24 April 2011

KAGAYA NG DATI?


Pasko ng Magmuling-Pagkabuhay ng Panginoon
Jn 20, 1-9

          Magandang umaga po sa inyong lahat!  Kamusta po kayo ngayong umagang ito?  Kamusta ba ang gising n’yo?  Gising na ba talaga kayo?  Kung nakatulog po kayo kagabi, magpasalamat kayo sa Diyos.  Maraming hindi nakatulog at hindi makatulog kagabi.  Kung nagising pa kayo ngayong umagang ito, mas magpasalamat kayo sa Diyos.  Maraming mga natulog kagabi na hindi na magigising ngayong araw na ito.  Kung maganda ang gising ninyo, mas lalo pa kayong magpasalamat sa Diyos.  May ilang mga taong gumising ngayong araw na ito na mabigat na mabigat ang loob.  Siguro, kung puwede lang sanang hindi na sila gumising, mas mamatamisin pa nila.  Mabigat ang loob nila.  Masama ang loob nila.  Puno ng takot ang loob nila.  Para silang pinagtakluban ng langit at lupa.  At tatlong araw na silang ganyan.
          Noong nakaraang Linggo lang, masayang-masaya silang lahat.  Nang pumasok si Jesus sa Jerusalem, hindi matigil ang pagpupugay ng madla.  At dahil sila ang mga kadikit ni Jesus, pakiramdam nila ay sikat na sikat na sila.  Pinalagay nilang yaon na ang hinihintay nilang pagkakataon para patunayan ni Jesus na walang binatbat ang mga kaaway Niya.  Pero iba ang naging takbo ng kuwento.  Parang si Jesus ang walang binatbat: naipapako Siya ng Kanyang mga kaaway.  At ngayon, tatlong araw nang nakalibing si Jesus; ayaw man nilang tanggapin, malamang ay nangangalingasaw na ang Kanyang bangkay.  Hindi magtatagal, dahil hindi iniimbalsamo ang mga Judyo, magsisimula na itong maagnas.  Nagkawatak-watak sila at napakabigat ng kanilang kalooban habang masayang nang nag-iinuman ang mga kaaway ni Jesus, pinagkukuwentuhan kung paano nila Siya nailigpit.
          Tatlo sa kanila ang binabanggit sa ating Ebanghelyo: si Maria Magdalena, si Simon Pedro, at si Juan.
Maagang-maaga pa raw ng unang araw ng sanlinggo at madilim pa, nagpunta na si Maria Magdalena sa libingan ni Jesus.  Ang bangkay ni Jesus ang kanyang pinuntahan sa libingan pero walang bangkay doon.  Kaya’t tumakbo siya agad kina Simon Pedro at Juan.  Ito ang ibinalita niya sa kanila: “Kinuha nila ang Panginoon sa libingan at hindi namin nalalaman kung saan Siya dinala.”  Pansinin po ninyo: “Kinuha nila” at hindi “nabuhay na nga” ang sinabi ni Maria Magdalena.  Malinaw na ang reaksyon ni Maria Magdalena sa libingang walang laman ay hindi malaking kagalakan sa magmuling-pagkabuhay ni Jesus.  Ayaw dayain ni Maria Magdalena ang kanyang sarili: patay na si Jesus; nakita niyang namatay si Jesus at kasama siyang naglibing kay Jesus.
Ang kamatayan ni Jesus ay napakasakit para kay Maria Magdalena.  Binago ni Jesus ang buhay niya, binigyan ng bago’t di hamak na mahalagang kahulugan.  Binago ni Jesus ang buhay niya, pero hindi niya mabago ang sinapit ni Jesus.  Ang tanging magagawa na lamang niya ngayon ay ang dalawin ang bangkay ni Jesus.  At dahil hindi nga matagpuan ang bangkay ni Jesus, ang tanging naisip niya lamang na posibleng nangyari ay ninakaw ng kung sino ang bangkay ni Jesus.
Kamustahin ninyo si Maria Magdalena.  Pakinggan ninyo ang sagot niya.  Kamusta raw siya?  Ano pong sagot niya?  Wala.  Wala siyang sagot.  Wala siyang maisagot.  Hindi siya makasagot.  Larawan si Maria Magdalena ng matinding kawalan.
Para naman kay Simon Pedro, katangi-tangi ang pait ng mga pangyayari.  Iniwan niya si Jesus kung kailang kailangang-kailangan siya Nito.  Hindi ba nagyabang pa siya noong Huling Hapunan na handa niyang ialay ang kanyang buhay para kay Jesus?  Pero ako nga ang ginawa niya?  Hindi niya lamang pinabayaan si Jesus; itinatwa pa niya Ito!  Not once, not twice, but thrice!  Tutoo, nagsisisi nga siya sa kanyang ginawa, pero ni hindi man lamang siya nakapag-sorry kay Jesus bago Ito namatay.  At ngayong tatlong araw nang nakalibing si Jesus, paano pa siya makahihingi ng tawad?  Maaari ba siyang patawarin ng bangkay?  At gusto man niyang tangisan ang bangkay ni Jesus, saan siya pupunta?  Nawawala ang bangkay!
