ANG PANALANGING TUMATAGOS SA PUSO NG DIYOS: PANAGHOY
Ikatatlumpung
Linggo sa Karaniwang Panahon
Mk
10:46-52 (Jer 31:7-9 / Slm 125 / Heb 5:1-6)
Kapag nararamdaman nating may iniinda
ang ating kaibigan, ang tanong natin sa kanya ay “’tol, anong problema?” o kaya
“Mukhang may pinagdaraanan ka ha. Puwede
akong makinig.” Sa ganito pong paraan,
binibigyan natin siya ng pagkakataong isa-wika ang kanyang iniinda. Pero, alam po natin, may mga taong sobrang
bigat na talaga ang pinagdaraanan, anupa’t ni magkapagsalita ay hindi na nila makaya. Nakahandusay lang sila sa lapag, subsob ang
mukha sa mga palad, at nilalamon ng kanilang sariling pagdurusa at
kawalan. Sa harap ng gayong sukdulang kapighatian,
pakiramdam natin tayo mismo ay walang magawa, walang maitulong, walang masabi,
maliban sa makinig at manatili.
Matapos
makinig, ang hakbang tungo sa ikagagaan ng ganitong paghihirap ay ang tulungan
ang kapwang nagdurusa na makahanap ng tinig na aakay sa kanya palabas ng nakabibinging
katahimikang kinabibilanguan niya. Isa
sa mga dakilang aral ng Bibliya ay ito: Dapat ipahayag ng tao ang kanyang
paghihirap sa pamamagitan ng panaghoy at hindi ang pagpilitang balewalain na
lamang ito. Ang pananahimik ay
pananatili sa kawalang-pag-asa na bunga ng pag-aakalang hindi na puwedeng
magbago ang kasalukuyang karanasan. Kaya
nga, hindi nakapagtataka na maraming mga panalangin ng panaghoy sa buong
kasaysayan ng Bayan ng Diyos na nasusulat sa aklat ng Mga Salmo at sa mismong
Aklat ng Mga Panaghoy. Ang mga panaghoy
ay hikbi ng puso, sigaw ng pagdurusa, ungol ng paghihirap, paghingi ng tulong
ng kaluluwang umiiyak. Oo nga’t mga luha
ang sumusulat sa panaghoy, ngunit nagpapahiwatig ito ng pag-asa na pupuwedeng
bumuti ang kasalukuyang karanasan, na nakikinig ang Diyos at mahahabag.
Ang panaghoy ay
tinig hindi lang ng pagdurusa kundi ng pag-asa’t pananampalataya rin. Kaya nga’t ang panaghoy ay hindi pahiwatig ng
kawalang-kapangyarihan o pagsuko na lamang sa kapighatiang dinaranas. Sa halip, ang panalangin ng panaghoy ang
lumilikha ng tulay sa pagitan ng tahimik na pagtitiis at ng aktuwal na
pagbabago. Ito ang nakikita natin sa
ebanghelyo ngayong Linggong ito.
Nang
marinig ng bulag na pulubing si Bartimeo na papalapit si Jesus sa kanyang
kinalalagyan, sumigaw siya ng panalangin ng panaghoy, “Jesus, Anak ni David,
mahabag po kayo sa akin!” Pero hindi
natuwa ang mga nakapaligid sa kanya; sa halip, pinatahimik nila siya. Bawal sumigaw! Para sa mga nakapalibot kay Bartimeo, wala siyang
permisong hanapan ng tinig kanyang pagdurusa.
Sa punto pong ito,
hindi ko mapigilang isipin na ang mga taong nagpapatahimik kay Bartimeo ay
kumakatawan sa mga nagsusulong sa pananaw na ang taong nagdurusa ay dapat
hayaang magtiis nang mag-isa sa katahimikan.
