MANANG-MANA!
Ikapitong Linggo ng Karaniwang Panahon
Mt 5:38-48 (Lev
19:1-2, 17-18 / Slm 102 / 1 Cor 3:16-23)
Sa pampang ng isang malaking ilog ay
may isang malaking puno. Araw-araw,
isang banal na matandang lalaki ang nagdarasal sa lilim ng punong ito.
Isang umaga, pagkatapos niyang
magdasal, napansin ng banal na matandang lalaking ito ang isang alakdang
lulutang-lutang sa tubig. Nagkakakawag
ang alakdan, walang-awang inaanod ng malakas na agos. Tiyak ang kamatayan: malulunod ang
alakdan.
Biglang
ginawa ng banal na matandang lalaki ang hindi inaasahan: inabot niya ang
alakdan para sagipin. Ngunit ginawa
naman ng alakdan ang inaasahan nating lahat: tinusok nito ng kanyang makamandag
na buntot ang kamay ng banal na matandang lalaking gustong sumagip sa
kanya. Napangingiwi man sa matinding
sakit, paulit-ulit na inabot ng banal na matandang lalaki ang alakdang
paulit-ulit ding tumutusok sa kanya ng makamandag nitong buntot.
May
nanonood pala sa kanila: isang bata.
“Manong,” tanong nito sa banal na matandang lalaki, “bakit po ba ninyo
sinasagip ang walang-utang-na-loob na alakdang iyan? Siya na nga po itong tinutulungan ninyo, siya
pa ang may ganang manakit sa inyo.
Hayaan n’yo na lang po siyang malunod.
Marami na ng lasong itinusok sa inyo ng makamandag niyang buntot.”
Sumagot ang banal na matandang lalaki,
“Anak, dapat ko bang kalimutan ang kalikasan kong sumagip dahil sa kalikasan ng
alakdang manakit?”
Iyan nga po ang kaibahan natin sa mga
hayop. Ang hayop po ay nare-react.
Ang tao naman ay rumi-respond. Instinct
po ng alakdan na mag-react sa
pamamagitan ng panunusok ng kanyang makamandag na buntot. Response
naman po ng banal na matandang lalaki na sa kabila ng lahat ay pagsikapan pa
ring sagipin ang alakdan.
Kayo po ba ay reactionary o responsive?
Ang aso kapag inagawan mo ng pagkain,
mangangagat. Reaction po iyon. Ang tao
kapag inagawan mo ng pagkain, puwedeng ipaubaya na lang kasi baka mas nagugutom
ang nang-agaw kaysa sa kanya. Response po iyon. Ang pusa kapag naapakan mo ang buntot,
kakalmutin ka. Reaction po iyon. Ang tao
kapag natisod mo, maaaring pagpaumahinan ka kung hindi mo naman talaga
sinasadya. Response po iyon.
Samantalang hindi pinag-iisipan ang reaction,
pinagpapasiyahan naman po ang response.
Reactionary
po ba kayo o responsive?
Ang reaction ay nakapukol sa kapwa nilalang samantalang ang response naman po ay naka-ukol sa
sitwasyong nalalang. Dahil hindi po pinag-iisipan,
ang reaction ay marahas at walang
mabuting naibubunga: ang sitwasyon ay lalo lang lumalala. Dahil ang response
ay pinagpasiyahan, karaniwan po itong mahinahon at may mabuting inaani: ang
sitwasyon ay gumaganda.
Kadalasang
paghihiganti ang pakay ng reaction,
pag-unawa naman po ang sa response. Napakalinaw, ang reaction ay hindi po nagmumula sa pag-ibig. Maaaring nagmumula po ito sa kalikasan ng
nagre-react o sa kanyang di-pantaong
pag-uugali. Ang tao lamang ang may
kakayahang magpasiya. Ang pag-ibig ay
pasiya. Hindi po ito hilig o bugso ng damdamin
o di-matakasang dikta ng panlabas na puwersa.
Ang taong umiibig ay nagpapasiyang umibig. Nagpapasiya po ba tayong umibig o alipin tayo
ng paghihiganti?
