08 March 2014

NASAAN KA?

Unang Linggo ng Kuwaresma
Mt 4:1-11 (Gen 2:7-9; 3:1-7 / Slm 50 / Rom 5:12, 17-19)


Gusto n’yo po bang maunawaan ang ngayon?  Tumingin po kayo sa kahapon.  Nais po ba ninyong ipaliwanag ang kasalukuyan?  Simulan po ninyo sa nakaraan.  Pasulong man ang ating paglalakbay, pabalik naman po natin ito naiintindihan.  Siguro, ito nga ang dahilan kung bakit sinasabi po natin, “Ang taong hindi marunong lumingon sa pinanggalingan ay hindi makararating sa paroroonan.”  Ang kasabihang ito ay hindi lamang paalala sa atin na huwag makalilimot tumanaw ng utang-na-loob; itinuturo rin po nito ang mahalagang paraan para maunawaan natin ang dahilan ng mga bagay-bagay sa buhay.  Balikan ang nakaraan para madiskubre ang simula.

Lahat ng kultura at relihiyon ay may kuwento po tungkol sa kung paano nagsimula ang daigdig.  Iba’t iba man ang kanilang bersyon pero, kung tutuusin, iisa lang naman po talaga ang storyline: sa simula ay ayos pero pumalpak!  Maging ang ating mga ninuno sa pananampalataya ay may kuwentong ganito para ipaliwanag ang kaayusan at kawalang-kaayusan sa mundo.  “Genesis” po ang tawag sa ganitong kuwento, ang kuwento ng simula.

Sa pagsisimula po ng mga linggo ng Kuwaresma, binubuklat po natin ngayon ang aklat na naglalaman ng kuwento natin tungkol sa simula.  Sa mga unang dahon ng aklat ng Genesis ay mababasa ang bersyon natin kung bakit at paano pumalpak ang lahat.  Sa simula, ang unang lalaki at babae ay maligayang-maligaya.  Pero bumaliktad po ang lahat dahil sinuway nila ang Diyos.  Ang kanilang pakikipag-ugnayan, hindi lamang sa Diyos kundi maging sa kalikasan at sa isa’t isa, ay winasak ng kanilang paglabag sa kaayusang itinakda ng Diyos.  “Ipinakakain sa amin ang anumang bunga sa halamanan,” wika ng unang babae sa ahas, “huwag lamang ang bunga ng puno na nasa gitna niyon.  Pag kami raw ay kumain ng bunga nito o humipo man lamang sa punong iyon, mamamatay kami.”  At ano po ang puno sa gitna ng hardin?  Ang punong nagbibigay-buhay at ang punong nagbibigay ng kaalaman tungkol sa mabuti at masama.  Sa madaling-sabi, basta tungkol sa pagbibigay-buhay, dapat pong sundin ng tao ang Diyos at basta tungkol sa moralidad - ang usapin ng kung ano ang mabuti at masama - kailangan pong manatiling nakakapit ang tao sa Diyos.  Hindi poder ng tao ang buhay.  Hindi tao ang batayan ng kung ano ang mabuti at masama, kundi ang Diyos.  Sa larangan ng pagbibigay-buhay at paghatol kung ano ang mabuti at masama, kailangan pong laging tumingin ang tao sa Diyos, konsultahin ang Diyos, at sumunod sa Diyos.  Pero pati ang dapat lamang ay sa Diyos, pinanghimasukan po ng unang lalaki at babae.  Kaya, nabasag po ang kaayusan, at walang kasinlubha ang naging epekto nito sa buong sanilikha.  Ang agad na naramdaman ng unang lalaki at babae, matapos nilang magkasala, ay patunay po na may nawala sa kanila: nahiya sila sa kanilang kahubaran kaya nagtakip sila.  Ang una nilang reaksyon nang marinig nila ang yabag ng Diyos sa hardin ay patunay po na may nasira sa kanilang kalikasan: natakot sila sa kanilang Manlilikha kaya sila nagtago.  At simula noon, natuto na tayong lahat ng isang uri ng pakikitungo sa Diyos at sa kapwa: ang pagtatakip, ang pagkukubli.

Kayo po, magaling ba kayong magtago?  Mahilig po ba kayong magkubli?  Hanggang kailan po ninyo gagawin iyan?  Hanggang kailan ninyo kayang gawin iyan?

Kaya nawala sa lugar ang lahat ay dahil po sa kasalanan.  Wari baga’y nadiskaril po ang takbo ng buhay.  Ang unang mga pader ay hindi po yari sa semento kundi sa pagsuway ng tao sa Diyos.  Ang tunay na bilangguan ay hindi po bakal kundi pusong inalipin na ng kasalanan.

Tingnan po ninyo.  Yari po ba sa ano ang pader ng buhay n’yo?  Sa anong uri ng bilangguan ninyo ikinulong ang sarili ninyo?

Dahil sa kasalanan, nahihirapan tayong maging bukas sa Diyos at sa isa’t isa.  Laging may pangamba.  Maraming panangga.  Panay na lang pagdududa at pagsususpetsa.  Hindi na matapus-tapos ang sisihan.  Hirap nang umiwas magsinungaling.  Nakalimutan na kung paano maging masaya.  Nawasak na ang kakayahang magtiwala pa.  At natakot na sa sariling anino.

Sa buhay po ninyo, ano ang epekto ng kasalanan?

