11 January 2014

TUMULAD KAY JESUS

Kapistahan ng Pagbibinyag sa Panginoon
Mt 3:13-17 (Is 42:1-4, 6-7 / Slm 28 / Mga Gawa 10:34-38)


Mahilig po ba kayong kumain ng kambing?  Papaitan, kilawin, kaldereta…hmmm, ang sarap!  Paborito ko po ang putaheng kambing.  Kasi po kahit hindi naliligo, malinis dahil damo lang ang kinakain.

Pero nakakita na po ba kayo ng kambing na kinakatay?  Naku, nakakaawa po!  Nagmamakaawa.  Nagdadalawang-isip na tuloy akong kumain ng kambing.  Umiiyak.  Lumuluha.  Lumuluhod ang kambing.

Opo, marunong lumuhod ang mga kambing.  Para ngang talent ng mga kambing ang pagluhod eh.  At sana maging talent din po natin iyan!  Kaya nga hindi lang masarap na putahe ang kambing, mahusay din siyang huwaran para sa atin.

Nakakita na po ba kayo ng dalawang kambing na nagkasalubong sa isang makipot na daan?  Kapag may dalawang kambing na nagkasalubong sa makipot na daan, sino sa kanila ang aatras?  Wala.  Wala pong aatras dahil ang mga kambing ay hindi marunong umatras.

Pero, alam n’yo po, kahit hindi marunong umatras ang mga kambing, marunong nga naman po silang lumuhod.  Kaya kapag nagkakasalubong ang dalawang kambing sa isang makipot na daan, lumuluhod ang isa sa kanila, tapos humihiga para makaraan ang kasalubong.  Ang ganda po, hindi ba?  Kambing lang pero marunong magparaya.  Hindi ko po sigurado kung pinag-iisipan ng mga kambing iyan o sadyang dikta iyan sa kanila ng kanilang kalikasan.  Pasiya ba ng mga kambing ang magparaya o instinct lang talaga nila iyon?

Tayo po, kailangan pa nating pagpasiyang magparaya, hindi ba?  Minsan pa nga malaking krisis para sa atin ang pasiyang magparaya o hindi magparaya.  May mga nagpapatayan pa nga dahil ayaw magparaya: sa trapiko, sa pila, sa ligawan, sa mana, sa posisyon, at sa kung saan-saan pa.  Kahit nga po sa loob ng simbahan, may mga nag-aaway dahil sa hindi pagpaparaya.  Malatakin ninyo, nakarating po sa akin ang dalawang pangyayaring ito sa aming parish church.  Una, may mga kapwa lingkod sa Banal na Misa na hindi na raw nagkikibuan.  Bakit daw po?  Kasi pinag-awayan nila kung sino ang magdadala ng ostiya at alak sa offertory procession!  Meron pa pong isa, at mas malala pa: naghatakan pa yata at muntik nang mabuwal ang isa sa kanila dahil nag-unahan sa pagpila kay Father sa Komunyon.  At irereklamo pa raw sa akin.  Naku po!  Hay, naku.

Mabuti pa ang mga kambing – hindi lang masarap, mapagparaya rin.  Baka kaya nga sila masarap dahil mapagparaya sila.  Ang mga matataas ang tingin sa sarili, ang mga hambog, kaya ayaw magparaya -  hindi masarap, nakakasuka.  Para po silang papaitan na pinutukan ng apdo.

Kayo po, kung kayo ay putaheng kambing, ano po kayo – papaitan, kilawin, o kaldereta?  Kung papaitan, nasa tamang pait ang sarap; kaya dapat ingat, baka sobrang bitter na kayo.  Kung kaldereta, masarsa; pero, huwag daanin sa sarsa ang sarap.  Kung kilawin naman – medyo raw, niluto lang sa suka; what you see is what you get, walang masyadong burloloy.

Iyan nga po ang dating ni Jesus: walang kaburlu-burloloy!  Walang ka-ere-ere.  Walang yabang sa katawan.  Biruin ninyo, nakipila Siya sa mga makasalanan na parang may kasalanan din.  Bagamat walang kasalanan, nagpabinyag din po Siya kay Juan Bautista.  Aba, eh Siya nga po itong dapat magbinyag kay Juan, hindi ba?  Sabi nga po sa Heb 4:15, tumulad si Jesus sa atin sa lahat ng bagay maliban sa paggawa ng kasalanan.  Kaya nga wika ni Juan sa Kanya, “Ako po ang dapat binyagan Ninyo, at Kayo pa ang lumalapit sa akin!”  Ano pong tugon ni Jesus sa kanya?  “Hayaan mo itong mangyari ngayon sapagkat ito ang nararapat nating gawin upang matupad ang kalooban ng Diyos.”

