22 May 2010

ANG APOY

Dakilang Kapistahan ng Pentekostes
Jn 20:19-23

Kamangha-manghang elemento ng kalikasan ang apoy, hindi ba? Parehas na katangian ng apoy ang sumira at lumikha, manwasak at mambuo, pumatay at bumuhay. Sa mga kamay ng mga arsonista, halimbawa, mapanganib ang apoy at maaaring mansunog hindi lamang ang mga bahay kundi pati na rin ng mga buhay. Pero sa kamay ng mga mahusay na manggagawa, ang apoy ang nagkapagpapanibagong-anyo sa mga bagay-bagay para maging semento, bakal, o kristal. Hindi makagagawa ng mamahaling alahas na ginto o kaya ay matalas na espada nang hindi nagpapanday sa apoy. Maaaring makaisip ng magagandang desenyo ang alahero o ang panday pero tanging apoy lamang ang nakapagbibigay ng aktuwal na hugis at anyo sa kanilang ideya.

Apoy din ang isa sa mga anyo ng pagpapakita ng Espiritu Santo, ang ikatlong Persona ng Santissima Trinidad. Hindi ito aksidente. Ang apoy ang kumakatawan sa kapangyarihan at mga katangian ng Espiritu Santo. Pagnilayan natin kung ano ang sinasabi ng apoy tungkol sa Espiritu Santo.

Una, sadyang mabisa ng apoy para makapagpabagong-anyo at makalikha ng mga bagong posibilidad. Ganito rin naman ang Espiritu Santo. Ang Espiritu Santo ang kapangyarihan na nakapagpapabagong-buhay sa sinumang lubusang tumatanggap nito. Gumagawa ang Espiritu Santo ng paraan kahit para sa atin ay wala nang daan. Siya ang Panginoon ng mga bagong simula at mga bagong posibilidad.

Ikalawa, mainit ang apoy. Kapag malamig, naghahanap tayo ng init. Sa mga lugar na may panahon ng taglamig, ang mga tahanan ay may tinatawag na “fireplace” kung saan sa paligid nito ay natitipon ang mag-anak para makadama ng init sa panahon ng kalamigan. Kapag nagka-camping naman, hindi nawawala ang bonfire pagsapit ng malamig na gabi. Ganito rin ang Espiritu Santo. Siya ang init ng pagmamahalan ng Diyos Ama at Diyos Anak sa isa’t isa. Sa pag-alab ng pagmamahalang ito ni Jesus at ng Ama, pati sa atin ay naipadarama ang init ng pagmamahal. At sa pag-alab din ng ating mga puso, ang Espiritu Santo rin ang dapat na maging apoy ng ating pagmamahal sa ating kapwa. Ang tunay na pag-ibig, pagmamalasakit, at pagkalinga sa ating kapwa ay paglalagablab ng Espiritu Santong nananahan sa ating mga una nang minahal ng Diyos.

Ikatlo, apoy ang nagbibigay-liwanag kung saan may kadiliman. Kung saan may apoy, ang lahat ay maliwanag. Dahil sa katangiang ito ng apoy, nakikita natin ang dapat nating makita. Ito rin ang ibinubunga sa atin ng Espiritu Santo: kaliwanagan. At sa liwanag lamang na ito, nakikita natin at nakikilala ang ating mga sarili, ang ating kapwa-tao, at ang Diyos mismo. Napagmamasdan at napahahalagahan din natin ang lahat ng sanilikha dahil ang sanilikha ay nasisilayan ng liwanag ng mapanlikhang Espiritu Santo.

Ikaapat, nakapagpapadalisay ang apoy. Apoy ang ginagamit para maging puro ang mahahalagang metal gaya ng pilak at ginto. Apoy rin, sa ibang anyo nito, ang pinanlilinis sa sugat. At ang lahat ng ginagamit sa paglilinis ng sugat ay dapat na dumaan sa apoy. “Sterilization” ang tawag dito. Ang lahat din naman ng pagkaing dumaan sa apoy ay malinis. Ganito rin ang Espiritu Santo. Siya ang tagapagpadalisay. Nililinis Niya ang ating karumihan. Nilalamon ng Kanyang paglalagablab sa atin ang anumang meron tayong sagabal sa pagiging dalisay na mga anak ng Diyos at alagad ni Kristo.