May panahong ganito rin ang saloobing relihiyoso ng maraming tao sa
harap ng paghihirap ng tao. Pero, isipin
po ninyo, kung hindi itinaghoy ni Bartimeo ang kanyang paghihirap, nagpatuloy pa
rin sana siyang nanahan sa daigdig ng kadiliman. Subalit batid ni Bartimeo na kung may
pagbabago mang mangyayari, dapat niyang idaing kay Jesus ang kanyang
pighati. Kung kaya’t isinigaw niya kay
Jesus ang kanyang panaghoy: “Anak ni David, mahabag po Kayo sa akin.” Bulag man si Bartimeo pero hindi bulag si Jesus
sa kanya. At mas lalong hindi bingi si
Jesus sa mga panalangin ng panaghoy gaya ng kay Bartimeo. Palibhasa, sa mismong katauhan ni Jesus ay
nararanasan ang katuparan ng pahayag ni Propeta Jeremias sa ating unang
pagbasa: “…titipunin Ko sila mula sa mga sulok ng sanlibutan, kasama ang mga
bulag at mga pilay…. Uuwi silang
nag-iiyakan habang daan, nananalangin samantalang inaakay Ko. Dadalhin ko sila sa mga bukal ng tubig, pararaanin
sa maayos na landas upang hindi sila madapa.”
Inutusan ni Jesus
ang mga tao. Malinaw ang Kanyang utos:
Tawagin ninyo siya, hindi patahimikin.
Kapuna-punang biglang nagbago ang kanta ng mga tao: “Lakasan mo ang loob
mo….” Kung noong una ang sabi nila kay
Bartimeo ay “Tumahimik ka!”, ngayon ay ibang-iba na: “Tumindig ka. Ipinatatawag ka Niya,” sabi nila sa
kanya. Bago pa pinanumbalik ni Jesus ang
panginin ni Bartimeo, binigyang-kaliwanagan muna Niya ang mga taong nakapalibot
sa kanila. Palibhasa, si Bartimeo man
ang bulag sa kuwento ng ebanghelyo, ang mga nakapalibot naman sa kanya tunay na
hindi makakita sa kalunus-lunos niyang kalagayan at sa kanilang pananagutang
tulungan siya. Lantad na lantad man ang
karukhaan ng pulubing si Bartimeo, higit naman ang kawalan ng mga nakapalibot
sa kanya.
Marahil po hindi nahalata
ng mga tao na sila, na sa umpisa ay hadlang sa pagitan ni Bartimeo at ni Jesus,
ang ginamit din ni Jesus, sa wakas, para makalapit si Bartimeo sa Kanya. Dahil nakikinig sila kay Jesus, tinuruan sila
ni Jesus na pakinggan din si Bartimeo.
Sa puntong ito, may
sinasabi ang naiulat na interventions ng
ating mahal na Arsobispo, His Eminence Luis Antonio G. Cardinal-Elect Tagle at
ni Lingayan-Dagupan Archbishop Socrates B. Villegas sa katatapos pa lamang na
Synod of Bishops on The New Evangelization in the Transmission of the Christian
Faith. Binigyang-diin nila na sa
pagpapahayag ng pananampalatayang Kristiyano sa makabagong panahon, higit
nating kailangan, bilang Iglesiya, ang makinig nang may kababaang-loob sa mga
hinaing ng sankatauhan, lalong-lalo na yaong mga walang-boses sa lipunan. Palibhasa, paano nga ba natin matutulungan,
madadamayan, at mauunawaan ang ating kapwang nagdurusa kung dada tayo nang
dada? Huwag natin silang
patahimikin. Pakingga natin sila. At dinggin natin sila nang may tunay at buong
kababaang-loob. Pinakikinggan ba natin
talaga ang mga Bartimeo sa ating paligid o pinatatahimik? Hindi lamang kakayahang makinig ang hinihingi
sa atin, bagkus kababaang-loob din. Talaga
bang may kababaang-loob ang ating pakikinig o may pagka-triumpalismo?
Hindi tayo maaaring
makatulong sa kapwang nagdurusa kung hindi muna natin siya pinakikinggan. Minsan, tulong tayo agad nang tulong pero
hindi naman pala natin talagang natutugunan ang pangangailangan ng ating kapwa dahil
iba pala ang kailangan niya. Pero bakit
hindi natin iyon alam? Kasi baka wala
tayong panahong pakinggan muna siya. Sa
ating ebanghelyo ngayong araw na ito, ipinakita ni Jesus ang kahandaan Niyang
makinig kay Bartimeo. “Ano ang ibig mong
gawin Ko sa iyo?” tanong ni Jesus sa kanya.
