22 December 2011

MATUTULOG PA BA KAYO? (isang gising na lang!)

Misa de Gallo: Ikawalong Araw
Mal 3:1-4, 23-24/Lk 1:57-66

Ngayon po ang ikawalong gising natin.  Ayan, isang gising na lang po ay Pasko na!  Dalangin ko po na sana ay kahit paano’y may nagising nga tayo at tayo naman gising na ay hindi na muling matutulog o magtutulug-tulugan. 

Masasabi po natin na ang Israel, ang bayang hinirang  ng Diyos, ay laging gising, hinihintay ang katuparan ng pangako ng Diyos na magsusugo Siya ng isang makapangyarihang at mapagpalayang Mesiyas.  Ngunit tulad din po natin, minsan nakakatulog sila.  At tulad din ng sa ating panahon, dumaan din sila sa mga sandaling marami ang nagtutulug-tulugan.  Gayunpaman, hindi nahadlangan ng antok ang pagdating ng Mesiyas.  Tapat ang Diyos sa Kanyang salita tulog man tayo o gising.  At ang Kanyang salita ay may epekto kahit sa mga nagtutulug-tulugan.

Sa Lumang Tipan, ito pong si Elias ang isa sa mga propetang gumising nang matindi sa Bayan ng Diyos.  Noong kanyang kapanahunan, sinasabing nag-iisa siyang propeta sa buong lupain.  Matindi ang kalapastangan sa Diyos noon na pinamumunuan ng isang reynang “Jezzebel” ang pangalan.  Isang bangungot sa mga tulog at nagtutulug-tulugan ang pagharian ng isang maharlikang sumasamba sa diyus-diyosan.  Ginising silang lahat ni Elias.

Ang pangalan ng diyus-diyosan ni Reyna Jezzebel ay “Baal”.  Ang katawa-tawa po rito ay ang ibig sabihin ng baal sa Hebreo ay “asawang lalaki”, pero hindi naman talaga si Baal ang asawa ng Israel kundi si Yahweh na tunay, buhay, at nag-iisang Diyos sa buong sanlibutan.  Kaya nga po sa pagsamba ng Israel kay Baal, mistulang larawan ang Israel ng pagtataksil, pangangaliwa, pakikiapid.  Matindi ang mga salitang ginagamit para ipahiwatig ang pagsamba ng Israel kay Baal (at sa kaninu pang mga diyus-diyosan): she prostitutes herself.

Nakatagpo ng mag-uumapoy na tagapagtanggol ang Diyos kay Elias.  Hinamon niya ang mga pari ni Baal sa isang paligsahan upang mapatunayan kung sino talaga ang tunay, buhay, at nag-iisang Diyos – si Baal o si Yahweh.  Kaya’t umakyat sila sa isang burol na tinatawag na Karmen (na sa wikang Hebreo ay “hardin”) at doon ay nagpakitang gilas.  Naghanda sila ng susunuging handog na hindi nila sisindihan dahil tatawag sila sa kani-kanilang diyos para lamunin ng apoy ang handog na hindi nila sinilaban.  Nauna ang mga pari ni Baal at maghapon daw silang nagngangawa kay Baal, anupa’t sinusugatan pa raw nila ang kanilang mga sarili; pero, walang nangyari.  Nang pagkakataon na ni Elias, pinabuhusan pa niya nang makapitong ulit ang mga handog, anupa’t naglawa na nga raw po sa paanan ng dambana.  Hindi pa raw po nagkapagsisimulang bumigkas ng panalangin kay Yahweh itong si Elias nang mula sa langit ay dumapo ang apoy sa mga handog na basang-basa at ang mga iyon ay natupok.  Nang magkagayon, sinamantala ni Elias ang pagkakataon, pinagpapapatay niya ang mga pari ng bulaang diyos na si Baal.  Pati ang mga naroroong nanood sa paligsahan ay pinag-alab ni Elias ang damdamin at nilupig ang mga pari ni Jezzebel na promotor ng pagsamba sa diyus-diyosan.

