30 July 2011

WALANG KADUDA-DUDA

Ikalabinwalong Linggo sa Karaniwang Panahon
Mt 14:13-21

          Walang kaduda-duda isang himala!  Pinakain ni Jesus ang limang libong mga lalaki.  Mga lalaki pa lang iyon!  Hindi kasi nila ibinibilang ang mga babae at mga bata noon.  Biro ninyo iyon, limang pirasong tinapay at dalawang isda lamang ang meron pero napakain ni Jesus ang limang libong katao!  Pambihira.  Ang galing.  Kamangha-mangha.  Talagang isang himala.
          Walang kaduda-duda Diyos lamang ang makapagpapakain ng libu-libong katao sa pamamagitan ng lilimang pirasong tinapay at dadalawang isda.  Tunay nga, gaya ng ipinahahayag ng ating ikalawang pagbasa ngayong Linggong ito, walang makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ng Diyos.  Gutom ba ‘ka n’yo?  Gutom lang ‘yan!  Problema ba ‘ka n’yo?  Problema lang ‘yan.  Sakit ba ‘ka n’yo?  Sakit lang ‘yan!  Ika nga po ng matalik kong kaibigan, “Wala pa yan sa dumi ng kuko ng Diyos.”  Ang tanong ko naman po sa kanya, “Bakit, bro, may kuko ba ang Diyos?”  Ang sagot niya, “Iyon na nga, walang-wala iyan sa Diyos!”  Ngayon sa Ebanghelyo, muli pang pinatunayan na, para sa Diyos, hindi hadlang ang kasalatan para ang lahat ay mapunan: kahit lilimang tinapay at dadalawang isda lang ang meron, kayang kayang busugin ng Diyos ang limang libo’t higit pang katao.
          Walang kaduda-duda, si Jesus ay Diyos.  Diyos lamang ang makapagpapakain sa limang libong katao gamit ang limang pirasong tinapay at dalawang isda lamang, at nagawa iyon ni Jesus.  Kabilang sa marami pang mga kababalaghang ginawa ni Jesus, ang himalang ito ay napakalinaw na patunay na Siya nga ay Diyos na tutoo.  Sa katunayan, ayon sa mga dalubhasa sa Banal na Bibliya, ang himalang ito ay isa sa mga pinakamahalagang himala ni Jesus.  Anupa nga’t isinasalaysay ang kamangha-manghang kuwentong ito sa apat na sipi ng Ebanghelyong meron tayo.  Ito lamang ang himala ni Jesus na pare-parehong isinulat nina San Mateo, San Marco, San Lukas, at San Juan.  Marahil sila man ay nakita agad na isa ito sa mga matibay na patunay na si Jesus ay Diyos.
          Walang kaduda-duda, si Jesus ang katuparan ng sinasaad ng ating unang pagbasa ngayong Linggong ito.  Pinasasabi ng Panginoon sa pamamagitan ni Propeta Isaias: “Dinggin ninyo Ako, at kakain kayong mabuti, mabubusog kayo nang husto.  Dinggin ninyo Ako’t lumapit kayo sa Akin nang kayo ay mabuhay.”  Si Jesus ang may hawak ng kamalig; Siya mismo ang pagkaing nakalaan sa mga makikinig sa Kanya at lalapit.  Si Jesus ang sagot ng Ama sa lahat ng ating mga kagutuman, lalong-lalo na ang pinakamalalalim nating kagutuman, gaya ng kapayapaan, kaligayahan, at buhay na walang-hanggan, sapagkat si Jesus mismo ang pagkaing nagbibigay-buhay.
          Walang kaduda-duda, hindi natin kayang magpakain ng kahit man lang isandaang tao sa pamamagitan ng lilimang pirasong tinapay at dadalawang isda.  Hindi natin kayang magparami ng pagkain, maliban na lamang sa pamamagitan ng pangkaraniwang paraan.  Hindi tayo Diyos.  Gustuhin man natin, wala tayong kapangyarihang gawin ang ginawa ni Jesus.  Kailangan natin ang kapangyarihang maka-Diyos para magawa iyon o ang anumang himala.
