01 February 2014

MGA KANDILA NG DAKILANG SASERDOTE

Kapistahan ng Pagdadala kay Jesus sa Templo
Lk 2:22-40 (Mal 3:1-4 / Slm 23 / Heb 2:14-18)

Sa unang pagbasa natin ngayong Kapistahan ng Pagdadala kay Jesus sa Templo, ito po ang wika ng Diyos ayon kay Propeta Malakias: “Ipadadala Ko ang Aking sugo….  At ang Panginoon…ay biglang darating sa Kanyang templo…at ipahahayag ang Aking tipan.  Siya’y parang apoy na nagpapadalisay sa bakal at parang matapang na sabon.  Darating siya para humatol at dadalisayin niya ang mga saserdote, tulad ng pagdalisay sa pilak at ginto.  Sa gayun, magiging karapat-dapat silang maghandog sa Panginoon…kalugud-lugod sa Kanya, tulad ng dati.”

Ito naman po ang pinakapusong mensahe ng ikalawang pagbasa natin ngayon na hango sa Sulat sa Mga Hebreo: “Yamang ang mga anak na tinuturing ng Diyos ay tao, naging tao rin si Jesus, tulad nila – may laman at dugo.  Kaya’t kinailangang matulad Siya sa Kanyang mga kapatid sa lahat ng paraan.  Sa gayun, Siya’y naging isang Dakilang Saserdote, mahabagin at tapat, naglilingkod sa Diyos at naghahandog ng hain sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan ng tao.”

Napansin n’yo po ba ang isang mahalagang katagang binabanggit sa parehong pagbasang ito?  Ano po ang katagang iyon?

Kapansin-pansin po na sa Banal na Misa ngayong Kapistahan ng Pagdadala kay Jesus sa Templo, parehong binabanggit ng una’t ikalawang pagbasa ang katagang “saserdote”.  Sa ating kasalukuyang pang-araw-araw na salita, ang “saserdote” ay “pari”.  Sa Banal na Bibliya, ang mga saserdote ay ang mga pari sa Templo.  At dahil ang pangunahing gawain sa Templo ay pagsamba sa Diyos sa pamamagitan ng paghahain sa Kanya ng susunuging-handog, ang mga saserdote ay tagapaghandog ng mga kaloob ng tao sa Diyos.  Sila rin po ang tagapaggawad ng bendisyon ng Diyos sa Kanyang bayan.

Sa Ebanghelyo naman po ngayong kapistahang ito, isinasalaysay ni San Lukas ang mga kaganapan ng pagdadala kay Jesus sa Templo.  Sa katunayan, may dalawang mukha po talaga ang pagdadala kay Jesus sa Templo.  Sa isang banda, ipinagdiriwang nito ang paghahandog kay Jesus sa Diyos.  Sa kabilang banda naman, ginugunita nito ang Judeong ritwal ng paglilinis kay Maria.  Alinman po sa dalawang mukhang ito ang ating tingnan, pareho po itong pagtupad sa batas ng Judaismo.

Sa Exodo 13:12 at sa Aklat ng Mga Bilang 3:13, malinaw na sinabi ni Yahweh na ang panganay na lalaki – tao o hayop man – ay sa Kanya.  Sapagkat sa Diyos nga ang panganay na lalaki, naghahandog ang mga magulang kapalit ng kanilang anak.  Kapag maykaya, kordero o tupa ang kapalit na kaloob ng mga magulang.  Kung dukha naman ay mag-asawang batu-bato o inakay na kalapati.  At ito nga po ang ginawa nila Jose at Maria kay Jesus.

Sa Levitiko 12:2-8 naman po mababasa ang mga alintuntuning dapat sundin ng mga babaeng nagsilang ng sanggol.  Partikular pong binabanggit ng mga alituntuning ito ang bilang ng mga araw, paraan, lugar, at maging ang dapat ialay para sa ritwal na paglilinis sa babaeng nagbuntis at nagluwal.  Sa pagdadala kay Jesus sa Templo, tinupad din po ni Maria ang batas na ito.

