NASA MGA KAMAY ANG HIMALA
Ikalabimpitong Linggo sa Karaniwang Panahon
Jn 6:1-15 (2 Hari 4:42-44 / Slm 144 / Ef 4:1-6)
Makailang beses na na may okasyon sa parokya at nag-alala ako kung paano namin mapakakain ang maraming mga taong dumating. Pero wala pang pagkakataong umuwi ang mga dumating na gutom o di man lamang nakatikim ng handa.
Ang nakapagtataka, may mga okasyong hindi naman naming talaga alam kung ilan ang darating – madalas ay tantiyahan lang – pero ni minsan ay hindi nangyaring napahiya kami sa mga bisita. Palaging may pagkain. Hindi nagkukulang. Nakapagbabalot pa ang iba.
Minsan napapahiya ako sa sarili ko dahil sa kakulangan ko ng pananampalataya. Kapag nakita ko ang napakaraming dumating, natatanong ko ang mga pinunong-lingkod ng parokya, “Naku, magkakasya kaya ang handa natin?” At ang sagot na palagi kong natatanggap ay “Naku, Father, don’t worry. Kakasya po ang handa nating pagkain.” At kumakasya nga! Kadalasan, sobra-sobra pa, kaya ang litson ay pinaksiw na, isinigang na, prinito pa ulit sa kawali, at ilang araw din naming ulam sa kumbento.
Minsan din, kinakabahan ako kapag malapit na ang salu-salo, may mga bisita na ring dumating, at wala pang pagkain. Hindi ako mapakali. Hindi ko maiwasang magtanong ulit, “Nasaan na kaya ang potluck natin? Anong oras kaya darating ang mga pagkain?” Tapos, sasagutin ako ng napagtanungan kio, “Huwag kang mag-alala, Father, darating yan.” At dumarating nga! Parang may parada ng pagkain sa parokya.
Kapag naiisip ko ang mga pangyayaring ito, napangingiti ako sa kaliitan ng pananampalataya ko at napahahanga naman ako sa laki ng pananamapalataya ng mga tao sa parokya. Hindi pa nila nakikita, pero sigurado na silang maraming pagkain sa hapag. Hindi pa nila naaamoy, pero alam na alam na nilang darating ang mga pagkain. Hindi pa nila naihahain, pero tiyak silang makakakain ang lahat. Ang galing ng pananampalataya nila! At sama-sama ang mga kamay nila para gumawa ng himala ang pananampalataya nila. Pari man ako, natututo pa rin ako sa kanila na higit na magtiwala hindi lamang sa pagkalinga ng Diyos kundi pati rin sa kagandahang-loob ng bawat-tao.
Ngayong Linggong ito, muli tayong binubusog ng Salita ng Diyos. Pagsaluhan natin.
Una, ang lahat ay biyaya at ang biyaya ay nasa lahat ng dako. Everything is grace and grace is everywhere. Hindi nagkukulang ang Diyos sa pagpapadala sa atin ng mga biyaya sapagkat ang lahat nga ay biyayang nagmumula sa Kanya. Pero madalas naman ay iba ang ating pag-unawa sa biyaya. Mahilig tayo sa kagila-gilalas, bongga, at kagulat-gulat. Nag-aabang tayo ng pagyanig ng lupa, pagkidlat, mga pag-usok-usok, at pati pagsasayaw ng araw bago tayo maniwalang saksi nga tayo sa isang himala. Adik tayo sa malalaking himala. Napapalampas natin ang mumunting milagro sa paligid natin. Ang tingin natin palagi sa meron tayo ay kulang. Kung hindi naman kulang, ni hindi natin tinitingnan kasi hindi ayon sa gusto at mga paraan natin. Samantalang winawaldas ng iba ang mga biyaya ng Diyos sa pamamagitan ng pag-aabuso, meron din namang sinasayang lang nila ang mga ito sa pamamagitan ng pagbabale-wala sa mga kaloob ng Diyos sa kanila. Bago masayang ang limang tinapay na sebada at dalawang isda, pinagyaman ito ni Jesus at ginamit para makakain ang mga tao. Huwag nating sayangin ang mumunting mga biyaya ng Diyos at huwag na huwag din naman nating aabusuhin ang mga kaloob ng Diyos sa atin. Buksan natin ang mga mata ng ating puso at makikita nating halos malunod na tayo sa grasya ng Panginoon.