Ikalima, may mga katangian ang apoy na makalikha sa atin ng iba’t ibang mga damdamin. Pinamamangha tayo ng fireworks. Pinatitindi ng vigil lamps sa ating altar ang damdamin natin sa pananalangin. Nararamdaman natin ang pagiging kaisa sa paligid ng fireplace. At pinasasaya tayo ng mga bonfire, hindi ba? Lumilikha rin sa atin ng iba’t ibang magagandang damdamin ng pagkamangha, pananalangin, pagkakaisa, at kaligayahan ang Espiritu Santo.

Marami pa tayong maaaring sabihing mga katangian ng apoy na may sinasabi tungkol sa Espiritu Santo. Ngunit, sa pagwawakas ng ating pagninilay, isa pa ang napakahalagang makita at mabanggit natin. Ang apoy ay may kapangyarihang kumalat at lumaki. Hindi maaaring maitago ang apoy. Ito marahil ang dahilan kung bakit sinabi ni Jesus sa Kanyang mga alagad: “Kung paanong isinugo Ako ng Ama, gayundin naman, isinusugo Ko kayo”, tapos hiningahan Niya sila at nagpatuloy sa pagsabi, “Tanggapin ninyo ang Espiritu Santo.”

Kung paanong pinag-alab ng Espiritu Santo ang mga puso ng mga sinaunang alagad, gayundin naman hindi natin maitatago ang Espiritung ito na atin rin namang tinanggap sa pamamagitan ng binyag at kumpil. Isinusugo rin tayo ni Kristo. Tinanggap ang Espiritu Santong nag-aanyong apoy, tayo na ang apoy na dapat kumalat, tumupok, lumaki, at pag-alabin ang buong mundo ng presensya ni Jesus.

Maglagablab kayo at baguhin ninyo ang sandaigdigan!

09 May 2010

PAALAM?

Ika-anim na Linggo ng Pasko ng Magmuling-Pagkabuhay
Jn 14:23-29

Kayo ba ay mainipin? Madali ba kayong ma-bored? Ano ba ang madalas ninyong kainipan? Kanino ba kayo madaling ma-bored? May mga pagkakataong inip na inip na tayo at gusto nating kumaripas ng takbo para madaliin ang pag-alis o pagdating. May mga tao rin namang sobrang nakaka-bored, hindi ba? Mas mabisa pa sila sa sleeping pills. Pero kapag mahalaga para sa atin ang isang bagay, mahaba ang ating pasensya: marunong tayong maghintay. Kapag importante para sa atin ang kasalukuyan, marami tayong panahon: hindi tayo nagmamadali. Kung mahal natin ang lilisan, halos pigilan natin ang mga segundo: ayaw nating magpaalam. Tunay nga, sa piling ng ilang tao, hindi natin gustong humiwalay; ngunit sa piling naman ng iba, nagdarasal tayong makaalpas.

Subalit ang paglisan ay sadyang kakambal ng pagdating. Ang buhay ay isang serye ng pamamaalam. Minsan, ang pag-ibig ay nangangahulugan din ng paghihiwalay. At nakakayanan natin ang sakit ng paghihiwalay kapag matitiyak natin ang tatlong mahalagang bagay: una, na ang paghihiwalay ay para sa higit na ikabubuti; ikalawa, na, gaano man katagal ng paghihiwalay, ito ay magwawakas din; at ikatlo, na sa paghihiwalay ay may nananatili pa rin – hindi nawawala ang lahat, bagkus pa, napaiibayo (ika pa nga, “next level” na).