          Walang kaduda-duda, mga tao tayo.  Pero wala rin pong kaduda-duda na bagamat hindi natin kayang gumawa ng himala, maaaring tayo mismo ang maging himala ng Diyos sa ating kapwa.  May duda po ba kayo?
          Pagdududahan pa ba natin, halimbawa, ang naabot na ng ating “Pondo ng Pinoy”?  Mula sa isang kusing natin, milyun-milyon na ang naipon ng Arkediyosesis ng Maynila na siya namang ginugugol sa pagkakawanggawa natin bilang isang Iglesiya.  Sinong mag-aakalang gayon kalayo ang aabutin ng bente-singko sentimos natin?  Sinong mag-aakalang ang ating lilimang pirasong tinapay at dadalawang isda ay makapagpapakain ng libu-libong mga batang malnourished o undernourished, makapagpapagamot sa mahihirap na maysakit, makapagpapa-utang para sa pangkabuhayan o gawain ng pagpapa-angat ng kabuhayan ng mga dukha?  Pitong taon na ang “Pondo ng Pinoy” at patuloy po itong nakapagbibigay-buhay sa maraming tao.  Tama nga po, anumang magaling, kahit na maliit, basta’t malimit ay patungong langit.  At tama rin si Nora Aunor: Nasa ating puso ang himala.  Tayo po mismo ang himala.
          Wala po akong pagdududa.  Naniniwala ako sa mga himala, at ang lahat ng himala ay sa pagmamahal nagsisimula.  Tayo mismo ang himala ng Diyos sa tuwing nilalampasan natin ang ating sarili, nagsasakripisyo, nagtataya, at nagbabahagi sa ngalan ng pag-ibig.  Maging si Jesus po – hindi naman Siya basta na lamang nagparami ng tinapay at isda, hindi naman Siya nagmilagro dahil lang sa wala Siyang magawa.  Maging para kay Jesus, pag-ibig ang nauna bago ang himala.  Sabi sa ating Ebanghelyo ngayong Linggo, “…nang nakita ni Jesus ang napakaraming tao, naantig ang Kanyang puso sa awa para sa kanila….”  Hangga’t hindi naaantig ang ating puso, hindi tayo nagmamahal.  Hangga’t hindi tayo nagmamahal, walang himala.  Baka magic pa; pero hindi himala.  Si Harry Potter, Hermoine Granger, at Ron Weasley ay mga mangkukulam; pero hindi si Jesus.  Si Mang Rico at si Alakim ay mga salamangkero; pero hindi si Jesus.  Walang magic wand si Jesus, walang magic spells; isa lang ang meron Siya: pag-ibig.  Walang pagdududa, pag-ibig ang kapagyarihan ni Jesus para gumawa ng himala.  At wala pong tatalo riyan dahil Deus caritas est o ang Diyos (mismo) ay pag-ibig (1 Jn 4:16).
          Wala pong kaduda-duda, I believe in miracles, and they all begin with an act of love.  Let us continue loving; let us make more miracles each day.  Sa tuwing may pagkakataon, ipadama po natin sa ating kapwa – lalong-lalo na silang dumaraan sa matinding kagipitan, malalim na kalungkutan, at mabibigat na problema – ang ating pagdamay.  Yaon pa lamang na madama mong hindi ka nag-iisa ay isa nang himala, hindi po ba?  Alam n’yo po bang ang salitang companion ay mula sa wikang Latin?  Ang companion ay cum at panis, na ang literal na ibig sabihin ay cum, with, at panis, bread: with bread.  Kaya nga po ang companion ay yaong kasalo mo o kahati mo sa tinapay.  Sa Banal na Eukaristiyang ating ipinagdiriwang, si Jesus ang panis.  Iyan po ay walang kaduda-duda.  Pero kung tayo nga ay cum panis sa isa’t isa, kung tayo ay companion o kasama ng isa’t isa sa hirap at ginhawa ay dapat pa nating patuyang walang kaduda-duda.
          Tutoo ang himala.  May duda ka ba?
          Tayo ang himala.  May duda kaya sila?

