20 October 2012

TRIP


Ikadalawampu’t Siyam na Linggo sa Karaniwang Panahon
Mk 10:35-45 (Is 53:10-11 / Slm 32 / Heb 4:14-16)

Marami sa atin ang musmos pa lang ay marunong nang maglaro ng “Trip To Jerusalem”.  Ang larong “Trip to Jerusalem” ay unahan at agawan: unahang makaupo at agawan ng upuan dahil kulang ng isa ang silyang puwedeng upuan ng mga kalahok.  Nagtatapos ang larong ito nang may isang nakatayo at isang nakaupo.  Talo ang nakatayo at siyempre panalo naman ang nakaupo.  Kayo po, marunong po ba kayong maglaro ng “Trip to Jerusalem”?

Sadya man o hindi ng mga nakatatanda sa atin, maaga tayong natuto mula sa kanila na makipag-unahan at makipag-agawan.  Nakikita kasi natin ang ugali ng ibang mga nakatatanda sa atin: palaging nakikipag-unahan at minsan ay nakikipag-agawan pa.  Kaya naman pagtanda natin, dala-dala rin natin ang ugali ng pakikipag-unahan at pati pakikipag-agawan.  At nakakalungkot, sadya man natin o hindi, pero sa atin naman natututo ang mga nakababata sa atin.

Walang kapagurang unahan at agawan – ganito tumatakbo ang buhay ng marami sa atin.  May unahan sa pila para sa halos lahat ng pinipilahan: “Kung makalulusot para mapabilis, bakit hindi?” pagdadahilan pa ng marami.  May agawan ng lupa, mana, at pati pa nga asawa.  May unahan sa pagsakay sa dyip, sa taxi, sa tricycle, sa bus, at sa LRT.  May agawan ng celphone, handbag, at pati mga boto.  May unahang umuwi, matulog, pero walang nakikipag-unahang mamatay.  At maging sa loob ng simbahan ay meron ding agawan: agawan ng paboritong upuan, agawan ng atensyon ni Father, agawan ng schedule sa pagse-serve, at, kahindik-hindik, sa isang parokya ay minsan ko nang nasaksihan pag-aagawan ng susi ng tabernakulo ng dalawang Extra-ordinary Ministers of Holy Communion (na may tumataginting na murahan pa!) dahil parehong nilang gustong magbukas ng tabernakulo.

Wala namang nag-uunahan at nag-aagawan nang mapayapa, hindi ba?  Maaaring tahimik na nangyayari ang unahan at agawan dahil walang naririnig na ingay o salita, pero kumukulo ang mga emosyon ng mga nag-uunahan at nag-aagawan.  Mas mabuti pa nga yata ang maingay na unahan at agawan kaysa tahimik dahil, nakakatakot, baka bigla ka na lang saksakin ng kaagaw mo.  Iyon nga lang po, basta may unahan at agawan, may awayan.  Sa “Trip to Jerusalem” lang yata ang masaya ang unahan at agawan.  Pero laro lang ang “Trip to Jerusalem” na alam natin, hindi ba?

Hindi.  May alam din po tayong Trip to Jerusalem na hindi laru-laro lang.  Merong Trip to Jerusalem sa tutoong buhay.  Ito po ang Trip to Jerusalem ni Jesus at ng Labindalawang Apostol.  Ikinukuwento ito sa atin ng ebanghelyo natin ngayon.

Ang ating ebanghelyo para sa araw na ito ay mula sa Mk 10:35-45.  Bago naman ang mga bersikulong ito ay nasusulat ang ganito: “Lumalakad sila (si Jesus at ang Labindalawang Apostol) patungong Jerusalem.  Si Jesus ay nasa unahan nila, kaya nagtaka sila at ang mga sumusunod sa Kanya ay natatakot.  Muling pinalapit Niya sa Kanya ang Labindalawa at ipinaalam sa kanila kung ano ang mangyayari sa Kanya.  (At winika Niya sa kanila,) ‘Tingnan ninyo, umaahon tayo sa Jerusalem at ipagkakanulo ang Anak ng Tao sa mga punong saserdote at sa mga eskriba; hahatulan Siya ng kamatayan at ibibigay sa mga Hentil; Siya’y uuyamin, luluraan, hahatawin at papatayin; datapwat pagkaraan ng tatlong araw ay magmuling-mabubuhay’” (Mk 10:32-34).  Trip to Jerusalem nga po ang konteksto ng ebanghelyo natin ngayon.  Pero hindi lang “trip-trip” ni Jesus ang pagpunta nila ng Jerusalem: tinatahak Niya ang Kanyang pakikipagtagpo sa Kanyang tadhana.  At hindi rin “trip-trip” lang Niya na isama ang Labindawa sa Trip to Jerusalem na ito: may pakay si Jesus na ituro sa kanila.  Batay sa konteksto ng ebanghelyo, napakaseryoso talaga ng Trip to Jerusalem na ito.  Pero parang hindi seryoso ang mga apostol.

