28 March 2014

PINILI NIYA TAYO PARA SA LIWANAG

Ikaapat na Linggo ng Kuwaresma
Jn 9:1-41 (1 Sam 16:1, 6-7, 10-13 / Slm 22 / Ef 5:8-14)


Noong unang panahon, may tatlo pong magkakapatid.  Ang isa sa kanila, lampa.  Nagpaligsahan sila.  Kay gagaling ng dalawang nakatatanda, pero ang bunso, lampa.  Hulaan po ninyo kung sino sa kanilang tatlo ang nagwagi?  Siyempre yung lampa!  Huh, bakit po?  Talagang ganyan po kapag fairytale.  Sa fairytales, possible ang lahat.  Ang daigdig ng fairytales ay karaniwang kabaligtaran ng daigdig ng tutoong buhay; kaya nga po, sa mga kuwentong fairytale, kahit lampa nananalo.

Sa fairytales, paano nga po ba nagwawagi ang mistulang talunan na?  May pumipili po kasi sa kanya sa kabila ng lahat.  May nakakikita po sa katangian niya na hindi nakikita ng iba.  Gaano man siya kabait at kasikap, kailangan pa rin pong may pumili sa kanya para manalo siya.

Ngayon pong ikaapat na Linggo ng Kuwaresma, narinig natin sa unang pagbasa ang kuwento ng pagpili at paghirang ng Diyos kay David.  Isinugo ng Diyos si Propeta Samuel sa Bethlehem.  Sa sambahayan ni Jesse siya pinapunta ng Panginoon upang langisan ang ulo ang magiging kahalili ni Haring Saul.  Nang iharap sa kanya si Eliab, ang panganay ni Jesse, impressed agad si Samuel!  “Ito na siguro ang hinirang ng Panginoon,” bulong ng propeta sa sarili.  Pero hindi po pala si Eliab ang type ng Diyos, ni alinman sa mga kapatid nito, maliban sa bunsong si David.  Kaya ipinasundo ni Samuel si David mula sa pastulan at nilangisan niya ang ulo nito, tanda ng paghirang ng Diyos kay David bilang Hari ng Israel.  “At mula noon,” pagwawakas ng unang pagbasa ngayon, “sumakanya ang Espiritu ng Panginoon.”  Ang muntik nang makalimutang bunso ang siya palang napupusuan ng Diyos.

Sa Diyos na rin po nanggaling ang moral of the story ng unang pagbasa natin.  Sinabi ng Diyos kay Propeta Samuel, “Ang batayan Ko ay hindi tulad ng batayan ng tao.  Panlabas na anyo ang tinitingnan ng tao ngunit puso ang tinitingnan Ko.”

Naku po, puso pala ang tinitingnan ng Diyos sa atin!  May makita po kaya Siya?  May puso po ba talaga tayo?  At kung meron nga, ano naman po kayang klaseng puso meron tayo?  Balewala po pala sa Diyos ang mga burloloy at mga kolorete natin.  Ang mahalaga po para sa Diyos ay ang puso natin.  Kumusta na po ba ang puso ninyo?

Alam n’yo bang nakakikita rin ang puso natin?  Sa nobelang “The Little Prince” ni Antoine de Saint-Exupéry, sinabi pa ng alamid sa munting prinsipe na “It is only with the heart that one can see rightly; what is essential is invisible to the eye.”  Naku po, paano na kung bulag ang ating puso?  Nakakikita man po ang mga mata natin, nangangapa pa rin tayo sa dilim.  Hindi po lahat ng bulag ay hindi makakita.  Meron pong mga bulag na nakakikita pero hindi nakauunawa at hindi marunong magpahalaga.  Kung hindi lang makaunawa at hindi lang marunong magpahalaga, puwede po sanang turuan at makakikita rin iyan.  Pero ibang usapan na kapag kaya bulag ay dahil ayaw talagang umunawa at ayaw talagang magpahalaga.

Mabuti na lang po at sabi ng Panginoon, “…puso ang tinitingnan ko.”  Mabuti na lang po at nakatingin ang Diyos sa puso natin.  Alam Niya agad kung malinaw ang ating paningin o kung malabo na.  Alam na alam din po Niya kung wagas ang ating kabulagan o sadyang nagbubulag-bulagan na lang tayo.