24 July 2011

TUNAY NA SUMUNOD SA MGA YAPAK NI KRISTO


Richard Michael "Ritchie" Fernando, S.J.
(1970-1996)

Ikalabimpitong Linggo sa Karaniwang Panahon
Mt 13:44-52

            Ipikit n’yo po ang inyong mga mata at damhin ang bawat kataga ng awiting ito:

Kung di malimot ng tadhana
Bigyang-tuldok ang ating ligaya
Walang-hanggan ay hahamakin
Pagka’t walang katapusan kitang iibigin

Kahit na ilang tinik ay kaya kong tapakan
Kung ‘yan ang paraan upang landas mo’y masundan
Kahit ilang ulit ako’y iyong saktan
Hindi kita maaaring iwanan
Kahit ilang awit ay aking aawitin
Hanggang ang himig ko’y maging himig mo na rin
Kahit ilang dagat ang dapat tawirin
Higit pa riyan ang aking gagawin

Di lamang pag-ibig ko
Di lamang ang buhay ko’y ibibigay
Sa ngalan ng pag-ibig mo
Higit pa riyan, aking mahal, ang alay ko.
           
          Nitong mga nagdaarang araw, kasama ng isang batch ng mga pari ng Maynila, ako po ay nag-retreat sa Sacred Heart Novitiate, sa Novaliches, Quezon City.  May tatlong mapagpipilian kaming mga pari ng Maynila para sa aming annual clergy retreat, at taun-taon itong “One-On-One Directed Ignatian Retreat” po ang aking sinasalihan.  Napakamabiyaya lagi ng retreat na ito para sa akin, at ngayong taong ito ay ginamit ng Panginoon ang aking alaala para makipagkaniig sa akin.  Sa pamamagitan ng aking alaala ng mga pangyayari sa aking buhay, ipinakita sa akin ng Panginoon nang buong linaw ang iisang sinulid, ika nga, na nagtatatahi ng lahat sa aking buhay, mula pagkabata hanggang sa kasalukuyan kong edad.  Ang tila sinulid na ito na nagtatahi at nagbibigay kaisahan sa bawat at iba’t ibang bahagi ng kasaysayan ng aking buhay ay walang iba kundi Siya po mismo – si Jesus.  Si Jesus ang dahilan ng lahat ng mga nangyari sa aking pagiging tao at pagpapakatao.  Kaya ganito ang aking pag-uugali, ang aking pagtingin sa mga bagay-bagay, ang aking pagpapasiya – sa madaling sabi, kaya ako ay ako ay dahil kay Jesus.  Lubhang napakahalaga Niya sa aking pagiging ako anupa’t ang mawala Siya ay ang mawala na rin ako na parang bula.  Maglalaho ako sa pag-iral at mabubura ang kasaysayan ko sa balat ng lupa kapag tinanggal si Jesus sa aking kahapon, ngayon, at bukas.  Hindi maaaring isalaysay ang aking kuwento o awitin ang awit ng buhay ko nang hindi binabanggit si Jesus sa bawat pahina, sa bawat kumpas.  Tunay ngang si Jesus ang aking tanging yaman, at wala nang iba pa.  Naipagpalit ko pala ang lahat para sa Kanya.  (Madalas, sa gitna ng maraming kaabalahan, iba’t ibang alalahanin, at sari-saring karanasan ng tagumpay at kabiguan, kailangan ding ipaalala sa isang pari ang pasiyang una na niyang ginagawa nang yakapin niya ang kanyang bokasyon.)  At sa awa ng Diyos, ang biyaya ng nakaraan kong retreat ay ang patuloy na maligayang ipagpalit ang lahat-lahat sa buhay ko para kay Jesus.  Katulad ng mga talinhaga ng Kayamanang Nakabaon at ng Mamahaling Perlas, binitiwan ko ang lahat makamtan lamang si Jesus at dapat akong manatiling nakabitiw sa lahat para masundan ko si Jesus…kahit ilang tinik ay kakayanin kong tapakan kung iyon ang paraan upang landas Niya’y masundan.
          Subalit ipinakita rin sa akin ng Panginoon ang aking mga kahinaan at mga pagkukulang.  May mga pagkakataong natukso akong ipagpalit Siya sa ibang kinang.  May mga sandaling, isina-isantabi ko nga ang lahat alang-alang sa Kanya ngunit salat naman sa ligaya ang aking pagpapasiya.  May mga pangyayaring nakakapit nga ako sa Kanya pero tangan-tangan ko pa rin sa kabilang kamay ang ibang mga kaagaw Niya sa aking buhay.  Ang pag-ibig ko para kay Jesus ay hindi ganap, kundi pinagaganap na pag-ibig.  