15 July 2012

HUWAG MAGING ENGOT: TRAVEL LIGHT!

Ikalabinlimang Linggo sa Karaniwang Panahon
Mk 6:7-13 (Amos 7: 12-15 / Slm 84 / Ef 1:3-10)

Nitong huli kong paglalakbay sa Europa, na nagdala sa akin sa tatlong bansa – Italya, Francia, at España – isang lumang aral ang napatunayang hindi ko pa rin natutunan: “travel light”.  Bago ako mag-impake, talagang pinasya kong kaunti lang ang dadalhin ko.  Ang gusto ko pa nga ay maliit na maleta lang.  Labindalawang araw akong maglalakbay at ang gusto ko sana ay ilang t-shirt at pantalon lang ang dadalhin ko.  Pero bukod sa ilang t-shirt at pantaloon, kailangan ko rin magdala ng alba, clerical polo, amerikana, itim na leather shoes, sandals, medyas, toiletries, at dalawampu’t apat na “3-n-1” coffee and tea sachet.  Bukod pa roon ang gel, electronic shaver, dalawang jacket, notebook computer, appointment book, notebook, ipad, isang aklat ni Carlo Carretto, at, siyempre, ang aking breviary.  Sa madaling salita, ang pasiya ko ay hanggang pasiya lang, at nang timbangin ang maleta ko ito ay may bigat na 23 kls.  Ang maleta ko ay lampas ng tatlong kilo sa bigat na pinapayagan ng airline.

Nang ako ay mag-check-in sa paliparan, handa akong magbawas ng mga dala ko kung sakaling hindi ako palusutin.  Pero, pinalusot at ako ay nakalipad.

Hindi ko maintindihan kung bakit kahit wala pa akong anumang binibili ay tila bumibigat na ang maleta ko.  Nang ako ay lumipad mula Italya patungong Francia, 24 kls na ang bigat ng maleta ko.

Nakalusot ako sa Italya patungong Francia.  Pero pagdating ko sa Francia, nagsimula nang mangusap sa akin ang Panginoon sa pamamagitan ng aking mahiwagang maleta.

Wala pang problema sa Lourdes, pero pagdating ko sa Paris, hindi ko na  maikailang napakabigat talaga ng dala-dala ko.  Pag-check-in ko sa hotel sa Paris, sinabi sa akin sa front desk na ang kuwartong nakareserba sa akin ay nasa ika-anim na palapag.  Pumunta ako sa lift (o elevator kung tawagin sa atin), pumasok, at pipindutin na sana ang button para sa 6th floor, pero walang button para sa 6th floor!  Hanggang 4th floor lang ang buttons.  Parang engot, sinabi ko pa sa sarili ko, “Baka naman may mali sa pagkakagawa ng mga button, at ang 4th floor ay pang 6th floor.”  Kaya, mas lalong engot, pinindot ko ang button para sa 4th floor.  Pagbukas ng lift, 4th floor nga!  Pasok ulit ako sa lift at bumalik sa front desk.  “Yes?” nakangiting salubong sa aking ng porter na Frances, isang lalaking may matining na boses.  “Sir, you don’t have a 6th floor,” sabi ko na medyo natatawa.  “Yes, we have!” sagot ng porter na Frances na may matining na boses.  “But your lift goes up to the 4th floor only,” natatawa pa rin ako pero nagtitimping sinabi.  Nakangiting sabi ng porter na Frances na may matining na boses, “Oh, but you have to walk.”  Balik ako sa lift at pagdating ko sa 4th floor, isipin n’yo na lamang kung paano ko hinila sa dalawang palapag ang 24 kls na maleta ko.  Na-miss ko talaga ang mga alalay ko rito na ayaw na ayaw akong pagbubuhatin.

Hayaan ninyong tapusin ko ang kuwento dahil hindi pa tapos ang leksyon sa akin ng Diyos.

Sa kabila ng bigat ng aking maleta na lagpas sa takdang limitasyon, nakalagpas nga ito palabas ng Pilipinas at Italya.  Pero nagbago ang kuwento nang palabas na ako ng Francia patungong España.  Masungit na Kastilang babaeng attendant sa check-in counter ng Vuelling Airways sa Charles de Gaulle Airport, Paris.  Tinimbang ang mahiwaga kong maleta: 28.5 kls na!  Umandar ang pagka-Pinoy ko: “Please be kind to this poor priest,” pakiusap ko.  “I cannot do that,” sabi ng masungit na Kastilang babaeng attendant sa check-in counter.  Tapos dagdag pa niya, “You have to take some out from your baggage and transfer them to your hand-carried.”  Kaya naman, binuksan ko ang maleta ko at sininulang ilipat sa hand-carried ko ang ilang gamit.  Isang makapal na jacket at notebook computer pa lang ang naililipat ko nang tanungin ko ang attendant, “How much does it cost to pay my excess?”  “12 Euros for every kilo,” sagot n’ya.  Kinuwenta ko.  Kesa mabigatan ako, tutal huling bansa na ito sa mga pupuntahan ko, binalikan ko ang attendant at sinabi, “I will pay” (ang yabang ko kaya, marami pa kasi akong dollars at euros).  Tumitig siya sa akin at sinabi, “Put it back on the weighing scale.”  Kaya, ibinalik ko sa timbangan.  Tiningnan ng attendant ang timbang, tapos tumingin ulit sa akin, hindi ngumingiti, at biglang sinabi, “Okay!”  “How much do I have to pay?” tanong ko sa kanya.  “No, you don’t pay,” sagot niya sa akin.  Nagpasalamat ako pero naibulong ko sa sarili ko, “Pambihira itong babaeng ito; pinagbukas lang ako ng maleta.”  Pero noon ko higit na natanto na nangungusap nga sa akin ang Panginoon sa pamamagitan ng aking mahiwagang maleta.

