27 October 2012

ANG PANALANGING TUMATAGOS SA PUSO NG DIYOS: PANAGHOY


Ikatatlumpung Linggo sa Karaniwang Panahon
Mk 10:46-52 (Jer 31:7-9 / Slm 125 / Heb 5:1-6)


Kapag nararamdaman nating may iniinda ang ating kaibigan, ang tanong natin sa kanya ay “’tol, anong problema?” o kaya “Mukhang may pinagdaraanan ka ha.  Puwede akong makinig.”  Sa ganito pong paraan, binibigyan natin siya ng pagkakataong isa-wika ang kanyang iniinda.  Pero, alam po natin, may mga taong sobrang bigat na talaga ang pinagdaraanan, anupa’t ni magkapagsalita ay hindi na nila makaya.  Nakahandusay lang sila sa lapag, subsob ang mukha sa mga palad, at nilalamon ng kanilang sariling pagdurusa at kawalan.  Sa harap ng gayong sukdulang kapighatian, pakiramdam natin tayo mismo ay walang magawa, walang maitulong, walang masabi, maliban sa makinig at manatili.

Matapos makinig, ang hakbang tungo sa ikagagaan ng ganitong paghihirap ay ang tulungan ang kapwang nagdurusa na makahanap ng tinig na aakay sa kanya palabas ng nakabibinging katahimikang kinabibilanguan niya.  Isa sa mga dakilang aral ng Bibliya ay ito: Dapat ipahayag ng tao ang kanyang paghihirap sa pamamagitan ng panaghoy at hindi ang pagpilitang balewalain na lamang ito.  Ang pananahimik ay pananatili sa kawalang-pag-asa na bunga ng pag-aakalang hindi na puwedeng magbago ang kasalukuyang karanasan.  Kaya nga, hindi nakapagtataka na maraming mga panalangin ng panaghoy sa buong kasaysayan ng Bayan ng Diyos na nasusulat sa aklat ng Mga Salmo at sa mismong Aklat ng Mga Panaghoy.  Ang mga panaghoy ay hikbi ng puso, sigaw ng pagdurusa, ungol ng paghihirap, paghingi ng tulong ng kaluluwang umiiyak.  Oo nga’t mga luha ang sumusulat sa panaghoy, ngunit nagpapahiwatig ito ng pag-asa na pupuwedeng bumuti ang kasalukuyang karanasan, na nakikinig ang Diyos at mahahabag.

Ang panaghoy ay tinig hindi lang ng pagdurusa kundi ng pag-asa’t pananampalataya rin.  Kaya nga’t ang panaghoy ay hindi pahiwatig ng kawalang-kapangyarihan o pagsuko na lamang sa kapighatiang dinaranas.  Sa halip, ang panalangin ng panaghoy ang lumilikha ng tulay sa pagitan ng tahimik na pagtitiis at ng aktuwal na pagbabago.  Ito ang nakikita natin sa ebanghelyo ngayong Linggong ito.

Nang marinig ng bulag na pulubing si Bartimeo na papalapit si Jesus sa kanyang kinalalagyan, sumigaw siya ng panalangin ng panaghoy, “Jesus, Anak ni David, mahabag po kayo sa akin!”  Pero hindi natuwa ang mga nakapaligid sa kanya; sa halip, pinatahimik nila siya.  Bawal sumigaw!  Para sa mga nakapalibot kay Bartimeo, wala siyang permisong hanapan ng tinig kanyang pagdurusa.

