
pangit, bakit ayaw sa liwanag. Kasi po mabubuko
siya: pangit pala siya! Sa dilim po kasi
walang pangit, walang maganda; lahat maitim.
Hindi po kayo pangit; huwag kayong mamuhay sa dilim. Hindi po ninyo kailangang manatili sa
kadiliman. Kaya nga po, sa pagtatapos ng
ikalawang pagbasa natin, parang nambubulyaw pa si San Pablo Apostol: “Gumising
ka, ikaw na natutulog, bumangon ka mula sa mga patay, at liliwanagan ka ni
Kristo.”
Sa Ebanghelyo ngayong araw ito, literal na niliwanagan ni
Kristo Jesus ang lalaking pulubi na isinilang na bulag, at ito ay gumaling at
nagising sa pananampalataya. Mabuti pa
siya, namulat ang puso sa pananampalataya.
Pero ang mga Pariseo, na hindi naman po bulag, ay hindi makitang
napakabuti, napakaganda, napakamabiyaya, sapagkat napakamaka-Diyos at
napakamakatao ng ginawa ni Jesus sa lalaking dating bulag. Niliwanagan din po sila ni Jesus pero mas gusto
po nilang magsiksikan sa dilim.
Nagbubulag-bulagan na lang po sila dahil ayaw nila talaga kay Jesus
kahit ano pang gawin Niya, kahit kailan pa Niya ito gawin, at kahit na kanino
pa Niya ito gawin.
Meron po akong nabasang
status update sa Facebook na nagsasabing kapag ni-like daw niya ang isang posting
hindi iyon nangangahulugang gusto talaga niya ang naka-post kundi gusto lang kasi niya iyong nag-post. Medyo natawa po ako at
napaisip, “Paano kung gusto mo yung posting
pero ayaw mo naman yung nag-post?” Sigurado po ako, nangyayari ‘yan hindi lang sa
Facebook. Kahit tama ang sinasabi,
hinding-hindi mo ila-like kasi hindi
mo gusto ang nagsabi. Pero basa ka naman
ng basa. Marami po sa atin hindi naman
talaga bulag. Pinipili lang po natin
kung kanino tayo bulag.
Ngayon pong ika-apat na Linggo ng Kuwaresma, sabihin po
natin kay Jesus, “Panginoon, nais ko pong makakita. Patawad po sa aking mga
pagbubulag-bulagan. Nais ko pong mamulat
muli sa pananampalataya sa Iyo. Punuin
Mo po ang puso ko ng Iyong liwanag. At
turuan at tulungan Mo po akong tumulad sa Iyo na tumingin sa puso ng aking
kapwa at hindi sa panlabas nilang anyo.
Amen.”
Ang love-story
natin ng Diyos ay parang fairtytale.
Pero parang lang po; sapagkat tutoo po ang love-story natin ng Diyos.
Pinili Niya po tayo kaya tayo panalo.