Kamustahin naman ninyo si Simon Pedro.  Kamusta raw siya?  Anong sagot niya?  Pananangis.  Paghihinagpis.  Panghihinayang.  Umaatikabong hagulgol.  Napakatinding pagsisisi.
Si Juan ang ikatlong binabanggit sa ating Ebanghelyo.  “Minamahal na alagad” kung siya ay tawagin dahil gayon siya hayagang itinuring ni Jesus.  Bagamat mahal ni Jesus ang lahat ng Kanyang mga alagad, hindi nahihiyang itinangi Niya si Juan.  Siya ang pinakabata sa kanila, pero, sa kanilang lahat, siya lang ang hindi nang-iwan.  Kung sa Huling Hapunan ay humilig siyang tila natutulog sa dibdib ni Jesus, sa Kalbaryo naman ay nakatindig siya sa paanan ng krus hanggang mamatay si Jesus.  Sinuklian ni Juan ang natatanging pag-ibig sa kanya ni Jesus: hindi niya Siya iniwan at inampong ina rin niya ang nanay ni Jesus.  At sa pagbabalita sa kanila ni Maria Magdalena na nawawala ang bangkay ni Jesus, hindi kataka-takang nagmamadaling tumakbo si Juan patungong libingan.  Nauna pa nga siya sa libingan kaysa kay Simon Pedro pero magalang na hinintay ang pinuno ng mga alagad bago siya pumasok.  Nauna si Juan sa libingan ni Jesus hindi dahil sa mas mabilis siyang tumakbo kaysa kay Simon Pedro.  Nauna siya sa libingan ni Jesus dahil siya ang pinakamamahal na alagad.  Ang mga alagad na pinakamamahal ay hindi lamang laging present, palagi rin silang unang dumarating!
Kamustahin naman natin si Juan: “Kamusta ka, Juan?”  Anong sagot ni Juan?  Hindi pa siya makasagot kasi hinahabol pa niya ang hininga niya.  Katatapos lang nilang mag-jogging ni Simon Pedro patungong libingan ni Jesus, hindi ba?  Humihingal pa siya.  Ang Ebanghelyo na lang ang sumagot para sa kanya: He saw and believed!  “Nakita ko at ako’y naniwala,” ito ang isasagot ni Juan sa pangangamusta ninyo.
Bakit ganun?  Pareho naman ang nakita nilang tatlo.  Libingang walang-laman – ito ang iisang nakita ni Maria Magdalena, Simon Pedro, at Juan.  Pare-pareho nilang hindi natagpuan ang bangkay ni Jesus.  Pero bakit si Juan ang unang naniwalang magmuling-nabuhay si Jesus?
Katulad ni Maria Magdalena, narating ni Juan ang libingan.  Pero, di tulad ni Maria Magdalena, narating din agad ni Juan ang magmuling-pagkabuhay.  Unang pumasok si Simon Pedro sa libingan, pero si Juan naman ang unang nakapasok sa pinakapuso ng magmuling-pagkabuhay.  Pagmamahal ang pinakapuso ng magmuling-pagkabuhay ni Jesus; kaya’t hindi nakapagtatakang naunang nakarating at nakapasok sa puso ng magmuling-pagkabuhay ni Jesus ang alagad na pinakamamahal.  Mararating din nila Maria Magdalena, Simon Pedro, at iba pang mga alagad ang puso ng magmuling-pagkabuhay ni Jesus, pero, sa ngayon, si Juan muna ang nauna.  Kaya, kamusta si Juan?  Siya po ay masayang-masaya, for he saw and believed.
Ngayon, bago po tayo matapos sa ating pagninilay, ang katabi n’yo naman ang tanungin ninyo: “Kamusta ka, kaibigan?”  Malamang may sasagot diyan nang ganito, “Heto, kagaya rin ng dati.”  Kagaya rin ng dati?  Walang pinag-iba sa nakaraan?  Bakit ganun?  Walang pag-unlad?  Kaparehas pa rin ng dati?  Walang pagsulong?  Walang pagbabago?  Walang bumuti?  Katulad lang ng dati?  Ano, dyan ka na lang sa nakasanayan mo kahit mali, kahit masama, kahit puwede namang itama at gawing tunay na mabuti?  Ayaw mo ba talagang magbago?  Hindi mo ba pagtatangkaang magtaya sa ngalan ng mas makahulugan at mas mabuting pamumuhay?  Hanggang dyan ka na lang ba?  Ayaw mo bang buksan ang puso’t isipan?  Hindi ka na ba talaga lalabas sa iyong libingan?  Kagaya rin ng dati?
Tanungin n’yo na po ulit si Maria Magdalena, Simon Pedro, at Juan kung kamusta na sila. Iisa po ang isasagot nila sa inyo: “Hindi na kami kagaya ng dati.  Binago kami ni Jesus.  Binago kami ng pag-ibig Niya sa amin at ng pag-ibig naming sa Kanya.  Hindi na kami katulad ng dati – mga bagong tao na kami – at hindi na kami makababalik, hindi na kami babalik sa dati."
Si Maria Magdalena, Simon Pedro, at Juan naman ang nagtatanong sa bawat-isa sa atin ngayon: “E, ikaw, kamusta ka na?”  At ang isasagot mo lang, kapatid, ay “Heto, kagaya rin ng dati?”

