25 January 2014

FANS CLUB?

Ikatlong Linggo sa Karaniwang Panahon
Mt 4:12-23 (Is 8:23-9:3 / Slm 26 / 1 Cor 1:10-13, 17)

Ang Ebanghelyo po ngayong araw na ito ay nagsisimula sa pagbanggit na nabalitaan ni Jesus na si San Juan Bautista ay ibinilanggo.  Ang dating tinig na sumisigaw sa ilang ay pilit na pinatahimik.  Ang Salita mismo – si Jesus – ay dapat nang kumilos.  Panahon na po para magsimula si Jesus.  Dapat nang matupad ang sinabi ni San Juan Bautista sa Jn 3:30: “Illum oportet crescere me autem minui” (“He must increase and I must decrease”).

Dahil ang pakay po ni San Mateo sa pagsulat niya sa Ebanghelyo ay ang mga Judyo, pinagsikapan niyang ipakitang si Jesus ang katuparan ng hula ng mga propeta.  Narinig po natin sa Ebanghelyo ngayong araw na ito ang pagsipi niya sa sinabi ni Propeta Isaias (Is 9:1-2), “Ang lupain ng Zebulun at lupain ng Naphtali – daanan sa gawin dagat sa ibayo ng Jordan, Galilea ng mga Hentil!  Itong bayang nag-apuhap sa gitna ng kadiliman sa wakas ay nakakita ng maningning niyang ilaw!  Liwanag na taglay nito’y siya ngayong tumatanglaw sa lahat ng nalugami sa lilim ng kamatayan!”  Ang Liwanag na yaon ay si Jesus.

Sa mga susunod na kabanata ng Ebanghelyong isinulat ni San Mateo, patuloy po niyang sisipiin ang mga pahayag at hula ng mga propeta samantalang ipinakikitang si Jesus nga ang katuparan ng lahat ng iyon.  At dahil katuparan, si Jesus po ang Sentro ng lahat ng panukala ng Diyos.  Si Jesus po ang Bugtong na Anak ng Diyos at Manunubos ng sanlibutan.  Dahil po sa Kanya, nagbabagong-buhay ang tao.  Dahil po sa Kanya, napapasa-tao ng kaganapan ng buhay.  Kaya’t dapat po Siyang sundin at sundan ng lahat ng tao.  Si Jesus ang Panginoon at tayo ay mga alagad Niya.  Kapag wala si Jesus, wala po tayong saysay.

Ito rin po ang binibigyang-diin ni Apostol Pablo sa ikalawang pagbasa ngayong araw na ito.  Ang Sentro ng pagiging alagad ng isang Kristiyano ay walang-iba kundi si Jesukristo.  Kaya nga po Kristiyano dahil kay Kristo.  At kahit gaano man kagaling o kadakila ng ibang mga personalidad sa buhay ng isang Kristiyano, ang mga personalidad na yaon ay hindi pa rin po maaaring pumalit kay Jesus.  Kaya nga po nagagalit si San Pablo sa mga taga-Corinto kasi nagkanya-kanya na ng fans club ang mga Kristiyano roon.  “…ibinalita sa akin,” wika ng Apostol, “…kayo raw ay may mga alitan.  …sabi ng isa, ‘Kay Pablo ako’; sabi naman ng isa, ‘Ako’y kay Apolos’.  May iba namang nagsasabi, ‘Kay Pedro ako’; at may nagsasabi pang, ‘Ako’y kay Kristo.’  Bakit?  Nahahati ba si Kristo?  Si Pablo ba ang ipinako sa krus para sa inyo?  Bininyagan ba kayo sa ngalan ni Pablo?”

Ano po ba ang problema sa mga taga-Corinto?  Ang problema ng mga taga-Corinto ay ito: Si Jesus ang dakilang Liwanag subalit ipinagpapalit ng mga taga-Corinto kay Jesus sa mga dagitab lamang.  Nahahati tuloy ang sambayanang Kristiyano roon.

At sa gitna ng pagkakawatak-watak sa Corinto, sino po ang pinakamasaya?  Ang diyablo!  Gawain po kasi ng diyablo ang wasakin ang pagkakaisa ng sambayanan.  Kaya nga po diyablo dahil diabolos na ang kahulugan sa wikang Griyego ay hatiin sa dalawa ang dapat sana’y iisa.  At ang kabaliktaran naman ng diabolos ay symbolos na ang ibig-sabihin naman ay pagkaisahin.