Ang may-akda ng kasalanan ay ang Prinsipe ng Kadiliman.  Kung kaya’t ang nananatili sa kasalanan ay namumuhay sa kadiliman.  Ang nagbubulag-bulagan, sa kadiliman namamahay.  Ngunit ang isinilang na bulag na ay walang kasalanan.  Subalit sapagkat pananaw ng mga Judyo na bulag ang isang tao dahil pinarurusahan siya, tinanong tuloy ng mga alagad si Jesus sa Ebanghelyo ngayong araw na ito, “Guro, sino po ba ang nagkasala, ang taong ito o ang kanyang mga magulang?”  Malinaw po ang sagot ng Panginoon: “Isinilang siyang bulag upang mahayag sa kanya ang mga gawa ng Diyos.”  Hindi po gawa ng Diyos ang magparusa.  Hindi po gawa ng Diyos ang mambulag.  Ang gawa po ng Diyos ay magligtas.  Ang gawa ng Diyos ay magbigay-paningin.  Ang gawa ng Diyos ay magdala sa kaliwanagan.  Tayo po ang nagpaparusa sa sarili natin.  Tayo po ang bumubulag at nagbubulag-bulagan.  Tayo po ang balik nang balik sa kadiliman.

Napapanahon po ngayong Kuwaresma ang paalala ni San Pablo Apostol sa ating ikalawang pagbasa ngayon.  “Mga kapatid,” sulat niya sa mga taga-Efeso, “dati’y nasa kadiliman kayo, ngunit ngayo’y nasa liwanag sapagkat kayo’y sa Panginoon.  Mamuhay kayo gaya ng nararapat sa mga taong naliwanagan sapagkat ang ibinubunga ng pamumuhay sa liwanag ay pawang mabuti, matuwid, at tutoo.”  Napakalinaw po, hindi kung anong mga ka-ek-ekan ang nagbubunga ng kabutihan, pagkamatuwid, at pagiging tutoo ng isang tao kundi ang pamumuhay sa liwanag.  Tingnan po ninyo, ang taong pangit, bakit ayaw sa liwanag.  Kasi po mabubuko siya: pangit pala siya!  Sa dilim po kasi walang pangit, walang maganda; lahat maitim.  Hindi po kayo pangit; huwag kayong mamuhay sa dilim.  Hindi po ninyo kailangang manatili sa kadiliman.  Kaya nga po, sa pagtatapos ng ikalawang pagbasa natin, parang nambubulyaw pa si San Pablo Apostol: “Gumising ka, ikaw na natutulog, bumangon ka mula sa mga patay, at liliwanagan ka ni Kristo.”

Sa Ebanghelyo ngayong araw ito, literal na niliwanagan ni Kristo Jesus ang lalaking pulubi na isinilang na bulag, at ito ay gumaling at nagising sa pananampalataya.  Mabuti pa siya, namulat ang puso sa pananampalataya.  Pero ang mga Pariseo, na hindi naman po bulag, ay hindi makitang napakabuti, napakaganda, napakamabiyaya, sapagkat napakamaka-Diyos at napakamakatao ng ginawa ni Jesus sa lalaking dating bulag.  Niliwanagan din po sila ni Jesus pero mas gusto po nilang magsiksikan sa dilim.  Nagbubulag-bulagan na lang po sila dahil ayaw nila talaga kay Jesus kahit ano pang gawin Niya, kahit kailan pa Niya ito gawin, at kahit na kanino pa Niya ito gawin.

Meron po akong nabasang status update sa Facebook na nagsasabing kapag ni-like daw niya ang isang posting hindi iyon nangangahulugang gusto talaga niya ang naka-post kundi gusto lang kasi niya iyong nag-post.  Medyo natawa po ako at napaisip, “Paano kung gusto mo yung posting pero ayaw mo naman yung nag-post?  Sigurado po ako, nangyayari ‘yan hindi lang sa Facebook.  Kahit tama ang sinasabi, hinding-hindi mo ila-like kasi hindi mo gusto ang nagsabi.  Pero basa ka naman ng basa.  Marami po sa atin hindi naman talaga bulag.  Pinipili lang po natin kung kanino tayo bulag.

Ngayon pong ika-apat na Linggo ng Kuwaresma, sabihin po natin kay Jesus, “Panginoon, nais ko pong makakita.  Patawad po sa aking mga pagbubulag-bulagan.  Nais ko pong mamulat muli sa pananampalataya sa Iyo.  Punuin Mo po ang puso ko ng Iyong liwanag.  At turuan at tulungan Mo po akong tumulad sa Iyo na tumingin sa puso ng aking kapwa at hindi sa panlabas nilang anyo.  Amen.”

Ang love-story natin ng Diyos ay parang fairtytale.  Pero parang lang po; sapagkat tutoo po ang love-story natin ng Diyos.  Pinili Niya po tayo kaya tayo panalo.

0 Comments:

Post a Comment

Subscribe to Post Comments [Atom]

Links to this post:

Create a Link

<< Home