Hindi naman sila naglalaro, pero nag-uunahan sila.  Hindi naman sila nagbabalyahan, pero nag-aagawan sila.  Nais nilang lahat na makaupo sa pinakamalapit na luklukan sa magkabilang panig ni Jesus.  Opo, silang lahat.  Pero ang magkapatid na Santiago at Juan lamang ang nagkalakas-loob na hingin kay Jesus ang mga luklukang iyon.  Kung sabagay, ika nga natin, “Daig ng maagap ang taong masipag”.  Kung puwede namang hingin, bakit pa paghihirapan?  Palibhasa, baka maunahan pa sila ng sampung kaagaw.

Hay, naku, hindi pa talaga nasasakyan ng mga apostol ang nauna nang itinuro sa kanila ni Jesus sa Mk 9:30-37, isang kabanata lang ang layo sa kabanata ng ebanghelyo natin ngayon.  Nagtalu-talo na ang mga alagad kung sino ang pinakadakila sa kanila, hindi ba?  Walang nanalo sa kanila sa debateng iyon, palibhasa kasi wala namang bumoto maliban sa kani-kanilang sarili.  Sinabi na sa kanila ni Jesus na ang sinumang nais na maging una sa kanila ay dapat na maging lingkod ng lahat.  Pero wala naman sa kanila ang may gusto sa gayong kondisyon, kaya nagkaroon ng “power vacuum”.  At itong magkapatid na tinaguriang “Boanerges” o “mga anak ng kulog”, si Juan at Santiago ay tila dumadagundong na hiningi kay Jesus ang magkabilang luklukan sa Kanyang tabi sa kaluwalhatian ng Kanyang kaharian.  Wala silang patumpik-tumpik, malinaw ang gusto nila: ang isa sa kanan at ang isa ay sa kaliwa.  Sakaling mapapayag nila si Jesus, may bagong problema ang magkapatid: sino sa kanilang dalawa ang uupo sa kanan at sino naman ang sa kaliwa?

Samantala, nagalit sa dalawa ang sampu pang alagad.  Oo nga naman, muntik na silang maunahan!  Marahil, pare-pareho silang nangangarap maka-upo sa mga luklukang iyon; nahihiya o natatakot lang silang magsalita.  Hindi katulad nila Juan at Santiago!  Ang lalakas ng loob.  Walang hiya-hiya.  Mahirap talaga ang hindi nagsasalita, pero naglalaway din pala.

Ang aral ni Jesus para sa Labindalawa ay para rin sa atin.

Pansin po ninyo: Sinabi na ni Jesus na Siya ay ipagkakanulo sa mga punong saserdote at sa mga eskriba, hahatulan ng kamatayan at ibibigay sa mga Hentil, na Siya’y uuyamin, luluraan, hahatawin at papatayin.  Pero walang ganyang binanggit ang dalawang magkapatid sa kanilang hiningi kay Jesus.  Sadyang nilagpasan nila ang bahaging iyon at, sa halip, ang kaluwalhatiang kasunod ng pahihirap na lamang ang gusto nila.  Subalit ibinalik agad ni Jesus ang pag-uusap sa bahaging nilagtawan nila: ang elemento ng pagdurusa.

Ilang beses din tayong natutuksong lagtawan ang mahihirap na hinihingi sa atin ng pagsunod kay Jesus.  Pinipili lang natin iyong gusto natin, iyong kaya nating maunawaan, iyong madali sa atin.  Ayaw din natin iyong hindi natin “type”, iyong hindi na usong paniwalaan, iyong mahirap sa ating sundin.  Nasaan ang ating pananampalataya?  Nasaan ang paniniwala, pagtitiwala, at pagtalima ng pananampalatayang Kristiyano na sinasabi nating meron tayo?  Sa ating panahon, nakababagabag na parami nang parami ang mga nagsasabing Katoliko raw sila pero pinipili lang ang mga gusto nilang tanggapin sa mga katuruan ng Iglesiya Katolika samantalang gustung-gusto naman nilang makinabang sa mga biyaya ng Diyos na ipinagkatiwala Niyang ipagkaloob sa tao sa pamamagitan ng Iglesiya Katolika.  Lumalaki ang ating mga anak na pinipili lamang ang kaluwalhatian samantalang nilalagpasan ang disiplina ng pagiging mabuti at tapat na alagad ni Kristo Jesus.  At ang mga anak nating ito, mapasapamahalaan man o maging sa simbahan, ang siyang magiging mga pinuno natin sa di-malayong bukas.