I do not boast of a perfect love for Jesus; rather, I rejoice and give thanks for a love still being perfected in Him.  Kaya nga’t ang ikatlong talinhaga sa ating Ebanghelyo ngayong araw na ito ay tila nangyayari rin naman sa mismo at iisang buhay ko.  Ang aking buhay ay para ring isang dagat kung saan ay inihahagis ang malaking lambat na nakatitipon ng samu’t saring mga isda.  Ang mga isdang yaon ay kumakatawan sa iba’t ibang mga katangian, mga pananaw, mga kaabalahan, at mga kapasiyahan ko.  Paulit-ulit, nauupo ako sa pampang ng buhay at, gaya ng sa Ebanghelyo, dapat kong kilatisin isa-isa ang “mga isda” ng aking buhay upang mapakinabangan ang mabubuti at ang masasama naman ay iwaksi.  Ang paulit-ulit na gawaing ito, na napakalahaga at hindi maaaring ipinagpapaliban, ay nagaganap sa araw-araw at tahimik na pananalangin at pagninilay, kabilang na roon ang pagre-retreat.
          Ang Sacred Heart Novitiate, kung saan kami nag-retreat, ay ang nobisyado ng Kapisanan ni Jesus o Society of Jesus.  Doon din matatagpuan ang libingan ng mga Jesuitang pari, brother, at scholastic.  Sa katunayan, isa nga po iyon sa dahilan kaya taun-taon ay minamarapat kong doon mag-retreat.  Pagkakataon ko na rin po kasi iyon para bisitahin ang mga labi ng mga dati kong propesor sa Ateneo at ng mga dati kong tagapaghubog o formator sa San Jose Seminary.  At ngayong taong ito, may napansin po ako: halos silang lahat ay naroroon na po pala!  Marami na sa aking mga guro at mga tagapaghubog na Jesuita ay sumakabilang-buhay na.  Pero kapag nagre-retreat ako at sa may puntod nila ako nagdarasal at nagniilay, tila nariring ko pa ang kanilang mga tinig na laging may hatid na aral sa akin.  Kahit sa kabilang-buhay, ikinukuwento nila sa akin kung ano ang kanilang ipinagpalit para mabili ang bukid na may nakabaong kayamanan, kung paano sila nagsikap matagpuan ang mamahaling perlas, at ang kanilang paulit-ulit at wagas na pangingilatis sa “mga isda” ng kanilang sariling buhay.  Talaga po palang wala silang ibang sekreto: only Jesus, always Jesus.
          Isa sa mga labing nakalibing doon sa Sacred Heart Novitiate na taun-taon kong binibisita ay hindi ko dating propesor o dating tagapaghubog.  Siya si Richard Michael o “Ritchie” Fernando.  Bagamat hindi ko kaklase, si Ritchie ay ka-eskuwela ko sa Ateneo.  Isa siyang Jesuit scholastic o seminaristang Jesuita.  Noong edad 24 o 25, bilang bahagi ng kanyang paghuhubog, isinugo si Ritchie bilang misyonero sa Cambodia.  Naglingkod siya roon sa isang paaralan ng mga may kapansanan (maraming may mga kapansanan sa Cambodia sanhi ng landmines).  Isang taon at limang buwan pa lamang si Ritchie sa Cambodia nang siya ay mamatay bilang martir.  Noong ika-17 ng Oktubre, taong 1996, samantalang abala siyang nagtuturo sa mga kabataang kapus-palad, isang kabataang wala sa katinuan ang dumating na may tangan-tangang granada.  Pinilit itong agawin ni Ritchie sa kanya ngunit nahulog ito sa sahig.  Nang magkagayon, hindi nagdalawang-isip si Ritchie, dumapa siya sa granada.  Sumabog ang granada, sumabog ang katawan ni Ritchie; at kapalit ng kaniyang sariling buhay, marami ang naligtas sa tiyak na kamatayan.  Sa murang edad na 26 años lamang, si Ritchie ay namatay bilang makabaong martir ng pag-ibig para sa kapwa.  Sa kasalukuyan, may kilusang nagsusulong para si Ritchie, gaya ni San Lorenzo Ruiz at Beato Pedro Calungsod, ay opisyal ding itanghal din ng Santa Iglesiya bilang martir na banal.  Nang ayusin ang kanyang mga gamit para ipadala pabalik sa Maynila, natagpuan ang kanyang diary, at isa sa magagandang isinulat ni Ritchie roon ay ito: “Sana kung ako ay mamatay, maalala ng mga tao na ako ay tunay na sumunod sa mga yapak ni Kristo.”