Nangyayari pa rin po sa maraming mga sambayanang Kristiyano ngayon ang nangyari sa sambayanang Kristiyano noon sa Corinto, hindi ba?  Masakit man pong tanggapin ngunit damang-dama nating sugatan pa rin ang Santa Iglesiya dahil sa pagkakawatak-watak ng mga nagsasabing alagad sila ni Jesus.  Ang mga parokya rin ay hindi ligtas sa kamandag na ito ng diyablo, hindi ba?  Meron pa ring pagkakanya-kanya: tayo-tayo, sila-sila; kami-kami, kayo-kayo.  Sa halip na magtulungan, nagdudungulan.  Sa halip na may tulungan, merong pinagtutulungan.  Kahit po kaming mga pari ay hindi ligtas: kanya-kanyang fans club!  Marami po sa amin ay mga biktima lang ng mga fans club na ‘yan; pero, aminin man o hindi, meron din naman pong sila mismo ang promotor.

Dahil sa pagkakawatak-watak kaya hindi lubusang masinagan ng Liwanag, na si Kristo, ang mga malaon nang nasa kadiliman.  Baka nga po tayo pa tuloy ngayon ang dahilan ng kadilimang yaon.  Hindi lubusang mabanaag ng mga taong namumuhay sa lupaing balot ng dilim ang tunay na Liwanag na si Jesus.  Baka kasi po tayo mismo ang hadlang sa kanilang paningin.  Baka lang naman po.  Mabuting pagnilayan natin itong tutoo.  Baka kulang po tayo sa pagbibigay ng mabuting halimbawa sa kanila.  Sa halip na mapalinaw, baka pinalalabo po natin ang presensya ni Jesus dahil sa ating pagkakanya-kanya.  Kaya tuloy, bagamat si Jesus na nga ang katuparan ng pahayag ni Propeta Isaias sa ating unang pagbasa ngayong araw na ito, nagmimistulang magandang pangarap na lang yaon magpahanggang ngayon.

Si Jesus ang Panginoon at tayong lahat, anuman po ang estado natin sa buhay, ay Kanyang mga alagad.  Bagamat ang ilan sa atin ay tinawag na maging pastol sa kawan ni Kristo, wala pong dapat sa ating pumalit kay Kristo mismo.

Si Jesus ang dakilang Liwanag at ang mga lingkod Niya ay mga dagitab lang.  Huwag po tayong masiyahan sa dagitab at ituring itong ang Liwanag mismo.  At kung tayo ang dagitab, huwag po nating bulagin ang mga tao sa mumunting ilaw na, sa tutoo lang, tinanggap din naman natin mula sa dakilang Liwanag mismo.  Hindi po tayo ang Liwanag mismo; mga sinag Niya tayo.

Kay Jesus po dapat maakay ang lahat, hindi sa atin.  Galit si Apostol Pablo sa mga fans club dahil galit din po si Jesus sa mga fans club.  Ang nais ni Jesus ay mga alagad, hindi fans club.

Ibinilanggo si San Juan Bautista ngunit hindi napukaw ang Liwanag.  Hindi po kasi si San Juan Bautista ang Liwanag.  Pinatahimik si Juan Bautista subalit hindi nanahimik ang Salita.  Hindi rin po kasi si San Juan Bautista ang Salita.  Si Jesus ang Liwanag.  Si Jesus ang Salita.  Siya ang dapat maitanghal, hindi po tayo.  Si Jesus ang dapat dakilain, hindi po tayo.  Si Jesus ang dapat lumago, hindi po tayo.  Illum oportet crescere me autem minui.

18 January 2014

MAGBALIK SA PAGKABATA

Kapistahan ng Señor Sto. Nino
Mt 18:1-5, 10 (Is 9:1-6 / Slm 97 / Ef 1:3-6, 15-18)

Ang ipinagtataka ko lang po ay ito: Bakit kailangan pang itanong ng mga alagad kay Jesus kung sino ang pinakadakila sa kaharian ng langit?  Pero siguro po, hindi na ako dapat pang magtaka kasi tanong ko rin iyon minsan, kaya lang hindi ko na itinatanong, sinasarili ko na lang, pinaglalaruan ko na lang po sa aking isipan: “Sino ba ang pinakadakila sa kaharian ng langit?  Ako kaya?”