Kung tutuusin po, hindi na kailangan pang ihandog si Jesus sa Diyos.  Palibhasa, bukod sa Siya mismo ang Bugtong na Anak ng Diyos, Diyos ding tutoo si Jesus.  Kung tutuusin po, hindi naman kailangan pang dumaan sa ritwal na paglilinis si Maria.  Bukod sa hindi naman po karumihang moral ang pagdadalantao at panganganak, wala nang lilinis pa kay Maria.  Batay nga po sa ating pananampalataya, ipinaglihi pa nga si Maria nang walang bahid ng anumang kasalanan: siya ang Inmaculada Concepcion.  Nang siya ay ipinaglihi at nang siya mismo ang maglihi at magluwal, si Maria ay wala pong kasinlinis.  Subalit sa kabila ng mga katotohanang ito, sinunod pa rin ng Banal na Mag-anak ang hinihingi ng batas.  Sa gitna ng kanilang napakataas na estado sa mga mata ng Diyos, larawan sila ng kapakumbabaan.  Nagpalinis at naghandog pa rin sila.

Ano po ba ang sinasabi sa atin ng Salita ng Diyos ngayong ipinagdiriwang natin ang Kapistahan ng Pagdadala kay Jesus sa Templo?

Balikan po natin ang unang pagbasa.  Si Malakias po ay propeta ng Diyos sa Israel pagkatapos ng kanilang pagkakatapong-bihag.  Malaya na pong muli ang Bayan ng Diyos.  Nagbalik na sa normalidad ang kanilang pamumuhay.  At, para sa mga Judyo, ang patunay po niyan ay nakikita sa kanilang malayang pagsamba sa Diyos sa Kanyang Templo.  Opo, naitayo na nilang muli ang Templo; kaya naman nakapaghahain na po silang muli ng mga susunuging-handog sa Diyos.

Ngunit hindi po nagtagal ang bayang Israel ay naging salawahan muli sa Diyos.  Bagamat paniniwala nila na kaya sila napatapong-bihag at naging alipin ay dahil sa kanilang kawalang-katapatan noon sa kanilang Banal na Tipan sa Diyos, hindi pa rin po sila natuto.  Sa gitna ng laganap na katiwalian maging sa Templo mismo, binalewalang-halaga po nilang muli ang Banal na Tipan.  At sapagkat mismong ang mga saserdote ay tiwali, hindi na po naihahandog sa Diyos ang nararapat ihandog sa Diyos.  Maging ang mga tagapaghandog – ang mga saserdote – ay hindi na kalugud-lugod sa paningin ng Diyos.  Kaya nga po gayon ang pahayag ng Diyos sa pamamagitan ng Kanyang propetang si Malakias: hahatulan Niya at dadalisayin Niya ang mga saserdote – ang mga pari sa Templo – sa pamamagitan ng Kanyang Sugong animo’y apoy o matapang na sabon.

Sa liwanag ng ating pananampalataya, ang Sugong iyon ay walang-iba kundi si Jesus na ngayon nga po’y dumating na sa Templo bilang sanggol.  Ngunit sa kalauna’y makailang ulit pang babalik si Jesus sa Templo hindi na bilang sanggol at hahamuning harap-harapan ang katiwalian ng mga pinagkatiwalaan ng Diyos – ang mga saserdote noon.  Sa Mt 21:12-13, isinasalaysay pa nga ang kakaibang imahe ni Jesus na yamot na yamot na pinagtataob ang mga lamesa ng mga mangangalakal sa Templo at pinakawalan ang mga hayop na kanilang ipinagbibili.  “Ang Aking tahanan,” ika ni Jesus, “ay bahay-dalanginan, ngunit ginawa ninyo itong yungib ng mga kawatan.”  Sa Jn 2:13-27, mas matindi pa po ang galit ni Jesus, sapagkat gumawa pa raw ika si Jesus ng panghagupit at pinagtataboy ang mga mangangalakal palabas ng Templo.  Tsaka Siya sumigaw, “Magsilayas kayo!  Huwag ninyong gawing palengke ang bahay ng Aking Ama!”  Tapos, ayon kay San Juan, ang naalala raw po ng mga alagad ay ang nasusulat sa Slm 69:9 – “Mamamatay ako nang dahil sa pagmamalasakit sa Iyong bahay.”  Meron po kaya sa kanilang nakaalala ng pahayag ni Propeta Malakias na narinig natin muli ngayon?  Ayan na po ang Sugo ng Diyos na magpapadalisay sa mga saserdote, sa Templo, at sa buong Bayan ng Diyos!