Sa ating ebanghelyo ngayong Linggong ito, batid ni Jesus ang pait na nagsisimula nang maramdaman ng Kanyang mga alagad. Paalis na Siya. Hindi lamang ito malungkot para sa mga alagad Niya. Nakasisindak din ito. Ang mga alagad ay naging sila dahil kay Jesus. Kapag lumisan na si Jesus, anong mangyayari sa kanila? Magiging ano at sino na sila? Hindi lamang batid ni Jesus ang sakit na nararanasan ng Kanyang mga alagad; ramdam Niya ito. Kaya nga’t inihahanda na ni Jesus ang Kanyangmga alagad para sa papipinto Niyang paglisan.

Ngunit tila ang ibinibigay Niyang payo sa kanila ay higit pang humahamon sa bawat-isa sa kanila: “Huwag kayong matakot.” Saan sasalok ng tapang ang mga alagad para hindi nga sila masindak sa hindi nila mapipigilang paglisan ni Jesus? Dapat silang sumalok sa katiyakan ng nabanggit kong tatlong mahahalgang bagay. Una, ang paglisan ni Jesus ay para sa higit na ikabubuti sapagkat, si Jesus na rin ang nagsabi, hindi mananaog ang Espiritu Santo kung hindi Siya lilisan. At napakahalagang dumating ang Espiritu Santo dahil ang Espiritu Santo, ayon kay Jesus, ang magtuturo sa mga alagad ng lahat ng bagay at magpapaalala sa kanila ng lahat ng Kanyang sinabi. Ikalawa, hindi pangwalang-hanggan ang paglisan ni Jesus. Ika pa nga Niya, Siya raw ay aalis ngunit babalik din Siya. Aalis daw Siya upang ipaghanda ng matitirhan ang mga nananalig sa Kanya, at kapag naipaghanda na Niya sila ng matitirhan, babalik Siya upang kung nasaan Siya ay naroroon ding kasama Niya ang mga sumasampalataya sa Kanya. At ikatlo, may mananatili sa mga alagad kahit pa sa paglisan ni Jesus: ang Kanyang pag-ibig, ang Kanyang Espiritu Santo, at ang Kanyang kapayapaan. Samakatuwid, ang paglisan ni Jesus ay hindi wakas ng kaugnayan sa Kanya; bagkus, pagpapaibayo pa nga. Simula ngayon, ang pakikipag-ugnayan kay Jesus ay hindi na sa pamamagitan ng paningin kundi ng pananalig, hindi sa pamamagitan ng mga mata kundi ng puso, hindi sa pamamagitan ng malinaw na pagkakakita kundi sa pamamagitan ng matalas na pagdama.

Sa paglisan ni Jesus, hindi Niya iniiwan sa Kanyang mga alagad ang mga kasagutan sa bawat tanong ng buhay. Ang mga alagad ay kailangang magbata ng maraming mga paghihirap, harapin ang hindi mabilang na kalituhan at kalabuan, at danasin ang iba’t ibang mga pag-uusig, kabilang na ang kamatayan mismo. Batid iyon ni Jesus. Maging sa loob ng kanilang sariling sambayanan, ang mga alagad ay hindi laging magkakasundo sa lahat ng mga bagay. Ang kuwento sa ating unang pagbasa sa Misang ito – ang pagtatalo tungkol sa usapin ng kung tutuliin ba o hindi ang mga hindi Judyong naging kaanib ng sambayanang Kristiyano – ay una at isa na ngang halimbawa ng maiinit na usaping humati sa mga sinaunang Kristiyano.

Bagamat iisang Jesus ang kanilang nakasalamuha, naranasan, at sinampalatayanan, ang mga alagad ay may kani-kaniyang alaala at pag-unawa kay Jesus. Dahil dito, iba-iba rin ang kanilang bibigyang-diin tungkol sa Pananampalataya. Sa sinasapit nilang pag-uusig mula sa mga hindi kaanib at sa karanasan din nila ng hindi pagkakasundo ng mga kaanib naman, higit nga nilang dapat paganahin ang kanilang pananampalataya kay Jesus at tunay nga nilang kailangan ang pangakong Espiritu Santo.

