PASKO: PAGBABATIAN AT PAGREREGALUHAN
Pasko ng Pagsilang ng Panginoong Jesus
Is 9:1-6/Tit 2:11-14/Lk 2:1-14
Maligayang Pasko po sa inyong lahat! Batiin po nating isa’t isa ng “Maligayang Pasko!” Samahan n’yo po ng matamis na ngiti.
Nakakatuwang nakakatawa po, hindi ba? Hindi naman natin birthday, pero tayo ang binabati. Hindi naman tayo ang may kaarawan, pero tayo ang nireregaluhan. Hindi naman po masama iyon. Sa katunayan, tama ngang tayo ang magbatian at magregaluhan. Iyan nga po ang gusto ng Diyos sapagkat Siya ang unang bumati at nagregalo sa atin.
Noong unang Pasko, binati tayo ng Diyos sa pamamagitan ng isang bagong silang na sanggol. Ang Diyos pala po mismo iyon. At ang sabi Niya, “Uha…uha….” Iyak ang unang bati sa atin ng Diyos. Nang ang Salita ay naging tao, umiyak ito. Napakahina Niya: di hindi man lamang Niya maipahiwatig nang malinaw ang gusto Niyang sabihin. Umasa Siya hindi lamang sa ating kailangang gawin sa Kanya kung paanong may mga kailangan tayong gawin sa isang bagong silang na sanggol; hindi ko po maunawaan, pero parang umasa rin Siyang maiintindihan natin Siya sa pamamagitan ng iyak ng sanggol. Ang cute ng Diyos.
Noong unang Pasko, niregaluhan din po tayo ng Diyos. Sa patupad Niya sa binitiwan Niyang pangako na magsusugo Siya ng isang makapangyarihang Tagapagligtas, ipinaubaya Niya sa atin ang Kanyang sariling Anak. Opo, ipinaubaya ang tamang pandiwa, hindi lang ipinagkaloob o ibinigay. Ipinaubaya dahil sa pagsusugo Niya sa atin ng Kanyang sariling bugtong na Anak, binitiwan Niya talaga Siya at hinayaan tayong gawin sa Anak Niyang Ito kung anuman ang ating mapagpasiyahang gawin. Si Maria at Jose, mapagmahal na pagkalinga ng mga magulang ang kanilang ginawa sa Bata. Pero alam po na natin ang kuwento ng Sanggol na isinilang ngayong araw na ito sa sabsaban: sa una, paghanga at pagpuri ang iginawad sa Kanya ng mga tao ngunit sa di-kalauna’y paglibak at pagpako sa krus. Gayunpaman, bagamat alam na ng Diyos ang lahat ng mga mangyayari, buong-laya pa rin Niyang ibinigay sa atin ang Kanyang kaisa-isang bugtong na Anak. Kaya nga po ipinaubaya, hindi lang ipinagkaloob. Ngayong araw na ito, naging regalo ang Diyos. Napakabuti ng Diyos.
Hindi po ba ganun talaga ang pagreregalo. Hindi idinidikta ng nagreregalo sa nireregaluhan kung ano ang gagawin ng nireregaluhan sa regalo niya. Malaya ang nireregaluhan kung ano ang nais niyang mangyari sa regalong tinatanggap. Hindi rin kinakailangang karapat-dapat ang niregaluhan sa regalong tinanggap. Ni hindi kailangang pinaghirapan ng niregaluhan ang regalong ibinigay sa kanya. Dahil kung gayun po, hindi iyon regalo, gantimpala po iyon. Hindi binibili ng nireregaluhan mula sa nagreregalo ang regalong tinatanggap niya. Kapag ganun, hindi pa rin regalo iyon. Ang regalo ay basta ibinibigay lang ng nagreregalo at tinatanggap lang ng nireregaluhan. Kahit nga po walang okasyon, puwedeng magregalo! Nagkakaroon pa nga ng higit na halaga ang regalo kapag ibinibigay ito nang kahit wala namang okasyon. Nagugulat ang nireregaluhan: binubulaga ng kagandahang-loob at pag-ibig ng nagreregalo. Kapag gayun ang pangyayari, ang pagreregalo mismo ang lumilikha ng okasyon. Hindi po ba ganun ang Pasko: ang Regalo ang lumikha ng okasyon? Kaya Pasko kasi nagreregalo ang Diyos sa atin at hindi nagreregalo ang Diyos sa atin kasi Pasko. Ang Regalo ng Diyos ang dahilan ng Pasko. Si Jesus ang Regalong ito.
May isa pa pong katangian ng tunay na pagreregalo ang mahalagang maalala natin. Ang tunay na pagreregalo ay no strings attached. Ang taus-pusong nagreregalo ay wala pong hinihintay na kapalit na regalo mula sa kanyang nireregaluhan. Hindi rin dapat ibinabaon ng regalo ang nireregaluhan sa walang-hanggang pagkakautang-na-loob sa nagreregalo. Hindi panunuhol ang pagreregalo. At mas lalo naman pong hindi ito dapat maging tanikalang bumibilanggo sa nireregaluhan sa mga kapritso ng nagreregalo. Ganito po ba ang pagreregalo natin? Hindi ganito ang pagreregalo ng Diyos.
Kapag tayo ay nagbabatian at nagreregaluhan tuwing Pasko, tinutularan natin ang Diyos para sa isa’t isa. At natitiyak ko po na ang Diyos ay masayang-masayang nagmamasid sa ating pagpapalitan ng mga ngiti, mga pagbati, at mga regalo sa natatanging araw na gumugunita sa Kanyang dakilang pagreregalo sa atin.
Ang Pasko ay pagtulad ng Diyos sa atin upang makatulad tayo sa Kanya. Palagi po nating tularan ang Diyos sa ating pakikitungo sa kapwa-tao: mapagpasaya at mapagbigay sa pagmamahal sa iba. Mapagmasaya po ba kayo? Mapagbigay po ba kayo? Mapagmahal po ba kayo? Kapag ganito po ang ating laging gagawin, patuloy na maghahari ang Liwanag na tinutukoy ni Propeta Isaias sa ating unang pagbasa sa Banal na Misang ito at mananatili tayong tapat sa pagiging Bayan ng Diyos na, ayon naman po sa ikalawang pagbasa na mula sa Sulat ni San Pablo kay Tito, ay nakatalagang gumawa ng mabuti.
Walang pong masama na magbatian tayo ngayong Pasko kahit hindi naman tayo ang may birthday ngayong araw na ito. Hindi po maling magregaluhan tayo ngayong Pasko kahit hindi naman natin kaarawan. Basta’t gagawin natin lagi ito gaya nang ginawa ng Diyos noong unang Pasko.
Pero, tutoo pa rin pong hindi tayo ang may birthday. Kaya naman po, sa gitna ng ating pagbabatian at pagreregaluhan sa isa’t isa, sana naman ay huwag nating kalilimutan ang tutoong birthday celebrant: si Jesus. Matanong ko nga po kayo: anong regalo ninyo sa Kanya ngayong birthday Niya?