25 January 2014

FANS CLUB?

Ikatlong Linggo sa Karaniwang Panahon
Mt 4:12-23 (Is 8:23-9:3 / Slm 26 / 1 Cor 1:10-13, 17)

Ang Ebanghelyo po ngayong araw na ito ay nagsisimula sa pagbanggit na nabalitaan ni Jesus na si San Juan Bautista ay ibinilanggo.  Ang dating tinig na sumisigaw sa ilang ay pilit na pinatahimik.  Ang Salita mismo – si Jesus – ay dapat nang kumilos.  Panahon na po para magsimula si Jesus.  Dapat nang matupad ang sinabi ni San Juan Bautista sa Jn 3:30: “Illum oportet crescere me autem minui” (“He must increase and I must decrease”).

Dahil ang pakay po ni San Mateo sa pagsulat niya sa Ebanghelyo ay ang mga Judyo, pinagsikapan niyang ipakitang si Jesus ang katuparan ng hula ng mga propeta.  Narinig po natin sa Ebanghelyo ngayong araw na ito ang pagsipi niya sa sinabi ni Propeta Isaias (Is 9:1-2), “Ang lupain ng Zebulun at lupain ng Naphtali – daanan sa gawin dagat sa ibayo ng Jordan, Galilea ng mga Hentil!  Itong bayang nag-apuhap sa gitna ng kadiliman sa wakas ay nakakita ng maningning niyang ilaw!  Liwanag na taglay nito’y siya ngayong tumatanglaw sa lahat ng nalugami sa lilim ng kamatayan!”  Ang Liwanag na yaon ay si Jesus.

Sa mga susunod na kabanata ng Ebanghelyong isinulat ni San Mateo, patuloy po niyang sisipiin ang mga pahayag at hula ng mga propeta samantalang ipinakikitang si Jesus nga ang katuparan ng lahat ng iyon.  At dahil katuparan, si Jesus po ang Sentro ng lahat ng panukala ng Diyos.  Si Jesus po ang Bugtong na Anak ng Diyos at Manunubos ng sanlibutan.  Dahil po sa Kanya, nagbabagong-buhay ang tao.  Dahil po sa Kanya, napapasa-tao ng kaganapan ng buhay.  Kaya’t dapat po Siyang sundin at sundan ng lahat ng tao.  Si Jesus ang Panginoon at tayo ay mga alagad Niya.  Kapag wala si Jesus, wala po tayong saysay.

Ito rin po ang binibigyang-diin ni Apostol Pablo sa ikalawang pagbasa ngayong araw na ito.  Ang Sentro ng pagiging alagad ng isang Kristiyano ay walang-iba kundi si Jesukristo.  Kaya nga po Kristiyano dahil kay Kristo.  At kahit gaano man kagaling o kadakila ng ibang mga personalidad sa buhay ng isang Kristiyano, ang mga personalidad na yaon ay hindi pa rin po maaaring pumalit kay Jesus.  Kaya nga po nagagalit si San Pablo sa mga taga-Corinto kasi nagkanya-kanya na ng fans club ang mga Kristiyano roon.  “…ibinalita sa akin,” wika ng Apostol, “…kayo raw ay may mga alitan.  …sabi ng isa, ‘Kay Pablo ako’; sabi naman ng isa, ‘Ako’y kay Apolos’.  May iba namang nagsasabi, ‘Kay Pedro ako’; at may nagsasabi pang, ‘Ako’y kay Kristo.’  Bakit?  Nahahati ba si Kristo?  Si Pablo ba ang ipinako sa krus para sa inyo?  Bininyagan ba kayo sa ngalan ni Pablo?”

Ano po ba ang problema sa mga taga-Corinto?  Ang problema ng mga taga-Corinto ay ito: Si Jesus ang dakilang Liwanag subalit ipinagpapalit ng mga taga-Corinto kay Jesus sa mga dagitab lamang.  Nahahati tuloy ang sambayanang Kristiyano roon.