Ang ipinagtataka ko lang din po ay ito: Bakit bata pa ang ginawang halimbawa ni Jesus na pagiging dakila sa kaharian ng langit?  Hindi po ba wala pang nagawa ang isang bata?  Wala pa siyang napatunayan.  Wala pa siyang mga titulo.  Wala pa siyang maipagmamalaki.  Wala pa siyang natapos.  Wala pa siya.  Pero siguro, hindi na rin po ako dapat pang magtaka kasi si Jesus na ang may sabing “…kapag hindi kayo nagbago at tumulad sa mga bata, hinding-hindi kayo mabibilang sa mga pinaghaharian ng Diyos.”  Bakit po ang tulad ng sa bata ang pinakadakila sa langit?  Basta, iyan po ang sabi ni Jesus.

Pero hindi po maganda ang dating kapag sinabihan kang para kang bata, lalo na kung, sa tutoo lang, matanda ka na.  Mas matutuwa ka kapag kahit matanda ka na ay masabihan kang mukha kang batambata.  Aha, ayan nga po, nagkakandarapa ang marami sa ating magmukhang bata kaya pati ugali isip-bata!  “Umayos ka nga!” sabi ng isang kaibigan sa kaibigan niyang isip-bata.  Puwede ngang maayos ang mukha mo pero hindi ang pag-uugali mo.  Wow, mukhang batambata pero isip-bata naman!

Ang nakakalungkot po ay kapag bumabalik na sa pagkabata, hindi ba?  Ang bumabalik po sa pagkabata ay hindi na mukhang bata pero ugaling bata ulit nang hindi naman sinasadyang mag-isip-bata.  Ito po ang sakit ng mga labis nang may edad.  “Pagpasensyahan n’yo na ang Lolo n’yo,” sabi ng isang ina sa kanyang mga anak, “nagbabalik na kasi siya sa pagkabata.”  Para sa isang anak, laging malungkot makitang ang mga magulang niya ay nagbabalik sa pagkabata.  Hindi lang po nagiging ulyanin o kaya’y naglalaro na parang isang bata ang taong nagbabalik sa pagkabata; nagiging mahina rin siya at, sa ayaw man niya’t sa gusto, kailangan niyang umasa sa tulong ng iba.  Ang magulang na dating sandigan natin ay nakahilig na sa atin.  Ang magulang na dating lakas natin ang ngayo’y hirap nang makatayo man lang nang walang tulong natin.  Anong nangyari kay nanay?  Anong nangyari kay tatay?  Nagbabalik na sa pagkabata.  Ang nangyari kay nanay at kay tatay ay mangyayari rin sa iyo.  Huwag kang mabahalang tumatanda ka na kasi babalik ka rin sa pagkabata.  Pero kung tatanungin po ang mga gumagasta pa ng malaking halaga magmukhang bata lang, sa tutoo lang, takot na takot silang magbalik sa pagkabata.

Nakakatakot magbalik sa pagkabata dahil manghihina ka.  Nakakatakot po maging mahina.  Sanay po tayong malakas.  Kayang gawin ang gusto nating gawin.  Ika nga po ni Jesus kay Simon Pedro sa Jn 21:18, “Tunay na tunay Kong sinasabi sa iyo, noong ikaw ay bata, ikaw rin ang nagbibigkis sa iyong sarili at lumalakad ka kung saan mo ibig; ngunit pagtanda mo ay iuunat mo ang iyong mga kamay at iba ang magbibigkis sa iyo at dadalhin ka kung saan mo ayaw.”  Kapag nagbabalik ka na sa pagkabata, kailangan mong isuko ang iyong sarili sa tulong ng iba dahil dama mong may mga hindi ka na kayang gawing mag-isa.  At mas lalo mong patagalin ang pagsuko mas lalo ka lang mahihirapan at manghihina.

Hindi po ba ganyang-ganyan din tayo dapat sa Diyos?  Mahina tayo pero ang Diyos ang ating lakas.  Kapag sariling kakayahan at galing lang natin ang ating paiiralin, tiyak pong mabibigo tayo.  Kinakailangan po nating isuko ang ating sarili sa mga kamay ng Diyos na laging handang gumabay, umakay, umalalay, kumalinga, at tumulong sa atin.  Ang pagtangging sumuko sa Diyos ay pagsuko sa kapahamakan.  Kaya nga po ang mga pinaghaharian ng Diyos ay silang mga nagtitiwala sa Kanya nang tulad ng isang anak.