Natutunan ng mga alagad ang isang napakahalagang aral na tayo rin ay dapat makaunawa: lumisan si Jesus pero hindi Siya naglaho. Nawala si Jesus sa ating paningin pero hindi Siya naglaho sa ating buhay. Na lingid Siya sa ating paningin ay hindi nangangahulugang naglaho na nga Siya. Hindi sapagkat, di tulad ng mga pinagpalang alagad, hindi na natin nakikitang naglalakad si Jesus o naririnig ang Kanyang tinig o nahahawakan ang Kanyang kamay ay nangangahulugang hindi natin Siya singkapiling hung ihahambing noong kasa-kasama pa Siya ng mga alagad sa pisikal na paraan. Ang nagbago lamang ay ang paraan ng pagsasapiling ni Jesus. At dahil kapiling pa rin Siya sa ibang paraan, makikita, maririnig, at mahahawakan pa rin Siya ngayon sa iba ring paraan. Sa kasalukuyan, nararanasan natin ang bagong presensya ni Jesus sa pamamagitan ng pananampalataya. Sa tuwing namumuhay tayo ayon sa Kanyang salita, sa tuwing tayo ay nagiging mga daan ng Kanyang kapayapaan, sa tuwing pinagsisilbihan natin ang ating kapwa nang taus-puso, mapagmahal, at may kapakumbabaan, at sa tuwing hinahayaan nating gabayan tayo ng Espiritu Santo sa gitna ng ating mga karanasan ng kalituhan, pag-uusig, at maging hidwaan sa loob ng sambayanang Kristiyanong ating kinabibilangan, nararamdaman natin, kaya’t nababatid natin, na si Jesus ay kapiling pa rin nga natin ngayon at magpasawalang-hanggan.

Huwag kayong ma-bored. Kapiling na kapiling natin si Jesus. Huwag kayong maiinip. Mahahayag Siyang muli nang lantaran sa lubos Niyang kaningningan.

Si Kristo’y namatay. Si Kristo’y magmuling nabuhay. Si Kristo’y babalik sa wakas ng panahon.

01 May 2010

HUMPY DUMPTY

(This is a translation of a former posting that is among the CRUMBS that are worth a second serving.)
Ikalimang Linggo sa Panahon ng Pasko ng Magmuling-Pagkabuhay
Jn 13:31-35

Malamang alam ninyo ito:

“Humpty Dumpty sat on a wall,
Humpty Dumpty had a great fall.
All the king’s horses,
and all the king’s men,
couldn’t put Humpty together again.”

Isa po ito sa nursery rhymes na una kong natutunan noong bata pa ako. Siguro po kayo rin. Kilala natin si Humpty Dumpty, hindi ba? Pero sino nga ba si Humpty Dumpty? Ano ba talaga ang kuwento niya?

Si Humpty Dumpty ay nilikha ni Lewis Carroll sa kanyang aklat na pinamagatang Through the Looking-Glass. Si Alice ang pangunahing tauhan sa kuwento ng Through the Looking-Glass. Sa kuwentong ito, nakatagpo ni Alice ang napakaraming mga kakaibang nilalang. Kabilang sa kanyang mga nakilala ay ang isang matandang tupa na laging naggagantsilyo habang pinatatakbo ang isang maliit na tindahan ng mga kakaibang bagay. Isang araw, bumisita si Alice sa tindahan ng matandang tupang ito at, matapos ang kilatising mabuti ang mga paninda, bumili siya ng isang itlog. Habang daan pauwi at bitbit ang itlog na nabili, napansin ni Alice na palaki nang palaki ang itlog. At hindi lamang ito palaki nang palaki, unti-unti ring nagiging anyong-tao ang itlog – may maliliit na braso at binti at isang pagkalaki-laking mukha! Ang napakalaking taong-itlog na ito ay si Humpty Dumpty.

Mabait na nilalang si Humpty Dumpty, maliban na lamang kapag tinatawag siyang “itlog”. Ayaw na ayaw niyang tatawagin siyang “itlog”. Nagagalit siya.

“Anong pangalan mo?” tanong ni Humpty Dumpty kay Alice.

“Ako si Alice,” sagot sa kanya.