Ikalawa, dahil biyaya ang lahat, dapat nating panatilihing biyaya ang lahat. Kailangang padaluyin ang pagiging regalo ng mga biyayang tinatanggap natin mula sa Diyos. Mistulang dumadaan lang sa ating mga kamay ang mga kaloob ng Diyos. Wala talaga tayong pagmamay-ari. Mga katiwala tayo, hindi may-ari. Hindi man ito batid ng batang may dalang limang tinapay at dalawang isda, ginamit pa rin siya ni Jesus upang ituro ang kahulugan ng pagiging hindi lamang biniyayaan ng Diyos kundi ng pagiging biyaya rin sa kapwa.
Mistulang isang talinhaga ang buong kuwento ng mahimalang pagpapakain sa limanlibo. Sa dami ng naroroon, palagay ko, hindi lang ang batang binanggit ang may dalang baon. Parang imposibleng sa ganun karaming tao ay isa lang ang makakaisip magbaon o pabaonan ng nanay o asawa o kapatid n’ya. Ngunit sapat na ang isa para ipakita sa atin ni Jesus na ang mga biyaya ng Diyos, ang mga pabaon sa atin ng Diyos sa paglalakbay sa buhay, ay hindi talaga para sa sarili lamang. Ang biyayang tinatanggap natin ay dapat bumago sa atin at gawing biyaya rin tayo mismo sa iba. Maaaring hindi lang nga isa ang may baon, pero lubhang marami pa rin ang walang dalang baon. Ipagbaon natin sila. At ipagbaon natin sila kahit pa sariling kapabayaan o likas na katangahan ang dahilan kaya wala silang baon. Walang mabuting kahihinatnan ang sisihan. Para sa lahat ang mga biyaya ng Diyos; pabaon Niya ito sa atin – huwag mong ibaon para hindi makita ng iba, bahaginan mo ang mga hindi nakapagbaon, ang mga walang baon, ang mga walang maibaon, ang mga nakalimot magbaon, ang mga ninakawan ng baon, ang mga napanisan ng baon, ang mga nilanggam ang baon, ang mga natapon ang baon, at ang mga hirap na hirap nang magbaon.
Ikatlo, tulad ng sinabi ni Archbishop Chito sa aming katatapos pa lamang na annual clergy retreat, wala naman talaga sa limang tinapay at dalawang isda ang himala kundi nasa mga kamay na tumanggap, nagpasalamat, at nagpamahagi ng mga biyayang iyon. Palibhasa, ika nga ni Archbishop Chito, kung ang limang pirasong tinapay at dalawang isda sa kamay ni Jesus ay nakapagpapakain ng limanlibong katao, sa kamay ng taong ganid, makasarili, at maramot, kahit pa limanlibong pirasong tinapay at dalawanlibong isda ay hindi sasapat kahit lilimang tao lang ang maghahati. Ang himala ay nasa mga kamay na tumatanggap, hindi lamang sa tinatanggap ng kamay. Ang himala ay nasa mga kamay na mapagpasalamat, hindi lamang sa ipinagpapasalamat. Ang himala ay nasa mga kamay na marunong at magaang magbahagi sa kapwa, hindi lamang sa ibinabahagi.
Sa Banal na Misang ito, tinipon tayo ni Jesus upang tayo ay busugin. Anuman ang dala nating ambag, ang lahat ay mabubusog kung marunong siyang kumilala sa lahat, maging ang mga mumunting bagay, bilang biyaya ng Diyos. Ngunit kung hindi natin hahayaang baguhin tayo ng pagkaing handog ni Jesus sa atin – ang Banal na Eukaristiya – tungo sa pagiging mga biyaya mismo ng Diyos sa kapwa, maiimpatso tayo, hindi tayo matutuwan, balewala ang sustansyang nais ng Diyos na sana ay bumusog sa atin. Pero kung tutoong tinatanggap at ipinagpapasalamat natin sa Diyos ang ating limang pirasong tinapay at dalawang isda, dapat ang mga kamay natin ay maging tulad ng kamay ni Jesus: mapagbahagi sa kapwa. Ang tawag natin sa taong puspos ng biyaya ay maPALAD, hindi ba? Hindi nakapagtataka.