21 February 2014

MANANG-MANA!

Ikapitong Linggo ng Karaniwang Panahon
Mt 5:38-48 (Lev 19:1-2, 17-18 / Slm 102 / 1 Cor 3:16-23)

Sa pampang ng isang malaking ilog ay may isang malaking puno.  Araw-araw, isang banal na matandang lalaki ang nagdarasal sa lilim ng punong ito.

Isang umaga, pagkatapos niyang magdasal, napansin ng banal na matandang lalaking ito ang isang alakdang lulutang-lutang sa tubig.  Nagkakakawag ang alakdan, walang-awang inaanod ng malakas na agos.  Tiyak ang kamatayan: malulunod ang alakdan.

Biglang ginawa ng banal na matandang lalaki ang hindi inaasahan: inabot niya ang alakdan para sagipin.  Ngunit ginawa naman ng alakdan ang inaasahan nating lahat: tinusok nito ng kanyang makamandag na buntot ang kamay ng banal na matandang lalaking gustong sumagip sa kanya.  Napangingiwi man sa matinding sakit, paulit-ulit na inabot ng banal na matandang lalaki ang alakdang paulit-ulit ding tumutusok sa kanya ng makamandag nitong buntot.

May nanonood pala sa kanila: isang bata.  “Manong,” tanong nito sa banal na matandang lalaki, “bakit po ba ninyo sinasagip ang walang-utang-na-loob na alakdang iyan?  Siya na nga po itong tinutulungan ninyo, siya pa ang may ganang manakit sa inyo.  Hayaan n’yo na lang po siyang malunod.  Marami na ng lasong itinusok sa inyo ng makamandag niyang buntot.”

Sumagot ang banal na matandang lalaki, “Anak, dapat ko bang kalimutan ang kalikasan kong sumagip dahil sa kalikasan ng alakdang manakit?”

Iyan nga po ang kaibahan natin sa mga hayop.  Ang hayop po ay nare-react.  Ang tao naman ay rumi-respond.  Instinct po ng alakdan na mag-react sa pamamagitan ng panunusok ng kanyang makamandag na buntot.  Response naman po ng banal na matandang lalaki na sa kabila ng lahat ay pagsikapan pa ring sagipin ang alakdan.  

Kayo po ba ay reactionary o responsive?

Ang aso kapag inagawan mo ng pagkain, mangangagat.  Reaction po iyon.  Ang tao kapag inagawan mo ng pagkain, puwedeng ipaubaya na lang kasi baka mas nagugutom ang nang-agaw kaysa sa kanya.  Response po iyon.  Ang pusa kapag naapakan mo ang buntot, kakalmutin ka.  Reaction po iyon.  Ang tao kapag natisod mo, maaaring pagpaumahinan ka kung hindi mo naman talaga sinasadya.  Response po iyon.  Samantalang hindi pinag-iisipan ang reaction, pinagpapasiyahan naman po ang response.

Reactionary po ba kayo o responsive?

Ang reaction ay nakapukol sa kapwa nilalang samantalang ang response naman po ay naka-ukol sa sitwasyong nalalang.  Dahil hindi po pinag-iisipan, ang reaction ay marahas at walang mabuting naibubunga: ang sitwasyon ay lalo lang lumalala.  Dahil ang response ay pinagpasiyahan, karaniwan po itong mahinahon at may mabuting inaani: ang sitwasyon ay gumaganda.

Kadalasang paghihiganti ang pakay ng reaction, pag-unawa naman po ang sa response.  Napakalinaw, ang reaction ay hindi po nagmumula sa pag-ibig.  Maaaring nagmumula po ito sa kalikasan ng nagre-react o sa kanyang di-pantaong pag-uugali.  Ang tao lamang ang may kakayahang magpasiya.  Ang pag-ibig ay pasiya.  Hindi po ito hilig o bugso ng damdamin o di-matakasang dikta ng panlabas na puwersa.  Ang taong umiibig ay nagpapasiyang umibig.  Nagpapasiya po ba tayong umibig o alipin tayo ng paghihiganti?