Dahil po sa kasalanan, tago tayo nang tago, takbo nang takbo, iwas nang iwas, palusot nang palusot.  Para huwag mahalata, natututo po tayong makipag-plastikan.  Para pagtakpan ang sarili, nahahasa tayong magbalatkayo.  Para hindi ituring na mababa, nagiging manhid tayo sa sariling kayabangan.

Dahil sa kasalanan, pati ang Diyos hindi na rin po natin maharap nang makatotohanan.  Pati sa Diyos, hirap tayong humarap nang hubo’t hubad.  Kita man ng Diyos ang lahat, pagtatakpan pa rin po natin ang sarili natin sa Kanya.

Kayo po, ano ang paborito ninyong gamiting pandepensa ng sarili laban sa Diyos?  Ang inyong pagiging binyagan?  Ang inyong mga debosyon at panata?  Ang inyong pagsasakripisyo at pagtitiis?  Ang inyong pag-aabuloy at pagkakawanggawa?  Ako po kaya?  Ang aking pagiging pari?  Ang aking pag-aalay ng sarili para sa Santa Iglesiya?  Ano po ang madalas nating pinantatakip sa ating mga pagkukulang at pagmamalabis?

Nang magkasala ang unang nilikha Niyang tao, kinailangan pang hanapin sila ng Diyos.  “Nasaan ka?” tanong ng Diyos sa lalaki.  At nasaan nga po ba ang lalaki?  Nagtatago sa Diyos.

Kayo po, nasaan kayo?  Nasaan na po ba talaga kayo sa buhay ninyo ngayon?  Saan kayo madalas magtago?  Ano ang paborito ninyong lungga?

Hindi po tayo ang nakatatagpo sa Diyos.  Ang Diyos ang nakatatagpo sa atin.  At kung ang kahulugan ng maligtas ay ang matagpuan ng Diyos, ang ugat po ng lahat ng mga tanong sa Bibliya ay ito: “Nasaan ka?”

Tunay po, ang Diyos ay matuwid.  Pero hindi po mapagparusa ang Diyos.  Tayo po ang lumilikha ng ating kaparusahan.  May likas pong ibinubunga ang mga pagkakamali at pagkakasala natin sa buhay, ni hindi na kailangan pang makialam ang Diyos para lang tayo parusahan.  Ang pagsuway sa Diyos ay pagtanggi sa Kanya.  Ang pagtanggi po sa Kanya ay pagpiglas natin sa Kanyang mga bisig na nagliligtas sana sa atin laban sa kapahamakan.  Kaya nga po nang suwayin ang Diyos ng unang lalaki at babae, ni hindi na kailangan pa silang pagtabuyan palabas ng paraiso.  Batid man po nila o hindi, sila ang pumili niyon.

Kayo po, nauunawaan po ba talaga ninyo ang pinipili ninyo?

Kay Jesus po, hindi naging madali ang lahat ng Kanyang pagpili.  Pero naunawaan po Niya na sa bawat pagpili Niya ang pipiliin Niya ay ang Kanyang Ama.  Tingnan po ninyo ang Ebanghelyo natin ngayon, kung paanong bumitiw sa Diyos ang unang lalaki at babae, kapit-tuko naman si Jesus sa Salita ng Diyos.  Sa gitna ng apatnapung araw at gabi ng pag-aayuno sa ilang, hindi po madaling magtiwala kahit kanino.  Malamang malabo na po ang takbo ng isip natin kung tayo ang nasa kalagayan ni Jesus.  Malamang gusto na po nating tumakas at tangkilikin kahit ano basta madali at mabilis.  Malamang isusuko na natin ang laban para sa Diyos at idadahilan pa natin, “Maiintindihan naman ng Diyos.”  Pero hindi po si Jesus.  Hinding-hindi Siya kumapit sa kalaban ng Diyos dahil kapit na kapit Siya sa Diyos mismo.  Kaya nga po, sa ating ikalawang pagbasa ngayong araw na ito, inilalarawan ni San Pablo Apostol sa mga taga-Roma na si Jesus ang bagong Adan.  Isinalugar po ni Jesus ang binaliktad ng unang Adan.  At iisa lamang po ang Kanyang paraan: pagtalima sa Ama magpahanggang kamatayan.

Kayo po, ano ang paraan ninyo?

Ngayon pong Kuwaresma ay muli tayong tinatanong ng ating Manlilikha: “Nasaan ka?” Hinahanap Niya tayo.  Huwag na po natin pahirapan ang Diyos: magpahanap na tayo sa Kanya. Maganda po ang imahe ng nawawalang tupa, pero huwag po nating i-over romanticize ang imaheng 'yan sapagkat hindi naman po kasi lahat ng nawawalang tupa ay nawawala talaga.  May mga nawawalang tupa na kaya naman po kasi nawawala ay dahil ayaw naman talagang magpahanap: mga nagwawalang tupa!

Kung ang lahat ay nagsimula sa isang hardin, nagsisimula naman po ang Kuwaresma sa ilang. Sa ilang, wala po tayong mapagtataguan. Sa ilang, wala po tayong matatakbuhan. Kahit saan ka tumingin, puro buhangin. Sa ilang, wala po tayong maipantatakip; lantad na lantad tayo. Pero sa ilang, naroroon din po si Jesus. At kay Jesus, natatagpuan tayo ng Diyos.


0 Comments:

Post a Comment

Subscribe to Post Comments [Atom]

<< Home