01 May 2010

HUMPY DUMPTY

(This is a translation of a former posting that is among the CRUMBS that are worth a second serving.)
Ikalimang Linggo sa Panahon ng Pasko ng Magmuling-Pagkabuhay
Jn 13:31-35

Malamang alam ninyo ito:

“Humpty Dumpty sat on a wall,
Humpty Dumpty had a great fall.
All the king’s horses,
and all the king’s men,
couldn’t put Humpty together again.”

Isa po ito sa nursery rhymes na una kong natutunan noong bata pa ako. Siguro po kayo rin. Kilala natin si Humpty Dumpty, hindi ba? Pero sino nga ba si Humpty Dumpty? Ano ba talaga ang kuwento niya?

Si Humpty Dumpty ay nilikha ni Lewis Carroll sa kanyang aklat na pinamagatang Through the Looking-Glass. Si Alice ang pangunahing tauhan sa kuwento ng Through the Looking-Glass. Sa kuwentong ito, nakatagpo ni Alice ang napakaraming mga kakaibang nilalang. Kabilang sa kanyang mga nakilala ay ang isang matandang tupa na laging naggagantsilyo habang pinatatakbo ang isang maliit na tindahan ng mga kakaibang bagay. Isang araw, bumisita si Alice sa tindahan ng matandang tupang ito at, matapos ang kilatising mabuti ang mga paninda, bumili siya ng isang itlog. Habang daan pauwi at bitbit ang itlog na nabili, napansin ni Alice na palaki nang palaki ang itlog. At hindi lamang ito palaki nang palaki, unti-unti ring nagiging anyong-tao ang itlog – may maliliit na braso at binti at isang pagkalaki-laking mukha! Ang napakalaking taong-itlog na ito ay si Humpty Dumpty.

Mabait na nilalang si Humpty Dumpty, maliban na lamang kapag tinatawag siyang “itlog”. Ayaw na ayaw niyang tatawagin siyang “itlog”. Nagagalit siya.

“Anong pangalan mo?” tanong ni Humpty Dumpty kay Alice.

“Ako si Alice,” sagot sa kanya.

“Napakapangit na pangalan!” pintas ni Humpty Dumpty. “Eh, ano naman ang ibig sabihin ng pangalan mo?” patuloy niya.

“Kailangan bang may ibig sabihin ang isang pangalan?” bantulot na tanong ni Alice kay Humpty Dumpty.

“Aba, siyempre, dapat meron!” sabi ng ngingisi-ngising si Humpty Dumpty. “Ang ibig sabihin ng pangalan ko ay ang hugis ko,” patuloy niya. “At napakagandang hugis, hindi ba?” dagdag pa niya. “Ikaw, sa ang pangalan mo,” sabi niya kay Alice, “mahirap malaman ang hugis mo.”

Ano po ba ang pangalan ninyo? Ano ang hugis ninyo? Marahil, ang pisikal nating hugis ay walang kaugnayan sa pangalan natin. Pero may punto si Humpty Dumpty. Lalo na sa ating panahon, karamihan sa ating mga pangalan ay walang sinasabi tungkol sa kung sino tayo o kung ano tayo. Nauwi na lamang ang ating mga pangalan sa pagiging madaling pantawag sa atin. Para sa mga Romano nang matandang panahon, “nomen est omen”, ibig sabihin ay “nasa pangalan ang tadhana” o “ang pangalan ang tadhana.” Sa ating panahon, mahirap malaman ang ating pagkatao kung pangalan lamang ang pagbabasehan. Gayunpaman, minsan binabansagan tayo ng iba ng mga palayaw na tila sumasapol sa ating pagiging kakaiba. Subalit, madalas nakakainis ang mga bansag lalo na kapag tutoo.

May isang batang Judyo mula sa isla ng Cyprus. Kabilang siya sa sinaunang sambayanang Kristiyano. Isa siya sa mga unang misyonerong Kristiyano. Ang pangalan niya ay Jose pero binansagan siya ng mga apostol na Barnabas na ang ibig sabihin ay “son of encouragement” o “anak ng katatagang-loob”.

Sa aklat ng Mga Gawa ng mga Apostol una nating nakikilala si Jose a.k.a. Barnabas. Ayon kay San Lucas, ang sumulat ng Mga Gawa, si Baranabas daw ay isang “mabuting tao, napupuspos ng Espiritu Santo at ng pananampalataya.” Tunay ngang siya ay “anak ng katatagang-loob” sapagkat pinatatag niya ang kalooban ng mga sinaunang Kristiyano upang manatili sa kanilang pananampalataya kay Jesus. Tila may kaya rin itong si Barnabas dahil, ayon din sa aklat ng Mga Gawa, ipinagbili raw niya ang kanyang lupain at ibinigay sa mga apostol ang pinagbilhan para sa gawain ng pananampalataya.

