20 December 2011

MAKURYENTE SANA!

Misa de Gallo: Ika-anim na Araw
Awt 2:8-14/Lk 1:39-45

Ang lapit-lapit na po ng Pasko!  Ilang gising na lang talaga!  Muli, kung ang bawat-isang pagmi-Misa de Gallo po natin ay pagsama natin sa Mahal na Birheng Maria sa loob ng siyam na buwan niyang pagdadalantao kay Kristo Jesus, ngayon po ang katapusan ng ating second trimester ng pagbubuntis.  Harinawa po, maisilang nga natin si Jesus kasama’t katulad ni Maria.

Alam ng inang nagbubuntis na bagamat mahalaga ang bawat buwan ng kanyang pagdadalantao, dapat mas lalo siyang mag-ingat pagsapit ng huling trimester ng kanyang pagbubuntis.  Tatlong buwan na lang po kasi at isisilang na niya ang kanyang sanggol.  Kapag hindi siya nag-ingat, baka kung mapano hindi lamang siya kundi pati na rin ang bata sa nakatakdang isilang niya.  Hindi po ba, meron ngang mga babaeng talaga namang sobrang selang magbuntis kaya pinagko-complete bedrest sila ng  obstetrician-gynecologist nila?  Sa palagay ko po (palagay lang kasi hindi ko pa naman po nararanasan at wala po akong balak danasin!), mahirap magbuntis.

Pero, alam po ninyo, sa lahat naman ng buntis, itong si Mariang mahal na mahal nating lahat ang naglakbay pa mula Nazareth patungong Judea, na may layong 90 milya sa pagitan.  At, sabi pa ni San Lukas, nagmamadali pa raw siya!

May mga buntis akong nakausap na nagsabing, tinatamad daw sila kapag nagbubuntis sila: gustong laging nakahiga at gustong laging kumain.  Hindi po natin sila masisisi kasi kapag buntis ang isang babae doble ang timbang niya at dalawa silang kailangan niyang pakanin.  Gayunpaman, meron din d’yang hindi naman buntis (mukhang buntis lang kasi malaki ang tiyan) pero laging nakahilata at walang-ginawa kundi lumaklak – hindi sila mga babae pero mukhang kabuwanan na!

Si Maria po – walang inaksayang panahon at hindi niya inalintana ang pagod at mga panganib, agad niyang pinuntahan ang kanyang nakatatandang pinsang si Elizabeth.  Marahil magkahalong pananabik na makita ang ibinalita ng anghel sa kanya tungkol sa pagdadalantao ng pinsan niyang bukod sa matanda na ay baog talaga at ang pagmamadaling malaman kung paano niya siya puwedeng matulungan.  Sa kabila ng sarili niyang pagbubuntis, larawan si Maria ng sinasabi ng unang pagbasa ngayon, na hango sa Aklat ng mga Awit ni Solomon: “Itong aking mangingnibig ay katulad niyong usa, mabilis kung kumilos, ang katawan ay masigla.”  Ganyan po talaga ang tunay na mangingibig ng Panginoon, masigla at mabilis maglingkod sa kapwa.  Hindi papatay-patay, pahuli-huli, pabagal-bagal para pagdating n’ya natapos na ng iba ang mga kailangang gawin; tapos magtatanong pa, “Ay, tapos na?”

Si Maria – matapos siyang bisitahin ng anghel ng Panginoon, binisita rin naman niya agad si Elizabeth.  At bagamat nilisan siya ng anghel ng Panginoon matapos siya pagpahayagan nito, nanatili naman ang Panginoon kay Maria.

Kitang-kita po ang epekto kay Maria ng pananahan ng Panginoon sa kanya.  Hindi siya nagtago.  Hindi siya nagkulong sa bahay.  Hindi siya nagmukmok sa sulok.  Lumabas si Maria ng bahay.  Lumabas siya nang bahay pero hindi para mangapit-bahay lang.  At mas lalo naman pong hindi siya lumabas ng bahay para makipagtsismisan sa kapit-bahay.  Lumabas si Maria ng bahay para magpahayag ng mabuting balita.  Dala-dala niya ang Mabuting Balita mismo: ang Verbo na nabubuong tao sa kanyang sinapupunan, si Jesukristong Panginoon.  Si Maria ang unang misyonero: matapos pagpahayagan, siya naman ang nagpahayag; matapos tumanggap, siya naman ang nagbigay.