Gising pa ba kayo?  Gusto n’yo po bang si Elias pa ang gumising sa inyo?  Ano ang mga pangyayari sa buhay ninyo ang gumising sa inyong mahimbing at matagal na pagkakatulog sa pananampalataya?  Matutulog pa po ba kayo?  Magtutulug-tulugan pa ba kayo?  Sige, kayo, magbabalik daw si Elias, sabi sa Banal na Kasulatan, bago dumating ang Mesiyas.

Nang pagpapapatayin ni Elias ang mga pari ni Jezzebel, wala roon si Jezzebel; kaya’t nang mabalitaan nito ang ginawa ni Elias, pina-manhunt niya ito.  Sa isang yungib nagtago si Elias at doon ay naghintay sa Diyos.  Yumanig daw ang lupa, ngunit wala sa pagyanig ng lupa ang Diyos.  Kumulog at kumidlat, wala pa rin ang Diyos.  At umihip daw ang isang tahimik at napakabanayad ng hangin, lumabas si Elias, nagtakip ng mukha, naroroon ang Diyos.

Kayo po, saan n’yo ba hinihintay ang Diyos?  Saan n’yo po Siya hinahanap?  Sa mga nakayayanig na himala lang ba?  Sa mga nakasisilaw na pangyayari at mga nakabibinging mga tagapangaral lang ba?  Sa mga mala-konsiyertong awitan, umaatikabong sayawan, todo-todong taasan ng kamay at talunan lamang ba ng mga tinatawag nating mga prayer meeting?  Hindi ko po sinasabing wala roon ang Diyos.  ngunit paano na ang tahimik at banayad ng hanging nagpahiwatig kay Elias ng presensya ng Diyos?  May kakayahan din ba tayong manahimik at maging banayad?  Matindi rin po ba ang dating sa atin ng Diyos kapag wala nang ang lindol, kidlat, at kulog ng mga himala?

Dumating ang Diyos sa nagtatagong si Elias sa paraang hindi inaasahan ni Elias.  Ganun din naman po ang unang Pasko, hindi ba?  Dumating ang Diyos sa atin sa paraang hindi natin inaasahan.  Tumambad sa ating paningin ang isang Sanggol.  Binasag ng munting iyak ng Bagong Silang ang katahimikan ng gabi.  Maaari naman Siyang dumating nang bongang-bonga, pero pinasiya ng Diyos na dumating Siya sa ating bilang isang sanggol.  Ang mga nasisikap makatagpo ang Diyos sa mga pangkaraniwang bagay, sa mga pangkaraniwang sandali, at, higit sa lahat, sa mga pangkaraniwang tao ang tunay na nakauunawa sa Pasko.  Para sa kanila, tunay ngang ang Pasko ay nagiging araw-araw ng pangyayari.

Sinasabi ng Banal na Kasulatan na nang matapos na ang misyon ni Elias at naipasa na niya kay Eliseo ang pagiging propeta ni Yahweh, itong si Elias ay hindi namatay.  Isang nag-uumapoy na karwahe mula sa langit ang sumundo raw sa kanya.  Kaya naman po, tila isang alamat, ang pagbabalik nitong si Elias, na dating naghintay sa Diyos, ay hinihintay ng mga Israelita.  At pinaniniwalaan nilang magaganap iyon bago dumating ang Mesiyas.  Ang muling paglitaw ni Elias ang tanda na malapit nang lumitaw ang Kristo.  Ito ang paniniwalang pinagmumulan ng pahayag ni Propeta Malakias sa ating unang pagbasa ngayong araw na ito.  Ang “Elias” na lilitaw raw, sabi ng Propeta, ay magiging daan ng muling pagkakasundo.