Subalit ang matuwid na pagkagalit ni Jesus sa karumihan ng naging kalakaran ng paghahandog sa Templo, ng mga saserdoteng tagapaghandog mismo, at ng mga naghahandog ay hindi ang katapusang pakay ni Jesus.  Hindi lamang Siya nagalit.  Hindi Niya lamang pinagtataboy ang mga mangangalakal palabas ng Templo.  Hindi Niya lamang pinagalitan ang mga saserdote.  Hindi Niya lamang pinangalingasaw ang baho ng Templo.  Sa kahuli-huliha’y ipinakita po ni Jesus ang tamang paghahandog.  Ayon sa Sulat sa Mga Hebreo, na napakinggan natin sa ikalawang pagbasa ngayon, inihandog ni Jesus ang Kanyang sarili mismo sa pamamagitan ng Kanyang katapatan sa Diyos magpahanggang kamatayan at sa pamamagitan din ng Kanyang pagkamahabagin sa tao sapagkat nakibahagi Siya sa kalikasan nito.  Nang sabihin Niya sa Jn 2:19, “Gibain ninyo ang Templong ito, at itatayo Kong muli sa loob ng tatlong araw,” malinaw nga pong ang tinutukoy ni Jesus ay walang-iba kundi ang Kanyang sarili mismo.  Siya na mismo ang Templo kung paanong Siya ang Dakilang Saserdote at ang Handog na kalugud-lugod sa Diyos.

Ngayong Kapistahan ng Pagdadala kay Jesus sa Templo, dalhin din po nating muli ang ating sarili sa Diyos nang matalik na nakaugnay kay Jesus, kasama ni Inang Maria at ni Joseng amain natin.  Tayo pong lahat – pari at layko – ay padalisayin nawa ni Kristo.  Tayo pong lahat – pari at layko – ay magsikap na maging mga kalugud-lugod na handog sa Diyos.

Ang mga kandilang binasbasan natin sa Banal na Misang ito ay magpaalala po nawa sa atin na pamalagiin nating maningas ang presensya ni Jesus sa Templo ng ating buhay.  At kung paanong dinala si Jesus sa Templo, dalhin din po sana natin ang liwanag Niya sa buhay ng ating kapwa-tao at sa madidilim na sulok ng mundo.  Bagamat si Jesus po ang nag-iisang Liwanag ng sanlibutan, tayo po nawa ay magsilbing mga kandila na magsisiwalat ng Liwanag na si Kristo.  Pero, huwag lang po sana nating kalilimutan, hindi nakapagbibigay-liwanag ang kandila hangga’t hindi sinisindihan ang mitsa nito.  At sa habang nagbibigay-liwanag, ang kandila ay unti-unting natutunaw.  Nararanasan ng kandila ang kanyang pagka-kandila kapag lamang isinakripisyo niya ang kanyang sarili para sa iba.  Tayo po nawa ay magsilbing mga kandila ng Dakilang Saserdoteng si Kristo Jesus.

0 Comments:

Post a Comment

Subscribe to Post Comments [Atom]

<< Home