08 July 2012

MGA PROPETA TAYO

Ikalabing-apat na Linggo sa Karaniwang Panahon
Mk 6:1-6 (Ez 2:2-5 / Slm 122 / 2 Cor 12:7-10)

Ang mga pagbasa ngayong ikalabing-apat ng Linggo sa Karaniwang Panahon ay tungkol sa pagiging propeta.  Napakaganda ng sinasabi sa atin ng mga pagbasang ito.  Pero linawin muna natin kung ano nga ba ang propeta.

Agad kailangan nating maunawaan na ang propeta ay hindi manghuhula.  Ang panghuhula ay hindi pangunahing gawain ng isang propeta.  Ang katagang “propeta” ay mula sa wikang Griyego, prophetes, na ang literal na kahulugan sa wikang Ingles ay “to sound through”.  Kumbaga ba sa atin, “daanan ng tunog” ang isang propeta.

Samakatuwid, ang propeta ng Panginoon ay daanan ng “tunog” ng Panginoon.  Hindi tunog ng propeta ang dapat nating naririnig o pinakikinggan, dapat tunog ng Diyos.  Kaya nga ang isang propeta ng Panginoon ay isang tagapagsalita ng Panginoon.  Ang mensahe niya ay hindi kanya kundi sa Panginoon.  At dahil hindi nga kanya, bagkus sa Panginoon, kahit hindi niya gusto ang ipinasasabi sa kanya ng Diyos dapat niya itong sabihin.  Para masabi niya ang mensahe ng Panginoon, dapat muna siyang pagpahayagan ng Panginoon.  At ang mensaheng dapat niyang ipahayag sa taumbayan ay para sa kanya rin.

Katulad po ng aking ministeryo ng pangangaral ng Salita ng Diyos, kung akala ninyong kayo lang ang pinangangaralan ko, maling-mali po kayo.  Sinermonan na ako ng Panginoon bago ko kayo sermonan.  Kung tinatamaan kayo sa aking pangangaral, maniwala po kayo, posibleng posibleng una na akong tinamaan bago pa kayo.  Subalit, kahit pa maging ako ay nasasaktan o kaya ay nako-konsensiya sa aking ipinahahayag sa inyo, dapat ko pa ring sabihin sa inyo ang mensahe ng Salita ng Diyos.  Hindi akin ang mensaheng ito, sa Panginoong Diyos.

Kapag naipahayag na ng propeta ang ipinasasabi ng Panginoon sa mga tao sa pamamagitan niya, maliban na lamang kung may nais pang ipasabi o ipagawa sa kanya ang Panginoon, tapos na ang gawain ng propetang iyon.  Hindi tagumpay ng propeta ang pagbabagong-loob ng kanyang pinagpahayagan; tayumpay iyon ng Salita ng Diyos.  Ngunit sakaling bigo ang propeta, maliban na lamang kung dahil sadyang matigas ang puso ng mga taong kanyang pinagpahayagan, siya lamang ang maaaring sisihin at hindi ang Salita ng Diyos sapagkat ang Salita ng Diyos ay laging mabisa at, gaya ng sinasabi ng Banal na Kasulatan, laging nakakamit ng Salita ng Diyos ang layunin Nito at hindi Ito bumabalik sa Diyos nang hindi nagagawa ang pakay.  Dahil dala-dala ng propeta ang kanyang pagkatao – sampu ng kanyang mga kagalingan at mga kahinaan – minsan, siya rin mismo ay nagiging hadlang sa mensaheng dapat niyang ipinahahayag.

Tayong lahat, sa bisa ng binyag na ating tinanggap, ay nakikibahagi sa propetikong misyon ng Panginoon Jesus.  Dapat tayong maging mga tagapagpahayag ng Salita ng Diyos sa pamamagitan ng mga salita at, higit sa lahat, mga gawa.  Hindi lamang ako na pari ang may gampaning propetiko, kayo rin.  Ang aking pakikibahagi sa propetikong misyon ni Jesus ay nasa konteksto ng inordenahang ministeryo at ang sa inyo naman ay sa nibel ng pagiging layko, subalit pinagsasaluhan natin ang iisang propetikong gampanin ni Kristo.  Kaya’t mabuting tingnan na natin ang sinasabi sa atin ng mga pagbasa natin ngayon.

Ang tatlong pagbasa natin sa Banal na Misang ito ay naglalarawan sa atin ng mga karanasan ng propeta.