At sa gitna ng pagkakawatak-watak sa Corinto, sino po ang pinakamasaya?  Ang diyablo!  Gawain po kasi ng diyablo ang wasakin ang pagkakaisa ng sambayanan.  Kaya nga po diyablo dahil diabolos na ang kahulugan sa wikang Griyego ay hatiin sa dalawa ang dapat sana’y iisa.  At ang kabaliktaran naman ng diabolos ay symbolos na ang ibig-sabihin naman ay pagkaisahin.

Nangyayari pa rin po sa maraming mga sambayanang Kristiyano ngayon ang nangyari sa sambayanang Kristiyano noon sa Corinto, hindi ba?  Masakit man pong tanggapin ngunit damang-dama nating sugatan pa rin ang Santa Iglesiya dahil sa pagkakawatak-watak ng mga nagsasabing alagad sila ni Jesus.  Ang mga parokya rin ay hindi ligtas sa kamandag na ito ng diyablo, hindi ba?  Meron pa ring pagkakanya-kanya: tayo-tayo, sila-sila; kami-kami, kayo-kayo.  Sa halip na magtulungan, nagdudungulan.  Sa halip na may tulungan, merong pinagtutulungan.  Kahit po kaming mga pari ay hindi ligtas: kanya-kanyang fans club!  Marami po sa amin ay mga biktima lang ng mga fans club na ‘yan; pero, aminin man o hindi, meron din naman pong sila mismo ang promotor.

Dahil sa pagkakawatak-watak kaya hindi lubusang masinagan ng Liwanag, na si Kristo, ang mga malaon nang nasa kadiliman.  Baka nga po tayo pa tuloy ngayon ang dahilan ng kadilimang yaon.  Hindi lubusang mabanaag ng mga taong namumuhay sa lupaing balot ng dilim ang tunay na Liwanag na si Jesus.  Baka kasi po tayo mismo ang hadlang sa kanilang paningin.  Baka lang naman po.  Mabuting pagnilayan natin itong tutoo.  Baka kulang po tayo sa pagbibigay ng mabuting halimbawa sa kanila.  Sa halip na mapalinaw, baka pinalalabo po natin ang presensya ni Jesus dahil sa ating pagkakanya-kanya.  Kaya tuloy, bagamat si Jesus na nga ang katuparan ng pahayag ni Propeta Isaias sa ating unang pagbasa ngayong araw na ito, nagmimistulang magandang pangarap na lang yaon magpahanggang ngayon.

Si Jesus ang Panginoon at tayong lahat, anuman po ang estado natin sa buhay, ay Kanyang mga alagad.  Bagamat ang ilan sa atin ay tinawag na maging pastol sa kawan ni Kristo, wala pong dapat sa ating pumalit kay Kristo mismo.

Si Jesus ang dakilang Liwanag at ang mga lingkod Niya ay mga dagitab lang.  Huwag po tayong masiyahan sa dagitab at ituring itong ang Liwanag mismo.  At kung tayo ang dagitab, huwag po nating bulagin ang mga tao sa mumunting ilaw na, sa tutoo lang, tinanggap din naman natin mula sa dakilang Liwanag mismo.  Hindi po tayo ang Liwanag mismo; mga sinag Niya tayo.

Kay Jesus po dapat maakay ang lahat, hindi sa atin.  Galit si Apostol Pablo sa mga fans club dahil galit din po si Jesus sa mga fans club.  Ang nais ni Jesus ay mga alagad, hindi fans club.

Ibinilanggo si San Juan Bautista ngunit hindi napukaw ang Liwanag.  Hindi po kasi si San Juan Bautista ang Liwanag.  Pinatahimik si Juan Bautista subalit hindi nanahimik ang Salita.  Hindi rin po kasi si San Juan Bautista ang Salita.  Si Jesus ang Liwanag.  Si Jesus ang Salita.  Siya ang dapat maitanghal, hindi po tayo.  Si Jesus ang dapat dakilain, hindi po tayo.  Si Jesus ang dapat lumago, hindi po tayo.  Illum oportet crescere me autem minui.

0 Comments:

Post a Comment

Subscribe to Post Comments [Atom]

<< Home