DALUBHASA KA BA?
Ikalabing-apat na Linggo sa Karaniwang Panahon
Mt 11:25-30 Back to school na po ulit! Sa ilang eskuwelahan, mag-iisang buwan na nga mga klase. Sa La Salle Greenhills, dalawang linggo pa lang. Buhay-estudyante – ito ang kasalukuyang buhay ng karamihan sa mga kabataan. At napakahalaga naman talaga ng bahaging ito ng buhay. Ika nga ng maraming mga magulang, wala silang maipapamana sa kanilang mga anak na higit pa sa kanilang pinag-aralan. Iba naman po kasi talaga kapag may pinag-aralan ka. Iyon nga lang, hindi lahat ng may pinag-aralan ay ginagamit ang kanilang pinag-aralan.
Naaalala ko pa noong nasa kolehiyo pa kami sa Ateneo, paminsan-minsang libangan namin ang gawing “pulutan” ang ilang mga nakatatawang propesor namin. May mga kaklase kami noong mahusay talagang mag-impersonate, kuhang-kuha nila ang pagsasalita at pagkilos, pati na ang mannerisms at diction ng mga teacher namin. At tuwang-tuwa naman kami. Nakakahiya mang aminin, pero, opo, may ilang mga gurong pinagtatawanan namin. Paano naman po kasi meron naman talagang mga propesor na tampulan ng mga biruan. Samantalang tutoo rin namang may mga dalubhasa sa kani-kanilang asignatura na karapat-dapat sa paghangang tinatanggap nila, meron din namang pagtatakahan mo kung paano at bakit sila naging guro. Tutoon ngang ang mga titulo ng pagkadalubhasa ay hindi kasegurahan ng karunungan kasi, mawalang galang po, may mga guro rin naman tatanga-tanga, hindi ba? Erudition is not an antidote against silliness.
Kasabay ng pagsisimula ng kasalukuyang taong-pampaaralan, napangingiti akong makita at marinig ang Panginoong Jesus sa Ebanghelyo na parang “pinulutan” ang mga dalubhasa ng Kanyang panahon. Hindi po Siya nagpapatawa. Sa halip, damang-dama ang kalungkutan sa Kanyang pananalita. E, sino nga po ba ang mga dalubhasa ng Kanyang panahon? Ang mga eskriba.
Mga dalubhasa sa batas – iyan po ang titulong nakakamit ng mga eskriba matapos ang maraming taon ng pagsusunog ng kilay, ika nga, sa pag-aaral ng Batas ni Moises. Pero huwag po ninyong iisiping ang tinutukoy na Batas ni Moises ay binubuo lamang ng Sampung Utos; sapagkat mula sa Sampung Utos na tinanggap ni Moises sa Diyos, nakalikha ang mga dalubhasa sa batas Judaiko (Judaic law) ng 613 batas pa. At ang lahat ng 613 “mga puwede” at “mga bawal” ay dapat na masusing tupdin, ayon sa mga eskriba, para maging isang mabuting Judyo. Kahit hindi po kayo Judyo, palagay ko, bigla ninyong naramdaman ngayon sa inyong mga balikat ang bigat ng hindi lamang pagtupad kundi, una sa lahat, pagtanda sa 613 batas Judaiko. Hindi ka pa nangangalahati sa mga dapat mong memoryahin at gawin, laylay na ang dila mo, masakit na ang ulo mo, at nangangatog na ang kalamnan mo sa pagod. Kakapagod! Kaya nga po, kaakit-akit talaga ang paanyaya ni Jesus sa mga may oras pang making sa Kanya: “Halikayo sa Akin, kayong lahat na napapagal at nabibigatan sa inyong mga pasanin, at kayo ay pagpapahingahin ko.”