Sa unang pagbasa, sinasabi muna sa atin ni Propeta Ezekiel kung paano siya naging propeta ng Panginoon.  “Nilukuban ako ng Espiritu.”  Tapos daw, “Itinayo ako.”  Ang tugon naman ni Propeta Ezekiel sa karanasang ito ay pakikinig sa “isang tinig”.  Ang tinig na iyon ang “tunog na dapat dumaan sa kanya”, ang tinig na may mensaheng dapat niyang ipahayag sa mga tao.

Walang propeta ng Panginoon na hindi pinupuspos ng Panginoon ng Kanyang Espiritu mismo.  Kailangang tawagin ang magiging propeta at tanda ng paghirang ng Panginoon sa kanya ang palukob sa kanya ng Espiritu ng Panginoon.  Kung kaya’t ang propeta ay makapangyarihan hindi dahil sa kanyang sarili kundi dahil sa Panginoon.  Dapat ingatan ng propeta na tanging Espiritu lamang ng Panginoon ang pinagmumulan ng kanyang kapangyarihan.  Hindi siya dapat magpasapi sa kung anu-anong espiritu, lalong-lalo ng sa masamang espiritu.

Tayo ba, anong espiritu ang lumulukob sa atin?  Baka kung anong espiritu na ‘yan.  Bagamat kung wala ang awa ng Diyos ay hindi natin kaya, pinagsisikapan ba nating mapanatiling karapatdapat na luklukan ng Espiritu Santo o wala tayong pakialam balasubasin man tayo ng masamang espiritu.  Sa lahat ng panahon at saan mang dako, maraming iba’t ibang espiritu, at di iilan sa kanila ang mula sa diyablo mismo.  Kaya, mag-ingat!

Hinahayaan ba nating itayo tayo ng Espiritu ni Kristo?  O nagtitiwala na tayo sa espiritu ng kung anu-anong espiritu?  Naku po, kapag masamang espiritu ang lumukob sa atin, sa halip na itayo tayo, siguradong itutumba tayo nito!  Anong gusto ninyo, itayo kayo o itumba kayo?

Kaya naman, katulad ni Propeta Ezekiel bago siya nagpahayag, kailangang nakikinig tayo sa tinig ng Panginoon.  Dapat laging nakikinig sa Diyos.  Hindi ito matatawaran para magampanan natin ang ating propetikong misyon.  Bagamat posible pero hindi pangkaraniwan sa ating kapanahunan, hindi natin naririnig ang tinig ng Diyos gaya ng pagkakarinig ninyo sa akin ngayon.  Subalit, bagamat hindi ako karapatdapat, maaari akong gamitin ng Panginoon para mangusap sa inyo.  Nangungusap Siya sa inyo habang napakikinggan ninyo ako, harinawa’y ipinupunla sa inyong puso ang Kanyang salita na sana’y mamunga nang masagana hindi lamang para sa inyo kundi para rin sa iba.  Ginagamit din ng Diyos ang ibang tao at ang iba’t ibang pangyayari sa ating buhay para kausapin tayo.  At hindi mapapantayan ang Banal na Kasulatan bilang kasangkapan ng Diyos para mangusap sa atin.  Maraming Siyang paraan para marinig natin Siya hindi lamang sa pamamagitan ng tainga kundi sa pamamagitan din ng puso.  Ngunit kung wala tayong panahon para sa Kanya, paano natin Siya maririnig?  Pag-aksayahan natin ng oras ang Diyos.  Basahin na Bibliya at pagnilayan ang sinasabi nito sa buhay natin.  Pagnilayan natin ang ating mga karanasan at balik-tanawin na natin ang ating maghapon bago tayo matulog sa gabi.  Huwag nating bale-walain ang homilya ng pari.  Dumalo tayo ng mga recollection, mga retreat, mga catechetical formation, at iba pang mga makatutulong sa ating paghuhubog bilang mga alagad ni Jesus.  May oras tayo sa mga walang kapararakan at mga ka-ek-ekan sa buhay, may oras ba tayo para sa Diyos?  Dinggin natin at sundin ang mahisteryo ng Santa Iglesiya – ang Santo Papa at ang Obispo – sa larangan ng pananampalataya at moralidad.  Ang dali nating pinaniniwalaan at sinusunod na kung anu-ano, bakit hindi natin ibigay ang pagtitiwala at pagtalima sa mahisteryo ng Santa Iglesiya na itinayo ni Kristo sa batong si Simon Pedro?