Nakakatakot pong magbalik sa pagkabata dahil nalalaos ka.  Nakababahala po ang hindi ka na pinapansin, pinahahalagahan, kinakausap, hinahanap-hanap, kinasasabikan, tinitilian, pinapalakpakan, kinukunsulta, laos ka na kasi.  Sanay kang sa iyo sila nakaasang lahat, subalit ngayon ikaw na ang umaasa sa kanilang lahat.  Ikaw ang dating tampulan ng atensyon, pero ngayon madalas ka nang tampulan ng biro, tawanan, at kantiyawan.  Panay pa ang sabi mo ng “noong panahon namin ay ganito, ganun” – mas lalo mo lang binibigyang-diing laos ka na, lipas na ang iyong panahon.

Pero dapat nga po bang isalalay natin ang ating halaga at kaligayahan sa anuman maliban sa Diyos?  Ang isinasanla ang sarili sa katanyagan, kapangyarihan, at kayamanan ay malalaos balang-araw; subalit ang malaya sa lahat ng bagay maliban sa matalik na pagkakaugnay sa Diyos kailanma’y hindi nalalos sapagkat ang pagpapahalaga niya sa kanyang sarili ay nakabatay sa Diyos na hindi kumukupas.  Kumapit tayo sa Diyos huwag sa mga makabagong diyus-diyosan.  Kaya nga po ang pinaghaharian ng Diyos ay silang sa Diyos umaasa gaya ng anak sa kanyang magulang.

Nakakatakot nga pong magbalik sa pagkabata dahil batid mo na ang kasunod na kabanata noon sa buhay mo.  At ano nga po ba ang kasunod na kabanata ng pagbabalik sa pagkabata?  Ano po?  Pagpanaw, hindi ba?  Alangan naman pong pagbabalik sa pagka-fetus.  Hindi po.  Pumapanaw ang lahat sa mundong ito, kasama po tayo.  Opo, kasamang-kasama tayo.  May hangganan ang lahat, pati kayo at ako.  At bagamat naniniwala tayong may buhay sa kabila, nakakatakot pa ring humakbang patungo roon, lalo na kung sa kabataan mo, sa kalakasan mo, sa kasikatan mo, sa kaginhawaan mo, ay namuhay kang walang Diyos.  Gawin mo man po ang lahat, subalit sadyang hindi mahahadlangan: papanaw ka, sasakabilang-buhay, balang-araw pagkatapos mong magbalik sa pagkabata.

Siguro maganda nga pong ang pagpanaw natin sa buhay na ito ay kasunod ng pagbabalik sa pagkabata.  Kung tutuusin, inihahanda tayo ng pagbabalik natin sa pagkabata sa paglisan sa mundong ito at pag-uwi sa tunay nating tahanan – ang tahanan ng Diyos Ama – kung saan, aral sa atin ng Talinhaga ng Alibughang Anak, ay walang mga alipin, mga anak lang.  Kaya’t matapos po tayong turuan ng “close-open, close-open” ng ating mga magulang, dapat na nating matutunang bumitiw bago tayo bitiwan ng buhay sa mundong ito.  Bumitiw sa lahat at kapit-tuko tayong humawak sa Diyos.  Kaya nga po ang pinaghaharian ng Diyos ay silang malaya sa lahat ng bagay maliban sa Diyos.

Mapagtiwala sa Diyos, umaasa sa Diyos, at malaya sa lahat maliban sa Diyos – sila nga po ang napapabilang sa pinaghaharian ng Diyos.  Pagtitiwala, pag-asa, at kalayaan – mga likas din po itong katangian ng isang bata.  Kaya kung hindi na po tayo bata, makabubuti nga sa ating magbalik sa pagkabata, hindi ba?

11 January 2014

TUMULAD KAY JESUS

Kapistahan ng Pagbibinyag sa Panginoon
Mt 3:13-17 (Is 42:1-4, 6-7 / Slm 28 / Mga Gawa 10:34-38)


Mahilig po ba kayong kumain ng kambing?  Papaitan, kilawin, kaldereta…hmmm, ang sarap!  Paborito ko po ang putaheng kambing.  Kasi po kahit hindi naliligo, malinis dahil damo lang ang kinakain.