10 April 2011

SIYA ANG MAGMULING-PAGKABUHAY AT BUHAY...NOW NA!

Ikalimang Linggo ng Kuwaresma
Jn 11:1-45

          Siguro naman po, namatayan na tayong lahat.  Alam nating kapag pumanaw ang isang mahal natin sa buhay, bigla tayong nagigising sa katotohanang walang papalit sa kanya.  Napakalaki ng puwang na nilikha sa buhay natin ng kanyang pagpanaw, halos sinlaki ng mundo.  Pinatitingkad ng pagpanaw ng mahal natin sa buhay ang kanyang mga katangian.  Tapos isa lang ang susunod na mangyayari, mami-miss natin siya.
          Kapag ang pumanaw ay sobrang mahal sa atin, sobra ring tagal mawala ang ating pighati.  Madalas, nagbabang-luksa na pero nagdadalamhati pa rin tayo.  Alam na alam ko ito kasi kahit na labintatlong taon na ang lumipas nang pumanaw ang tatay ko, miss na miss ko pa rin siya.  Hindi na rin nag-asawang muli ang nanay ko.  Simula nang mamatay ang tatay ko, hindi na ulit naging kumpleto ang pamilya naming.  Laging may wala.  Wala na si daddy.
          Ngayong ikalimang Linggo ng Kuwaresma, ang kuwento natin ay tungkol sa pagpanaw ni Lazaro.  Ang pagpanaw ni Lazaro ay nag-iwan ng malaking puwang sa buhay ng mga nagmamahal sa kanya.  At kabilang si Jesus sa mga nagmamahal kay Lazaro.  Anupa’t nanangis si Jesus sa labas ng libingan ni Lazaro.  Palibhasa, nang dumating si Jesus, wala na si Lazaro, at ipinahayag ni Martha ang kanyang panghihinayang: “Panginoon, kung nandito Ka sana, nandito pa sana ang kapatid ko.”  Ngunit sadya pa ngang napakahalaga sa kuwento ang pagkahindi naroroon ni Jesus nang si Lazaro ay pumanaw.  Sa simula pa lang ng kanyang pagsasalaysay, sinasabi na sa atin ni San Juan na sa pamamagitan ng kamatayan ni Lazaro, ang Anak ng Diyos ay luluwalhatiin.  Kung paanong, noong nakaraang Linggo, sa pagkakaloob ng paningin sa taong isinilang na bulag ay ipinahayag na si Jesus ang Liwanag ng sanlibutan, ngayon naman ang kamatayan ni Lazaro ay magsisilbing patutoo na si Jesus ang Buhay ng sandaigdigan.
          Sa simula ng Ebanghelyong isinulat niya, sinabi ni San Juan ang ganito:                    “Ang lahat ng umiral ay nagkabuhay sa Kanya at ang buhay na yaon ay ang liwanag ng sangkatauhan, liwanag na tumatanglaw sa kadiliman, liwanag na hindi kayang magapi ng kadiliman” (Jn 1:4-5).  At ipinakikita ni San Juan ang dakilang katotohanang ito sa atin ngayon.
          Sa panghihinayang ni Martha, ang sagot ni Jesus ay ito: “Muling mabubuhay ang kapatid mo.”  “Opo, Panginoon, nananalig akong mabubuhay siyang muli sa huling araw,” tugon ni Martha.  Hindi agad nasakyan ni Martha; ang ibig sabihin pala ni Jesus ay “ngayon na!”  Si Lazaro ay muling bubuhayin ni Jesus hindi sa huling araw, hindi sa isang taon, hindi sa isang lingo, hindi bukas, hindi mamaya, kundi ngayon na.  Now na!  Hindi talaga masakyan ni Martha, kaya idinugtong pa ni Jesus: “Ako ang Magmuling-pagkabuhay at ang Buhay.”  Maging ang kadiliman ng libingan ay hindi kadiliman para kay Jesus – Siya ang Liwanag mismo, hindi ba?  At bagamat pumanaw na si Lazaro, hindi pa rin huli ang lahat para si Jesus ang maging buhay niya.  Kaya, tinawag ni Jesus ang patay: “Lazaro, halika!  Lumabas ka!”