02 July 2011

DALUBHASA KA BA?

Ikalabing-apat na Linggo sa Karaniwang Panahon
Mt 11:25-30


          Back to school na po ulit!  Sa ilang eskuwelahan, mag-iisang buwan na nga mga klase.  Sa La Salle Greenhills, dalawang linggo pa lang.  Buhay-estudyante – ito ang kasalukuyang buhay ng karamihan sa mga kabataan.  At napakahalaga naman talaga ng bahaging ito ng buhay.  Ika nga ng maraming mga magulang, wala silang maipapamana sa kanilang mga anak na higit pa sa kanilang pinag-aralan.  Iba naman po kasi talaga kapag may pinag-aralan ka.  Iyon nga lang, hindi lahat ng may pinag-aralan ay ginagamit ang kanilang pinag-aralan.
          Naaalala ko pa noong nasa kolehiyo pa kami sa Ateneo, paminsan-minsang libangan namin ang gawing “pulutan” ang ilang mga nakatatawang propesor namin.  May mga kaklase kami noong mahusay talagang mag-impersonate, kuhang-kuha nila ang pagsasalita at pagkilos, pati na ang mannerisms at diction ng mga teacher namin.  At tuwang-tuwa naman kami.  Nakakahiya mang aminin, pero, opo, may ilang mga gurong pinagtatawanan namin.  Paano naman po kasi meron naman talagang mga propesor na tampulan ng mga biruan.  Samantalang tutoo rin namang may mga dalubhasa sa kani-kanilang asignatura na karapat-dapat sa paghangang tinatanggap nila, meron din namang pagtatakahan mo kung paano at bakit sila naging guro.  Tutoon ngang ang mga titulo ng pagkadalubhasa ay hindi kasegurahan ng karunungan kasi, mawalang galang po, may mga guro rin naman tatanga-tanga, hindi ba?  Erudition is not an antidote against silliness.
          Kasabay ng pagsisimula ng kasalukuyang taong-pampaaralan, napangingiti akong makita at marinig ang Panginoong Jesus sa Ebanghelyo na parang “pinulutan” ang mga dalubhasa ng Kanyang panahon.  Hindi po Siya nagpapatawa.  Sa halip, damang-dama ang kalungkutan sa Kanyang pananalita.  E, sino nga po ba ang mga dalubhasa ng Kanyang panahon?  Ang mga eskriba.
          Mga dalubhasa sa batas – iyan po ang titulong nakakamit ng mga eskriba matapos ang maraming taon ng pagsusunog ng kilay, ika nga, sa pag-aaral ng Batas ni Moises.  Pero huwag po ninyong iisiping ang tinutukoy na Batas ni Moises ay binubuo lamang ng Sampung Utos; sapagkat mula sa Sampung Utos na tinanggap ni Moises sa Diyos, nakalikha ang mga dalubhasa sa batas Judaiko (Judaic law) ng 613 batas pa.  At ang lahat ng 613 “mga puwede” at “mga bawal” ay dapat na masusing tupdin, ayon sa mga eskriba, para maging isang mabuting Judyo.  Kahit hindi po kayo Judyo, palagay ko, bigla ninyong naramdaman ngayon sa inyong mga balikat ang bigat ng hindi lamang pagtupad kundi, una sa lahat, pagtanda sa 613 batas Judaiko.  Hindi ka pa nangangalahati sa mga dapat mong memoryahin at gawin, laylay na ang dila mo, masakit na ang ulo mo, at nangangatog na ang kalamnan mo sa pagod.  Kakapagod!  Kaya nga po, kaakit-akit talaga ang paanyaya ni Jesus sa mga may oras pang making sa Kanya: “Halikayo sa Akin, kayong lahat na napapagal at nabibigatan sa inyong mga pasanin, at kayo ay pagpapahingahin ko.”