Pero nakakita na po ba kayo ng kambing na kinakatay?  Naku, nakakaawa po!  Nagmamakaawa.  Nagdadalawang-isip na tuloy akong kumain ng kambing.  Umiiyak.  Lumuluha.  Lumuluhod ang kambing.

Opo, marunong lumuhod ang mga kambing.  Para ngang talent ng mga kambing ang pagluhod eh.  At sana maging talent din po natin iyan!  Kaya nga hindi lang masarap na putahe ang kambing, mahusay din siyang huwaran para sa atin.

Nakakita na po ba kayo ng dalawang kambing na nagkasalubong sa isang makipot na daan?  Kapag may dalawang kambing na nagkasalubong sa makipot na daan, sino sa kanila ang aatras?  Wala.  Wala pong aatras dahil ang mga kambing ay hindi marunong umatras.

Pero, alam n’yo po, kahit hindi marunong umatras ang mga kambing, marunong nga naman po silang lumuhod.  Kaya kapag nagkakasalubong ang dalawang kambing sa isang makipot na daan, lumuluhod ang isa sa kanila, tapos humihiga para makaraan ang kasalubong.  Ang ganda po, hindi ba?  Kambing lang pero marunong magparaya.  Hindi ko po sigurado kung pinag-iisipan ng mga kambing iyan o sadyang dikta iyan sa kanila ng kanilang kalikasan.  Pasiya ba ng mga kambing ang magparaya o instinct lang talaga nila iyon?

Tayo po, kailangan pa nating pagpasiyang magparaya, hindi ba?  Minsan pa nga malaking krisis para sa atin ang pasiyang magparaya o hindi magparaya.  May mga nagpapatayan pa nga dahil ayaw magparaya: sa trapiko, sa pila, sa ligawan, sa mana, sa posisyon, at sa kung saan-saan pa.  Kahit nga po sa loob ng simbahan, may mga nag-aaway dahil sa hindi pagpaparaya.  Malatakin ninyo, nakarating po sa akin ang dalawang pangyayaring ito sa aming parish church.  Una, may mga kapwa lingkod sa Banal na Misa na hindi na raw nagkikibuan.  Bakit daw po?  Kasi pinag-awayan nila kung sino ang magdadala ng ostiya at alak sa offertory procession!  Meron pa pong isa, at mas malala pa: naghatakan pa yata at muntik nang mabuwal ang isa sa kanila dahil nag-unahan sa pagpila kay Father sa Komunyon.  At irereklamo pa raw sa akin.  Naku po!  Hay, naku.

Mabuti pa ang mga kambing – hindi lang masarap, mapagparaya rin.  Baka kaya nga sila masarap dahil mapagparaya sila.  Ang mga matataas ang tingin sa sarili, ang mga hambog, kaya ayaw magparaya -  hindi masarap, nakakasuka.  Para po silang papaitan na pinutukan ng apdo.

Kayo po, kung kayo ay putaheng kambing, ano po kayo – papaitan, kilawin, o kaldereta?  Kung papaitan, nasa tamang pait ang sarap; kaya dapat ingat, baka sobrang bitter na kayo.  Kung kaldereta, masarsa; pero, huwag daanin sa sarsa ang sarap.  Kung kilawin naman – medyo raw, niluto lang sa suka; what you see is what you get, walang masyadong burloloy.

Iyan nga po ang dating ni Jesus: walang kaburlu-burloloy!  Walang ka-ere-ere.  Walang yabang sa katawan.  Biruin ninyo, nakipila Siya sa mga makasalanan na parang may kasalanan din.  Bagamat walang kasalanan, nagpabinyag din po Siya kay Juan Bautista.  Aba, eh Siya nga po itong dapat magbinyag kay Juan, hindi ba?  Sabi nga po sa Heb 4:15, tumulad si Jesus sa atin sa lahat ng bagay maliban sa paggawa ng kasalanan.  Kaya nga wika ni Juan sa Kanya, “Ako po ang dapat binyagan Ninyo, at Kayo pa ang lumalapit sa akin!”  Ano pong tugon ni Jesus sa kanya?  “Hayaan mo itong mangyari ngayon sapagkat ito ang nararapat nating gawin upang matupad ang kalooban ng Diyos.”

