KAGAYA NG DATI?
Pasko ng Magmuling-Pagkabuhay ng Panginoon
Jn 20, 1-9
Magandang umaga po sa inyong lahat! Kamusta po kayo ngayong umagang ito? Kamusta ba ang gising n’yo? Gising na ba talaga kayo? Kung nakatulog po kayo kagabi, magpasalamat kayo sa Diyos. Maraming hindi nakatulog at hindi makatulog kagabi. Kung nagising pa kayo ngayong umagang ito, mas magpasalamat kayo sa Diyos. Maraming mga natulog kagabi na hindi na magigising ngayong araw na ito. Kung maganda ang gising ninyo, mas lalo pa kayong magpasalamat sa Diyos. May ilang mga taong gumising ngayong araw na ito na mabigat na mabigat ang loob. Siguro, kung puwede lang sanang hindi na sila gumising, mas mamatamisin pa nila. Mabigat ang loob nila. Masama ang loob nila. Puno ng takot ang loob nila. Para silang pinagtakluban ng langit at lupa. At tatlong araw na silang ganyan.
Noong nakaraang Linggo lang, masayang-masaya silang lahat. Nang pumasok si Jesus sa Jerusalem, hindi matigil ang pagpupugay ng madla. At dahil sila ang mga kadikit ni Jesus, pakiramdam nila ay sikat na sikat na sila. Pinalagay nilang yaon na ang hinihintay nilang pagkakataon para patunayan ni Jesus na walang binatbat ang mga kaaway Niya. Pero iba ang naging takbo ng kuwento. Parang si Jesus ang walang binatbat: naipapako Siya ng Kanyang mga kaaway. At ngayon, tatlong araw nang nakalibing si Jesus; ayaw man nilang tanggapin, malamang ay nangangalingasaw na ang Kanyang bangkay. Hindi magtatagal, dahil hindi iniimbalsamo ang mga Judyo, magsisimula na itong maagnas. Nagkawatak-watak sila at napakabigat ng kanilang kalooban habang masayang nang nag-iinuman ang mga kaaway ni Jesus, pinagkukuwentuhan kung paano nila Siya nailigpit.
Tatlo sa kanila ang binabanggit sa ating Ebanghelyo: si Maria Magdalena, si Simon Pedro, at si Juan.
Maagang-maaga pa raw ng unang araw ng sanlinggo at madilim pa, nagpunta na si Maria Magdalena sa libingan ni Jesus. Ang bangkay ni Jesus ang kanyang pinuntahan sa libingan pero walang bangkay doon. Kaya’t tumakbo siya agad kina Simon Pedro at Juan. Ito ang ibinalita niya sa kanila: “Kinuha nila ang Panginoon sa libingan at hindi namin nalalaman kung saan Siya dinala.” Pansinin po ninyo: “Kinuha nila” at hindi “nabuhay na nga” ang sinabi ni Maria Magdalena. Malinaw na ang reaksyon ni Maria Magdalena sa libingang walang laman ay hindi malaking kagalakan sa magmuling-pagkabuhay ni Jesus. Ayaw dayain ni Maria Magdalena ang kanyang sarili: patay na si Jesus; nakita niyang namatay si Jesus at kasama siyang naglibing kay Jesus.
Ang kamatayan ni Jesus ay napakasakit para kay Maria Magdalena. Binago ni Jesus ang buhay niya, binigyan ng bago’t di hamak na mahalagang kahulugan. Binago ni Jesus ang buhay niya, pero hindi niya mabago ang sinapit ni Jesus. Ang tanging magagawa na lamang niya ngayon ay ang dalawin ang bangkay ni Jesus. At dahil hindi nga matagpuan ang bangkay ni Jesus, ang tanging naisip niya lamang na posibleng nangyari ay ninakaw ng kung sino ang bangkay ni Jesus.
Kamustahin ninyo si Maria Magdalena. Pakinggan ninyo ang sagot niya. Kamusta raw siya? Ano pong sagot niya? Wala. Wala siyang sagot. Wala siyang maisagot. Hindi siya makasagot. Larawan si Maria Magdalena ng matinding kawalan.
Para naman kay Simon Pedro, katangi-tangi ang pait ng mga pangyayari. Iniwan niya si Jesus kung kailang kailangang-kailangan siya Nito. Hindi ba nagyabang pa siya noong Huling Hapunan na handa niyang ialay ang kanyang buhay para kay Jesus? Pero ako nga ang ginawa niya? Hindi niya lamang pinabayaan si Jesus; itinatwa pa niya Ito! Not once, not twice, but thrice! Tutoo, nagsisisi nga siya sa kanyang ginawa, pero ni hindi man lamang siya nakapag-sorry kay Jesus bago Ito namatay. At ngayong tatlong araw nang nakalibing si Jesus, paano pa siya makahihingi ng tawad? Maaari ba siyang patawarin ng bangkay? At gusto man niyang tangisan ang bangkay ni Jesus, saan siya pupunta? Nawawala ang bangkay!
Kamustahin naman ninyo si Simon Pedro. Kamusta raw siya? Anong sagot niya? Pananangis. Paghihinagpis. Panghihinayang. Umaatikabong hagulgol. Napakatinding pagsisisi.