Pero ang malungkot po rito ay ito: silang mga dalubhasa ika, silang mga may pinag-aralan daw, ay hindi nakababatid sa sekretong ito na ayon kay Jesus ay inilihim talaga ng Kanyang Ama sa mga may pinag-aralan at matatalino pero ibinunyag naman sa maliliit gaya ng mga bata. Ito pa ang masakit: iyon daw talaga ang kalooban ng Ama. Kaya nga’t silang mga eskriba – ang mga dalubhasa, ang mga may pinag-aralan, noong panahon ni Jesus – ay bobo pa rin sa ganang ito. Bakit? Kasi ayaw nilang tanggapin si Jesus. E bakit? Kasi kulang sila sa kababaang-loob, allergic sila sa pagiging maliit na tulad ng isang bata; palibhasa nga naman, ang taas-taas na kaya ng naabot nila, mga titulado na sila, alam na nila ang lahat. Iyon nga po ang akala nila. Ngunit sa panukat ng Diyos, lagpak sila kahit naipasa pa nila ang bar exam noon.
Bale-wala ang katalinuhan kung walang karunungan. Parang parehas lang ang talino at dunong, pero hindi po. Ang talino ay knowledge. Ang dunong ay wisdom. Marami kayang matatalino pero hindi naman marunong sa buhay, lalong-lalo na pagdating sa buhay-espirituwal, hindi ba? Maaaring tumalino sa pamamagitan ng mahusay na pag-aaral, subalit ang karunungan ay hindi makakamit nang walang tunay na kapakumbabaan. Ayon sa Banal na Kasulatan, Kaw 1:7, “Initium sapiaentiae timor Domini” (“The fear of the Lord is the beginning of wisdom”). Ang simula po ng karunungan ay ang pagkatakot sa Panginoon. Matalino ka man pero kung wala kang takot sa Diyos, hangal ka pa rin. Ang pagkatakot na ito ay hindi ang pagkatakot ng alipin sa kanyang amo o ng mabuting tao sa taong umuusig sa kanya, kundi ang takot ng isang anak sa kanyang magulang – isang anak na may kababaang-loob sa pagkilala at pagtanggap na kung wala ang kanyang magulang ay wala siya. Sinumang may ganitong uring pagkatakot, ganitong uri ng kababaang-loob, ay laging nakahandang pakinggan ang Diyos at sumunod sa Kanyang kalooban.
Sa tutoo lang, may ganito ba tayong pagkatakot sa Diyos? Marami na kasing tao ang wala nang takot sa Diyos: tumingin lang tayo sa paligid natin, kahit saan, at makikita natin. May ganitong kapakumbabaan ba tayo para tayo ay dumunong at hindi lamang tumalino? Kung wala, kahit pa tayo ay may isang dosenang doctorate, kahit pa magkabali-bali ang leeg natin sa dami at bigat ng mga medalyang naisabit na sa atin, kahit pa napakatayog ng ating posisyon sa pamayanang kinabibilangan natin, katawa-tawa lang tayo dahil para tayong lobo na mataas nga ang lipad pero, sa tutoo lang, puros hangin lang ang laman.
Kung ang inakala ng mga eskriba na ang relihiyong Judaismo ay nakasentro sa mga batas, malaki naman ang pagkakaiba nito sa ating pananampalataya. Ang Kristiyanismo ay hindi tungkol sa mga batas kundi tungkol isang persona na ang pangalan ay Jesukristo. Tunay pong mahalaga ang mga batas na dapat ipatupad, pero, ang nasa sentro ng ating pananampalataya ay si Jesukristo; at sa halip na pagtupad, ang dapat nating unang kaabalahan ay pagtulad. Tularan natin si Jesus. Kaya nga po, sabi Niya sa Ebanghelyo ngayon, “…learn from Me…I am meek and humble of heart.”