Kitang-kita rin naman po ang epekto ni Maria kay Elizabeth.  Sa bati pa lamang daw ni Maria, ang sanggol sa sinapupunan ni Elizabeth ay naggagalaw at mismong si Elizabeth ay napuspos ng Espiritu Santo.  Kulang po ang ating pag-unawa kung ang tingin natin sa pangyayaring ito ay pagdalaw lamang ni Maria kay Elizabeth.  Sa katunayan, ang kabanatang ito sa Ebanghelyo ay ang pagdating ng Panginoon kay Elizabeth at sa kanyang sanggol na si Juan.  Epekto ni Maria ang mga nangyari kay Elizabeth at kay Juan dahil nananahan kay Maria ang Panginoon.  Kung wala ang Panginoon kay Maria, tiyak ibang-iba ang epekto niya sa mag-inang Elizabeth.  Baka nga po wa-epek pa!  Subalit may epekto nga dahil sa Panginoong Jesus na dala-dala ni Maria. 

Parang nakuryente si Elizabeth at ang sanggol sa sinapupunan niya dahil una nang nakuryente si Maria ng Panginoon.  Kung ang makuryente ay ganyan, makuryente na sana tayong lahat…basta ng Panginoon!

Sana makuryente tayong lahat ng Panginoon at magising tayo sa lahat ng aspeto ng ating pagiging alagad Niya.  Pagkatapos nating makuryente ng Panginoon, makuryente sana natin ang ibang hindi pa gising.  Matagpuan nawa tayo ng Panginoon na gising na gising sa Kanyang pagbabalik, nagliliwanag at buhay na buhay sa pag-aalagad dahil sa pananahan Niya sa atin.  Katulad ng Mahal na Birheng Maria, tayo nawa ang maging sanhi upang ang maraming iba pa ay mapuspos ng Espiritu Santo.  Sa tulong at halimbawa rin niya, tayo nawa ay maging mga sugo ng tuwa at nakatutuwang sugo ng Diyos sa iba.  Palibhasa, minsan po kasi hindi sabay na tutoo sa isang tao ang pagiging sugo ng tuwa at nakatutuwang sugo.  Minsan pa nga nakatatawa lang ang sugo pero hindi naman talaga nakatutuwa.  Mas masagawa kung naturingang sugo ng tuwa tapos nakakaasar naman siya; kaya’t sa halip na magliwanag ang kapwa sa paligid niya, napupundi sa kanya!

Ano po bang epekto ninyo sa ibang tao?  Sa sagot ninyo sa tanong na ito, napakalaki po ng papel ng unang naka-apekto sa inyo.  Sana po ay si Jesus.

Sa lahat ng tao, sa lahat ng dako, sa lahat ng panahon dito sa mundo, ang handog nawa natin lagi ay si Kristo, laging si Kristo, tanging si Kristo.  Ipahayag nawa siya ng ating mga salita at ipadama ng ating mga gawa sa ating kapwa.

Hindi natin maipagbubuntis si Jesus.  Hindi lahat puwedeng magbuntis.  Tapos na rin po siyang ipagbuntis.  At si Maria nga po ang mapalad na nilalang.  Ngunit, sabi ni San Agustin, si Maria raw ay pinagpala dahil bago pa niya ipinagdalantao si Jesus sa kanyang sinapupunan, ipinagdalantao na niya Siya sa kanyang puso.

Malapit na malapit na po ang Pasko!  Handa na po ba ang puso ninyo?  Handa na po ba ang puso ninyo para tanggapin at ibahagi si Kristo?

Tatlong gising na lang po!  Ang mga natutulog pa, makuryente sana…ni Kristo.

0 Comments:

Post a Comment

Subscribe to Post Comments [Atom]

<< Home