“Napakapangit na pangalan!” pintas ni Humpty Dumpty. “Eh, ano naman ang ibig sabihin ng pangalan mo?” patuloy niya.

“Kailangan bang may ibig sabihin ang isang pangalan?” bantulot na tanong ni Alice kay Humpty Dumpty.

“Aba, siyempre, dapat meron!” sabi ng ngingisi-ngising si Humpty Dumpty. “Ang ibig sabihin ng pangalan ko ay ang hugis ko,” patuloy niya. “At napakagandang hugis, hindi ba?” dagdag pa niya. “Ikaw, sa ang pangalan mo,” sabi niya kay Alice, “mahirap malaman ang hugis mo.”

Ano po ba ang pangalan ninyo? Ano ang hugis ninyo? Marahil, ang pisikal nating hugis ay walang kaugnayan sa pangalan natin. Pero may punto si Humpty Dumpty. Lalo na sa ating panahon, karamihan sa ating mga pangalan ay walang sinasabi tungkol sa kung sino tayo o kung ano tayo. Nauwi na lamang ang ating mga pangalan sa pagiging madaling pantawag sa atin. Para sa mga Romano nang matandang panahon, “nomen est omen”, ibig sabihin ay “nasa pangalan ang tadhana” o “ang pangalan ang tadhana.” Sa ating panahon, mahirap malaman ang ating pagkatao kung pangalan lamang ang pagbabasehan. Gayunpaman, minsan binabansagan tayo ng iba ng mga palayaw na tila sumasapol sa ating pagiging kakaiba. Subalit, madalas nakakainis ang mga bansag lalo na kapag tutoo.

May isang batang Judyo mula sa isla ng Cyprus. Kabilang siya sa sinaunang sambayanang Kristiyano. Isa siya sa mga unang misyonerong Kristiyano. Ang pangalan niya ay Jose pero binansagan siya ng mga apostol na Barnabas na ang ibig sabihin ay “son of encouragement” o “anak ng katatagang-loob”.

Sa aklat ng Mga Gawa ng mga Apostol una nating nakikilala si Jose a.k.a. Barnabas. Ayon kay San Lucas, ang sumulat ng Mga Gawa, si Baranabas daw ay isang “mabuting tao, napupuspos ng Espiritu Santo at ng pananampalataya.” Tunay ngang siya ay “anak ng katatagang-loob” sapagkat pinatatag niya ang kalooban ng mga sinaunang Kristiyano upang manatili sa kanilang pananampalataya kay Jesus. Tila may kaya rin itong si Barnabas dahil, ayon din sa aklat ng Mga Gawa, ipinagbili raw niya ang kanyang lupain at ibinigay sa mga apostol ang pinagbilhan para sa gawain ng pananampalataya.

Nang magbagong-buhay si Saul at naging Pablo, tatlong taon siyang nag-retreat sa disyerto ng Arabia bago siya pumunta sa mga apostol. Pagkatapos ng tatlong taong renewal course sa Espiritu Santo, nagpakita siya kay Simon Pedro. Dahil siya ang dating tanyag na mang-uusig ng mga Kristiyano, naging malamig ang pagtanggap ng mga mananampalataya kay Pablo sa simula. Hindi naiwasang pagsuspetsahan nila siya. Mahirap kasing paniwalaan agad na ang dating mang-uusig nila ay gustong namang mapabilang sa kanila ngayon. Para maiwasan ang anumang posibleng kapahamakang maaaring mangyari kay Pablo, tiniyak ng mga pinuno ng sambayanang Kristiyano na pabalikin siya sa Tarsus.