          Pero ang malungkot po rito ay ito: silang mga dalubhasa ika, silang mga may pinag-aralan daw, ay hindi nakababatid sa sekretong ito na ayon kay Jesus ay inilihim talaga ng Kanyang Ama sa mga may pinag-aralan at matatalino pero ibinunyag naman sa maliliit gaya ng mga bata.  Ito pa ang masakit: iyon daw talaga ang kalooban ng Ama.  Kaya nga’t silang mga eskriba – ang mga dalubhasa, ang mga may pinag-aralan, noong panahon ni Jesus – ay bobo pa rin sa ganang ito.  Bakit?  Kasi ayaw nilang tanggapin si Jesus.  E bakit?  Kasi kulang sila sa kababaang-loob, allergic sila sa pagiging maliit na tulad ng isang bata; palibhasa nga naman, ang taas-taas na kaya ng naabot nila, mga titulado na sila, alam na nila ang lahat.  Iyon nga po ang akala nila.  Ngunit sa panukat ng Diyos, lagpak sila kahit naipasa pa nila ang bar exam noon.
          Bale-wala ang katalinuhan kung walang karunungan.  Parang parehas lang ang talino at dunong, pero hindi po.  Ang talino ay knowledge.  Ang dunong ay wisdom.  Marami kayang matatalino pero hindi naman marunong sa buhay, lalong-lalo na pagdating sa buhay-espirituwal, hindi ba?  Maaaring tumalino sa pamamagitan ng mahusay na pag-aaral, subalit ang karunungan ay hindi makakamit nang walang tunay na kapakumbabaan.  Ayon sa Banal na Kasulatan, Kaw 1:7, “Initium sapiaentiae timor Domini” (“The fear of the Lord is the beginning of wisdom”).  Ang simula po ng karunungan ay ang pagkatakot sa Panginoon.  Matalino ka man pero kung wala kang takot sa Diyos, hangal ka pa rin.  Ang pagkatakot na ito ay hindi ang pagkatakot ng alipin sa kanyang amo o ng mabuting tao sa taong umuusig sa kanya, kundi ang takot ng isang anak sa kanyang magulang – isang anak na may kababaang-loob sa pagkilala at pagtanggap na kung wala ang kanyang magulang ay wala siya.  Sinumang may ganitong uring pagkatakot, ganitong uri ng kababaang-loob, ay laging nakahandang pakinggan ang Diyos at sumunod sa Kanyang kalooban.
Sa tutoo lang, may ganito ba tayong pagkatakot sa Diyos?  Marami na kasing tao ang wala nang takot sa Diyos: tumingin lang tayo sa paligid natin, kahit saan, at makikita natin.  May ganitong kapakumbabaan ba tayo para tayo ay dumunong at hindi lamang tumalino?  Kung wala, kahit pa tayo ay may isang dosenang doctorate, kahit pa magkabali-bali ang leeg natin sa dami at bigat ng mga medalyang naisabit na sa atin, kahit pa napakatayog ng ating posisyon sa pamayanang kinabibilangan natin, katawa-tawa lang tayo dahil para tayong lobo na mataas nga ang lipad pero, sa tutoo lang, puros hangin lang ang laman.