Kalooban ng Diyos – iyan po ang walang kasinlakas na udyok sa buhay ni Jesus.  Lagi N’yang nais na tupdin ang kalooban ng Kanyang Ama.  At hindi lang po Siya nanatili sa pagnanais.  Isinakilos Niya, isinagawa, at isinabuhay ang pagnanais na ito.  Tinupad N’ya po ang kalooban ng Kanyang Ama maging ano man ang kapalit.

Alam n’yo po, kapag wala tayong pakailam sa kalooban ng Diyos, hindi natin maiisipang magparaya.  Kapag hindi po mahalaga sa atin ang pagtupad sa kalooban ng Diyos, imposible sa atin ang pagpaparaya.  Iyon po bang sumampa sa Quirino Grandstand noong nakaraang pista ng Poong Nazareno nang hindi pa man lamang nakapagko-Komunyon ang mga nagsisimba, tutoo bang importante sa kanilang matupad ang kalooban ng Diyos o ang importante lang sa kanila ay ang matupad ang panata nila sa Diyos?  Isipin po nating tutoo – at nang hindi itinuturing ang sariling higit na magaling o mas banal kaysa kaninuman – hindi lamang si Kardinal Chito, hindi lamang ang mga paring nagmi-Misa, hindi lamang ang mga nagsisimba ang hindi pinagbigyan ng mga lumusob sa imahe ng Poong Nazareno samantalang nasa “Kordero ng Diyos” pa lang ang Misa sa Quirino Grandstand noong nakaraang Huwebes.  Ang Poong Nazareno mismo ang hindi nila pinagbigyan.  Hindi nila Siya pinagbigyang tapusin ang Kanyang Misa.  Nakakalungkot.  Sobrang nakakalungkot po talaga.  Sa palagay po natin, natuwa kaya ang Poong Nazareno sa pangyayaring ito?  Baka ang mga natuwa lang po ay yaong mga nakaakyat sa andas at nakapunas sa imahe.  Pati ang Panginoong Jesus sa Banal na Eukaristiya, hindi pinagbigyan, hindi pinagparayaan.  Tama pong igalang ang simpleng pananampalataya ng mga tao, pero kahit malapastangan ang Panginoon mismo?  Wala po tayong sinisisi sapagkat lahat po tayo, sa iba’t ibang paraan at antas, ay may pagkukulang sa ganang ito.

Ngayong araw na ito na ating ipinagdiriwang ang Kapistahan ng Pagbibinyag sa Panginoon, saksi po tayo sa kababaang-loob ng Panginoong Jesus mismo.  Ang kababaang-loob na ito ay bunga ng Kanyang masidhing pag-ibig sa kalooban ng Diyos na Kanyang Ama.  At dahil sa kababaang-loob Niyang ito, likas kay Jesus ang magparaya matupad lang ang kalooban ng Diyos Ama.  Sa Banal na Misang ito, hingin po natin kay Jesus ang pusong tulad ng sa Kanya: mapagpakumbaba, mapagparaya, mapagtalima sa kalooban ng Ama.

Ngayong araw din pong ito ang simula ng Pangkaraniwang Panahon sa buhay natin bilang Bayan ng Diyos.  Napakagandang ipinaaalala sa atin ng kapistahang ito ang kapakumbabaan ng Panginoon at ang Kanyang papaparaya upang matupad ang kalooban ng Ama.  Sana maging pangkaraniwan na rin po sa ating ang pagpapakumbaba at pagpaparaya para matupad din natin ang kalooban ng Diyos.

Hindi po tayo mga kambing, kaya pasiya at hindi po instinct para sa atin ang pagkamapagkumbaba at pagkamagparaya sa Diyos at sa kapwa.  At dahil pasiya, hindi nga instinct, para sa atin, ang kapakumbabaan ay virtue at ang pagiging mapagparaya ay pagtulad kay Jesus.

Hindi nga po tayo mga kambing kaya marami tayong mga paraan para magparaya sa Diyos at sa kapwa.  Ano man po ang ating paraan ng pagpaparaya, ito ay dapat magsimula sa kapakumbabaan at laging nilalayon ang pagtupad sa kalooban ng Diyos.  Tularan po natin si Jesus na lubos na kinalulugdang Anak ng Diyos.

0 Comments:

Post a Comment

Subscribe to Post Comments [Atom]

<< Home