Pero may naniwala kay Pablo, pinatatag ang kanyang kalooban sa pagtahak sa kanyang bagong buhay at tinulungan siya. Siya ay walang iba kundi si Jose a.k.a. Barnabas. At nang isugo ng mga apostol si Barnabas upang pangalagaan ang Iglesiya sa Antioch, ang punong-lungsod ng Syria, hinanap niya si Pablo at inanyayahang maging katuwang niya sa paglilingkod. Sa loob ng isang buong taon, magkatuwang si Pablo at Barnabas sa pangangalaga ng sambayanang Kristiyano sa Antioch. Sa Antioch tayo unang tinawag na mga Kristiyano, ibig sabihin ay mga alagad ni Kristo. At hindi aksidente kung bakit. Palibhasa sinabi ni Jesus, “Mag-ibigan kayo! Kung paanong inibig Ko kayo, gayundin naman, mag-ibigan kayo. Kung kayo ay mag-ibigan, makikilala ng lahat na kayo ay mga alagad ko.” Isinabuhay ni Barnabas ang atas na ito ni Jesus at inibig niya si Pablo tulad ng pag-ibig ni Kristo. Si Barnabas ang pinakamahusay na halimbawa para sa kanyang kawan; kung kaya’t, gaya ng pinatutunayan ng aklat ng Mga Gawa, kapag nakikita ng mga hindi mananampalataya ang mga sinaunang Kristiyano, ang kanilang bukambibig ay ito: “Tingni kung gaano sila magmahalan.”

Subalit ang malakapatirang ugnayan sa pagitan nila Barnabas at Pablo ay hindi nagtatapos sa Antioch. Nagkasama pa sila sa iba’t ibang mga misyonaryong paglalakbay. Sinasabing may humigit-kumulang 1,400 milya silang naglakbay nang magkasama upang ipangaral ang Ebanghelyo ni Kristo. Saanman sila magtungo, gaya ng sinasabi ng Unang Pagbasa ngayon, “pinatatag nila ang kalooban ng mga alagad at pinagpayuhan na manatiling tapat sa pananampalataya.” Nang kailanganing magpatuloy mag-isa si Pablo sa gawaing misyonaryo, ipinadama naman niya sa iba ang katatagang-loob na tinanggap din niya kay Barnabas.

Sa kuwento ni Lewis Carroll, si Humpty Dumpty ay umupo sa isang pader at nahulog. Nang magkagayon, lahat ng mga tauhan ng hari ay dumating at sinubukang buuing muli si Humpty Dumpty pero hindi sila nagtagumpay. Walang nakatulong kay Humpty Dumpty para makabalik sa dating hugis ng kanyang pangalan.

Si Pablo, nahulog din. Samantalang naglalakbay sa daan ng Damascus para usigin ang mga Kristiyano, nahulog si Pablo mula sa kanyang mataas na kabayo. At nang magkagayon, si Barnabas ang tumulong sa kanya tungo sa hugis ng kanyang pangalan. Isinabuhay ni Barnabas ang kanyang pangalan sa pamamagitan ng pagtulong kay Pablong maisabuhay ang sa kanya. Siyang “anak ng katatagang-loob” ay nakahubog ng isang dakilang apostol ni Jesus mula sa isang kilalang mang-uusig ng sinaunang Iglesiya.

Possible lahat sa pag-ibig tulad ni Kristo: nagkakahugis ang buhay ng tao, natatagpuan muli ng tao ang kanyang orihinal na kabutihan, nakapaniniwala siyang muli sa kanyang kakayahan, nalalampasan niya ang panlabas na kapangitan at nakikita ang panloob na kagandahan, napagiging posible ang imposible, at nagiging santo maging ang talamak na makasalanan. Subalit nangangailangan ito ng malaking kabayaran: pagmamahalan natin sa isa’t isa kung paano minamahal ni Jesus ang bawat isa sa atin.

Sa labas ng mundong nilikha ng aklat ni Lewis Carroll, maraming mga Humpty Dumpty na nalalaglag at nangangailangan ng pagbubuong muli. Sa landas ng buhay, nakikita natin sila, basag, bali-bali, nilalayuan, at iniiwang nakahandusay sa alikabok ng kawalang-pag-asa. Maaari nating subuking buuing muli sila, pero hangga’t hindi tayo nagmamahal nang tulad ni Jesus, na ipinadama ni Barnabas kay Pablo, hindi natin sila matutulungang mabuong muli sa hugis ng kanilang pangalan.