Tingnan po natin ang Diyos.  Hindi Siya mapaghiganti.  Lagi Niya po tayong iniibig dahil pasiya Niya iyon.  Kahit namumuhay tayo sa kasalanan, iniibig Niya pa rin tayo.  Bago pa natin Siya ibigin, iniibig na Niya tayo.  Hindi man po natin Siya ibigin, iibigin Niya pa rin tayo.  At saktan man natin Siya, tulad ng ginawa ng alakdan sa banal na matandang lalaking sumagip sa kanya, iibigi’t iibigin pa rin po tayo ng Diyos.  Kung meron man po tayong masasabing “kahinaan” ng Diyos, ito ay ang Kanyang kawalang-kakayahang hindi tayo ibigin.  Anupa’t sinabi ni Papa Emeritus Benito XVI, sa kanyang liham-ensiklikal na pinamagatang “Deus Caritas Est”, “On the cross we see the mad-love of God.”  Tutoo po, hindi ba?  Sa krus tambad na tambad sa ating paningin ang baliw na pag-ibig ng Diyos sa atin.  Biro n’yo, mistulang ipinagpalit Niya ang Kanyang sariling Anak para sa atin.  Sa Exultet, ang pahayag ng Magmuling-Pagkabuhay ng Panginoon, ganito po ang napakagandang paglalarawan: “Our birth would have been no gain, had we not been redeemed.  O wonder of Thy humble care for us!  O love, O charity beyond all telling, to ransom a slave Thou gave away Thy Son!  Sabi pa nga po ni San Pablo Apostol sa Rom 5:10, ginawa ito ng Diyos nang tayo ay mga kaaway pa Niya.  At ang napakatinding pag-ibig na ito ng Diyos ay para sa lahat: mga banal at mga makasalanan.  Pantay po ang pagtingin Niya sa lahat.

Minsan naiisip ko po, bakit kaya alam naman ng Diyos na pagbebenta ng katawan ang trabaho ng mga prostitute, pero hahayaan pa rin Niyang pasikatin ang araw sa mga labada nila para matuyo at maisuot nila pagsapit ng gabi?  Puwede naman po Niyang paulanin, hindi ba?  Bakit po kaya batid naman ng Diyos na pangho-hold-up ang ikinabubuhay ng mga kawatan sa lansangan, pero ginigising pa rin Niya sila araw-araw?  Puwede naman pong bangungutin na lang sila, hindi ba?  Bakit po kaya alam naman ng Diyos na makasalanan ako, pero binuhay pa rin Niya ako?  Puwede naman pong hindi na lang, hindi ba?  At bakit po kaya batid din ng Diyos na magkakasala pa rin ako, pero hinirang pa rin Niya akong maging pari?  Puwedeng iba na lang, hindi ba?

Kaybuti nga po ng Diyos.  Sabi nga ni Jesus, “Pinasisikat Niya ang araw sa masasama at sa mabubuti, at pinapapatak Niya ang ulan sa mga banal at sa mga makasalanan.”  Ganyan nga po umibig ang Diyos: walang pinipili.  Ganyan din daw po tayo dapat umibig: wala ring pinipili.  Magpasiya po tayong umibig tulad ng Diyos.  Magsikap tayong maging sinbuti Niya sa lahat.

Sa lahat.  Ang sabi pa nga po ni Jesus, ibigin daw natin maging ang ating mga kaaway.  Ang pag-ibig nating ibinibigay ay hindi po dapat nakasalalay sa pag-ibig nating tinatanggap.  Para sa tunay na alagad ni Jesus, ang pag-ibig ay hindi isang kontrata.  Kahit hindi iniibig, ang tunay na alagad ni Jesus ay dapat umibig.  Ito ay pasiya.  Ito ay response, hindi reaction.

Ngunit huwag po tayong pakadaling-isiping sa pamamagitan ng pag-ibig ay agad nating magiging mga kaibigan ang ating mga kaaway.  Nagkakamali po tayo.  Nalutas po ba ng pag-ibig ang lahat ng mga suliranin ni Jesus sa Kanyang mga kaaway?  Hindi.   Katulad ng banal na matandang lalaking paulit-ulit na inabot ang alakdang paulit-ulit ding tumutusok sa kanya sa pamamagitan ng makamandag nitong buntot, si Jesus pa nga po ang pinatay ng lason ng mga alakdan sa buhay Niya.  Subalit hindi Niya tinalikuran ang Kanyang kalikasang sumagip kahit sa mga alakdang katulad natin, dahil Siya po ang Bugtong na Anak ng Diyos.  Ganun po kasi ang Tatay Niya kaya ganun din Siya.  Manang-mana!

Tayo po, kanino tayo mana?

0 Comments:

Post a Comment

Subscribe to Post Comments [Atom]

<< Home