Kalooban ng Diyos – iyan po ang walang kasinlakas na udyok sa buhay ni Jesus.  Lagi N’yang nais na tupdin ang kalooban ng Kanyang Ama.  At hindi lang po Siya nanatili sa pagnanais.  Isinakilos Niya, isinagawa, at isinabuhay ang pagnanais na ito.  Tinupad N’ya po ang kalooban ng Kanyang Ama maging ano man ang kapalit.

Alam n’yo po, kapag wala tayong pakailam sa kalooban ng Diyos, hindi natin maiisipang magparaya.  Kapag hindi po mahalaga sa atin ang pagtupad sa kalooban ng Diyos, imposible sa atin ang pagpaparaya.  Iyon po bang sumampa sa Quirino Grandstand noong nakaraang pista ng Poong Nazareno nang hindi pa man lamang nakapagko-Komunyon ang mga nagsisimba, tutoo bang importante sa kanilang matupad ang kalooban ng Diyos o ang importante lang sa kanila ay ang matupad ang panata nila sa Diyos?  Isipin po nating tutoo – at nang hindi itinuturing ang sariling higit na magaling o mas banal kaysa kaninuman – hindi lamang si Kardinal Chito, hindi lamang ang mga paring nagmi-Misa, hindi lamang ang mga nagsisimba ang hindi pinagbigyan ng mga lumusob sa imahe ng Poong Nazareno samantalang nasa “Kordero ng Diyos” pa lang ang Misa sa Quirino Grandstand noong nakaraang Huwebes.  Ang Poong Nazareno mismo ang hindi nila pinagbigyan.  Hindi nila Siya pinagbigyang tapusin ang Kanyang Misa.  Nakakalungkot.  Sobrang nakakalungkot po talaga.  Sa palagay po natin, natuwa kaya ang Poong Nazareno sa pangyayaring ito?  Baka ang mga natuwa lang po ay yaong mga nakaakyat sa andas at nakapunas sa imahe.  Pati ang Panginoong Jesus sa Banal na Eukaristiya, hindi pinagbigyan, hindi pinagparayaan.  Tama pong igalang ang simpleng pananampalataya ng mga tao, pero kahit malapastangan ang Panginoon mismo?  Wala po tayong sinisisi sapagkat lahat po tayo, sa iba’t ibang paraan at antas, ay may pagkukulang sa ganang ito.

Ngayong araw na ito na ating ipinagdiriwang ang Kapistahan ng Pagbibinyag sa Panginoon, saksi po tayo sa kababaang-loob ng Panginoong Jesus mismo.  Ang kababaang-loob na ito ay bunga ng Kanyang masidhing pag-ibig sa kalooban ng Diyos na Kanyang Ama.  At dahil sa kababaang-loob Niyang ito, likas kay Jesus ang magparaya matupad lang ang kalooban ng Diyos Ama.  Sa Banal na Misang ito, hingin po natin kay Jesus ang pusong tulad ng sa Kanya: mapagpakumbaba, mapagparaya, mapagtalima sa kalooban ng Ama.

Ngayong araw din pong ito ang simula ng Pangkaraniwang Panahon sa buhay natin bilang Bayan ng Diyos.  Napakagandang ipinaaalala sa atin ng kapistahang ito ang kapakumbabaan ng Panginoon at ang Kanyang papaparaya upang matupad ang kalooban ng Ama.  Sana maging pangkaraniwan na rin po sa ating ang pagpapakumbaba at pagpaparaya para matupad din natin ang kalooban ng Diyos.

Hindi po tayo mga kambing, kaya pasiya at hindi po instinct para sa atin ang pagkamapagkumbaba at pagkamagparaya sa Diyos at sa kapwa.  At dahil pasiya, hindi nga instinct, para sa atin, ang kapakumbabaan ay virtue at ang pagiging mapagparaya ay pagtulad kay Jesus.

Hindi nga po tayo mga kambing kaya marami tayong mga paraan para magparaya sa Diyos at sa kapwa.  Ano man po ang ating paraan ng pagpaparaya, ito ay dapat magsimula sa kapakumbabaan at laging nilalayon ang pagtupad sa kalooban ng Diyos.  Tularan po natin si Jesus na lubos na kinalulugdang Anak ng Diyos.

04 January 2014

HUWAG BABALIK KAY HERODES!

