SIYA ANG MAGMULING-PAGKABUHAY AT BUHAY...NOW NA!
Ikalimang Linggo ng Kuwaresma
Jn 11:1-45
Siguro naman po, namatayan na tayong lahat. Alam nating kapag pumanaw ang isang mahal natin sa buhay, bigla tayong nagigising sa katotohanang walang papalit sa kanya. Napakalaki ng puwang na nilikha sa buhay natin ng kanyang pagpanaw, halos sinlaki ng mundo. Pinatitingkad ng pagpanaw ng mahal natin sa buhay ang kanyang mga katangian. Tapos isa lang ang susunod na mangyayari, mami-miss natin siya.
Kapag ang pumanaw ay sobrang mahal sa atin, sobra ring tagal mawala ang ating pighati. Madalas, nagbabang-luksa na pero nagdadalamhati pa rin tayo. Alam na alam ko ito kasi kahit na labintatlong taon na ang lumipas nang pumanaw ang tatay ko, miss na miss ko pa rin siya. Hindi na rin nag-asawang muli ang nanay ko. Simula nang mamatay ang tatay ko, hindi na ulit naging kumpleto ang pamilya naming. Laging may wala. Wala na si daddy.
Ngayong ikalimang Linggo ng Kuwaresma, ang kuwento natin ay tungkol sa pagpanaw ni Lazaro. Ang pagpanaw ni Lazaro ay nag-iwan ng malaking puwang sa buhay ng mga nagmamahal sa kanya. At kabilang si Jesus sa mga nagmamahal kay Lazaro. Anupa’t nanangis si Jesus sa labas ng libingan ni Lazaro. Palibhasa, nang dumating si Jesus, wala na si Lazaro, at ipinahayag ni Martha ang kanyang panghihinayang: “Panginoon, kung nandito Ka sana, nandito pa sana ang kapatid ko.” Ngunit sadya pa ngang napakahalaga sa kuwento ang pagkahindi naroroon ni Jesus nang si Lazaro ay pumanaw. Sa simula pa lang ng kanyang pagsasalaysay, sinasabi na sa atin ni San Juan na sa pamamagitan ng kamatayan ni Lazaro, ang Anak ng Diyos ay luluwalhatiin. Kung paanong, noong nakaraang Linggo, sa pagkakaloob ng paningin sa taong isinilang na bulag ay ipinahayag na si Jesus ang Liwanag ng sanlibutan, ngayon naman ang kamatayan ni Lazaro ay magsisilbing patutoo na si Jesus ang Buhay ng sandaigdigan.
Sa simula ng Ebanghelyong isinulat niya, sinabi ni San Juan ang ganito: “Ang lahat ng umiral ay nagkabuhay sa Kanya at ang buhay na yaon ay ang liwanag ng sangkatauhan, liwanag na tumatanglaw sa kadiliman, liwanag na hindi kayang magapi ng kadiliman” (Jn 1:4-5). At ipinakikita ni San Juan ang dakilang katotohanang ito sa atin ngayon.
Sa panghihinayang ni Martha, ang sagot ni Jesus ay ito: “Muling mabubuhay ang kapatid mo.” “Opo, Panginoon, nananalig akong mabubuhay siyang muli sa huling araw,” tugon ni Martha. Hindi agad nasakyan ni Martha; ang ibig sabihin pala ni Jesus ay “ngayon na!” Si Lazaro ay muling bubuhayin ni Jesus hindi sa huling araw, hindi sa isang taon, hindi sa isang lingo, hindi bukas, hindi mamaya, kundi ngayon na. Now na! Hindi talaga masakyan ni Martha, kaya idinugtong pa ni Jesus: “Ako ang Magmuling-pagkabuhay at ang Buhay.” Maging ang kadiliman ng libingan ay hindi kadiliman para kay Jesus – Siya ang Liwanag mismo, hindi ba? At bagamat pumanaw na si Lazaro, hindi pa rin huli ang lahat para si Jesus ang maging buhay niya. Kaya, tinawag ni Jesus ang patay: “Lazaro, halika! Lumabas ka!”
Pansin po ba ninyo, tinawag ni Jesus ang patay? At narinig ng patay ang tinig ni Jesus. Kahit patay na, nakikinig pa rin sa tinig ni Jesus. Iyon ang himala! At hindi lang naririnig ng patay ang tinig ni Jesus, sinusunod pa nito ang utos ng tinig na iyon. “Lazaro, halika! Lumabas ka!” At lumabas nga si Lazaro – hindi zombie kundi tunay na taong buhay. Sa Jn 5:25, sinabi ni Jesus, “Tunay Kong sinasabi sa inyo, darating ang oras – sa katunayan ay naririto na nga – kung kailan ang mga patay ay maririnig ang tinig ng Anak ng Diyos, at ang lahat ng makarinig niyon ay mabubuhay.” Heto na nga po ang katuparan niyon. Now na!
Pero nang lumabas si Lazaro mula sa libingan, balot na balot pa s’ya ng mga pambalot para sa patay. Mula sa dating patay, bumaling naman si Jesus sa mga buhay pa at sinabi: “Kalagan ninyo siya at palayain.” Napakaganda po, hindi ba? Sa pagsunod sa utos ni Jesus, isinasagawa ng sambayanan ang mahalagang papel nito para si Lazaro ay makapagsimulang muli sa liwanag ng isang bagong buhay.
Walang anumang pasubali, ang kuwentong ito ng pagbuhay kay Lazaro ay pagpapahayag ng sinaunang sambayanang Kristiyano sa dakilang katotohanang sinasampalatayanan nito: si Jesus ang Panginoon ng Buhay. May kapangyarihan si Jesus na tawagin tayo palabas ng ating mga libignan. Ang buhay Kristiyano ay nagsisimula lamang kapag tayo, bagamat patay na, ay nakikinig at tumatalima sa salita ng Diyos. Alam na alam nating hindi kailangang lagot ang ating hininga para masabing patay na tayo at nangangailangang buhaying muli. Marami nga po sa atin ang buhay pa pero patay na – merong mga mukhang patay lang, merong mga amoy patay na, at merong patay na talaga. Doon nga po sa Roma, ang daming mga santong daan-daang taon nang patay pero hindi pa nako-corrupt, samantalang dito sa Pilipinas maraming buhay na buhay pa pero corrupt na corrupt na. Sa gitna ng buhay, maaaring patay na tayo – umaasa sa isang salita at isang sambayanang magbabangon, magbubuo, at bubuhay sa ating muli.
Hindi para sa atin ang libingan. Hindi tayo dapat manirahan doon. Tinatawag tayo ng tinig ni Jesus palabas ng kung anumang libingang natutunan na nating gawing tahanan. Ito ang Kuwaresma, ang pagbangon nating muli, hindi ba? Ang pagbabagong-buhay. Ang pagpapanibagong-buhay.
Wala ring nabubuhay nang mag-isa. Kailangan ang iba para magkalag at magpalaya sa sinumang nababalot ng mga pambalot sa patay. Kinailangan ito ni Lazaro; kailangan ito ng lahat ng tao. Ito naman ang hamon sa atin ng Kuwaresma: isabuhay ang pananagutan para sa kapwa na, tulad ni Lazaro, minamahal ni Jesus. Kung may sinumang buhay pa ngunit mistulang patay na, dapat nating pagsikapang gawin ang ginawa ni Jesus at ng sambayanan kay Lazaro: ibangon sila, buhayin, at palayain. At iyon ay hindi bukas, hindi mamaya, kundi now na!
0 Comments:
Post a Comment
Subscribe to Post Comments [Atom]
<< Home