Muling magkakalapit ang loob ng mga ama’t mga anak,” wika ni Malakias.  Habang papalapit nang papalapit ang Pasko, ang araw ng pagsilang ng pinangungunahan ni Elias sa paglitaw muli, higit din po bang nagiging tutoo ang muling pakikipagkasundo sa mga relasyon nating wasak o kaya ay nilalamat na?  Ang Pasko ay ang pagkakalapit ng loob ng tao sa Diyos na siya namang pinatutunayan ng pagkakalapit ng loob ng tao sa kapwa-tao niya.  Huwad ang Pasko ng taong may ayaw patawarin, may ayaw kausapin, may ayaw batiin, may ayaw man lamang makasalubong o tingnan.  Kapag ipinagpatuloy daw natin ang katigasan ng ating puso, binalaan na tayo ng Diyos sa pamamagitan ni Propeta Malakias: “…mapipilitan akong pumariyan at wasakin ang inyong bayan.”

Para sa ating mga Kristiyano, si Juan Bautista ang hinulaang “Elias” na lilitaw bago isilang ang Panginoong Jesus.  Mismong si Jesus ang nagsabing si Juan Bautista nga ang “Elias” na hinulaan ng mga propeta na magbabalik bago ang pagdating ng Kristo.  Kaya nga po, dalawang gising na lang bago nating ipagdiwang ang kapanganakan ni Jesus ang Kristo, ang ating Ebanghelyo ay tungkol sa pagsilang ni Juan Bautista.

Sa pagsilang ni Juan, bagama’t sa tahimik at banayad na paraan, kitang-kitang may ginagawang kakaiba ang Diyos.  Si Elizabeth, na nagsilang kay Juan, ay matanda na at baog.  Si Zechariah, na nabingi’t napipi, ay nakarinig at nakapagsalitang muli.  Taliwas sa kaugalian, hindi isinunod ang ngalan ni Juan sa ngalan ng kanyang ama o ng sinuman sa kanilang mga kamag-anak (bagong pangalan si Juan at ang kahulugan ay “Kagandahang-loob ng Diyos”).  Subalit, sa halip na matuwa ang mga kapitbahay nila, natakot daw silang lahat; pero, pinagtsismisan naman daw nila, sa buong kaburulan ng Judea, ang mga kakaibang pangyayaring ito.  At iisa ang kanilang tanong: “Magiging ano nga kaya ang batang ito?”  Palibhasa malakas ang kutob nila na sumasabatang ito ang Panginoon.

Taun-taon po tayong nagpa-Pasko, ngayong taong ito, ano kaya ang magandang kakaibang ginagawa ng Diyos sa atin, ginagawa ng Diyos para sa atin, at ginagawa ng Diyos sa pamamagitan natin?  Tulad ng sinapupunan ni Elizabeth, ang mga sarado kaya ang isipan ay mabubuksan at ang mga tuyot na ang puso ay mananariwang muli?  Tulad ni Zechariah, makapakikinig na kayang muli ang nabingi at makikinig na kaya, sa wakas, ang mga nagbibingi-bingihan?  Taliwas sa nakababagot nang kalakaran ng mundo, gagamitin ba natin ang ating pagkamalikhain at higit na patitingkarin ang kulay ng kagandahang-loob ng Diyos sa lahat ng tao?  Matatakot din ba tayo sa hiwaga ng bago at hamon ng bukas na nagbubukang-liwayway na?  Magpapatuloy pa ba ang tsismisan tungkol sa buhay ng may buhay sa halip na atupagin ang sariling buhay?  Magiging ano nga kaya tayo?  Malakas ang kutob kong sumasaatin ang Panginoon, sapagkat Siya ang isinilang at kapiling nating “Emmanuel” (“Sumasaatin-ang-Diyos”).


“Itaas n’yo ang paningin, kaligtasa’y dumarating!” akmang-akma ang tugon natin sa Salmo ngayong araw na ito.  Isang gising na lang, Pasko na!  Matutulog pa ba kayo? 

0 Comments:

Post a Comment

Subscribe to Post Comments [Atom]

<< Home