Dakilang Kapistahan ng Epiphania ng Panginoon
Mt 2:1-12 (Is 60:1-6 / Slm 71 / Eph 3:2-3, 5-6)

Nakita n’yo po ba si Jesus?  May mga naghahanap po sa Kanya kasi.  Galing sila sa malayong lupain sa Silangan.  Mga pantas daw po sila.  Mga mago.  At tila may kaya dahil may mga dala-dala silang mamahaling bagay – tatlong uri po lahat: ginto, kamanyang, at mira – ireregalo daw po nila kay Jesus.  Nakita n’yo po ba si Jesus?

Kung sabagay, hindi na po bago ang paghahanap.  Kahit po noong unang Pasko, maraming mga paghahanap na nangyari.  Una po, naghanap ang Diyos ng sinapupunang magdadalantao at magsisilang sa Kanyang bugtong Anak.  Natagpuan po Niya si Maria (Lk 1:38).  Ikalawa, hinanap po ni Jose kung sino ang tatay ng ipinagdadalantao ng kanyang katipang si Maria.  Natagpuan po niya ang Diyos (Mt 1:20).  Ikatlo, pagsapit ng takdang sandali, natatarantang naghanap si Jose ng lugar na pagsisilangan ni Jesus.  Natagapuan po niya ang sabsaban (Lk 2:7).  Ikaapat, matapos balitaan ng mga anghel, hinanap naman ng mga pastol si Jesus.  Natagpuan po nila si Jose at Maria at ang Sanggol na nakahiga sa sabsaban (Lk 2:16).  Ikalima, dumating nga po sa Jerusalem ang ilang mga pantas mula sa Silangan, hinahanap din si Jesus.  Natagpuan din naman po nila Siyang kasama ang Kanyang ina (Mt 2:11).

Meron pa pong naghanap kay Jesus.  Ah, mali po pala.  Pinahanap po pala niya si Jesus.  Ang sabi n’ya sa mga magong nagpatulong sa kanya, “Kapag natagpuan ninyo Siya, ibalita ninyo agad sa akin nang ako ma’y makaparoo’t makasamba sa Kanya.”  Palihim pa nga po niyang kinausap ang mga mago eh.  Bukod kay Jesus, siya lang po ang tinutukoy na hari sa kuwento.  Opo, siya nga si Haring Herodes.  Natagpuan po ba niya si Jesus?  Hindi!  ‘Yung mga mago po, natagpuan nila si Jesus.  Pero si Haring Herodes, hindi niya natagpuan si Jesus.  Hindi naman kasi siya mismo ang naghanap eh.  Pinahanap n’ya lang Siya.  Aha, may aral po agad sa atin!  Hindi natin puwedeng ipasa sa iba ang napakahalagang paghahanap sa Panginoon.  Dapat tayo mismo ang maghanap sa Panginoon.  Hindi po natin puwedeng i-asa sa iba ang ating kaligtasan.  Sa ganang ito, bagamat dapat tayong magtulungan, kanya-kanya po ang paghahanap sa Panginoon.  Maling-mali po ang “Ipagdasal mo na lang ako” o “Ipagsimba mo na lang ako ha.”  Huwag katamaran ang paghahanap sa Panginoon.  Kung pati pakikipagtagpo sa Panginoon ay kinatatamaran, sa ano pa tayo sinisipag?

Pero, bukod sa hindi naman kasi talagang naghanap si Haring Herodes, maitim po kasi ang balak niya kay Jesus kaya hindi ito ipinakita sa kanya ng Diyos.  Sabi n’ya, gusto niya ring sambahin si Jesus.  Iyon pala, gusto niyang patayin!  Mapanlinlang si Haring Herodes.  Hindi po tapat ang kanyang puso.  Meron siyang hidden agendum.  Hindi niya po natagpuan si Jesus kasi hindi siya pure of heart.  Ano pong sabi ni Jesus mismo?  “Blessed are the pure of heart, for they shall see God” (Mt 5:8).

Tayo, pure of heart po ba tayo?  Kung hindi, baka kaya po hindi natin matagpu-tagpuan si Jesus.  Meron po ba tayong mga hidden agenda kaya tayo nagsisimba, nagdarasal, nagsasakripisyo, nagkakawanggawa, naglilingkod sa simbahan, o lumalapit sa pari?  Sa tutoo lang po, ano ang mga hidden agenda natin?  Kung meron man po, paano natin matatagpuan si Jesus?