Sa ikalawang pagbasa naman, nagsha-sharing si San Pablo Apostol tungkol sa kanyang krus sa pagiging tagapagpahayag ng Ebanghelyo.  Kung ano ang krus na iyon, hindi natin alam at pinagdedebatehan pa ng mga dalubhasa sa Bagong Tipan.  Subalit malinaw na, maging si San Pablo Apostol ay hindi exempted sa mga pasanin sa buhay.  May kahinaan din siya; nang magsimula siyang maging tagapangaral ng Mabuting Balita ni Kristo, hindi biglang naging anghel o superman kaya.  Taong-tao pa rin: may mga kahinaan.  Sa katunayan, gaya rin natin, hiningi raw niya sa Panginoon na alisin ang “tinik” na ito sa buhay niya…not once, not twice, but thrice!  Pero ano ang sagot ng Diyos sa kanya?  “My grace is sufficient for you.  For in your weakness my power is more revealed.”  Nagtampo ba si San Pablo sa sagot na ito ng Diyos sa kanya?  Nawalan ba siya ng loob na ipagpatuloy ang gawaing iniatas sa kanya ng Panginoon?  Tinalikuran ba niya si Jesus?  Hindi.  Sa halip, nabuksan ang kanyang pag-unawa sa kanyang “tinik” sa buhay: kaya raw iyon binigay sa kanya ng Diyos ay para hindi siya maging mayabang dahil kamangha-mangha raw ang ipinahayag sa kanya ng Diyos.

Simple lang naman ang tanong sa atin.  Tayo kaya, anong tingin natin sa “tinik” natin sa buhay, sa krus na ating dapat pasanin, sa ating mga personal na kahinaan?  Sana makita rin natin ang mga ito sa parehong liwanag na tumulong kay San Pablo Apostol na tanggapin ang kanyang sariling “tinik”, krus, kahinaan sa buhay.  Tandaan ha: hindi porke nakikibahagi tayo sa propetikong gawain ni Jesus ay exempted na tayo sa mga paghihirap sa buhay at mga pakikibaka sa sariling mga kahinaan.  Hindi ‘yan kasama sa fringe benefits ng pagiging propeta ng Panginoon.  Babala ito sa mga mahilig sa exemptions.  Tayong mga Pinoy, mahilig diyan mapa-gobeyerno o mapa-simbahan man.

Sa wakas, gawin man natin ang lahat ng dapat gawin ng tagapagpahayag ng Salita ng Diyos, hindi pa rin natin tiyak kung tatanggapin ng mga pinagpapahayagan natin ang mensaheng hatid natin mula sa Panginoon.  Kung si Jesus nga mismo sa Ebanghelyo natin ngayon ay ayaw kilalanin ng sarili Niyang mga kababayan, tayo pa kaya?

Ang Salita ng Diyos ay katotohanan.  At madalas, masakit ang katotohanan; mahirap tanggapin, mas gustong iwasan ng karamihan.  Nabasa ko nga minsan ang ganito “The truth sets you free but it will hurt you first.”  Meron ba ritong gustong masaktan?  O meron ditong gustong nasasaktan pa bago sumunod?

Walang ipinangangako ang Diyos na tatanggapin tayo ng mga taong pinagpapahayagan natin ng Kanyang Salita.  Basta’t ipahayag natin ang Kanyang Salita nang naaayon sa atas na tinanggap natin mula sa Kanya, at bahala na Siyang dalhin ito sa kaganapan.  Tandaan natin, Salita Niya ang dapat nating ipahayag, hindi atin.  Nakikibahagi lamang tayo sa propetikong misyon ni Kristo, hindi tayo ang Kristo.  Matutupad ng Salita ng Diyos ang pakay Nito.  Gagawin ni Kristo ang dapat Niyang gawin.  Ang tanging kaligayahan natin ay ang natupad natin ang iniatas sa atin ng Panginoon, at, katulad ng tugon natin sa Salmo sa Banal na Misang ito, patuloy nating ituon ang ating mga mata sa aw ang Panginoon.

Isabuhay nawa natin sa tuwina ang propetikong misyon na tinanggap natin mula kay Jesus sa pamamagitan ng ating binyag.  Hindi natin kailangang manghula.  Ang kailangan natin ay ipahayag ang Salita ng Diyos.  Katulad ng gawi ni San Francisco ng Assisi, sinasabi ko sa inyo, “Humayo kayo at ipahayag ang Ebanghelyo ni Kristo.  Magsalita kayo...kung kinakailangan (lang).”

0 Comments:

Post a Comment

Subscribe to Post Comments [Atom]

<< Home