“Guro,” tugon ni Bartimeo, “ibig ko po sanang makakita.” Nakahanap ng tinig ang pulubing bulag para sa
kanyang iniinda. At, kinikilala ang
kanyang pananalig sa Kanya, pinagaling siya ni Jesus.
Nakakatuwa sapagkat,
ayon sa ebanghelyo, matapos siyang gumaling dahil sa kanyang pananampalataya,
ginamit daw ni Bartimeo ang kanyang bagong paningin para sundan si Jesus sa
daan. Tayo po kayang nagsasabing
sumusunod kay Jesus, para saan naman natin ginagamit ang ating pananampalataya?
Ang himala ng
pagpapagaling na ating natunghayan sa ebanghelyo ngayon ay bunga ang panalangin
ng panaghoy. Ang panalanging yaon ang
nagpahayag ng pagdurusa at pananampalataya ni Bartimeo; nanalig siyang
papansinin siya ng Diyos. Palibhasa,
bakit ka nga ba sisigaw pa kung hindi ka naman naniniwalang may papansin sa
iyo? Kayo po ba ay sumisigaw rin sa
gitna ng inyong pinagdaraanang paghihirap?
May pumapansin ba sa inyo? Meron
po, ang Diyos. Kung sakaling nagdududa
kayo dahil parang wala namang ginagawa ang Diyos, baka naman po kayo ang hindi
pumapansin sa Diyos kaya gayon.
Kung lumaki tayong
naniniwala na ang tumpak na tugong relihiyoso sa paghihirap ay katahimikan at
pasibong pagsuko, kitang-kita natin ngayong maling-mali tayo. Dapat din palang maging mahalagang elemento
ng ating mala-Kristiyanong espirituwalidad ang panalangin ng panaghoy sapagkat
ang mawala iyon ay hindi lamang humahantong sa kawalan ng tinig para sa ating
iniindang paghihirap bagkus sa kawalan din natin ng nagnanais na makipag-usap
sa Diyos nang buong katapatan. Ang taong
labis-labis nang nagdurusa pero ayaw pa ring managhoy sa Diyos ay posibleng
nagsisinungaling sa Diyos.
Maging si Jesus,
pagsapit Niya sa dulo ng landas na Kanyang tinahak sa daigdig, ay nanaghoy din sa
Kanyang pagdalangin sa Kanyang Ama. Sa
hardin ng Gethsemane, ito ang panaghoy ni Jesus: “Abba, Ama, ang lahat ng bagay
ay mapangyayari Mo. Ilayo Mo sa Akin ang
kopang ito, gayunman hindi ang kalooban Ko kundi ang Iyo ang masunod.” Doon sa pagkakahandusay sa lupa ay nakatagpo
ng tinig si Jesus para sa Kanyang sariling sakit, kawalan, at pagkasindak. At dinilig ng Kanyang naghalong pawis at dugo
ang lupang saksi sa pananaghoy ng Anak mismo ng Diyos. Hindi nga binura ng Kanyang Ama ang
pagdurusa’t kamatayang nakaamba sa Kanya, pero, alam po nating hindi Niya Siya
pinabayaan: Maluwalhati Siyang magmuling-binuhay ng Ama at, ayon sa ikalawang
pagbasa natin ngayon na hango sa Sulat sa Mga Hebreo, itinanghal Siya bilang
Dakilang Saserdote para sa ating nananalig sa Kanya.
Sa Banal na Misang
ito, ipahayag natin kay Jesus ang ating panaghoy. Huwag nating itago sa Kanya ang ating
pasan-pasan. Hanapan natin ng tinig ang
ating iniinda at banggitin natin ito sa Kanya.
Gawin natin ito hindi dahil kapus na kapus tayo sa pananampalataya kay
Jesus bagkus dahil pa nga nananalig tayong nakararating sa pandinig Niya ang
ating panaghoy at bibigyang-pansin Niya ang ating iniinda. Natitiyak nating ang panaghoy natin ay
tumatagos sa puso ng Diyos.
Pero sana rin po naman,
kung paanong pinapansin at pinakikinggan tayo ni Jesus, pansin at pakinggan din
natin ang ating kapwa sa kanilang pananaghoy.
Napakarami po kasing mga “Bartimeo”; hindi lang po tayo.