Tingnan
po natin ang Diyos. Hindi Siya
mapaghiganti. Lagi Niya po tayong
iniibig dahil pasiya Niya iyon. Kahit
namumuhay tayo sa kasalanan, iniibig Niya pa rin tayo. Bago pa natin Siya ibigin, iniibig na Niya
tayo. Hindi man po natin Siya ibigin,
iibigin Niya pa rin tayo. At saktan man
natin Siya, tulad ng ginawa ng alakdan sa banal na matandang lalaking sumagip sa
kanya, iibigi’t iibigin pa rin po tayo ng Diyos. Kung meron man po tayong masasabing
“kahinaan” ng Diyos, ito ay ang Kanyang kawalang-kakayahang hindi tayo
ibigin. Anupa’t sinabi ni Papa Emeritus
Benito XVI, sa kanyang liham-ensiklikal na pinamagatang “Deus Caritas Est”, “On
the cross we see the mad-love of God.”
Tutoo po, hindi ba? Sa krus tambad na tambad sa ating paningin ang baliw na pag-ibig ng Diyos sa atin. Biro n’yo, mistulang ipinagpalit Niya ang
Kanyang sariling Anak para sa atin. Sa Exultet, ang pahayag ng Magmuling-Pagkabuhay
ng Panginoon, ganito po ang napakagandang paglalarawan: “Our birth would have been no gain, had we not been redeemed. O wonder of Thy humble care for us! O love, O charity beyond all telling, to
ransom a slave Thou gave away Thy Son!”
Sabi pa nga po ni San Pablo Apostol sa Rom 5:10, ginawa ito ng Diyos
nang tayo ay mga kaaway pa Niya. At ang napakatinding
pag-ibig na ito ng Diyos ay para sa lahat: mga banal at mga makasalanan. Pantay po ang pagtingin Niya sa lahat.
Minsan
naiisip ko po, bakit kaya alam naman ng Diyos na pagbebenta ng katawan ang
trabaho ng mga prostitute, pero
hahayaan pa rin Niyang pasikatin ang araw sa mga labada nila para matuyo at
maisuot nila pagsapit ng gabi? Puwede
naman po Niyang paulanin, hindi ba?
Bakit po kaya batid naman ng Diyos na pangho-hold-up ang ikinabubuhay ng
mga kawatan sa lansangan, pero ginigising pa rin Niya sila araw-araw? Puwede naman pong bangungutin na lang sila,
hindi ba? Bakit po kaya alam naman ng
Diyos na makasalanan ako, pero binuhay pa rin Niya ako? Puwede naman pong hindi na lang, hindi
ba? At bakit po kaya batid din ng Diyos
na magkakasala pa rin ako, pero hinirang pa rin Niya akong maging pari? Puwedeng iba na lang, hindi ba?
Kaybuti nga po ng Diyos. Sabi nga ni Jesus, “Pinasisikat Niya ang araw
sa masasama at sa mabubuti, at pinapapatak Niya ang ulan sa mga banal at sa mga
makasalanan.” Ganyan nga po umibig ang
Diyos: walang pinipili. Ganyan din daw
po tayo dapat umibig: wala ring pinipili.
Magpasiya po tayong umibig tulad ng Diyos. Magsikap tayong maging sinbuti Niya sa lahat.
Sa lahat. Ang sabi pa nga po ni Jesus, ibigin daw natin
maging ang ating mga kaaway. Ang
pag-ibig nating ibinibigay ay hindi po dapat nakasalalay sa pag-ibig nating
tinatanggap. Para sa tunay na alagad ni
Jesus, ang pag-ibig ay hindi isang kontrata.
Kahit hindi iniibig, ang tunay na alagad ni Jesus ay dapat umibig. Ito ay pasiya. Ito ay response,
hindi reaction.
Ngunit huwag po tayong
pakadaling-isiping sa pamamagitan ng pag-ibig ay agad nating magiging mga
kaibigan ang ating mga kaaway.
Nagkakamali po tayo. Nalutas po
ba ng pag-ibig ang lahat ng mga suliranin ni Jesus sa Kanyang mga kaaway? Hindi.
Katulad ng banal na matandang lalaking
paulit-ulit na inabot ang alakdang paulit-ulit ding tumutusok sa kanya sa
pamamagitan ng makamandag nitong buntot, si Jesus pa nga po ang pinatay ng
lason ng mga alakdan sa buhay Niya.
Subalit hindi Niya tinalikuran ang Kanyang kalikasang sumagip kahit sa
mga alakdang katulad natin, dahil Siya po ang Bugtong na Anak ng Diyos. Ganun po kasi ang Tatay Niya kaya ganun din
Siya. Manang-mana!
Tayo po, kanino tayo mana?