Sa punto pong ito, hindi ko mapigilang isipin na ang mga taong nagpapatahimik kay Bartimeo ay kumakatawan sa mga nagsusulong sa pananaw na ang taong nagdurusa ay dapat hayaang magtiis nang mag-isa sa katahimikan.  May panahong ganito rin ang saloobing relihiyoso ng maraming tao sa harap ng paghihirap ng tao.  Pero, isipin po ninyo, kung hindi itinaghoy ni Bartimeo ang kanyang paghihirap, nagpatuloy pa rin sana siyang nanahan sa daigdig ng kadiliman.  Subalit batid ni Bartimeo na kung may pagbabago mang mangyayari, dapat niyang idaing kay Jesus ang kanyang pighati.  Kung kaya’t isinigaw niya kay Jesus ang kanyang panaghoy: “Anak ni David, mahabag po Kayo sa akin.”  Bulag man si Bartimeo pero hindi bulag si Jesus sa kanya.  At mas lalong hindi bingi si Jesus sa mga panalangin ng panaghoy gaya ng kay Bartimeo.  Palibhasa, sa mismong katauhan ni Jesus ay nararanasan ang katuparan ng pahayag ni Propeta Jeremias sa ating unang pagbasa: “…titipunin Ko sila mula sa mga sulok ng sanlibutan, kasama ang mga bulag at mga pilay….  Uuwi silang nag-iiyakan habang daan, nananalangin samantalang inaakay Ko.  Dadalhin ko sila sa mga bukal ng tubig, pararaanin sa maayos na landas upang hindi sila madapa.”

Inutusan ni Jesus ang mga tao.  Malinaw ang Kanyang utos: Tawagin ninyo siya, hindi patahimikin.  Kapuna-punang biglang nagbago ang kanta ng mga tao: “Lakasan mo ang loob mo….”  Kung noong una ang sabi nila kay Bartimeo ay “Tumahimik ka!”, ngayon ay ibang-iba na: “Tumindig ka.  Ipinatatawag ka Niya,” sabi nila sa kanya.  Bago pa pinanumbalik ni Jesus ang panginin ni Bartimeo, binigyang-kaliwanagan muna Niya ang mga taong nakapalibot sa kanila.  Palibhasa, si Bartimeo man ang bulag sa kuwento ng ebanghelyo, ang mga nakapalibot naman sa kanya tunay na hindi makakita sa kalunus-lunos niyang kalagayan at sa kanilang pananagutang tulungan siya.  Lantad na lantad man ang karukhaan ng pulubing si Bartimeo, higit naman ang kawalan ng mga nakapalibot sa kanya.

Marahil po hindi nahalata ng mga tao na sila, na sa umpisa ay hadlang sa pagitan ni Bartimeo at ni Jesus, ang ginamit din ni Jesus, sa wakas, para makalapit si Bartimeo sa Kanya.  Dahil nakikinig sila kay Jesus, tinuruan sila ni Jesus na pakinggan din si Bartimeo.

Sa puntong ito, may sinasabi ang naiulat na interventions ng ating mahal na Arsobispo, His Eminence Luis Antonio G. Cardinal-Elect Tagle at ni Lingayan-Dagupan Archbishop Socrates B. Villegas sa katatapos pa lamang na Synod of Bishops on The New Evangelization in the Transmission of the Christian Faith.  Binigyang-diin nila na sa pagpapahayag ng pananampalatayang Kristiyano sa makabagong panahon, higit nating kailangan, bilang Iglesiya, ang makinig nang may kababaang-loob sa mga hinaing ng sankatauhan, lalong-lalo na yaong mga walang-boses sa lipunan.  Palibhasa, paano nga ba natin matutulungan, madadamayan, at mauunawaan ang ating kapwang nagdurusa kung dada tayo nang dada?  Huwag natin silang patahimikin.  Pakingga natin sila.  At dinggin natin sila nang may tunay at buong kababaang-loob.  Pinakikinggan ba natin talaga ang mga Bartimeo sa ating paligid o pinatatahimik?  Hindi lamang kakayahang makinig ang hinihingi sa atin, bagkus kababaang-loob din.  Talaga bang may kababaang-loob ang ating pakikinig o may pagka-triumpalismo?

Hindi tayo maaaring makatulong sa kapwang nagdurusa kung hindi muna natin siya pinakikinggan.  Minsan, tulong tayo agad nang tulong pero hindi naman pala natin talagang natutugunan ang pangangailangan ng ating kapwa dahil iba pala ang kailangan niya.  Pero bakit hindi natin iyon alam?  Kasi baka wala tayong panahong pakinggan muna siya.  Sa ating ebanghelyo ngayong araw na ito, ipinakita ni Jesus ang kahandaan Niyang makinig kay Bartimeo.  “Ano ang ibig mong gawin Ko sa iyo?” tanong ni Jesus sa kanya.  “Guro,” tugon ni Bartimeo, “ibig ko po sanang makakita.”  Nakahanap ng tinig ang pulubing bulag para sa kanyang iniinda.  At, kinikilala ang kanyang pananalig sa Kanya, pinagaling siya ni Jesus.