Habang hinihintay ko ang eroplanong magdadala sa akin at sa aking mahiwang maleta sa Madrid, buo na ang pasiya kong kailangan kong mag-iwan sa España ng ilang mga damit at kung ano pa ang puwedeng hindi ko na na dalhin pag-uwi ko ng Pilipinas.  Pagdating sa Madrid, binisita ko ang Casa Madre ng mga Adorers Sisters na may bahay din sa ating parokya, bitbit ko ang isang plastik ng mga damit – ang ilan ay mga paborito kong t-shirts at pantaloon – na iniabot ko sa isang madre roon at ibiniling labhan at ipamigay sa mga dukhang pinaglilingkuran nila.  At nang ako ay pauwi nang Pilipinas, hindi ko na ibinalik sa maleta ang lahat ng toiletries at sachets.  Bago ako pumuntang paliparan, tinantya ko ang timbang ng mahiwagang maleta ko.  Uy, medyo magaan-gaan na s’ya!

Pag-check-in ko sa Bajaras Airport, Madrid, pauwing Pilipinas, palagay ko’y matatawang-maiinis kayo sa akin, ang timbang ng mahiwagang maleta ko ay 27.5 kls!  Isang kilo lang ang nabawas.  Napalitan na kasi ng mga tsokolate at ibang mga pasalubong ang mga iniwan at ipinamigay ko sa Madrid.  Hindi ko na hinayaan pang makapagsalita ang attendant sa check-in counter, isang magandang babaeng Kastila na nakangiti lagi: “How much do I need to pay?” tanong ko sabay ngiti sa kanya.  Tumamis ang ngiti niya at sinagot ako, “No, you do not need to pay.”  Nagpasalamat ako, nginitian siya, at umalis na ako agad, baka magbago pa ang isip n’ya.  Pero habang papalayo ako sa kanya, kitang-kita ko ang katangahan ko: kahit ilang beses nang itinuro sa akin ng Panginoon, hindi ko pa rin matutu-tutunan na dapat maging magaan sa paglalakbay.

“Travel light!”  Alam nating lahat ‘yan.  Pero sinusunod ba natin talaga ‘yan?  “Travel light!”  Nakita na natin ang mangyayari kapag hindi natin sinunod ‘yan.  Pero natutunan na ba natin ‘yan?  “Travel light!”  Ipinapayo rin nga natin ‘yan sa iba, hindi ba?  Pero tayo mismo ay nahihirapang gawin ‘yan.  Marami kasi tayong mga inaakalang mahalaga na hindi naman pala mahalaga.  Marami tayong iniisip na kailangan pero hindi naman pala talaga kailangan.  Marami tayong mga agam-agam: “Baka kakailanganin ko ‘yan doon.”  Marami tayong pag-aalala: “Baka wala n’yan doon.”  Marami tayong mga nililikhang pangangailangan na sa tutoo lang ay mga kalabisan.  Kung ang buhay nga ay isang paglalakbay, di hamak na gagaan ang ating buhay kung babawasan natin ang dala-dala natin, kung bibitiw tayo sa mga pinagkakapitan natin, kung talagang gagawin natin ang pasiya nating palayain ang ating sarili sa mga walang-kuwentang pag-aalala natin.

Sa ating pakikibahagi sa misyon ni Jesus na ipalaganap ang paghahari ng Diyos, sa pamamagitan ng salita at gawa, lubhang mahalaga rin na maisakatuparan natin ito nang malaya sa anumang hindi naman kinakailangang mga pabigat at lahat ng uri ng pagkakaalipin.  Tayo mismo ang dapat na maging unang halimbawa ng pagtitiwala sa mala-Amang pagkalinga ng Diyos.  Gaya ng sinasabi ni San Pablo Apostol sa mga taga-Efeso, sa ikalawang pagbasa, may plano ang Diyos para sa atin at napakaganda ng plano Niyang ito.  Matutupad at matutupad ito hindi lamang dahil hindi nabibigo ang Diyos kundi dahil hindi rin Niya tayo pababayaan.  Kung tunay na mulat lamang ang mga mat ang ating puso, kitang-kita natin na ginagawa nga ng Diyos ang hinihingi natin sa tugon sa Salmo sa Misang ito: Ipinakikita Niya ang pag-ibig Niya at inililigtas Niya tayo sa dusa.  Tulad ni Amos sa unang pagbasa, ipagpatuloy lang natin ang dapat nating gawin sa ngalan ng Panginoon at huwag matakot – ito man ay mga pangngailangan sa buhay o maling paratang ng iba.

Ang pananampalataya natin na ang Diyos ay Ama natin ay dapat tunay na naisasalin natin sa kongkreto at mapagtayang pagtitiwala sa Kanya.  Hanggang hindi tayo tutoong nagtitiwala sa Diyos, mabigat ang ating paglalakbay.  Hanggang hindi natin tunay at buong-buong sinusuko ang ating sarili sa Panginoon, hindi lamang parami nang parami ang mga dala-dala natin sa buhay, pabigat nang pabigat pa.

Napaka-engot ko talaga.  Hindi ko naman kailangang mabigatan sa paglalakbay.  Pero nabigatan ako.  Kayo, engot din ba kayo?

0 Comments:

Post a Comment

Subscribe to Post Comments [Atom]

<< Home