Nang magbagong-buhay si Saul at naging Pablo, tatlong taon siyang nag-retreat sa disyerto ng Arabia bago siya pumunta sa mga apostol. Pagkatapos ng tatlong taong renewal course sa Espiritu Santo, nagpakita siya kay Simon Pedro. Dahil siya ang dating tanyag na mang-uusig ng mga Kristiyano, naging malamig ang pagtanggap ng mga mananampalataya kay Pablo sa simula. Hindi naiwasang pagsuspetsahan nila siya. Mahirap kasing paniwalaan agad na ang dating mang-uusig nila ay gustong namang mapabilang sa kanila ngayon. Para maiwasan ang anumang posibleng kapahamakang maaaring mangyari kay Pablo, tiniyak ng mga pinuno ng sambayanang Kristiyano na pabalikin siya sa Tarsus.

Pero may naniwala kay Pablo, pinatatag ang kanyang kalooban sa pagtahak sa kanyang bagong buhay at tinulungan siya. Siya ay walang iba kundi si Jose a.k.a. Barnabas. At nang isugo ng mga apostol si Barnabas upang pangalagaan ang Iglesiya sa Antioch, ang punong-lungsod ng Syria, hinanap niya si Pablo at inanyayahang maging katuwang niya sa paglilingkod. Sa loob ng isang buong taon, magkatuwang si Pablo at Barnabas sa pangangalaga ng sambayanang Kristiyano sa Antioch. Sa Antioch tayo unang tinawag na mga Kristiyano, ibig sabihin ay mga alagad ni Kristo. At hindi aksidente kung bakit. Palibhasa sinabi ni Jesus, “Mag-ibigan kayo! Kung paanong inibig Ko kayo, gayundin naman, mag-ibigan kayo. Kung kayo ay mag-ibigan, makikilala ng lahat na kayo ay mga alagad ko.” Isinabuhay ni Barnabas ang atas na ito ni Jesus at inibig niya si Pablo tulad ng pag-ibig ni Kristo. Si Barnabas ang pinakamahusay na halimbawa para sa kanyang kawan; kung kaya’t, gaya ng pinatutunayan ng aklat ng Mga Gawa, kapag nakikita ng mga hindi mananampalataya ang mga sinaunang Kristiyano, ang kanilang bukambibig ay ito: “Tingni kung gaano sila magmahalan.”

Subalit ang malakapatirang ugnayan sa pagitan nila Barnabas at Pablo ay hindi nagtatapos sa Antioch. Nagkasama pa sila sa iba’t ibang mga misyonaryong paglalakbay. Sinasabing may humigit-kumulang 1,400 milya silang naglakbay nang magkasama upang ipangaral ang Ebanghelyo ni Kristo. Saanman sila magtungo, gaya ng sinasabi ng Unang Pagbasa ngayon, “pinatatag nila ang kalooban ng mga alagad at pinagpayuhan na manatiling tapat sa pananampalataya.” Nang kailanganing magpatuloy mag-isa si Pablo sa gawaing misyonaryo, ipinadama naman niya sa iba ang katatagang-loob na tinanggap din niya kay Barnabas.

Sa kuwento ni Lewis Carroll, si Humpty Dumpty ay umupo sa isang pader at nahulog. Nang magkagayon, lahat ng mga tauhan ng hari ay dumating at sinubukang buuing muli si Humpty Dumpty pero hindi sila nagtagumpay. Walang nakatulong kay Humpty Dumpty para makabalik sa dating hugis ng kanyang pangalan.

Si Pablo, nahulog din. Samantalang naglalakbay sa daan ng Damascus para usigin ang mga Kristiyano, nahulog si Pablo mula sa kanyang mataas na kabayo. At nang magkagayon, si Barnabas ang tumulong sa kanya tungo sa hugis ng kanyang pangalan. Isinabuhay ni Barnabas ang kanyang pangalan sa pamamagitan ng pagtulong kay Pablong maisabuhay ang sa kanya. Siyang “anak ng katatagang-loob” ay nakahubog ng isang dakilang apostol ni Jesus mula sa isang kilalang mang-uusig ng sinaunang Iglesiya.

Possible lahat sa pag-ibig tulad ni Kristo: nagkakahugis ang buhay ng tao, natatagpuan muli ng tao ang kanyang orihinal na kabutihan, nakapaniniwala siyang muli sa kanyang kakayahan, nalalampasan niya ang panlabas na kapangitan at nakikita ang panloob na kagandahan, napagiging posible ang imposible, at nagiging santo maging ang talamak na makasalanan. Subalit nangangailangan ito ng malaking kabayaran: pagmamahalan natin sa isa’t isa kung paano minamahal ni Jesus ang bawat isa sa atin.

Sa labas ng mundong nilikha ng aklat ni Lewis Carroll, maraming mga Humpty Dumpty na nalalaglag at nangangailangan ng pagbubuong muli. Sa landas ng buhay, nakikita natin sila, basag, bali-bali, nilalayuan, at iniiwang nakahandusay sa alikabok ng kawalang-pag-asa. Maaari nating subuking buuing muli sila, pero hangga’t hindi tayo nagmamahal nang tulad ni Jesus, na ipinadama ni Barnabas kay Pablo, hindi natin sila matutulungang mabuong muli sa hugis ng kanilang pangalan.

0 Comments:

Post a Comment

Subscribe to Post Comments [Atom]

<< Home