Para kay Jesus, ang kaharian ng Diyos ay hindi tungkol sa kung sino ang nakaluklok kundi sa kung sino ang nakapako.  Hindi kaabalahan ni Jesus ang korona; bagkus, ang krus.  Malinaw ang aral: walang shortcut sa kaluwalhatian.  Ika pa nga natin, “No pain, no gain”.

Para sa Labindalawang Apostol at para sa atin, patuloy na itinatambad ni Jesus ang sarili Niyang imahe ng kapangyarihan at pagiging maykapangyarihan.  Sa Lk 22:27, winika ni Jesus, “Ako ay nasa piling ninyo bilang lingkod.”  Sa pagwawakas nga ng ating ebanghelyo ngayon, sinabi Niya: “Sapagkat ang Anak ng Tao ay naparito, hindi upang paglingkuran kundi upang maglingkod.…”  At napakahalaga po kung paano tinapos ni Jesus ang pangungusap na ito: sinabi pa Niya, “…at ibigay ang Kanyang buhay sa ikatutubos ng lahat.”

Tinupad ni Jesus ang pahayag ni Propeta Isaias sa unang pagbasa tungkol sa nagdurusang lingkod ng Diyos: si Jesus ang Nagdurusang Lingkod ng Diyos.  Nagdurusang lingkod ba tayo ni Jesus?  At ang pagdurusa ba natin ay tunay na alang-alang sa ebanghelyo ni Kristo at para sa Santa Iglesiya?  Sa maraming pagkakataon, gaya halimbawa sa Efeso 3:1, Efeso 6:20, 2 Tim 1:8, 2 Tim 2:9, at unang kabanata ng kanyang liham kay Filemon, tinukoy ni San Pablo Apostol ang kanyang pagkakabilanggo bilang kaakibat ng kanyang pagpapahayag ng ebanghelyo.  At sa kanyang liham sa mga taga-Kolosas (1:24), isinulat ni San Pablo, “Ngayon ay nagagalak ako sa aking mga tinitiis dahil sa inyo, at pinupunan sa aking laman ang mga kulang sa mga paghihirap ni Kristo na patungkol sa Kanyang katawan na dili iba’t ang Iglesiya.”  Masasabi rin po ba natin ang ganito tungkol sa ating mga tiisin sa buhay nang hindi tayo lalabas na sinungaling o magmumukhang kahiya-hiya?

Ang larawan ni Jesus ng taong tunay na dakila ay yaong lingkod ng lahat.  Kung meron mang unahan sa Kanyang sambayanan, yaon ay ang pangungunang makapaglingkod sa kapwa.  Si Jesus, na tumakas nang mahalata Niyang gusto Siyang gawing hari ng mga nabusog Niya, ay mapangsuspetsa sa mga taong presentado pagdating sa kapangyarihan.  Galit Siya sa mga naghahari-harian.  Ayaw ni Jesus sa mga kapangyarihang hindi marunong yumuko para paglingkuran ang mga aba at ayaw marumihan ang mga kamay at paa sa pagdamay sa kapwa.  At ang mga nagkukuwaring walang ambisyong maupo sa trono, kung kaya’t tatahi-tahimik lang “kuno”, ngunit naglalaway din pala sa kapangyarihan, ay walang maitatago sa Kanya.

Para kay Jesus, hindi laro ang Trip to Jerusalem.  Seryoso ito.  At hindi ito unahan o agawan kundi sama-sama, tulung-tulong, at pagdadamayan.  Walang silya at walang uupo.  Ngunit merong krus at may ipapako.  At ang panalo ay ang napako sa krus na ito.  “Subalit kung tayo ay namatay na kasama ni Kristo, sumasampalataya tayong mabubuhay na kasama ni Kristo, sapagkat alam natin na si Kristo na magmuling-nabuhay ay hindi na mamamatay; wala nang kapangyarihan sa Kanya ang kamatayan” (Rom 6:8-9 at 2 Tim 2:11).  Magpakatatag tayo sa pananampalatayang ito, ika ng ikalawang pagbasa natin ngayon mula sa Sulat sa Mga Hebreo, sapagkat si Jesukristong Dakilang Saserdote natin ay nakauunawa sa ating mga kahinaan kung kaya’t huwag tayong mag-atubiling lumapit sa Kanyang trono, hindi upang agawin iyon o unahan ang ibang hilingin ang mga luklukan sa magkabilang panig niyon kundi para kamtin “ang habag at kalinga sa panahong kailangan natin ito.”

Iyan ang trip ni Kristo.  Kayo po, ano ang trip n’yo?

0 Comments:

Post a Comment

Subscribe to Post Comments [Atom]

<< Home