Hindi po tayo pinagtataguan ni Jesus.  Narinig po ba natin ang ikalawang pagbasa, hango sa sulat ni San Pablo Apostol sa mga taga-Epheso?  Ang dati raw pong inilihim ng Diyos ay inihayag na ngayon ng Diyos.  “At ito ang lihim,” wika ng Apostol, “sa pamamagitan ng Mabuting Balita, ang mga Hentil, tulad din ng mga Judyo, ay may bahagi sa mga pagpapalang mula sa Diyos; mga bahagi rin sila ng iisang katawan at kahati sa pangako ng Diyos dahil kay Kristo Jesus.”  Sa madaling-sabi po, si Jesus ay para sa lahat ng tao.  Si Jesus ay hindi lamang po para sa mga Judyo.  Si Jesus ay para rin po sa atin.  Ating-atin si Jesus.  At dahil si Jesus ay para sa lahat ng tao, ang kaligtasan, ang langit, ang buhay na walang-hanggan, ay para rin sa ating lahat.  Ngayon, kung inihayag na po iyan ng Diyos, hindi tayo pinagtataguan ni Jesus.  Lantad na lantad po Siya sa atin.  Baka nga po si Jesus pa ang naghahanap sa atin eh.

Kung si Jesus nga po ang naghahanap sa atin, sana magpatago na tayo sa kanya.  Hindi naman po kasi lahat ng hindi matagpuan ay nawawala eh.  Meron din pong kaya hindi matagpu-tagpuan ay sapagkat ayaw naman talagang magpatagpo.  Tago sila nang tago.  Takbo nang takbo.  Hindi po lahat ng nawawalang tupa ay nawawala talaga.  Meron din pong mga nagwawala.

Pero kung tayo po ang naghahanap kay Jesus, huwag na huwag po nating iisiping pinagtataguan Niya tayo.  Baka kaya hindi natin Siya matagpuan ay sapagkat hindi nga tayo pure of heart.  Baka rin po nagbubulag-bulagan tayo: gusto lang nating tingnan ang gusto nating makita.  Baka rin po sa maling lugar tayo naghahanap: ayaw natin Siyang hanapin sa mabaho, marumi, at masukal.  Baka rin po hindi natin Siya kilala talaga: iniiwasan natin ang mga dukha, ang mga maysakit at maykapansanan, ang mga api, ang mga tinuturing ng mundo na basura, at maging ang mga umaaway sa atin.  O baka rin po titig na titig tayo sa mga mago, manghang-mangha sa kanilang pagkamaharlika, at nalimutan na nating maging sila ay naghahanap din – hindi sila ang bida, si Jesus! – kaya po hindi natin matagpuan si Jesus, at nilikha na lang natin ang tatlong hari sa katauhan ng mga magong naghahanap din sa tunay na Haring si Jesus.

Natagpuan n’yo na po ba si Jesus?  Sana kung natagpuan n’yo na si Jesus, mag-iba na kayo ng daan, katulad ng mga mago.  Nang  sila’y pabalik na, sumunod sila sa sinabi sa kanila na Diyos na huwag na raw po silang babalik kay Herodes.  Kaya nga po nang sila ay pauwi na, nag-iba raw sila ng daan.

Natagpuan n’yo na po ba si Jesus?  Kung natagpuan n’yo na nga po, nag-iba na rin po ba kayo ng daan o bumalik lang din kayo sa dating daan?  Ang matingkad na patunay na tutoong na natagpuan natin si Jesus at tutoong si Jesus nga ang ating natagpuan ay kapag tayo ang nagbagong-buhay dahil sa karanasang iyon.  Kung dating tao pa rin po tayo, malamang hindi pa natin natagpuan si Jesus at, masahol pa, malamang pekeng Jesus ang natagpuan natin.

Nasa huling linggo na po tayo ng Kapaskuhan.  Sa mga huling araw na ito ng Kapaskuhan, mabuti pong kanya-kanya rin natin pagnilayan kung anong mabuting pagbabago ang naidudulot sa atin ng taun-taon nating pagdiriwang ng Pasko.  Kahit konti, kahit maliit, kahit utay-utay, sana po meron.  Dahil kung wala, naku po, kay Haring Herodes lang nagtatapos ang taun-taon nating pagdiriwang ng Pasko.  Sinabi na nga pong huwag bumalik kay Herodes eh, balik pa nang balik!