          Pansin po ba ninyo, tinawag ni Jesus ang patay?  At narinig ng patay ang tinig ni Jesus.  Kahit patay na, nakikinig pa rin sa tinig ni Jesus.  Iyon ang himala!  At hindi lang naririnig ng patay ang tinig ni Jesus, sinusunod pa nito ang utos ng tinig na iyon.  “Lazaro, halika!  Lumabas ka!”  At lumabas nga si Lazaro – hindi zombie kundi tunay na taong buhay.  Sa Jn 5:25, sinabi ni Jesus, “Tunay Kong sinasabi sa inyo, darating ang oras – sa katunayan ay naririto na nga – kung kailan ang mga patay ay maririnig ang tinig ng Anak ng Diyos, at ang lahat ng makarinig niyon ay mabubuhay.”  Heto na nga po ang katuparan niyon.  Now na!
          Pero nang lumabas si Lazaro mula sa libingan, balot na balot pa s’ya ng mga pambalot para sa patay.  Mula sa dating patay, bumaling naman si Jesus sa mga buhay pa at sinabi: “Kalagan ninyo siya at palayain.”  Napakaganda po, hindi ba?  Sa pagsunod sa utos ni Jesus, isinasagawa ng sambayanan ang mahalagang papel nito para si Lazaro ay makapagsimulang muli sa liwanag ng isang bagong buhay.
          Walang anumang pasubali, ang kuwentong ito ng pagbuhay kay Lazaro ay pagpapahayag ng sinaunang sambayanang Kristiyano sa dakilang katotohanang sinasampalatayanan nito: si Jesus ang Panginoon ng Buhay.  May kapangyarihan si Jesus na tawagin tayo palabas ng ating mga libignan.  Ang buhay Kristiyano ay nagsisimula lamang kapag tayo, bagamat patay na, ay nakikinig at tumatalima sa salita ng Diyos.  Alam na alam nating hindi kailangang lagot ang ating hininga para masabing patay na tayo at nangangailangang buhaying muli.  Marami nga po sa atin ang buhay pa pero patay na – merong mga mukhang patay lang, merong mga amoy patay na, at merong patay na talaga.  Doon nga po sa Roma, ang daming mga santong daan-daang taon nang patay pero hindi pa nako-corrupt, samantalang dito sa Pilipinas maraming buhay na buhay pa pero corrupt na corrupt na.  Sa gitna ng buhay, maaaring patay na tayo – umaasa sa isang salita at isang sambayanang magbabangon, magbubuo, at bubuhay sa ating muli.
          Hindi para sa atin ang libingan.  Hindi tayo dapat manirahan doon.  Tinatawag tayo ng tinig ni Jesus palabas ng kung anumang libingang natutunan na nating gawing tahanan.  Ito ang Kuwaresma, ang pagbangon nating muli, hindi ba?  Ang pagbabagong-buhay.  Ang pagpapanibagong-buhay.
          Wala ring nabubuhay nang mag-isa.  Kailangan ang iba para magkalag at magpalaya sa sinumang nababalot ng mga pambalot sa patay.  Kinailangan ito ni Lazaro; kailangan ito ng lahat ng tao.  Ito naman ang hamon sa atin ng Kuwaresma: isabuhay ang pananagutan para sa kapwa na, tulad ni Lazaro, minamahal ni Jesus.  Kung may sinumang buhay pa ngunit mistulang patay na, dapat nating pagsikapang gawin ang ginawa ni Jesus at ng sambayanan kay Lazaro: ibangon sila, buhayin, at palayain.  At iyon ay hindi bukas, hindi mamaya, kundi now na!