Nakakatuwa sapagkat, ayon sa ebanghelyo, matapos siyang gumaling dahil sa kanyang pananampalataya, ginamit daw ni Bartimeo ang kanyang bagong paningin para sundan si Jesus sa daan.  Tayo po kayang nagsasabing sumusunod kay Jesus, para saan naman natin ginagamit ang ating pananampalataya?

Ang himala ng pagpapagaling na ating natunghayan sa ebanghelyo ngayon ay bunga ang panalangin ng panaghoy.  Ang panalanging yaon ang nagpahayag ng pagdurusa at pananampalataya ni Bartimeo; nanalig siyang papansinin siya ng Diyos.  Palibhasa, bakit ka nga ba sisigaw pa kung hindi ka naman naniniwalang may papansin sa iyo?  Kayo po ba ay sumisigaw rin sa gitna ng inyong pinagdaraanang paghihirap?  May pumapansin ba sa inyo?  Meron po, ang Diyos.  Kung sakaling nagdududa kayo dahil parang wala namang ginagawa ang Diyos, baka naman po kayo ang hindi pumapansin sa Diyos kaya gayon.

Kung lumaki tayong naniniwala na ang tumpak na tugong relihiyoso sa paghihirap ay katahimikan at pasibong pagsuko, kitang-kita natin ngayong maling-mali tayo.  Dapat din palang maging mahalagang elemento ng ating mala-Kristiyanong espirituwalidad ang panalangin ng panaghoy sapagkat ang mawala iyon ay hindi lamang humahantong sa kawalan ng tinig para sa ating iniindang paghihirap bagkus sa kawalan din natin ng nagnanais na makipag-usap sa Diyos nang buong katapatan.  Ang taong labis-labis nang nagdurusa pero ayaw pa ring managhoy sa Diyos ay posibleng nagsisinungaling sa Diyos.

Maging si Jesus, pagsapit Niya sa dulo ng landas na Kanyang tinahak sa daigdig, ay nanaghoy din sa Kanyang pagdalangin sa Kanyang Ama.  Sa hardin ng Gethsemane, ito ang panaghoy ni Jesus: “Abba, Ama, ang lahat ng bagay ay mapangyayari Mo.  Ilayo Mo sa Akin ang kopang ito, gayunman hindi ang kalooban Ko kundi ang Iyo ang masunod.”  Doon sa pagkakahandusay sa lupa ay nakatagpo ng tinig si Jesus para sa Kanyang sariling sakit, kawalan, at pagkasindak.  At dinilig ng Kanyang naghalong pawis at dugo ang lupang saksi sa pananaghoy ng Anak mismo ng Diyos.  Hindi nga binura ng Kanyang Ama ang pagdurusa’t kamatayang nakaamba sa Kanya, pero, alam po nating hindi Niya Siya pinabayaan: Maluwalhati Siyang magmuling-binuhay ng Ama at, ayon sa ikalawang pagbasa natin ngayon na hango sa Sulat sa Mga Hebreo, itinanghal Siya bilang Dakilang Saserdote para sa ating nananalig sa Kanya.

Sa Banal na Misang ito, ipahayag natin kay Jesus ang ating panaghoy.  Huwag nating itago sa Kanya ang ating pasan-pasan.  Hanapan natin ng tinig ang ating iniinda at banggitin natin ito sa Kanya.  Gawin natin ito hindi dahil kapus na kapus tayo sa pananampalataya kay Jesus bagkus dahil pa nga nananalig tayong nakararating sa pandinig Niya ang ating panaghoy at bibigyang-pansin Niya ang ating iniinda.  Natitiyak nating ang panaghoy natin ay tumatagos sa puso ng Diyos.

Pero sana rin po naman, kung paanong pinapansin at pinakikinggan tayo ni Jesus, pansin at pakinggan din natin ang ating kapwa sa kanilang pananaghoy.  Napakarami po kasing mga “Bartimeo”; hindi lang po tayo.

0 Comments:

Post a Comment

Subscribe to Post Comments [Atom]

Links to this post:

Create a Link

<< Home