Pero, sandali lang po, kung iniisip nating “pabanjing-banjing” lang ang mag-aaral kay Jesus, ang tulad sa Kanya, ang maging estudyante Niya, nagkakamali po tayo. “Shoulder my yoke,” malinaw na payo ni Jesus sa mga gustong makalasap ng kapahingahan Niya. Isang kabalintunaan, di po ba? Akala natin ang pahinga ay ang walang gagawin. Hindi pala. Ang paanyaya ni Jesus ay hindi pagtakas sa dapat nating gawin: pasanin ang ating kani-kaniyang pasanin. Pero may isang napakahalagang bagay na kailangan nating maintindihan. Ang yoke na tinutukoy ni Jesus ay ang pamatok na pamilyar sa Kanyang mga tagapakinig. Sa Israel, ang hayop na pang-araro ay hindi kalabaw kundi ox, at laging dalawang oxen ang nag-aararo ng bukid kung kaya’t ang pamatok o yoke na alam ng unang mga tagapakinig ni Jesus ay hindi pang-isahan kundi pandalawahan. Samakatuwid, ang paanyaya ni Jesus na pasanin ang Kanyang pamatok ay nangangahulugang pasanin ito nang kasama Siya. Dalawa kayong papasan ng kung anuman ang dapat mong pasanin. Kaya nga po, “my burden is light” ang sabi ni Jesus. Bakit magaan ang pamatok ni Jesus? Kasi kasama Mo siyang nagpapasan at hindi ka mag-isang nabibigatan. Sa katunayan, hindi mo naman talagang kailangang mabigatang mag-isa.
Sinabi ni San Agustin, “Ubi amatur, non laboratur, aut si laboratur, labor amatur” (“Where there is love, there is no toil. But even if there is toil, the toil itself is loved”). Kung saan daw po may pag-ibig, walang paghihirap. Pero kahit pa may paghihirap, ang paghihirap ay iniibig din. Ang pag-ibig nawang ito ang humubog sa ating pagkatakot sa Diyos, lumikha ng kababaang-loob sa ating mga puso, magkaloob sa atin ng karunungan, magpalasap sa atin ng tunay na kapahingahan, at, higit sa lahat, maging daan ng ating pagtulad kay Jesus. Sana, talagang lagi ring itinuturo ito sa mga paaralan. Sana may subject na ganito sa klase. Sana magpakadalubhasa tayong lahat sa larangang ito ng buhay.
6 Comments:
hello po Father Bobby. I'm junior, 19, from r.papa. I really idolize u as a priest, ur homilies, ur words, ur being holy, etc. I thank God for letting me know u after listening to ur reflections at the Holy Cross cHAPEL. i feel so blessed po everytime na magmamano ako sa inyo after the mass. i will keep on reading po this blog of urs.God bless po, and hope we can talk soon about God.thank u po and God bless.sana po dis sunday, July 10, kayo po sana ang magmisa.thank u po.
love,
junior
shalom, junior!
thank you so much for your kind words. please pray for me and for all priests everyday. pray for our holy perseverance. i am going on a retreat, am praying for you.
God bless you always. +
fr. bob
shalom, junior!
thank you so much for your kind words. please pray for me and for all priests everyday. pray for our holy perseverance. i am going on a retreat, am praying for you.
God bless you always. +
fr. bob
Dear Fr. Bobby,
Another well explained Homily for the difference between Knowledge and
Wisdom.
Yes, many of us failed to understand and how to distinguish one from the other.
Knowledge" is acquired thru schools and the immediate environment itself;
but Wisdom" is the essence of how one will combat, will take, will accept, will challenge, will handle, will manage, will decide, will forego, will face the tasks/responsibilities in life. Backed by strong faith , Trust in the Lord, coupled with Humility at heart will make a life worthwhile.
A life that is blessed with grace
and a path that is guided by God.
God bless you and your family always.
Praying for your successful and fruitful retreat!
Thank you for well-prepared Homilies everytime.
--------
rory
shalom, ate rory!
thank you very much. thank you even more for the prayers for our coming retreat. you are always in my prayers.
God bless you and the family always!
in Jesus our Peace
fr. bob
Nice blog work. I came across your blog while “blog surfing” using the Next Blog button on the blue Nav Bar located at the top of my blogger.com site. I frequently just travel around looking for other blogs which exist on the Internet, and the various, creative ways in which people express themselves. Thanks for sharing.
Post a Comment
Subscribe to Post Comments [Atom]
<< Home