          Kung ang inakala ng mga eskriba na ang relihiyong Judaismo ay nakasentro sa mga batas, malaki naman ang pagkakaiba nito sa ating pananampalataya.  Ang Kristiyanismo ay hindi tungkol sa mga batas kundi tungkol isang persona na ang pangalan ay Jesukristo.  Tunay pong mahalaga ang mga batas na dapat ipatupad, pero, ang nasa sentro ng ating pananampalataya ay si Jesukristo; at sa halip na pagtupad, ang dapat nating unang kaabalahan ay pagtulad.  Tularan natin si Jesus.  Kaya nga po, sabi Niya sa Ebanghelyo ngayon, “…learn from Me…I am meek and humble of heart.”
          Pero, sandali lang po, kung iniisip nating “pabanjing-banjing” lang ang mag-aaral kay Jesus, ang tulad sa Kanya, ang maging estudyante Niya, nagkakamali po tayo.  “Shoulder my yoke,” malinaw na payo ni Jesus sa mga gustong makalasap ng kapahingahan Niya.  Isang kabalintunaan, di po ba?  Akala natin ang pahinga ay ang walang gagawin.  Hindi pala.  Ang paanyaya ni Jesus ay hindi pagtakas sa dapat nating gawin: pasanin ang ating kani-kaniyang pasanin.  Pero may isang napakahalagang bagay na kailangan nating maintindihan.  Ang yoke na tinutukoy ni Jesus ay ang pamatok na pamilyar sa Kanyang mga tagapakinig.  Sa Israel, ang hayop na pang-araro ay hindi kalabaw kundi ox, at laging dalawang oxen ang nag-aararo ng bukid kung kaya’t ang pamatok o yoke na alam ng unang mga tagapakinig ni Jesus ay hindi pang-isahan kundi pandalawahan.  Samakatuwid, ang paanyaya ni Jesus na pasanin ang Kanyang pamatok ay nangangahulugang pasanin ito nang kasama Siya.  Dalawa kayong papasan ng kung anuman ang dapat mong pasanin.  Kaya nga po, “my burden is light” ang sabi ni Jesus.  Bakit magaan ang pamatok ni Jesus?  Kasi kasama Mo siyang nagpapasan at hindi ka mag-isang nabibigatan.  Sa katunayan, hindi mo naman talagang kailangang mabigatang mag-isa.
          Sinabi ni San Agustin, “Ubi amatur, non laboratur, aut si laboratur, labor amatur” (“Where there is love, there is no toil.  But even if there is toil, the toil itself is loved”). Kung saan daw po may pag-ibig, walang paghihirap.  Pero kahit pa may paghihirap, ang paghihirap ay iniibig din.  Ang pag-ibig nawang ito ang humubog sa ating pagkatakot sa Diyos, lumikha ng kababaang-loob sa ating mga puso, magkaloob sa atin ng karunungan, magpalasap sa atin ng tunay na kapahingahan, at, higit sa lahat, maging daan ng ating pagtulad kay Jesus.  Sana, talagang lagi ring itinuturo ito sa mga paaralan.  Sana may subject na ganito sa klase.  Sana magpakadalubhasa tayong lahat sa larangang ito ng buhay.