Si Juan ang ikatlong binabanggit sa ating Ebanghelyo. “Minamahal na alagad” kung siya ay tawagin dahil gayon siya hayagang itinuring ni Jesus. Bagamat mahal ni Jesus ang lahat ng Kanyang mga alagad, hindi nahihiyang itinangi Niya si Juan. Siya ang pinakabata sa kanila, pero, sa kanilang lahat, siya lang ang hindi nang-iwan. Kung sa Huling Hapunan ay humilig siyang tila natutulog sa dibdib ni Jesus, sa Kalbaryo naman ay nakatindig siya sa paanan ng krus hanggang mamatay si Jesus. Sinuklian ni Juan ang natatanging pag-ibig sa kanya ni Jesus: hindi niya Siya iniwan at inampong ina rin niya ang nanay ni Jesus. At sa pagbabalita sa kanila ni Maria Magdalena na nawawala ang bangkay ni Jesus, hindi kataka-takang nagmamadaling tumakbo si Juan patungong libingan. Nauna pa nga siya sa libingan kaysa kay Simon Pedro pero magalang na hinintay ang pinuno ng mga alagad bago siya pumasok. Nauna si Juan sa libingan ni Jesus hindi dahil sa mas mabilis siyang tumakbo kaysa kay Simon Pedro. Nauna siya sa libingan ni Jesus dahil siya ang pinakamamahal na alagad. Ang mga alagad na pinakamamahal ay hindi lamang laging present, palagi rin silang unang dumarating!
Kamustahin naman natin si Juan: “Kamusta ka, Juan?” Anong sagot ni Juan? Hindi pa siya makasagot kasi hinahabol pa niya ang hininga niya. Katatapos lang nilang mag-jogging ni Simon Pedro patungong libingan ni Jesus, hindi ba? Humihingal pa siya. Ang Ebanghelyo na lang ang sumagot para sa kanya: He saw and believed! “Nakita ko at ako’y naniwala,” ito ang isasagot ni Juan sa pangangamusta ninyo.
Bakit ganun? Pareho naman ang nakita nilang tatlo. Libingang walang-laman – ito ang iisang nakita ni Maria Magdalena, Simon Pedro, at Juan. Pare-pareho nilang hindi natagpuan ang bangkay ni Jesus. Pero bakit si Juan ang unang naniwalang magmuling-nabuhay si Jesus?
Katulad ni Maria Magdalena, narating ni Juan ang libingan. Pero, di tulad ni Maria Magdalena, narating din agad ni Juan ang magmuling-pagkabuhay. Unang pumasok si Simon Pedro sa libingan, pero si Juan naman ang unang nakapasok sa pinakapuso ng magmuling-pagkabuhay. Pagmamahal ang pinakapuso ng magmuling-pagkabuhay ni Jesus; kaya’t hindi nakapagtatakang naunang nakarating at nakapasok sa puso ng magmuling-pagkabuhay ni Jesus ang alagad na pinakamamahal. Mararating din nila Maria Magdalena, Simon Pedro, at iba pang mga alagad ang puso ng magmuling-pagkabuhay ni Jesus, pero, sa ngayon, si Juan muna ang nauna. Kaya, kamusta si Juan? Siya po ay masayang-masaya, for he saw and believed.
Ngayon, bago po tayo matapos sa ating pagninilay, ang katabi n’yo naman ang tanungin ninyo: “Kamusta ka, kaibigan?” Malamang may sasagot diyan nang ganito, “Heto, kagaya rin ng dati.” Kagaya rin ng dati? Walang pinag-iba sa nakaraan? Bakit ganun? Walang pag-unlad? Kaparehas pa rin ng dati? Walang pagsulong? Walang pagbabago? Walang bumuti? Katulad lang ng dati? Ano, dyan ka na lang sa nakasanayan mo kahit mali, kahit masama, kahit puwede namang itama at gawing tunay na mabuti? Ayaw mo ba talagang magbago? Hindi mo ba pagtatangkaang magtaya sa ngalan ng mas makahulugan at mas mabuting pamumuhay? Hanggang dyan ka na lang ba? Ayaw mo bang buksan ang puso’t isipan? Hindi ka na ba talaga lalabas sa iyong libingan? Kagaya rin ng dati?
Tanungin n’yo na po ulit si Maria Magdalena, Simon Pedro, at Juan kung kamusta na sila. Iisa po ang isasagot nila sa inyo: “Hindi na kami kagaya ng dati. Binago kami ni Jesus. Binago kami ng pag-ibig Niya sa amin at ng pag-ibig naming sa Kanya. Hindi na kami katulad ng dati – mga bagong tao na kami – at hindi na kami makababalik, hindi na kami babalik sa dati."
Si Maria Magdalena, Simon Pedro, at Juan naman ang nagtatanong sa bawat-isa sa atin ngayon: “E, ikaw, kamusta ka na?” At ang isasagot mo lang, kapatid, ay “Heto, kagaya rin ng dati?”
Si Maria Magdalena, Simon Pedro, at Juan naman ang nagtatanong sa bawat-isa sa atin ngayon: “E, ikaw, kamusta ka na?” At ang isasagot mo lang, kapatid, ay “Heto, kagaya rin ng dati?”
1 Comments:
good evening po father! father, ask ko lang po, may ebook po ba ng lectionary na pwede madownload?
thank po.. more power and God bless!
Post a Comment
Subscribe to Post Comments [Atom]
<< Home